CHAPTER 1- DONOVAN
ANG may kalasakang tunog ng pinto sa tuwing ito ay tinutuktok ng kaniyang ina at ang huni ng nagkakasiyahang mga ibon ang nagpamulat sa mga mata ng binatang si Donovan.
Katulad ng ibang mga tao ay papungas-pungas pa siyang bumangon mula sa pagkakahiga at nag-unat.
Maririnig din mula sa kaniyang katawan ang resulta ng kaniyang ginagawang ritwal sa tuwing sasapit ang umaga.
“Hey kiddo! Breakfast is ready! Hurry up!”
Napangiti siya nang marinig ang boses ng kaniyang ina sa kabila ng pinto. “I’m not a kid anymore, Mom!”
Narinig pa niya ang paghalakhak nito dahil sa kaniyang tinuran habang bumababa patungo sa kanilang hapag-kainan. Binuksan muna ni Donovan ang bintana at hinayaang madampian ng sikat ng araw ang kaniyang maputing balat.
“What a lovely morning!” wika ng binata sa sarili.
Dali-dali niyang isina-ayos ang kaniyang higaan bago tuluyang lumabas sa kaniyang silid para magtungo sa hapag at sabayan sa pag-aalmusal ang ina at kaniyang kapatid.
Inabutan niya ang inang si Myrna na inihahain sa harap ng kaniyang kapatid ang mga nilutong pagkain. Tinanguan naman siya ng kapatid nang makita siyang papalapit.
“Good morning everyone!” bati niya sa dalawa.
“Magandang umaga rin, anak. Maupo ka na at mag-almusal. May trabaho ka pa hindi ba?” tugon ni Myrna.
“It’s really weird to know na tumagal ka ng isang buwan sa bagong trabaho mo Donovan,” biro ng kapatid na si Gantrick.
“And it is really weird to see you here first thing in the morning bro,” hirit naman ni Donovan.
Matipid na ngiti lamang ang isinukli ng lalaki sa kaniya. Madalas kasi itong wala sa kanilang tahanan dahil sa pagiging abala nito sa trabaho. Isa kasi itong pulis.
Si Donovan ay abala sa buwan-buwan niyang paghahanap ng trabaho. Madalas kasi siyang magkaroon ng problema sa mga naunang employer niya. Isa siyang manager sa isang sikat na hotel ngayon.
Bilang isa sa mga namumuno sa pang araw-araw na operasyon ng establisyementong pinagtatrabahuan niya ay ibinibigay niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga panauhin.
Ngunit ang rason din na ito ang nagiging dahilan upang palagi siyang malagay sa alanganin. Hindi kasi nagtatapos sa trabaho ang pagsisilbing ipinararanas niya sa mga babaeng kostumer nila.
Dahil sa kaniyang panlabas na anyo ay maraming kababaihan ang nahuhumaling sa kaniya.
Mayroon siyang kulay puting buhok na hindi pangkaraniwan para sa bansang kinaroroonan niya.
Mayroon din siyang makinis na balat na tinalo pa ang mga naglalakihang artista sa puti na animo’y ipinaglihi sa nyebe.
Bagama’t hindi kalakihan ang katawan ng binata ay masasabi pa rin na mayroon itong malusog na pangangatawan.
Ipinagmamalaki rin ng lalaki ang mga biloy nito sa magkabilang pisngi na masisilayan sa tuwing siya ay ngingiti.
Noong nakaraang buwan lamang ay napilitan siyang umalis muli sa kaniyang pinagtatrabuhuan sa kadahilanang may nagtatangka nang masama sa kaniyang buhay.
Pinagtatangkaan siyang paslangin ng kabiyak ng isang babaeng nakaugnayan niya ng panandalian.
Kaya naman ngayon ay pilit siyang umiiwas sa mga mapanuksong kababaihan sa bagong establisyemento na pinagtatrabahuan niya.
Kabaliktaran naman ni Donovan sa Gantrick. Bagama’t hindi nagkakalayo ang kanilang mga wangis ay hindi nito prayoridad sa ngayon ang paghahanap ng makakatipan.
Katulad ni Donovan ay mayroon ding mala-nyebeng balat si Gantrick, mayroon itong kulay puting buhok na katulad ng kapatid. Madalas siyang maging tampulan ng tukso noong kabataan niya dahil rito.
Mayroon itong maskuladong pangangatawan hindi ‘tulad ni Donovan sapagkat nahubog nang husto ang katawan nito nang maging isa itong alagad ng batas.
Bagama’t hindi sila palaging magkasundo ay hindi rin naman nila kinasusuklaman ang isa’t-isa. Sadyang hindi lang talaga sila madalas magkasundo sa maraming bagay.
Ang nag-iisa lamang na pinagkakasunduan ng dalawa ay ang pagmamahal nila sa kanilang ina na si Myrna. Katulad nilang dalawa ay hindi rin magpapahuli ito pagdating sa pisikal na kaanyuan.
Sa kabila kasi ng edad nito na apatnapu’t-walo ay maihahambing pa rin ang karikitan nito sa isang dalawampung taon na dalaga, kaya naman ay hindi na nakapagtataka na marami pa rin ang nahuhumaling dito.
“Oh siya, tama na iyang paglolokohan ninyong dalawa at baka kayo ay mahuli pa sa inyong mga trabaho. Bilisan na ninyo sa pag-aalmusal,”
Tahimik naman na sumunod sa utos ni Myrna ang dalawang lalaki. Matapos kumain ay mabilis na nagpaalam ang dalawa kay Myrna upang magtungo sa kanilang mga silid at makapaligo.
Nang muling bumaba ay naabutan ni Donovan si Gantrick na tinitingnan ang kaniyang kabuuhan sa salamin na halatang mamahalin dahil sa napakaganda nitong disenyo.
“Sparring after work?” tanong ni Donovan sa lalaki.
“Sure. I’ll be home at seventeen hundred hours,” tugon naman ni Gantrick.
Dumungaw muna sa kusina si Donovan sandali upang magpaalam sa ina. “I’ll go ahead. Lock the door after we leave.”
Tumango naman si Myrna sa bilin ng anak. Nagtungo si Donovan sa kanilang garahe kung saan naroroon ang kulay itim niyang BMW.
Kasunod naman niyang pumasok doon si Gantrick na nagtungo naman sa kulay abo nitong Mercedez Benz.
“Hey! Be sure not to be late. Kapag nahuli ka na naman mamaya I will not spar with you anymore,” paalala pa ni Gantrick sa kaniya bago tuluyang pumasok sa kaniyang sasakyan at mabilis na pinasibad iyon.
Weekly routine na kasi nila ang magsagawa ng sparring session. Simula kasi sa kanilang pagkabata ay tinuruan na sila ni Myrna kung paano poprotektahan ang kanilang mga sarili laban sa mga nilalang na may masamang tangka sa kanila.
Kaya naman ay hanggang sa kanilang pagtanda ay nadala pa rin nila ang kakaunting kaalaman na mayroon sila pagdating sa pakikipaglaban. Humigit isang oras din na nasa lansangan si Donovan bago niya tuluyang narating ang hotel na pinagtatrabahuan niya.
Matapos niyang maigarahe ang kaniyang sasakyan ay nagtungo na siya sa entrada ng establisyemento upang siyasatin kung nagagawa ba nang maayos ng kanilang mga empleyado ang kanilang mga trabaho.
“Good morning, Sir Don!”
Bati sa kaniya ng isa sa mga receptionist nang mapadaan siya sa reception area. Kinindatan niya lamang ang babae na tila papanawan na ng ulirat ng mga panahong iyon dahil sa naging tugon niya.
“Magandang umaga po, Sir Donovan, kumusta po ang naging byahe ninyo?” tanong sa kaniya ng matandang Janitor nila na si Benny.
“Magandang umaga rin po sa inyo, Mang Benny! Naku, ayos naman po sadyang mainit at mausok lamang talaga sa lansangan,” tugon niya rito.
Si Mang Benny ay isa sa mga pinakaunang manggagawa sa hotel na kaniyang pinagtatrabahuan kaya naman lahat ay mataas ang respeto sa kaniya.
Dahil sa pagiging Janitor niya ay napagtapos niya ang apat niyang anak sa kolehiyo.
Sadyang hindi lamang talaga niya ninais na lisanin ang kaniyang trabaho kahit pa pinatitigil na siya ng kaniyang mga anak dahil ang rason niya ay mahal niya ang trabaho niya at wala rin naman daw siyang gagawin sa kanilang tahanan.
“Naku iho, hindi na mawawala ang polusyon sa mundo. Kung sana ay mas minamahal ng mga tao ang kalikasan ay hindi na mas lalala pa ang sitwasyon ngayon ng ating inang kalikasan.”
Napangiti naman si Donovan sa tinuran ng matanda. Isa din sa naging dahilan kung bakit naging malapit siya rito sa loob lamang ng isang buwan ay dahil magkatulad sila ng pinaniniwalaan. Na dapat pahalagahan ng sangkatauhan ang kalikasan.
“Tama ‘ho kayo, Mang Benny. O siya, tapusin na lamang niyo ang ginagawa ninyo at maaari na kayong magpahinga. Masyadong mainit ang panahon baka kung mapaano pa ‘ho kayo,” bilin niya sa matanda.
Nang tumango ang matanda ay naglakad na siya patungo sa elevator. Magtutungo muna siya sa kaniyang opisina upang siguruhing wala na siyang naiwan na mga trabahuin doon.
Dahan-dahan siyang umupo sa upuang nasa harap ng kaniyang mesa.
Napahalukipkip na lamang siya habang pumapailanlang ang malamyos na musika mula sa kaniyang telepono.
Marahan niyang minasahe ang pagitan ng kaniyang mga mata upang maibsan ang nararamdamang pananakit nito.
Iniisip niya nang mga panahong iyon kung ayos lamang ba sina Myrna at Gantrick.
Magkakapareho kasi silang tatlo ng nararanasan sa tuwing darating ang tag-init. Mabilis niyang kinuha ang kaniyang telepono at hinanap mula sa listahan nito ang numero ni Myrna.
“Hello, Mom? Are you okay?” tanong ni Donovan nang sagutin ng ina ang tawag niya.
“Hey, Son! Ayos lang ako huwag mo akong alalahanin. Mag-iingat ka riyan,” tugon ni Myrna.
Sunod naman niyang tinawagan si Gantrick. “Hello? Gantrick? You okay?”
“Yeah. And you?” ganting tanong ng lalaki.
“I’m fine as well.”
“Okay good. I’ll hang up now. I’m quite busy. Bye!”
Napailing na lamang si Donovan nang maputol ang linya. Hindi na talaga nagbago ang kapatid niyang iyon simula pagkabata. Napakatamad makipag-usap sa ibang tao at parang may sariling mundo, kaya kataka-taka na naging alagad ito ng batas.
Mariin siyang napapikit muli nang makaramdam na naman siya ng pagkahilo. Maya-maya lamang ay may ilang mga imahe ang biglaang na lamang sumulpot sa kaniyang isipan.
Dalawang babae na nasa loob ng isang maliwanag na bola habang may hawak na mga sandatang nakatulos sa isang nilalang na hindi niya maunawaan kung saan nagmula.
Nang matuon sa kaniya ang mata ng isa sa dalawang babaeng nasa loob ng liwanag ay mabilis na nagmulat siya ng mga mata. Doon niya natunghayan si Ella na isang receptionist. May dala itong isang sorbetes na nakalagay sa isang plastic na lagayan.
“Sir, ipinabibigay po ni Ma’am Irene. Nanlibre po siya ng mga sorbetes sa mga naka-duty ngayong araw.”
Subalit sa halip na tanggapin ang inaabot nitong sorbetes ay napatulala lamang si Donovan sa dalagang nasa kaniyang harapan. Hindi mawaglit sa kaniyang isipan ang mga imahe ng babaeng nakita niya sa kaniyang isipan.
Hindi niya maunawaan ngunit tila ba kilala niya ang babaeng iyon hindi lamang niya maalala kung saan at kailan niya ito nakadaupang-palad.
“Sir?”
Nagbalik lamang siya sa katinuan nang muli siyang tawagin ni Ella. “A-ah, yes. Thank you!”
Nahihiwagaan naman si Ella sa ikinilos ng binata ngunit nagkibit-balikat na lamang ito at tinungo na ang pinto at lumabas ng silid. Itinuon na lamang ni Donovan ang kaniyang atensyon sa pagkain ng sorbetes.
Naisip niyang baka dala lamang nang init ng panahon kung kaya’t nagkaroon siya ng pansamantalang halusinasyon.
Dahil sa linamnam ng sorbetes na kaniyang kinakain ay naisipan niyang bilihan nito sina Myrna at Gantrick sa kaniyang pag-uwi.
Nang matapos lantakan ang sorbetes ay napagpasyahan ni Donovan na lumabas mula sa kaniyang opisina at kumustahin ang mga empleyado ng hotel.
Nakasalubong niya sa kaniyang paglalakad si Irene, isa ring manager na katulad niya.
Sa unang tingin ay aakalain mo na isa itong modelo dahil sa malalim at may kalakihan nitong asul na mata, sopistikadang pananamit, at pino nitong paggalaw.
Inaakala pa nga ng iba na ubod ito ng sungit dahil sa pang-mayaman na hilatsa ng mukha ng dalaga ngunit doon sila nagkakamali sapagkat isa na siguro si Irene sa pinakamabuting tao na nakilala niya.
Maalalahanin ito at matulungin. Hindi nito hinahayaang nahihirapan ang mga empleyedo nito sa trabaho.
Ngunit nag-iiba ang ugali nito sa tuwing nasa malapit siya. Nagmimistula itong isang tigre na gusto siyang lapain. Isa kasi ang dalaga sa mga naging nobya ni Donovan noong nasa kolehiyo pa lamang sila. Nang magsawa siya ay ipinagpalit niya ito sa iba.
“Hi, Irene! Thanks for the treat!” bati niya rito.
Awtomatikong nagsalubong ang kilay ng dalaga ng marinig ang sinabi niya. “What treat?”
Napaisip naman si Donovan sa naging tanong nito. Talaga bang hindi nito alam ang sinasabi niya o nagmamaang-maangan lamang ito upang gumawa ng dahilan para suplain siyang muli.
“Ahm…for the Ice cream?” nag-aalangang tugon ng binata.
Mariing napapikit si Irene dahil sa hindi malamang dahilan ni Donovan. Mabilis pa sa kidlat na pumihit ito patalikod sa kaniya. “That darn Ella. Ella!”
Sinundan na lamang niya ng tingin ang pagmamartsa nito palayo sa kaniya.
Ngayon ay malinaw na sa kaniya na hindi rito nagmula ang sorbetes na ibinigay ni Ella sa kaniya. Marahil ay napagkatuwaan na naman ng dalaga ang kawawang si Irene.
Pihado siyang kasalukuyang naghahabulan na namang ang mga iyon.
Maya-maya pa ay may narinig siyang komosyon malapit sa entrada ng establisyemento nila.
Agad siyang nagtungo roon upang alamin ang dahilan ng mga ingay na narinig niya sa paligid. Inabutan niya ang mga empleyado na hindi magkandamayaw sa pag-aayos, paglilinis at pagpapaganda sa paligid.
Hinarang niya ang isa sa mga receptionist na pabalik na sa istasyon nito matapos magtungo sa palikuran upang ayusin ang kaniyang sarili. “Mitch, what’s happening?”
“Sir, Darating daw po si Robert James ngayon,” tugon naman nito.
“Robert James? Sino naman iyon?” muli niyang tanong.
“Siya po yung pinakasikat na artista sa bansa ngayon,”
Napakunot naman ang noo ni Donovan dahil hindi niya maalala kung sino ang artistang tinutukoy ni Mitch sa mga artistang napanood na niya sa telebisyon noon.
Ipinagkibit-balikat na lamang niya ang isiping iyon. Pigil naman sa pagtili ang mga kababaihan nang pumarada sa harap ng hotel ang sasakyan ng kanilang pinakahihintay na panauhin.
Lumapit dito ang valet ng hotel upang alalayan ang lalaki sa paglabas. Binukas nito ang pinto ng sasakyan at binati ang artistang nasa loob niyon.
Nagsalubong ang kilay ni Donovan nang hindi man lamang gumanti ng pagbati ang lalaki sa kanilang valet at dire-diretso lamang sa paglabas sa sasakyan nito.
Nang tuluyang makapasok ito sa kanilang establisyemento ay dumiretso ito sa reception desk kung saan ito kukuha ng kwarto na maaari nitong pagpahingahan.
Nakangiting lumapit si Donovan sa lalaki. “Good morning, Mr. James! I am the General-Manager of this Hotel. I am Donovan Castillo. It’s a pleasure to have you here,”
Inilahad pa ni Donovan ang kaniyang palad upang makipag-kamay sa hindi nila inaasahang panauhin. Tiningnan naman siya nito mula ulo hanggang pa na tila ba inaarok kung katulad nito ay may kaya din siya sa buhay na hindi man lamang tinanggap ang pakikipag-kamay niya.
“Yeah,” matipid na tugon ng lalaki.
Sumulak ang dugo ni Donovan sa pambabastos na ipinakikita nito sa kaniya. Napatiim-bagang siya na hindi naman nakaligtas sa mga mata ng kanilang mga empleyado.
Mabuti na lamang at naging mabilis ang aksyon ni Irene. Agad niyang kinuha ang atensyon ni Donovan.
“Donovan, we still have a vacant room for VIP’s, right?”
Nang nanatili lamang itong nakatitig sa lalaki ay siniko niya ito sa tagiliran dahilan upang mapadako sa kaniya ang mga mata nito. Pinandilatan niya ito kaya naman ay agad na nakuha ng binata ang ibig niyang sabihin.
“Yeah, we do.” Matipid na tugon ni Donovan pagkatapos ay walang salitang nagmartsa palayo sa kanila.
Madilim ang anyo ni Donovan na bumalik sa kaniyang opisina. Isinandig niya ang kaniyang ulo sa head board ng kaniyang upuan at pumikit upang magpahinga at kalmahin ang kaniyang sarili.