Adriana’s Point of View
Buong magdamag akong nakatitig sa mukha ni Park Seo Joon sa screen ng aking laptop. Hindi ako makapa-concentrate sa aking isinusulat dahil sa balita ni Ate Celine kani-kanina lang. Napakabiglaan kasi ng balita. Medyo nagui-guilty nga ako kasi ilang taon na rin simula noong huli akong umuwi ng Laguna. Ilang beses na rin nila akong tinawag upang dumalo ng sari’t-saring okasyon ngunit sadyang naging abala ako sa maraming bagay; lalo na ang career ko bilang isang manunulat.
Simula nang pumatok ang aking naisulat na romance novel ay sunod-sunod na events na ang aking kinailangang puntahan. Na-pressure din ako dahil maraming mambabasa ang nag-aabang sa mga susunod kong nobela. Kung alam ko lang na may nararamdaman nang hindi maganda ang aking lolo ay madalas sana akong umuwi. Gusto ko lang naman iwasan ang mga responsibilidad na ipinipilit sa akin ng aking angkan. Isang posisyon sa Azucarera de Valencia na nais ibigay sa akin ng aking mga magulang ngunit sadyang hindi pa ako handang gampanan. Tatlo ang pangunahing operasyon ng aming azucarera na nagsimula pa noong panahon pa ng mga Kastila; ang sugar mill, refinery, distillery, at carbon dioxide plants. Nais nilang pamahalaan ko ang sugar mill at refinery. Si Ate Celine naman sa carbon dioxide plants at kay Kuya Martin naman ang sa distillery. Sa ngayon, si Kuya na ang namamahala sa lahat dahil siya ang nakakatanda sa aming magkakapatid. Pareho silang may pamilya na ni Ate Celine. Ako na nga lang ‘yung naiiwang single sa aming magkakapatid.
Tulad ng aking nabanggit, ang kagustuhan lang naman ng aking lolo ay makitang muli akong sumubok na maikasal.
Gusto ko munang magdahan-dahan sa mga gusto kong gawin sa aking buhay. Sa ngayon, sa pagsusulat umiikot ang aking mundo. Dito ako masaya... at kay Park Seo Joon.
Kung hindi nga lang sana nagloko ‘yung hayop na Juanchong ‘yun ay wala na dapat akong prinoproblemang ganito. Pero simula noong nagloko siya, natakot na rin akong muling sumubok pa.
Hindi na nga ako lumabas para makipag-date. Palagi akong nasa loob ng aking condo unit at nagsusulat. Kung lalabas man ako ay palagi kong kasama si Tristan Mendoza o Trixie, ang transgender kong matalik na kaibigan. Una ko siyang nakilala sa isang party, kakilala siya ng isa kong kaibigan na manunulat. Napakaingay niyang nilalang at walang preno ang kanyang bibig sa kakakuwento ng kung anu-ano. Mula sa mga nakikilala niyang mga lalaki sa gay bar hanggang sa mga nakaka-usap niya sa mga gay apps. Isa siya sa mga taong tulad ni Papalolo ay sabik na magkaroon ako ng karelasyon.
Ewan ko ba. Sadyang may mga taong mas excited pa sa sarili mong lovelife. Napakurap naman ako nang magpop-out ang isang video messaging program sa aking laptop. Ang mukha ni Park Seo Joon ay napalitan ng profile picture ni Kuya Martin. Kaagad ko naman ‘yung tinanggap.
“Adriana Vera Lopez,” ang pagbanggit ni Kuya sa aking buong pangalan kasabay ng paglitaw ng kanyang mukha sa screen. Nasa loob siya ng kanyang opisina sa Azucarera de Valencia. Napakunot naman ako ng noo dahil sa aking narinig.
“Kuya, just don’t,” ang pagsuway ko sa kanya.
“I mean Addie. Happy?” Sarkastiko naman akong tumango. “Narinig mo na ba ang balita?”
“Kung tungkol ito kay Papalolo, narinig ko na mula kay Ate Celine,” ang tugon ko. “Bakit nga ba ngayon mo lang binabalita sa akin? Kung sino pa ang nasa America, siya pa ang nakapagsabi sa akin.”
“Look, I just learned about his situation just now,” ang paliwanag naman niya.
“Bakit? Hindi ba nasa Azucarera ka lang din naman?”
“Addie,” ang seryoso niyang pagbanggit sa aking pangalan. “Nasa Azucarera nga ako but that doesn’t mean na may oras pa akong puntahan sila. Wala ka, at wala rin si Celine. Ako na nga ang umako sa mga responsibilidad na dapat sa inyo.”
“Kuya, ang daming sinabi; nagtatanong lang ako,” ang reaksyon ko naman. “Relax ka lang.” Napa-iling lang naman siya.
“Anyway, when will you come here?” ang tanong niya sa akin.
“Magsasabay kami ni Ate Celine. Hihintayin ko lang siyang makabalik from the US,” ang sagot ko. “Dadalhin ko nga pala ‘yung asawa ko.”
“W-what?!” ang bulalas niya. “You’re kidding, right?”
“I’m not,” ang tugon ko bago nagpalabas ng malalim na hininga.
“Adriana Vera Lopez, how the hell did that happen?!”
“Uhm, nagpakasal ako. Obviously?”
“Wala kang pinapakilala sa amin na lalaki kahit nga boyfriend wala, eh! And now, you’re telling me you have an effin’ husband? Ano ‘yun? Husbands just grow from trees. Ganun ba ‘yun?”
“Kuya... I would appreciate it if you would hold your horses and stop nagging me,” ang komento ko naman sabay tupi ng aking mga kamay. “Let me explain.”
“Fine.” Mukhang ma susubok ngayon ang aking husay sa paggawa ng kuwento bilang isang manunulat. “Well?”
“Ganito kasi ‘yun... the wedding just happened recently,” ang wika ko. Napataas naman siya ng isang kilay. “We decided to get married kasi pakiramdam namin ay para kami sa isa’t-isa. Bakit pa namin papatagalin kung doon din naman ang tuloy?”
“You know what? I don’t have a say on this. It’s your life after all,” ang komento naman niya. “At hindi ka na rin naman bata para pagsabihan ko pa. But... alam ba nila Mama at Papa ang tungkol sa bagay na ito?”
“Uhm, ikaw ang una kong sinabihan,” ang pagsisinungaling ko pa.
“Ano bang nakain mo, Adriana?” Pinanood ko ang paghawak niya sa kanyang mukha; tanda na hindi niya nagugustuhan ang kanyang mga naririnig ngayon. “Don’t tell me, ito ang epekto ng ginawa sa’yo ni Juancho?”
“Kahit kailan ay hindi ako magpapakadesperada sa walang kuwentang lalaking ‘yun!” Sigaw ko sa aking isipan. “Kuya, tulad nga ng sinabi ko... it was love at first sight!”
“Love at first sight?” ang mabagal niyang pag-uulit habang nakakunot ang kanyang noo. “That’s really unlike you,” sa wakas ang komento niya sabay tingin sa lente ng camera. Pakiramdam ko tuloy ay nakatitig siya sa aking kaluluwa at hinuhusgahan ang buo kong pagkatao.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Well, you used to tell us na hindi parang instant noodles ang pagmamahal,” ang litanya niya. “Na kapag linuto ay—
“Handa na pagkalipas ng dalawang minuto.” Pagpapatuloy ko naman. “Oo, Kuya. Naalala kong madalas kong sabihin 'yan.”
“Then, saan na napunta ‘yun?”
“People change, Kuya,” ang palusot ko naman. “Simula noong nakilala ko siya. Naniwala na ako sa power ng love at first sight.”
“Hmm, now, I’m really curious kung sino ‘yan,” ang saad niya.
“Kuya, huwag mo muna sasabihin sa kanila,” ang pakiusap ko sa kanya. “Ako na ang bahalang magsabi sa kanila.”
Ang totoo naman talaga niyan ay kailangan ko pang makahanap ng lalaking magpapanggap bilang asawa ko.
“Well, then. I’ll see you and Celine soon,” ang paalam naman niya.
“Yes, Kuya,” ang huli kong sinabi bago natapos ang aming pag-uusap. Muli ko na namang nakita ang nakakasilaw na ngiti ni Park Seo Joon. “Oppa, puwedeng ikaw na lang ang iharap ko kay Papalolo bilang isang asawa?”
Ang problema na lamang ay kung magugustuhan ni Papalolo ang asawang maipapakilala ko sa kanya. Sa unang pagkakataon ay tinignan ko ang tatlong profiles na binigay sa akin ni Trixie. Sana naman matitino ang mga rinekomenda niyang lalaki. Pangalan at litrato nila ang kanyang pinadala.
Mario Causing Tugas.
“Ang hard namang pakinggan ng kanyang pangalan,” ang komento ko sa aking sarili.
Jomiel Amplayo.
“Kamusta naman apelyido ni Kuya? Bitter na bitter. Kasing bitter ko.”
Karl Casaquite.
“Binabasa ko pa lang, nananakit na.”
Mukha naman silang matitinong nilalang. Makukumpirma ko na lang bukas. Mukhang wala na talaga akong maisusulat pa kaya naman napagdesisyunan kong ipagpabukas na lang. Isinara ko ang aking laptop bago nagtungo ng banyo upang sa aking nightly skincare routine. Madalas akong nasa loob ng bahay pero hindi ‘yun nangunguhulugang dapat ko nang pabayaan ang aking sarili.
Wala na nga akong jowa, chararat pa?
Hindi ako makapapayag, no! Ayokong makasalubong si Juancho sa hinaharap at isipin niyang pumangit ako dahil sa kanya. Pagkatapos makapaghilamos ay naupo ako sa kama at naglagay ng iba’t-iba pang skincare products sa aking mukha. Ang huli kong linagay ang clay mask bago nahiga sa aking kama. Napatingin ako sa mukha ni Park Seo Joon na ipinaskil ko sa kisame. Gusto ko kasing siya ang una kong makita sa aking paggising at ang huli sa aking pagsara ng mga mata. For inspiration purposes, ganern! Ipipikit ko na sana ang aking mga mata nang biglang mag-vibrate ang aking phone. Kinuha ko naman ‘yun mula sa aking side table at tinignan.
Isang reminder tungkol sa isang interview na kailangan kong puntahan sa umaga. May local newspaper kasi na gusto akong i-feature bilang isang manunulat. Ibinalik ko ang phone ko sa night stand. Pinikit ko ang aking mga mata. Umaasa ako na kinabukasan ay may magandang mangyari sa paghahanap ko ng pekeng asawa.