BAGO dumating ang oras ng pananghalian ay abala na sa paghahanda sina Ahura at Irene sapagkat sasabay sa kanila si Vector sa araw na iyon. Bukod pa rito’y ayon kay Donovan ay mayroong surpresang bisita si Kirin.
Maging si Donovan at Gantrick ay tumulong na rin sa paghahanda. At dahil nga mga Manager sa hotel sina Donovan at Irene ay nagawa nilang pagandahin at bigyan ng magagandang palamuti ang lugar kung saan sila manananghalian.
Ang mga may kaliitang puno sap algid ay nilagyan nila ng mga adorno na gawa sa mga kabibe na mayroong iba’t-ibang kulay at laki, habang ang mesa naman ay binalutan nila ng dalawang magkaibang tela na mayroong disenyong sa mundo lamang ng mga mortal makikita.
Lahat ng naroroon ay labis ang pagkamangha sa mga nagawa nina Irene at Donovan. Ito pa lamang ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong klase ng salu-salo sa Morag.
“Nasaan nga si Kirin?” tanong ni Gantrick matapos ilapag sa hapag ang ilang mga bagong lutong pagkain.
Natuon naman sa kaniya ang atensyon ni Irene na kasalukuyang nagtutupi ng mga tela na hango sa iba’t-ibang klase ng disenyo.
“Hindi ba’t nasa loob siya kasama ng iba pa at nagluluto ng ating mga makakain?”
Napailing naman si Gantrick. “Ang sabi nila sa akin ay kanina pa raw lumabas si Kirin upang tumulong sa pagsasaayos ng mga bagay-bagay dito.”
“Huh? Hindi ko pa nasisilayan maski ang anino niya rito sa labas mula ng mag simula silang magluto,” wika naman ni Ahura.
Makahulugan ang naging tinginan nina Donovan at Gantrick. “Hahanapin ko na lang siguro siya sa gawing iyon!” anunsyo ni Gantrick.
“Huwag na dahil baka may personal lang siyang inaasikaso. She’s a woman, you know?” pigil naman sa kaniya ni Irene.
“Tyaka nakasisiguro rin ako na nariyan lamang siya sa paligid. Baka siya ay namamahinga lamang. Pabayaan na muna natin siyang mapag-isa,” dagdag pa ni Ahura.
Wala namang nagawa si Gantrick kung hindi ang sundin na lamang ang mga dalaga. Ipinagpatuloy na niya ang ginagawa. Ilang sandali lamang ay natapos na nila ang paghahanda.
Naunang nagpaalam sina Ahura at Irene upang makapaligo sapagkat nanlalagkit na raw sila dahil sa pawis. Muli pa ay nagtungo si Gantrick sa kusina upang itanong kung malapit na bang maluto ang mga pagkain.
Nang makasiguro siya na ilang minuto na lamang ang hihintayin ay bago maluto ang mga iyon ay napagpasyahan na rin niyang magtungo sa kaniyang kubol upang maligo at makapagpalit ng damit.
“Don, I’m going in. You should rest and change as well,” payo ni Gantrick sa kapatid.
“Yeah, just few more minutes and I’m done here!” tugon naman ni Donovan.
At hindi nga nagtagal ay natapos na nga ni Donovan ang ginagawa niyang paglililok ng isang imahe ng gansa sa isang prutas. Kuntento siyang napangiti bago tuluyang nagtungo sa kaniyang munting tahanan.
Nang muling lumabas si Donovan ay naabutan na niya roon ang iba pa.
Tanging sina Kirin, Vector at Almaro na lamang ang kanilang hinihintay upang masimulan ang kanilang munting salu-salo.
“Saan ka nanggaling?” dinig ni Donovan na tanong ni Irene kay Kirin na kararating pa lamang.
“Ah…diyan lang sa tabi-tabi. Nagpahangin lang medyo napagod kasi
ako kanina sa kakaluto eh,” sagot naman ni Kirin.
Hindi naman kumbinsido rito sina Gantrick at Donovan. Ngunit hindi na lamang sila nag salita at ipinagpatuloy na lamang ang planong pag oobserba kay Kirin.
Hindi nila ito nais na gawin subalit talagang binabagabag sila sa isiping ginagamit lamang nito ang katauhan ni Kirin na matagal na palang namatay.
“Sige na magbihis ka na habang wala pa rito si Vector. Hindi mo naman siguro nanaiisin na makisabay sa pananghalian ng hindi pa nagpapalit ng damit?” paalala pa ni Irene kay Kirin.
Hindi naman na nag dalawang salita pa ang dalaga. Kagyat na nagtungo sa kaniyang kubol si Kirin upang maligo at magpalit na rin ng kasuotan. Hindi pa nagtatagal mula nang makaalis ang dalaga ay ang siya namang pagdating nina Vector at Almaro.
Kaagad naman na ipinakilala ni Donovan si Almaro sa mga kasama. “Irene, Ahura, siya si Ginoong Almaro. Tiyuhin siya ni Kirin. Ginoong Almaro sila po si Irene at Ahura mga kaibigan namin ni Kirin.”
Isang matamis na ngiti ang iginawad ni Almaro sa dalawang babae. Inilahad din nito ang kamay.
“Ikinagagalak ko kayong makilala. Maraming salamat sa inyong pagkalinga sa aking pamangkin.”
“Wala pong anuman, Ikinagagalak din po namin kayong makilala. Hindi na po iba sa amin si Kirin kaya naman ay natutuwa kami na malamang mayroon pa pala siyang kapamilya rito sa Babylon,” tugon ni Irene habang inaabot ang nakalahad na kamay ng lalaki.
“Maupo na tayo. Sa ilang saglit na lang ay siguradong lalabas na rin si Kirin mula sa kaniyang kubol,” wika ni Ahura.
Habang hinihintay ang pagdating ni Kirin ay masayang nakikipag-kuwentuhan naman si Almaro kina Irene at Ahura.
Madaling nakapalagayan ng loob ito ng mga dalaga dahil sa likas na sa lalaki ang pagiging mabait.
Makalipas ang ilan pang mga minuto ay tuluyan na ngang lumabas si Kirin. Ito naman na ang pagkakataong hinihintay ng magkapatid upang pasubalian ang kanilang mga pagdududa sa dalaga.
Magiliw na binati ni Irene si Kirin nang makalapit ito sa hapag. Hindi naman nagsasalita si Almaro ng mga sandaling iyon. Pinagmamasdan lamang niya ang wangis ng dalaga mula sa isang sulok.
Napansin ni Almaro ang pagkakahawig nito sa Kirin na kilala niya subalit nararamdaman din niya ang pagkakaiba nila.
“Mabuti naman at nakalabas ka na, kanina ka pa hinihintay ng iyong bisita,” wika ni Donovan na makikita sa mata ang pagdududa sa bagong dating.
Napatingin naman sa kaniya ang dalaga.
“Bisita?”
“Kirin…”
Bumaling naman ang tingin ng dalaga sa nagsalitang lalaki sa gawing kanan niya. Nanatili lamang siyang nakatingin sa lalaki.
“Hindi mo ba ako naaalala?” dagdag pa ng lalaki.
“Paumanhin ngunit sino ka?” tugon naman ni Kirin.
Dahil sa naging sagot ng dalaga ay mas lalong lumakas ang pagdududa nina Donovan at Gantrick na totoo ngang ginagamit lamang ng nilalang na ito ang katauhan ng isang namayapa na.
Nakasisigurong napasulyap si Almaro kina Donovan. Sigurado na siya na hindi ito ang kaniyang pamangkin. Ngunit ipinagpatuloy pa rin ni Almaro ang kaniyang ginagawa.
“Ako ito, ang iyong Tiyo Almaro. Hindi mo na ba ako naaalala?”
Mababakas naman sa mukha ni Kirin ang pagkabigla. Nababasa niya sa mga mata ni Donovan na ito ang may pakana ng lahat.
“Bakit hindi mo siya naaalala? Ang sabi sa akin ni Ginoong Almaro ay malapit kayo sa isa’t-isa noong bata ka pa?” wika ni Donovan.
“P-paumanhin…”
“Bakit? Hindi mo ba siya maaalala o wala ka lang talagang alaala patungkol sa kaniya?”
Tahimik lamang na nakamasid ang iba pa.
Mariing napapikit si Kirin. Nang muli siyang mag-angat ng kaniyang tingin ay may butil-butil na ng luha na matatagpuan sa kaniyang magkabilang mga mata.
“Don, I think that’s enough,” wika ni Gantrick.
Hindi man nauunawaan ni Vector ang mga nangyayari ay mas pinili na lamang din niyang pigilin na si Donovan. Ngunit hindi talaga nagpapapigil ang binata.
“Bakit hindi ka makasagot? May itinatago ka ba sa amin, Kirin?” muli pang tanong ni Donovan.
Si Ahura naman ay nananatili lamang na nakamasid sa mga nagaganap. Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa utak ni Donovan ngunit sa tingin niya ay para rin sa ikabubuti ng lahat ang pagtatanong niyang ito.
Mayroon din kasing nararamdaman na pagdududa si Ahura para kay Kirin. Lalo na kapag biglaang na lamang itong nawawala.
“Enough! What the hell’s wrong with you, Donovan?” bulyaw ni Irene sa binata.
Hindi na napigil pa ni Kirin ang pagpatak ng kaniyang mga luha.
“Patawad, subalit noong makaligtas ako mula sa pag-atake ng mga taga-sunod ng Reyna ay nawalan ako ng alaala. Tanging ang aking mga magulang na lamang ang siyang naaalala ko ng mga sandaling iyon.”
Nakaramdam ng awa si Donovan para sa dalaga kaya naman kahit hindi siya kumbisido sa naging rason nito ay hindi na siya muli pang nag salita at humingi na lamang ng paumanhin sa lumuluhang dalaga.
“P-patawad, Kirin. Marahil ay napagod lamang ako sa paghahanda para sa munting salu-salo na ito,” saad ni Donovan.
Patuloy pa rin ang pag-aalo ni Irene sa kaniyang kaibigan. Naiinis siya sa binata dahil sa ginawa nito kay Kirin.
“Ayos lang. Magtutungo na lamang muna ako sa aking kubol. Hindi na kasi ako nagugutom,” tugon naman ni Kirin.
Mabilis itong naglakad pabalik sa kaniyang kubol.
Pinukol ng masamang tingin ni Irene si Donovan bago muling bumalik sa kaniyang kinauupuan bago maganap ang delubyo sa kanilang salu-salo.
“Hayaan na lang muna natin si Kirin. Pahahatiran ko na lamang siya ng makakain mamaya,” wika ni Vector. Pilit niyang pinalalamig ang sitwasyon.
Tahimik na nilang sinimulan ang kanilang pananghalian. Walang nais na mag salita kaya naman ay si Almaro na ang bumasag sa katahimikan ng paligid.
“Paumanhin, kung hindi sana ako dumating ay malamang masaya kayong nanananghalian ngayon,”
Nag-angat naman ng tingin si Irene.
“Huwag po ninyong sabihin ‘yan. Hindi po kayo ang may kasalanan kundi ‘yang katabi ninyo. Masaya po kami na makilala at makasalo kayo sa hapag.”
Hindi na natiis pa ni Irene ang hindi tanungin si Donovan. “Seriously, Don. What’s wrong with you? Why are you being so harsh on Kirin?”
Hindi naman maapuhap ni Donovan ang sasabihin. Hindi niya maaaring sabihin na pinagdududahan nila ni Gantrick ang katauhan ni Kirin sapagakat batid niya na lalo lamang silang magkakagulo.
“Sorry,”
Tumaas ang kilay ni Irene. Alam niyang mayroong hindi sinasabi sa kanila ang binata. Pero mas pinili na lamang niya na huwag nang palakihin pa ang hindi pagkakaunawaan at tahimik na bumalik na lamang siya sa pagkain.
Ipinagpatuloy na lamang ng lahat ang kanilang pagkain. Maya-maya rin ay muli na silang nagkakabiruan habang nilalantakan ang masasarap na pagkaing nakahain sa hapag.
NANATILI pa ng ilang araw sa Morag si Almaro bago ito tuluyang lumisan. Sa loob ng maiksing panahon na nakasama ito nina Donovan ay napalapit na sila ng husto rito.
Nagkaroon sila ng ama at nakatatandang kapatid sa katauhan ni Almaro.
Napansin din nila ang pakikipag-usap nito kay Vector sa tuwing sasapit ang dapit-hapon. Hindi naman na sila nag abala pa na alamin ang mga pinag-uusapan ng mga ito.
Hindi naman makakalimutan ni Donovan ang huling mga katagang iniwan sa kaniya ng lalaki.
“Huwag mong ibigay nang buo ang iyong tiwala sa mga nilalang na bago mo pa lamang na nakikilala. Hindi lahat ng mabuting ipinakikita sa iyo ay may katotohanan, madalas ginagamit lamang nila ito upang bigyan ka ng mas malalim na sugat.”
Hindi niya alam kung bakit ito sinabi sa kaniya ni Almaro ngunit hindi niya maitatanggi na nag iwan ito ng marka sa kaniyang buong pagkatao.
Batid ni Donovan na sa sandaling nagtiwala ka sa isang tao ay parang binigyan mo na rin sila ng pagkakataon na saktan ka. Kung kaya naman ay kinakailangan na kilalanin mo munang mabuti ang taong pagkakalooban mo ng tiwala na siyang ginagawa niya ngayon kay Kirin.
“You good, Don?” putol ni Gantrick sa pagmumuni-muni ng kapatid.
“Yeah,” matipid na tugon naman ni Donovan.
“Are you still doubting, Kirin?” diretsahang tanong ni Gantrick.
Isang malalim na buntong-hininga naman ang pinakawalan ni Donovan dahil sa katanungang ito ng kapatid.
Gustuhin man niyang ibalik ang buong pagtitiwala niya sa dalaga ay hindi na niya magawa ‘yon magawa ngayon.
“Give it a rest, Brother. She already explained everything. She lost her memories aside from her parents when she survived death. Maybe it’s too unfair for Kirin if we’ll keep doubting her identity,”
“I know. Pero hindi lang talaga ako mapalagay. What if she’s with the White Queen?”
“Then, we’ll deal with her, later on.”
Pagkatapos ng maiksi nilang pag-uusap ni Gantrick ay agad din naman itong umalis. Nanatili pa ng ilang sandal si Donovan sa kaniyang kinatatayuan.
Tinatanaw ang malawak na kakahuyan habang pinapayapa ang kaisipan at pinapalaya ang sarili mula sa walang humpay na pangungulila at pag aalala para sa kanilang ina.
Habang tinatalunton ng binata ang daan pauwi sa kaniyang kubol ay nakasalubong niya si Kirin na may dala-dalang tapayan ng tubig. Alam niyang iniiwasan siya ng dalaga. Marahil ay masama pa rin ang loob nito sa kaniya hanggang sa ngayon.
Tinangka pa sanang mag iba ng ruta ni Kirin ngunit pinigil siya ni Donovan. “Kirin sandali!”
Patakbong nilapitan ng binata si Kirin. Sinubukan nitong kunin mula sa dalaga ang tapayan ng tubig. “Tulungan na kita.”
“Salamat na lamang ngunit kaya ko na ito,” pagtanggi ni Kirin.
Nang muli na sanang hahakbang palayo ang dalaga ay muling nag salita si Donovan.
“Sa totoo niyan ay gusto ko sanang humingi ng paumanhin sa nagawa ko noong nakaraan. Patawarin mo sana ako, Kirin.”
Hindi naman agad na nakaimik ang dalaga ngunit ramdam niya na tunay ang paghingi ng paumanhin ni Donovan kaya naman ay nginitian niya ito. Lumiwanag naman ang anyo ni Donovan.
Ibinigay ni Kirin ang tapayan ng tubig sa binata at tinapik ito sa balikat.
“Kalimutan na natin iyon. Halina’t kinakailangan na ang tubig na ito nina Irene at Ahura.”
Kapwa nakangiti nilang tinalunton ang daan patungo sa mga abala nilang kaibigan.