Chapter 1

1817 Words
Chapter 1 Emilia “Good morning, Momma!” masiglang bati ng anak ko nang pumasok siya rito sa kusina. Sinalubong ko naman ito ng halik sa kaniyang pisngi at inalalayan siyang makaupo sa harap ng hapag. May high chair na para lang sa kaniya dahil hindi nito abot ang mesa sa tuwing kumakain kami. Nakahanda na ang lahat, ang mga pagkaing kadalasan kong niluluto tuwing umaga para sa aking mag-ama. “Good morning!” Ngumiti ako. Ginulo ko ang buhok niya bago ko siya tinalikuran “Gising na ba ang Papa mo, Rowan?” “He’s still upstairs po. Narinig ko may kausap po siya sa kaniyang cellphone,” sagot nito. “Okay. Hintayin na muna natin siya bago tayo kumain.” Hinarap ko ito nang makuha ko ang tinimpla kong gatas para sa kaniya. “Yes po!” Malawak ang pagkakangiti niya, ganito siya palagi tuwing umaga. Napakasiglang bata. Matalino rin. Matapos kong iabot ang gatas ni Rowan ay tumalikod akong muli upang magtimpla naman ng kape para kay Roman. Ito ang madalas kong ginagawa, ang pagsilbihan silang dalawa tuwing umaga. Maaga akong gumigising upang ipagluto sila bago ako umalis para pumunta sa aking trabaho, nagtitinda ako ng mga sari-saring gulay at mga isda sa may palengke rito sa aming lugar. Ipon ko ito noong nagtatrabaho pa ako sa isang night club, ginawa kong puhunan upang makapagsimula nang maayos na trabaho. Maayos naman ang trabaho ko sa club dahil isa lang akong waitress doon ngunit hindi na ako puwede pa roon dahil hindi na sila tumatanggap ng may asawa. Kahit nakatalikod ako’y ramdam ko ang presensiya niya nang pumasok ito sa kusina. Alam kong masama na naman ng timpla nito tuwing umaga. “Good morning, Papa!” bati ng anak namin. Humarap ako upang salubungin ang tingin nito. Malamig at walang emosyon ang sumalubong sa akin. Kailan pa ba nagkaroon ng sigla sa kaniyang mga mata? Wala akong maalala. “Good morning.” Kahit kinakabahan ay pinilit kong ngumiti at huwag mautal. Sa tuwing malapit kami sa isa’t isa ay natatakot ako na baka saktan niya ako ngunit hindi naman niya ginagawa. Pinagkakasya na lang ang sarili sa masamang tingin at malamig na pakikitungo. Ngunit mas masakit pala ang itinatrato na parang wala lang kaysa sa pisikal na p*******t. Masikip sa dibdib sa tuwing iniisip ko ang bagay na iyon. Parang punyal ang bawat sinasabi niya na nakabaon sa aking puso. “Where’s my coffee?” Umupo siya sa tabi ni Rowan, ipinatong ang mga kamay sa mesa. Mabilis akong kumilos at inilapag ang kapeng tinimpla para sa kaniya. Pagkatapos kong maiabot ang kape ay inihanda ko na rin sa harapan nila ang mga pagkain. “May pupuntahan ako ngayon. Hindi ko mababantayan si Rowan,” sabi nito habang humihigop sa kapeng tinimpla ko. “Sino ang magbabantay sa kaniya? Hindi siya puwede sa palengke,” sagot ko. Nanatili akong nakatayo sa harapan nila. Inangat niya ang tingin sa akin, ang malamig at walang buhay nitong tingin ay ngayo’y nakatuon sa akin. “Kung gusto mo ipabantay mo roon sa baklang kaibigan mo o iwan mo sa mga lalaki mo. It’s up to you, I don’t really care!” Malamig pero may diin. “Ilang beses ko pa bang sabihin sa ‘yo na wala akong lalaki?” Ikinuyum ko ang kamao. Palagi na lamang niya akong pinagbibintangang may lalaki. Hindi ako bayaran at kahit kailan ay hindi ko magawang maghanap ng lalaki dahil alam niya sa sarili niyang mahal ko siya, na mariin naman niyang itinatanggi. “You’re lying again.” Masama na ang kaniyang tingin. “Momma, Papa, huwag na po kayo mag-fight.” Napatingin ako sa anak ko, ikinalma ko ang sarili upang hindi siya matakot. Mabilis ko siyang nilapitan at hinaplos ang magkabila nitong pisngi. “Hindi kami nag-aaway, baby. Kumain kana dahil isasama ka ni Tita Andoy mo ngayon, mamamasyal kayo.” Ngumiti ako. Nakahinga ako nang maluwag dahil naintindihan nito ang sinabi ko. Napansin kong kumakain na rin si Roman. Umayos na rin ako ng tayo at kinuha ang cellphone ko na malapit sa lababo, dahil kanina ay kausap ko rin si Andoy, ang baklang kaibigan ko simula pa ng high school at siyang tumutulong sa akin kay Rowan kapag wala akong mapag-iwanan sa bata dahil abala ang ama nito sa hindi ko malamang dahilan. Nag-text ako kay Andoy na siya muna ang bahala anak ko. Mabuti na lang dahil gustong-gusto nito ang bata na alagaan kaya pumayag siya kaagad. Kung hindi rin naman dahil kay Andoy ay hindi ko alam kung kanino ko iiwanan ang bata sa tuwing nasa trabaho ako. Hindi ko naman siya puwedeng dalhin doon dahil baka maburyo lang siya at magyayang umuwi. - Pagkatapos naming kumain, nauna lang si Roman, ni hindi nito natapos ang pagkain dahil agad siyang umalis nang wala man lang paalam. Hindi ko alam kung saan siya pupunta at wala ring saysay kung tatanungin ko siya dahil sino ba ako sa kaniya? Isa lang akong asawa, ina ng anak nito at ikinasal kaming dalawa pero ‘di ko naramdaman mahal niya ba talaga ako. Pumayag lang siyang pakasalan ako dahil sa batang dinadala ko noon. Akala ko noon ay makukuha ko ang puso niya pero mali pala ako. Miserable na ang buhay ko noon at mas lalong naging miserable ngayon sa piling ni Roman. Mayroong parte sa puso kong masaya dahil kapiling ko siya pero mas nananaig ang sakit sa araw-araw na ipinapakita niyang malamig na pakikitungo. Hindi ko ginusto ang lahat. Kasalanan ko, oo pero ‘di ako ang may gusto. Nadala lang ako nang nararamdaman ko. Tanga ako, eh. Mahal ko, kaya ginawa ko. Pero kapalit pala ng sarap na dinanas sa gabing iyon ay siya namang paghihirap ang dinaranas ko ngayon. Ito ba ang karma ko? Ang ituring akong parang laruan na kung gustuhin niyang sigawan ay gagawin niya? Kailangan ko pa bang maranasan lahat ng ito? Hindi naman ako masamang tao. Ang tanging alam ko lang ay magmahal at magparaya. “Friend, aalis na kami nitong poge kong inaanak! Nag-i-imagine ka pa rin diyan.” Napabalik ako sa reyalidad nang marinig ko ang boses ni Andoy, matinis na boses na pinipilit maging boses babae pero ‘di pa rin nito naitatago ang malalim niyang boses. Kinuha ko ang bag ng anak ko at iniabot iyon sa kaniya. Nilapitan ko rin si Rowan upang halikan ito sa kaniyang pisngi. “Behave ka roon, okay?” Tumango lang siya at ngumiti. Umayos ako ng tayo upang pantayan si Andoy. “Ingatan mo ang anak ko, Doy. Huwag mo siyang paglalaruin sa labas parlor mo baka kung ano pa ang mangyari–” “Hep!” Pinigil niya ako gamit ang kaliwa niya kamay, dahil hawak nito sa kanan ang iniabot kong bag. “Ikaw ang dapat mag-ingat, Emilia. Dahil durog na durog na iyang puso mo.” “Kung ano-ano na naman iyang sinasabi mo. Umalis na lang kayo dahil magtitinda pa ako,” sabi ko. Hindi pinansin ang sinabi nito dahil kahit itanggi ko ay totoo ang kaniyang sinabi. Totoong durog na durog na ako. “Oh siya! Babush na. Ihahatid ko na lang ang bata, huwag ka ng mag-abala pang kunin siya sa parlor.” Tumango lang ako. Sa huling pagkakataon ay nagpaalam ako sa anak ko, hinalikan muli ang kaniyang pisngi bago sila lumabas ng bahay. - Maingay ang paligid at amoy ng karne at isda ang siyang malalanghap mo rito. Ito ang palaging scenario rito sa palengke kung saan ako nagtitinda ng mga gulay at mga isda. Simula nang ikasal kami ni Roman at nanirahan sa South Ridge Village ay kinailangan kong kumayod para sa pamilya namin. Dahil na rin sa wala siyang trabaho. Hindi pa naman nag-aaral si Rowan kaya nakatulong iyon upang mabawasan ang ibang gastusin at nagpapasalamat na lang ako dahil marami akong suki rito sa palengke. Hindi lang naman ito ang trabahong pinapasukan ko dahil tuwing sabado at linggo, tumatanggap ako ng labahin upang kahit papaano’y may maidagdag kami sa gastusin. “Magkano itong gulay, Miss?” Tumingin ako rito. “Ikaw pala iyan, King. 25 pesos lang iyang isang kumpol ng sitaw,” sagot ko. Kinuha ko ang sitaw na iniabot niya at ibinalot iyon sa supot. “Ang ganda mo talaga, Emilia.” Umiwas ako ng tingin. Inipit ko sa aking tainga ang ilang hibla ng buhok ko. “Sira! Ano pa bang bibilhin mo?” tanong ko. “Isang pack ng toyo na rin dahil gusto ni Mama na mag-adobo ng sitaw,” sabi niya. Hindi nawawala ang tingin nito sa akin. Kaya todo ang iwas ko at ayaw kong magtama ang tingin naming dalawa. Ibinalot ko na ang binili nito at saka ko ibinigay sa kaniya. “Salamat,”sabi ko. “Kung wala ka lang asawa ay liligawan talaga kita pero may nauna na sa puso mo,” aniya. Diretso ang tingin sa aking mga mata. Hindi lingid sa akin ang nararamdaman niya dahil sa halos araw-araw ay nandito siya sa palengke at sinasabi iyan sa akin sa tuwing bumibili siya sa mga paninda ko. “Ano ba iyang pinagsasabi mo, King. Alam mo ng may-asawa na ako, kasal na ‘ko, oh.” Ipinakita ko pa sa kaniya ang singsing na bilang tanda na kasal na ako. “Saka kahit wala naman akong asawa ay kaibigan lang ang maibibigay ko sa ‘yo.” “Busted na agad.” Tumawa siya. Iniabot na rin niya ang bayad saka siya nagpaalam na uuwi na. Hindi ko maitatangging may itsura si King, katulad ng aking asawa ay maganda ang kaniyang pangangatawan ngunit kung titimbangin ay kaibigan lang ang tingin ko sa kaniya. Isa siya sa mga suki ko magmula nang magsimula akong magtinda rito sa palengke. Araw-araw na yata siyang bumabalik at dito bumibili. Kaya naging magkaibigan na kaming dalawa. Inabala ko na lang sarili sa pagtitinda. Marami ang bumibili kaya hindi mapagkasya ang sarili at nagpapasalamat ako dahil hindi sila nagagalit kapag matagal kong naiabot ang kanilang binili. Pawisan ako nang sumapit ang hapon. Naubos ang paninda kong karne kaya kailangan kong mag-order sa mga nag-de-deliver ng karne rito. Kaya isinarado ko na ang puwesto ko bago ako umalis doon. Napahawak ako sa aking tiyan ng kumalam iyon. Ngayon ko lang naalalang hindi pala ako nagtanghalian kanina upang makatipid ako. Dahil hapon na rin ay tiniis ko na lang ang gutom. Sakay ng tricycle ay umuwi ako sa aming bahay. Nag-text na rin ako kay Andoy na nakauwi na ako, tinignan ko rin kung may natanggap akong mensahe mula kay Roman ngunit wala man lang akong nakita ni isa. Siguro’y hindi na naman siya uuwi ngayon dahil kasama niya ang taong totoong nagpapasaya sa kaniya, ‘yung taong nilalaman ng kaniyang puso at hindi ako iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD