Kabanata 3

2239 Words
Nakaupo lang si Evelyn at naghahanda na sa pag-uwi. Ang unang linggo niya ay puro pagsasanay at si Charles ang nagpapaliwanag sa mga dapat niyang gawin sa mga susunod na araw. Maganda na sana ang unang araw niya sa trabaho dahil puro pag-alam sa mga dapat niyang matutunan ngunit hindi siya mapakali kung papasok ba ngayon sa opisina ni Jack para sabihin na uuwi na siya o mamaya na lang dahil nahihiya pa siyang humarap sa binata dahil sa kapalpakan na ginawa niya kanina. Simpleng pagbibigay lang ng kape sa boss niya ay hindi pa niya magawa. Hindi rin talaga magtataka si Evelyn kung si Jack na mismo ang sumuko sa sunod-sunod niyang kapalpakan. Sang-ayon naman si Evelyn kay Jack na ang simpleng bagay ay hindi pa niya magawa. Pahamak naman kasi ang lumang sandals na suot ni Evelyn. Nakita ni Charles na nakatingin si Evelyn sa labas ng opisina ni Jack. “Magpapaalam ka na ba na uuwi? Gabi na rin, Evelyn, unang araw mo ngayon kaya huwag kang mag-overtime sa trabaho. Sigurado ako na marami pang overtime ang gagawin mo sa ibang araw.” Napa-buntonghininga na lang si Evelyn dahil sa sinabi ni Charles. Maging kay Charles ay nahihiya siya dahil sa palagay niya ay mas nadagdagan pa ang trabaho nito. Dahil sa nakitang pagkasira ng sandalas na suot ni Evelyn ay kaagad na nagpabili si Jack ng bago at kahit na pilit niyang sinasabi na hindi niya kailangan ng bagong maisusuot ay napilitan siyang tanggapin iyon dahil payo sa kanya ng ibang katrabaho at maging si Charles ay tanggapin ang pagiging mapagbigay ng boss nila. Nahihiya rin si Evelyn dahil masasabi niyang iyon na ang pinakamahal na gamit na mayroon siya ngayon. “Pasensya ka na talaga, Charles. Iniisip ko lang kung nagalit sa akin ni Mr. Avillarde kanina dahil hindi na siya ulit humingi ng kape at hindi na rin ako kinausap.” “Normal iyon sa kanya kaya huwag mo masyadong isipin,” sagot ni Charles sa pag-aalala ni Evelyn. “Siyanga pala, next week ay ipakikita ko rin sa iyo ang bahay na tutuluyan mo. Katabi lang iyon ng bahay ni Jack dahil gusto niya na ganoon ang set up pero huwag kang mag-alala, bibigyan ka pa rin niya ng pahinga at pribadong buhay,” pagpapaliwanag pa ni Charles sa kanya. Ipinabasa ni Charles kay Evelyn kanina kung ano ang kontrata niya bilang isang sekretarya ng isang Jack Avillarde at isa sa mga nakalagay roon ay ang pagtira ni Evelyn sa bahay na malapit kay Jack para sabay silang papasok sa trabaho at sabay rin na makauuwi. “Aayusin ko na ang gamit ko para handa na ako para sa susunod na linggo . . . pero hindi ba niya ako tatanggalin sa trabaho dahil sa nangyari kanina? Ayaw na ayaw niyang pumapalpak sa simpleng trabaho lang, hindi ba?” Natawa si Charles sa tanong ni Evelyn kaya sinagot niya kaagad iyon. “Ayaw niya ng pumapalpak sa trabaho pero tandaan mo na ayaw na ayaw rin niyang may nasasaktan. Nag-alala lang iyon sa iyo kanina kaya ka niya nasigawan at napagalitan. Sige na, tama na ang pag-iisip mo, pumasok ka na sa opisina niya at magpaalam.” Pagkaraang sabihin iyon ni Charles ay umalis na rin ito. Pagkatapos mag-ayos ng mesa ni Evelyn ay tumayo na siya at kumatok sa opisina ni Jack. Hawak niya ang coat na ipinahiram kanina para sabihin na lalabhan muna niya iyon bago ibalik kay Jack. Naka-ilang katok na si Evelyn sa opisina ni Jack ngunit walang sumasagot kaya nagsalita siya at sinabi na papasok na siya dahil may kailangan siyang sabihin. NAPALINGON SI JACK SA malawak at madilim na paligid. Hindi niya alam kung nasaan siya ngunit takot na takot at ramdam na ramdam niya ang mabilis na pagtibok ng puso niya. “Nasaang lugar ako?” Iyon ang tanong niya sa sarili habang pilit na inaalala kung nasaan siyang lugar. Nagsimula siyang maglakad ngunit sa paglalakad niya na iyon ay walang ipinagbabago sa paligid. Madilim pa rin at wala siyang nakikita kaya napaupo siya at nagsisgaw para humingi ng tulong. Nagbabakasakali na may makarinig sa kanya. Bigla na lang siyang napalingon noong nakarinig siya ng boses na nagtatawanan. Pamilyar ang boses na iyon sa kanya kaya napatingala siya kahit na wala pa ring nakikita sa paligid niya. “Jack! Pormang-porma ka, ah!” sabi ng isang masiglang boses na nagmumula sa kanang bahagi ng lugar kung nasaan siya. “Kaya mo pala kami pinilit na pumunta rito ay para makita namin na ikaw ang pinaka-guwapo sa ating magkakaibigan, ah!” sigaw naman ng isang boses na nagmumula sa kaliwang bahagi ng madilim na lugar na iyon pagkatapos ay tawanan lang ang mga boses na iyon ang naririnig niya. Masaya ang mga tawa na iyon kaya naman kahit paano ay kumalma ang mabilis na t***k ng puso niya. Pagkaraan ng tawanan na iyon ay muling bumalik ang katahimikan sa paligid at muling bumalik ang takot niya. Iyon ang katahimikan na ayaw ni Jack dahil alam na niya ang kasunod ng katahimikan na iyon. “Jack! Bakit mo kami iniwanan dito?” “Tulungan mo kami!” “Tulong!” “Nandito pa kami, Jack.” “Balikan mo kami.Tulungan mo kami.” “Huwag mo kaming iwanan dito! Marami pa tayong pangarap!” “Jack! Tulong! Gusto ko pang mabuhay!” Sunod-sunod ang nakabibinging sigaw na narinig niya kaya pilit niyang tinatakpan ang mga tainga niya ngunit sunod-sunod at paulit-ulit pa rin ang mga sigaw na iyon. Bawat sigaw na naririnig ni Jack ay mga boses na mistulang tumutunaw at nagpapahina sa kanya. “MR. AVILLARDE! GUMISING KA! Nananaginip ka!” Napa-singhap si Jack noong naramdaman ang mga haplos at nakarinig ng isa pang sigaw mula sa isang babae. Pagkadilat niya ay nakita niyang si Evelyn ay nasa harapan niya at kaagad naman siyang lumayo kay Evelyn. Lihim siyang nagpapasalamat na nagising kaagad siya ngunit hindi nagustuhan ni Jack na si Evelyn ang nakita niya. “Ano ang ginagawa mo rito?” galit na sigaw ni Jack kay Evelyn. Nagulat naman si Evelyn sa pagsigaw ni Jack ngunit sa halip na intindihin ang pagiging galit ni Jack ay tumakbo si Evelyn para ikuha ng malamig na tubig ang boss niya dahil kitang-kita niya ang mga butil ng pawis sa binata kahit na malamig sa opisina nito. “Mr. Avillarde, uminom ka muna ng tubig. Maayos ka lang ba? Napalapit lang naman ako rito dahil magpapaalam na sana ako na uuwi ngunit nang makita kita na parang may masamang panaginip ay napalapit kaagad ako sa iyo para gisingin ka.” Ibinigay ni Evelyn ang isang baso na may malamig na tubig ngunit tiningnan lang iyon ni Jack kaya naman lumapit pa si Evelyn para kuhanin ang kamay ni Jack para ipaghawak at tanggapin ang bigay niyang tubig. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako dapat natutulog kapag nasa trabaho. Sa rami naman ng puwedeng makakita sa akin ay siya pa, ani Jack sa isip niya. Hindi niya namalayan na nakatulog siya pero dahil sa pagod niya ay tuluyan siyang nakatulog habang nagtatrabaho at nagkataon pa na nagkaroon siya ng masamang panaginip. Napa-pitlag siya noong maramdaman ang mga kamay ni Evelyn sa balikat at leeg niya. Inalis niya iyon pero ibinalik lang ni Evelyn ang mga kamay niya at sinabing, “Nakatutulong ang pagmamasahe ko sa balikat at leeg ng mga magulang ko kapag may masama silang panaginip, baka sakaling makatulong din sa iyo, Mr. Avillarde.” Jack took one of Evelyn’s hand, looked into her eyes and shouted, “I don’t need this. Hindi ko kailangan ng kahit ano mula sa iyo kaya umalis ka sa harapan ko!” Nagulat si Evelyn sa naging ugali nito kaya kaagad niyang inalis ang pagkakahawak ni Jack sa kamay niya. “Pasensya na, nabigla lang din ako kaya ko iyon nagawa. Aalis na ako,” pagpapaalam ni Evelyn. Ano ba naman ang pumasok sa isip mo, Evelyn? Boss mo iyon kaya bakit mo naman gagawin sa boss mo ang ginagawa mo sa mga magulang mo? Boss mo iyon at hindi mo kaibigan para pagaanin ang loob niya! Mawawalan ka talaga ng trabaho sa ginagawa mo. First day mo pa lang ay umuusok na ang ilong ng boss mo dahil galit na agad sa iyo! pagsigaw ni Evelyn sa sarili niya. Nagkasalubong pa sina Evelyn at Charles sa pintuan ng opisina ni Jack kaya itinanong ni Charles kung ano ang nangyari at mukhang napagalitan na naman si Evelyn. Pagkatapos nilang mag-usap ay kaagad namang pumasok si Charles sa opisina ni Jack at itinanong kung ano ang nangyari. “Charles, marami namang sekretarya ang nag-apply ngunit bakit siya pa ang napili mo? Alam mong nagtitiwala ako sa mga napipili mo. Maayos naman ang sagot niya sa akin pero baka sa pagkakataong ito ay mali tayong dalawa sa kanya, hindi ko nakikita na kaya niyang magtrabaho rito. Simpleng trabaho lang ay hindi pa niya magawa at simpleng rules lang ay hindi niya masunod.” “Puwede ko naman sabihin sa kanya na tanggal na siya sa trabaho, sabihin mo lang sa akin kung kailan ko iyon sasabihin sa kanya. Kaya ko nga ipinakilala sa iyo ay para malaman ko kung magugustuhan mo siya sa trabaho na ipakikita niya sa iyo. Kung talagang ayaw mo sa kanya at hindi mo siya mabibigyan ng pagkakataon ay bigyan mo lang ako ng go signal para sabihin sa kanya na wala na siyang trabaho. Ipaaalala ko lang sa iyo na hindi mo pa nakikita kung paano siya magtrabaho kaya ikaw ang bahala kung hindi mo siya kayang bigyan ng pagkakataon. Just let me know.” Umiling si Jack dahil ang sagot ni Charles ay may halong pangongonsensya sa kanya. “Nevermind, nandiyan na siya at sa nakikita ko naman at base sa sinasabi mo ay madali siyang makaintindi ng trabaho. Mukhang nag-e-enjoy ka ngang turuan siya dahil sa pangongonsensya mo sa akin.” “Pero ano ba ang nangyari ngayon? Pinagalitan mo ba ulit siya?” Tumingin si Jack sa mga mata ni Charles. Sa tinginan pa lang nilang dalawa, alam na ni Charles ang ibig sabihin ni Jack. Napa-buntonghininga na lang siya at sinabi kay Jack na, “Hindi naman kita pipilitin na pag-usapan ang tungkol doon pero . . . Jack, hanggang kailan mo iyan isisisi sa sarili mo? Walang kaalam-alam si Evelyn pero sa kanya mo ibinubuhos ang galit mo. Don’t you think it’s unfair? Hanggang kailan ka magiging ganiyan, Jack?” Inialis ni Jack ang tingin sa kaibigang si Charles, umupo at napahawak sa mukha niya. Iyon ang tanong na hindi niya alam kung kailan niya masasagot. “Huwag natin iyon pag-usapan, Charles. Alam mo naman na ayaw ko na iyong pag-usapan pang muli. Sabihan mo na lang si Evelyn na sumunod sa rules na sinabi sa kanya para hindi nagkakaroon ng problema. Simpleng pagbibigay lang ng kape sa akin ay hindi pa niya nagagawa nang tama at ngayon naman ay hindi rin niya alam kumatok at hintayin ang sagot ko bago pumasok sa opisina. Akala ko ba ay sinabi mo na iyon sa kanya? Mukhang hindi naman nakikinig sa iyo.” Patuloy lang ang pagrereklamo ni Jack sa bago niyang sekretarya at nakikinig lang nang mabuti sa kanya si Charles. “Kung makapagreklamo ka naman sa kanya ay parang hindi ka nag-alala noong nakita mong natapunan siya ng mainit na kape. Nasaan na nga ang coat mo? Sabi ko naman sa iyo, kahit ano pang gawin mo para ipakita sa amin na masungit at cold kang klase ng tao ay hindi pa rin nagbabago ang totoong ugali mo. Gentleman ka pa rin kahit na ano ang gawin mo, hindi ka pa rin nagdadalawang-isip na tumulong sa mga nangangailangan kagaya ng itinuro ng mga magulang mo.” Kumunot naman ang noo ni Jack sa pagbanggit ni Charles sa mga magulang niya. “Bakit mo ba sinasabi ang mga iyan?” nagtatakang tanong nito sa kanya. “Nakausap ko si Evelyn bago ako pumasok dito. Pambihira ka naman, puwede bang kalmahan mo lang minsan at kung maaari ay kontrolin mo ang galit mo? Kaya palaging ibinabalita sa mga article na malupit kang boss ay dahil sa ganiyang ugali mo. Gusto ko lang sabihin sa iyo na kaya lang naman sumugod dito si Evelyn nang hindi hinintay ang sagot mo kahit na alam niyang magagalit ka ay dahil nag-aalala siya sa iyo. Wala siyang ibang intensyon kung hindi tulungan ka pero bandang huli ay nasigawan pa siya. Ano sa tingin mo ang mararamdaman niya? Babae pa rin ang kausap mo, ipaaalala ko lang iyon sa iyo.” Tinapik ni Charles ang balikat ni Jack. “At hindi ganiyan ang itinuro sa iyo ng mga magulang mo,” muling binanggit ni Charles ang mga magulang ni Jack. Pagkatapos niyang sabihin iyon at paalalahanan sa dapat gawin na para bang nakatatandang kapatid ang kausap ni Jack ay nagpaalam na si Charles na lalabas ng opisina niya. Napa-isip si Jack sa mga sinabi ni Charles. Bakit ko ba iniisip kung ano ang iisipin niya sa akin? Empleyado ko lang naman siya at ako pa rin ang nagpapasahod sa kanya kaya dapat siyang sumunod sa rules ko at ng kumpaniya ko, ani Jack sa isip niya kahit kabaliktaran naman talaga ang gusto niyang isipin. Iniisip niya na nabigla lang din siya kaya nasigawan si Evelyn. Ayaw man niyang aminin ngunit sa pagkakataong ito ay mukhang tama si Charles.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD