Palingon-lingon sa paligid si Vincent nang makarating siya sa rooftop. Hinintay niyang makatulog ang asawa bago palihim na pinuntahan ang sinabing lugar ni Romana. "Romana . . ." mahinang tawag niya sa pangalan sa babae. Malamig at madilim ang kapaligiran. Nagbibigay ng kilabot ang malamig na hangin na dumadampi sa kaniyang balat. Napahinto siya sa paglalakad nang may dalawang braso na biglang pumulupot sa kaniyang baywang mula sa likuran. "Akala ko hindi mo na ako sisiputin, Baby. Miss na miss na kita." Isang malawak na ngiti ang sumilay sa kaniyang labi nang matiyak niya na si Romana na iyon. Pumihit siya para harapin ito. "Miss na rin kita. Paumanhin kung hindi na ako nakapagpaalam. Inatake kasi sa puso si Laila. Hindi ko pa magawang ibalik ang kotse mo dahil sa dami ng nangyari."

