“Siya na nga itong ginising ko pero nasigawan pa ako. Ang dapat nga ay magpasalamat siya sa akin dahil iniligtas ko siya! Paano kung hindi siya nagising dahil sa masamang panaginip na iyon? Kainis talaga! Araw-araw yatang may regla ang boss ko! Siya na nga rin itong binibigyan ko ng masahe ay nagalit pa! Ibang klase talaga ang Jack Avellarde na iyon! Antipatiko! Nakakainis!” ani Evelyn sa isip niya habang nakatingin sa pintuan ng opisina ng boss niyang si Jack. Tanggap naman niyang may mali siya pero hindi niya maiwasan na mainis sa ugali ng lalaki na nagkataong boss niya. “Kung makapagreklamo ka pa kung bakit ako ang naging sekratarya niya ay wagas! Kung hindi lang malaki magpasuweldo at hindi maganda ang benefits ay hindi ako magtitiis sa kanya! Mukhang totoo ang warning sa akin ng security guard! Hindi pa man ako naka-iisang linggo ay ganito na kasama ang loob ko sa kanya!” dagdag pa ni Evelyn sa isip niya habang masama pa ring pinagmamasdan ang pinutuan sa opisina ng boss niya. Narinig niya ang pagtatanong ni Jack kay Charles at maging ang reklamo nito sa kanya ay narinig niya. Bahala na kung tatanggalin siya ni Jack pero gagawin naman ni Evelyn ang trabaho niya, sadyang malas lang siya sa unang araw ng trabaho niya.
Dahil sa nangyari ay parang gusto na lang niyang isipin na imagination lang ang pag-aalala sa mga mata na nakita niya sa boss niya noong natapunan siya ng mainit na kape dahil sa sirang sandals niya.
Maaga siyang pumasok ngayon para simulan ng maaga ang trabaho niya at noong napadaan siya sa opisina ng boss niya ay naalala niya ang naging pag-uusap nila kahapon pati na rin ang pagkakarinig niya sa naging usapan nina Charles at Jack at pagrereklamo nito sa pagiging sekretrya ni Evelyn at nang marinig niya iyon ay umalis na kaagad siya para hindi na madagdagan ang pagkainis niya kay Jack.
Sinipa pa niya ang pintuan pero mahina lang para hindi masaktan ang paa niya pagkatapos ay pinaghahampas pa niya iyon ng papel na hawak niya na para bang gigil na gigil.
“Ano ang ginagawa mo sa pintuan ng opisina ko?” Napatalon naman sa gulat si Evelyn dahil sa malamig na boses ng boss niya. Inihanda muna niya ang pekeng ngiti bago humarap kay Jack.
“May nakita lang po akong ipis na maliit kaya pinapatay ko,” pagdadahilan ni Evelyn para lang hindi isipin ni Jack na nababaliw na siya. Hindi naman niya aaminin na kinakausap niya ang pintuan ng opisina nito para magsabi ng hinanaing.
“Sabihin mo iyan kay Charles para tanggalin na ang tagalinis ng opisina ko dahil hindi naman pala niya nagagawa nang tama ang trabaho niya,” utos ni Jack kay Evelyn na ikinabigla naman niya. Hindi siya makapaniwala sa narinig dahil baka matanggal pa sa trabaho ang walang kasalanan.
“Hindi iyon puwede! Ako ang malalagot kapag nalaman na ako ang dahilan ng pagkasisante niya!” sigaw ni Evelyn sa isip niya habang natataranta sa kung anumang susunod na dapat niyang sabihin.
“Huwag naman pong ganiyan, Mr. Avillarde. Wala bang warning man lang kasi sigurado ako na hindi naman iyon mauulit. Maliit na maliit lang naman, hindi ka naman mamatay sa kaunting dumi,” pagdadahilan pa ni Evelyn habang sinusubukan na maging magaan ang ambiance sa pagitan nilang dalawa. Mukhang panibagong problema na naman ito, ah? Mali ba ang isinagot niya?
“Warning? Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may warning dapat ang isang tao.” Seryoso ang sagot nito. Sobrang aga naman para magsungit ngayong araw. “Ang aga mong dumadaldal, Evelyn. Kung ayaw mong sundin ang utos ko ay ako na lang ang magsasabi kay Charles. Isa pa, puwede bang umalis ka sa pintuan ko dahil alam mo naman na papasok ako. Inuubos mo ang oras ko sa iyo.” Pagkatapos iyong sabihin ni Jack ay gumilid naman kaagad si Evelyn at pumasok na kaagad si Jack sa opisina niya.
“Mr. Avillarde, dapat po pala—” Hindi na naituloy ni Evelyn ang sasabihin niya dahil malakas na isinara ni Jack ang pinto at kaunting-kaunti na lang ay tatama na ito sa mukha ni Evelyn! Mabuti na lang at nakalayo kaagad siya. “Hindi man lang ako pinatapos sa sinasabi ko! Ang sama talaga ng ugali!” pagmamaktol ni Evelyn pero hindi iyon malakas dahil mahabang paliwanagan na naman kapag narinig siya ng boss niya.
Bumalik na siya sa trabaho at pagkatapos naman ng ginagawa niya ay hinintay na lang niya si Charles para ituro pa ang ibang bagay at para maging pamilyar siya sa trabaho niya. Hindi naman nagtagal ay dumating na si Charles pero dumiretso siya sa opisina ni Jack kaya naisip niya kung talagang ipatatanggal ni Jack ang janitor na naglilinis dito sa opisina ni Jack.
Hindi iyon makatarungan kapag nagkataon! Kasalanan iyon ni Evelyn kapag tinotoo ni Jack ang sinabi nito dahil palusot lang naman iyon ni Evelyn.
Paglabas na paglabas ni Charles ay itinanong iyon ni Evelyn. Sunod-sunod nga ang naging tanong niya kaya hindi na iyon nasundan lahat ni Charles at pinakalma na lang niya si Evelyn. Nalito siya sa mga tanong nito nang sunod-sunod kaya nagsalita na siya para hindi na nito maituloy ang mga tanong niya.
“Woah, wait a munite. Slow down, Evelyn. Halos hindi ko na naiintindihan ang mga tanong mo sa sobrang bilis ng pagsasalita mo. May lahi ba kayong rapper at ganiyan ka kabilis magsalita?” Tumawa pa si Charles habang itinatanong iyon. Magaan lang talaga ang buhay kapag si Charles ang kausap samantalagang parang palagi namang may giyera sa pagitan nina Jack at Evelyn. “Isa-isa lang ang pagtatanong, ano ba talaga ang tanong mo sa akin?”
Inulit niya ang tanong kay Charles at mas mabagal na iyon para siguradong naiintindihan.
“Bakit naman iyon gagawin ni Jack? Hindi basta-basta nagtatanggal ng empleyado si Jack lalo na at walang mabigat na dahilan para gawin iyon. Hindi kaya nagbibiro lang siya noong sinabi niya iyon sa iyo? Wala siyang nabanggit na ganoon sa akin.”
Nabigla si Charles sa pagtawa ni Evelyn. “Charles, sa tingin mo ba ay marunong magbiro si Mr. Avillarde? Baka busy na siya ngayon kaya hindi na kaagad naalala iyong sinabi niya sa akin. Isa pa, ang aga-aga niya akong nabigyan ng sermon kanina.”
“Hindi man lang siya pinanghinaan ng loob dahil sa pagsigaw sa kanya ni Jack. Kung iba ang kausap ko ngayon ay baka umiiyak na sa akin at iparirinig kay Jack para makuha ang simpatya nito. Tama nga talaga na siya ang napili ko, iba talaga siya sa mga naging sekretarya ni Jack na pumalit sa akin. Walang nagtagal sa kanila dahil sa ugali ng kaibigan ko kaya sanay ay magtagal dito si Evelyn,” ani Charles sa isip niya habang inoobserbahan ang dalaga. Ang akala niya ay resignation letter na ang susunod na ibibigay sa kanya ni Evelyn.
Nagulat sina Charles at Evelyn sa malakas na kalabog ng pinto ni Jack na siguradong dinig din ng iba pang empleyado na nandito. “Charles, in my office, now!” Pagkatapos sumigaw ni Jack ay muli niyang isinarado nang malakas ang pinto at alam ni Charles na mainit ang ulo ni Jack kapag ganoon ang itsura nito kaya kaagad itong nagpaalam kay Evelyn at pumasok sa opisina ni Jack.
“What’s the matter, Jack?”
“I’ve been calling you on your phone pero hindi mo iyon naririnig pagkatapos ay makikita kong nag-uusap na naman kayo ng bago kong sekretarya. Aminin mo nga sa akin, siya ba ang inuna mo sa listahan dahil may gusto ka sa kanya? Saan mo ba siya nakilala at gaano na kayo katagal na nag-uusap?”
“Wait—what? Wala naman akong nararamdaman para sa kanya at mas lalong hindi kami magkakilala. Ine-entertatin ko lang ang mga tanong niya. Isa pa, palagi mo na lang siyang binabanggit na bagong sekretarya, Evelyn Espinolista ang pangalan niya. May pangalan siya, Jack.”
“Tanong tungkol sa trabaho lang dapat ang sinasagot mo at hindi tungkol sa ibang bagay. Palagi kayong nag-uusap na wala namang kinalaman sa trabaho.”
“May gusto ka ba sa sekretarya mo?” diretsong tanong ni Charles na mas ikina-init ng ulo ni Jack. Sadyang mapagbiro si Charles at siya lang ang nakagagawa ng ganitong biro kay Jack dahil kabisado na niya ang ugali nito.
“Charles, are you out of our mind?” sigaw ni Jack.
Sa halip na matakot si Charles sa sigaw ni Jack ay tinawanan lang niya ito. “You should have seen your face! Nagbibiro lang naman ako dahil alam ko ang ayaw mo sa empleyado na nakikipagdaldalan at maniwala ka sa akin dahil nararamdaman kong iba si Evelyn sa mga naging sekretarya mo na pangalan at pera mo lang ang habol sa iyo. May iba pa nga na inaakit ka, hindi ba? Wala akong nakikitang ganoong kay Evelyn, ni hindi nga yata siya naaakit sa pagiging magandang lalaki mo,” dagdag na biro ni Charles.
“Hindi mo naman siya lubos na kilala, hindi ba? Ano naman ang nakita mo sa kanya para sabihin na iba siya?” tanong ni Jack kaya naman ngumiti si Charles at bibiruin na sana nito ang kaibigan niya tungkol sa pagtatanong tungkol kay Evelyn. Sinasabi ni Charles na mukhang interesado na makilala ni Jack si Evelyn kaya mas naiinis lang ito sa kaibigan niya. Napansin naman iyon ni Jack kaya naman binago ang usapan na binanggit ang trabaho.
“Bago ang lahat, sabihin mo nga sa akin kung bakit ang init ng ulo mo ngayon? Maganda naman ang sales ng kumpaniya mo at maayos naman ang lahat. Bakit nagpapaka-stress ka riyan?”
“Binibigyan mo ako ng sakit ng ulo.”
“Ako pa talaga ang nagbibigay ng sakit ng ulo sa iyo, ah? Bakit mo ba ako tinatawag? Emergency ba iyan at ang init na naman ng ulo mo. Kausap ko lang si Evelyn ay nagkakaganiyan ka na.” Pagkatapos magbiruan ng magkaibagan ay nag-usap na ulit sila tungkol sa trabaho dahil alam naman ng lahat na mas nagiging mainit ang ulo ni Jack kapag hindi nito natatapos ang mga dapat niyang gawin. Hindi na pinansin ni Jack ang pagbibiro ni Charles at binanggit na kung ano ang kailangan niya kay Charles na pinagdiinan pa niyang may kinalaman sa trabaho nila.
Sa kabilang banda naman, habang may inaayos si Evelyn na papel ay hindi sinasadya na muntik na iyon malaglag pero napigilan niya iyon ngunit paulit-ulit siyang may napindot sa laptop niya nang maraming beses dahilan para may mabura sa system na isa sa pinaka-importanteng files na pina-aayos sa kanya ni Jack. Wala siyang back up at hindi niya iyon na-i-save! Hindi autosave ang system na iyon at walang ibang paraan na maisalba ang nabura sa system na iyon. Iyon pa naman ang babala sa kanya ni Jack na ingatan dahil kakaiba ang system nila dahil sa oras na may mabura ay hindi na iyon maibabalik maliban na lang kung may kopya ang files na iyon. Siguradong uusok na naman sa init ng ulo ang boss niya.
Mariin siyang napapikit at pa-simpleng iniumpog ang noo sa mesa dahil sa nangyari. “Hindi na talaga ako aasa na magiging mabait siya sa akin lalo na ngayon na parang naririnig ko na naman ang sigaw niya sa akin. Hindi na rin ba ako dapat umasa na may trabaho pa ako bukas? Bakit ba ito nangyayari sa akin? Hindi naman ako ganito ka-careless noon!” ani Evelyn at napasabunot na lang sa sarili niya.