Akala ni Evelyn ay hindi na siya tatawagan para sabihan na tanggap siya bilang secretary niya Mr. Avillarde dahil sa kadaldalan niya sa unang pagkikita nila at maging ang pagtatanong nito tungkol sa ugali nito. Wala rin itong ipinakikitang ekspresyon sa mukha para malaman niya kung natutuwa ba ito sa mga sagot niya. Hindi na siya umaasa na tatawagan pa siya dahil dalawang linggo na rin ang nakalipas. Mabuti na lang at hindi nito pinersonal ang mga tanong ni Evelyn sa kanya.
Ngayon nga ang unang araw ni Evelyn bilang emplyado ng S2J Black Stitch at hindi na siya kinakabahan ngayon. Ito rin ang unang pagkakataon na excited siyang pumasok sa opisina para magtrabaho. Pakiramdam ni Evelyn ay suwerte siya dahil natanggap siya ng isang malaking kumpaniya at nagkataon pa na ang boss ang makasasalamuha niya. Maraming nakapila bilang maging sekretarya ng isang Jack Avillarde dahil bukod nga sa pagiging guwapo nito, na hindi naman talaga maitatanggi, ay malaki ang pasahod nila kahit na bago pa lang.
Bago siya pumasok sa opisina ay nag-iwan pa si Evelyn ng malalim na buntonghininga.
“Good morning, Evelyn,” pagbati ni Charles kay Evelyn pagkatapos ay sinabi niya na sila muna ang mag-uusap dahil kailangang ituro ni Charles ang mga kailangang tandaan sa trabaho pati na rin ang pagpapaliwanag sa ugali na mayroon si Jack Avillarde.
“Good morning, Sir Charles,” balik na pagbati ni Evelyn.
“Huwag mo na akong tawaging sir dahil hindi ako sanay, Charles na lang ang itawag mo sa akin. Hindi naman din ako boss dito kaya sana ay maging komportable ka sa akin.” Tumango si Evelyn at nagsimula na ang pag-uusap nila na may kinamalan sa trabaho. Habang nakikinig si Evelyn ay namamangha siya kung gaano kakabisado ni Charles ang trabaho niya at kaagad na naisip kung kakayanin ba niya iyon dahil ngayon pa lang ay nahihilo na siya. Malaking responsibilidad ang pagiging sekretarya ng CEO ng S2J.
Napansin ni Charles ang pagbabago ng ekspresyon ni Evelyn kaya muli itong nagsalita. “Huwag kang mag-alala, wala akong alam sa mga ganito noong pinagtrabaho ako ni Jack sa kumpaniya niya at dahil na rin sa tulong niya kaya nagagawa ko nang maayos ang trabaho ko. Alam ko na mas kakayanin mo ito kaysa sa akin.” Ilang beses na narinig ni Evelyn ang pagtawag ni Charles kay Mr. Avillarde sa pangalan nito. Si Charles lang ang narinig niyang tumatawag sa pangalan nito kaya naisip ni Evelyn na magkaibigan ang dalawa.
“Salamat, Charles.”
Pagkatapos nilang ikutin ang opisina at pagkatapos siyang ipakilala sa mga emplyado ay pinag-usapan nila ang tungkol kay Mr. Avillarde. Natuwa naman si Evelyn dahil kahit pala tahimik ang mga empleyado sa kumpaniya na ito ay pala-kaibigan naman ang mga ito.
“Unang-una sa listahan na ayaw ni Jack ay—”
Hindi nagawang ituloy ni Charles ang pagsasalita dahil narinig niyang nagsalita si Evelyn na nagsisilbing karugtong ng sasabihin niya. “Hindi siya sumasagot sa mga tanong na may kinalaman sa personal niyang buhay, ayaw niya sa kagaya ko na maingay at madaldal, dapat sumagot kapag kinakausap niya lalo na kapag may tanong siya, at ayaw niyang nasasayang ang oras niya.” Tumatango pa si Evelyn habang sinasabi ang mga iyon. “Iyon ang mga nabanggit niya sa akin kaya hindi ko inaasahan na matatanggap pa ako sa trabaho dahil parang sinabi niya lahat ng katangian ko,” dagdag na pagbibiro pa niya.
Natawa naman si Charles sa pag-uugali ng dalaga dahil ngayon lang siya nakakausap ng babaeng hindi puro kaguwapuhan ng amo niya ang binabanggit. Isa pa, mukhang kakayanin naman ni Evelyn ang pagiging istrikto ni Jack.
“Tama ang mga sinabi mo, makikilala mo naman siya habang magkasama kayo. Masungit lang talaga siya sa una pero magkakasundo rin kayo,” payo pa ni Charles kay Evelyn. “May tanong ka ba tungkol sa kanya?”
“Puwede ba akong magtanong sa iyo?” pagkukumpirma pa ni Evelyn kay Charles. Muling natawa si Charles ngunit tumango naman siya kaya kaagad na nagtanong si Evelyn. “Single ba talaga si Mr. Avillarde at wala siyang nililigawan o nobya ngayon?” mabilis na tanong naman niya at nakita niya ang pagbabago sa ekspresiyon ng mukha ni Charles kaya kaagad naman niyang dinipensahan ang sarili. “Hindi naman sa interesado akong malaman iyon, ang tanong na ito ay para sa kaibigan ko. Siya ang nagsabi sa akin ng hiring dito at siya rin ang nagsabi na subukan ko rito. Hindi ako ang nagtatanong ng tanong na iyon, ah? Para talaga iyon sa kaibigan ko.”
Natawa naman si Charles. “Relax ka lang, wala naman akong sinabi at hindi mo kailangang magpaliwanag. Wala naman akong nakikitang problema kung ikaw man ang nagtatanong ng tungkol diyan. Wala, wala siyang nobya ngayon,” pagsagot ni Charles sa tanong ni Evelyn. “Who knows? Malay mo ikaw na magpatibok ng puso niya,” pagbibiro pa ni Charles sa kanya na kaagad naman niyang hindi pinansin dahil pagsasayang ng oras na pag-usapan ang imposibleng bagay. Hindi rin naman umaasa si Evelyn. Trabaho ang gusto niya at hindi ang CEO ng kumpaniya.
“Nakapagtataka lang na hindi niya hawak ang resume ko habang ini-interview niya ako. Ang ibig bang sabihin nito ay hindi rin niya alam ang achievements at educational background ko? Hindi ba iyon importante sa kanya?” Napansin ni Evelyn na ang mga tanong sa job interview niya ay may kinalaman lahat sa trabaho at hindi man lang nagtanong si Jack sa naging trabaho niya noon o kahit sa kung anumang natapos niya.
“Sa akin niya ipinagkakatiwala ang mga empleyado na may posibilidad na matanggap sa trabaho at hindi siya iyong tipong ng boss na titingin sa kung ano ang tinapos mo, sa kakayahan siya ng isang tao tumitingin kaya hindi niya kailangang tingnan ang resume mo. Sa paraan ng pagsagot mo ay malalaman na niya kung karapat-dapat kang tanggapin.” Napatango pa si Evelyn habang sinasabi iyon sa kanya ni Charles. “Kaunting kaalaman lang, hindi lahat ng empleyado sa kumpaniya na ito ay nakapagtapos ng pag-aaral. Maging ako ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral noong nakilala ko siya pero tinulungan niya akong makapag-aral muli at—”
Napalingon sila noong lumabas si Jack sa opisina niya. “Charles, masyado ka nang maraming sinasabi sa kanya at mukhang hindi na tungkol sa trabaho ang pinag-uusapan niyo. Puwede ko na bang malaman kung ano ang susunod na meeting ko o makikipag-usap ka lang sa bagong kong sekretarya? Sabihin mo lang kung nakaaabala ako sa inyo. Naabala ko ba kayo?” masungit na tanong ni Jack kay Charles ngunit sa halip na kabahan si Charles ay tinawanan pa nito ang binata at patunay iyon na malapit nga talaga sila sa isa’t isa.
“Ang aga-aga mo na namang nagsusungit diyan. Binibigyan ko lang ng kaunting kaalaman si Evelyn tungkol sa kumpaniya,” sagot naman ni Charles. Tiningnan lang siya ni Jack kaya naman nagsalita ulit siya. “Okay, magtatrabaho na nga kami. Papasok diyan sa opisina mo si Evelyn mamaya para siya na ang magsabi sa iyo sa mga susunod na schedule mo.”
“Okay,” sagot ni Jack at akmang isasara na ang pintuan ng opisina niya noong nagsalita si Evelyn. “Sayang talaga ang pagiging magandang lalaki niya, hindi man lang siya marunong ngumiti.” Nilingon nina Charles at Jack si Evelyn, kitang-kita ni Evelyn kung paano mas naging seryoso ang itsura ni Jack kaya kaagad naman siyang yumuko. Isa na namang kahihiyan sa harap ng boss niya.
“May sinasabi ka ba, Espinolista?” tanong ni Jack kay Evelyn.
“Wala po, Mr. Avillarde,” mahinang sagot naman ni Evelyn dahil nasanay siya na sinasabi ang gustong sabihin ngunit mukhang hindi na iyon magandang makasanayan ngayon lalo na at mukhang may allergy ang bago niyang boss sa pagiging madaldal niya.
Hinintay ni Jack na muling mag-angat ng tingin si Evelyn at nagsalita ng, “Café noir.” Pagkatapos niya iyong sabihin ay isinarado na niya ang pinto ng opisina niya.
Mabuti na lang at napag-usapan na nina Evelyn at Charles ang ganoong term na ginagamit ni Jack para sa paghingi ng black coffee. Maging sa iniinom nitong kape ay mayroong kinalaman sa kulay itim. Nabanggit na rin naman ni Charles ang tungkol doon at naituro na rin nito kay Evelyn kung paano ang timpla ng kape na request ni Jack.
“Sige na, dalhan mo na si Jack ng café noir niya bago pa siya magwala sa kadaldalan nating dalawa.”
Tatayo na sana Evelyn ngunit may pahabol pang tanong kay Charles. “Charles, matagal na ba kayong magkaibigan ni Jack?”
“Oo, parang kapatid ko na ang isang iyon. Huwag kang mag-alala kung ang tanong na nasa isip mo ay ang posibilidad na magmahal ulit si Jack, baka ikaw na ang susunod niyang mahalin,” pagbibiro pa ni Charles dahil lahat ng tanong ni Evelyn tungkol kay Jack ay hinahaluan niya ng mga biro. Wala man iyon sa isip ni Evelyn ay naramdaman niya ang pag-init ng mukha niya at nakita ni Charles ang pamumula ng dalaga kaya naman tinawanan lang siya nito.
“Ano ba naman iyong sagot mo, Charles? Wala naman iyon sa tanong ko at saka hindi ko iyon iniisip, ah!”
“Akala mo ba ay hindi ko narinig na sinabihan mo siyang guwapo at hindi lang iyon isang beses, ah?”
“Malinaw naman ang mata ko kaya nakikita kong guwapo siya at ikaw, guwapo ka rin naman!” sigaw pa ni Evelyn bago umalis dahil naisip niya na ang paraan ng pagkakasagot niya kay Charles ay parang dinedepensahan na niya ang kanyang sarili.
PAGKATAPOS NIYANG MAGTIMPLA NG kape para sa boss niya ay pumasok na si Evelyn sa opisina nito. Kabilin-bilinan din ni Charles na ugaliin ang pagkatok at paghihintay sa sagot ni Jack kung maaari na siyang pumasok bago buksan ang pinto.
“Pasok.” Narinig ni Evelyn na sagot ni Jack sa pagkatok niya kaya pumasok na siya.
“Nandito na ang black coffee mo, Mr. Avillarde.”
Naglalakad na si Evelyn palapit kay Jack noong hindi niya napansin ang pagkasira ng heels sa suot niyang sandals kaya napadapa siya sa sahig at natapon sa braso niya ang mainit na mainit na kape. Narinig ni Jack ang pagdaing ni Evelyn kaya kaagad niyang nilapitan at inalis ang coat niya para ipatong sa mahabang binti ng dalaga ng bahagyang nakikita dahil sa pagkakadapa nito.
Nakita ni Jack na natapon kay Evelyn ang mainit na kape kaya pinunasan kaagad niya ang braso ni Evelyn. Sumigaw ito para humingi ng first aid kit para sa braso ni Evelyn.
“Makatatayo ka na ba? Tutulungan na kitang tumayo,” ani Jack habang maingat na inaalalayan si Evelyn. Tinawag niya si Charles na kaagad namang pumasok at tumulong na mapaupo nang maayos si Evelyn. Kaagad naman na lumayo si Jack habang nakapameywang pa at mukhang uminit ang ulo nito dahil sa nangyari.
“Hindi mo ba kayang gawin kahit na ang simpleng bagay lang? Wala pa iyang kinalaman sa totoong trabaho mo bilang sekretarya ko. Paano mo kakayanin kung simpleng pagbibigay lang ng kape ay hindi mo pa magawa?” masungit nitong bungad sa kanya pagkatapos siyang tulungan ni Jack.
Mukhang matatanggal kaagad ako sa trabaho dahil sa kamalasan ko, ani Evelyn sa isip niya habang pinagmamasdan ang boss niya.
Hindi lang mawala sa isip ni Evelyn ang tingin ni Jack sa kanya noong nagsabi ito na tutulungan siyang tumayo dahil kahit saglit lang silang nagkatinginan ay nakakita siya ng kaunting pag-aalala sa mga mata ng binata.
Posible nga kaya ang ang cold at istriktong si Jack ay mag-aalala sa bago nitong secretary na si Evelyn? Kung posible nga iyon, bakit bigla na lang itong nagbago at bumalik sa pagiging masungit?