KAGAYA ng bilin ni Kean ay sa silid ulit ni Brianne siya nagtungo upang doon matulog ngayong gabi. Katatapos lamang niyang maligo. Preskong-presko siya at mabango. Hatinggabi na at kaaalis lang ni Kean. Hinintay pa niya itong makaalis bago siya umakyat sa kaniyang silid dahil iniisip niya na baka may ibibilin pa ito ngunit, kagaya din naman ng sinabi nito sa kaniya kanina ang sinabi nito bago umalis. Nakahiga na sa kama si Brianne at tila nahihimbing na nang kaniyang mapasukan. Maingat niyang inilapat ang dahon ng pintuan tapos ay lumakad na palapit sa kama at maingat ding sumampa roon. Nang makahiga na siya ay nilingon niya si Brianne sa kaniyang tabi. Nakatagilid ito ng higa paharap sa kaniya kaya naman sa tulong ng makulimlim na liwanag na ibinibigay ng lampshade ay maayos niyang

