Halakhak ng mga kasama ko ang namayani sa lugar kung saan kami tumatambay. Mabuti na lang ay marami rin ang mga tao rito. Sa Imelda Park namin napiling magpakaliwaliw, palibhasa ay wala ng exam, at weekend naman bukas. Sa tahungan na rin namin pinili na mag-inom. Kaso may schedule ako bukas, kaya pass ako sa hang-over.
"Oh, cheers!" tuwang-tuwa pa na sabi ni Gio, kaklase ko. Magka-major kami. Civil Engineering. May itsura at mayaman. May ibubuga rin ang utak.
Napailing na lang ako. Pagdating talaga sa walwalan napaka-hyper nitong ulol na 'to.
"TAGAY!" patawa-tawa ring sabi ng katabi ko, si Adrian.
Tropa rin ni Gio, magpinsan, eh. Siya naman ay Archi. May mga nagpapadrawing sa kanya at syempre 'yung mga bayad, allowance niya. May lakas ng loob na magsabi ng tagay pero hindi naman 'yan agad na sasama kung hindi libre.
"Tagay hanggang mamatay!" Chorus pa ng iba, habang ako ay tahimik lang. Mga siraulo. Lima lang naman kami.
"Eh, ikaw Aidan, hindi ka tutungga?" tanong ni Gio. Naka-isang shot na siya.
Umiling ako. "Pass muna..."
"Luh! KJ siya, oh." Si Guerrero na ngayon ay mukhang taga-lagay ng drinks. May kaya rin 'to. Actually, siya talaga ang taga ang sponsor ng alak. Nag-ambag lang ako sa pulutan.
"Tuleg, may aasikasuhin ako bukas, di ako pwede magpakalasing," sabi ko. Kumbaga taga supporter na lang muna ako.
Gusto kong matawa sa naisip ko. Naiiling akong nagsalin na lang ng shot sa shot glass, saka diretsong ininom. Nalasahan ko agad ang pait.
"Ayun..." si Theo habang kinakain na yung pulutan. "Shot pa!" udyok pa niya.
"Gago, 'yun na lang 'yon!"
Humalakhak na lang sila. Namimilit pero tama na, pinagbigyan ko na sila kanina. Nakakadala na umulit ng isa dahil alam ko na kung saan matatapos. Baka magsisi pa ako kinabukasan kaya no choice kun'di magpaalam muna saglit. Lalabas muna ako.
"Huy, Aidan! Huwag ka munang maghahanap ng chiks diyan sa labas!" pahabol pa nila nang papalabas na ako sa kainan ng tahungan.
"Tsk, Ulol!" Naiiling kong sabi.
Pagkalabas ay maraming tao ang sumalubong sa akin. Maingay. May bumibili, may namamasyal, at nag-de-date. Naalala ko lang nung nagliwaliw ako mag-isa sa Park. Dahil hindi lahat ng parte ay may ilaw, lalo na sa bandang mini-bridge at playground. May nakita lang naman ako sa dilim.
Nag-asim na lang ang mukha ko sa naalala. Sana lahat may ka-kiss. Tss. Wala sa sariling napatingala ako. Walang buwan o kahit bituin man lang.
"Naman... uulan pa yata, ah."
At hindi ako nagkamali dahil maya-maya'y nagsimula ng umambon. No choice kun'di tumakbo sa silungan malapit sa maliit na tulay ng park. Ang kaninang mga couple na nakakakat lang sa paligid ay sumilong na rin.
Hanggang sa dumami na ang mga tao rito. Napahinga na lang ako ng malalim. Nang kukunin ko sa bulsa ng pantalon ang cellphone ko para mag-message sa mga kasama ko ay natigil din iyon ng may biglang may nagwisik ng tubig-ulan sa gawi ko.
Yamot akong pinunasan ang cellphone ko, at tumingala kung sino 'yon. "Aish, ano ba---?"
"Ay, hala!" saglit akong napakurap. "Nabasa ka ba?" tanong pa 'nung babae. Napadako naman ang tingin ko sa hawak niya. Kulay plain light pink na payong, mukhang bili pa sa Avon. Halatang basa dahil sa ulan. "Hala, sorry, hindi ko sinasadya..."
Parang naurong ko ang dila. Bakit hindi ka makapagsalita ngayon Aidan? Kita ko ang takot sa mga mata ng babae. Saglit kong pinagmasdan, nakasuot ng simpleng black pants, white T-shirt, at rubber shoes. Medyo basa na rin ang bandang balikat.
"Di, okay lang..." tipid ko lang na sabi saka umusog sa gilid para bigyan siya ng espasyo. Naibalik ko sa bulsa ang cellphone.
Mukhang nakahinga naman siya ng maluwag. Ngumiti siya ng matamis, napaiwas na lang ako ng tingin. Naramdaman ko na tumabi siya sa tabi ko. Bahagyang nilikot ang mga mata, nagawi sa kanya. Nilagay lang niya ang payong sa harapan na nakabukas. Tumingin na lang uli ako sa harapan ko.
Pero, ewan ko ba? Para siyang magnet. Na kahit tanggi ko na 'di ko siya bibigyan ng kahit sulyap ay ibinabalik pa rin ang mga mata ko sa gawi niya. Malinaw at detalye. Kahit na medyo madilim ay hindi naman iyon hadlang upang makita ko ang kanyang mukha. Lalo na ang pagkakadepina.
May katamtamang tangos ang ilong, may kapulahan ang labi. At nang inayos niya ang pagkakatali sa hanggang balikat niyang buhok ay napahinuha ko na siya'y simple. Pinilit kong ibalik ang tingin sa harapan. Ewan ko kung bakit, namalayan ko na lang na may sumusupil na ngiti sa sariling labi.
Nang biglang naramdaman ko ang pagkulbit sa braso. Napalingon ako sa gawi niya, na sinalubong nang kanyang nag-aalangang ngiti.
"Ahm... pasensya na kuya, ah, pwede maki-text? Emergency lang kasi..."
Nakapa ko na lang sa bulsa ang cellphone. "Ah... O-Oo, okay lang," madali kong kinuha ang cellphone at ipinahiram sa kanya. Nagpasalamat naman siya.
Mukhang importante nga dahil nakakunot na ang noo at parang nagmamadali sa pagtipa.
"Ahm... Sim 2," pahabol ko. "Yung may load." Saglit siyang bumaling sa akin at napatango.
Nagmuni-muni muna ako habang naghihintay sa kanya na matapos. Siguro ay inabot ng tatlong minuto bago ko pa marinig ang pagtawag niya sa akin ng kuya.
Lihim na napangiwi na lang ako. Mukha na ba akong matanda?
Inabot niya sa akin ang cellphone ko. "Salamat, ha," napatango ako at tipid na ngumiti, kinuha ko na rin ang cellphone sa kanya at nilagay sa bulsa ng pantalon ko.
"Okay lang," nasabi ko na lang.
Hindi ko naman alam kung ano pa ba ang dapat kong sabihin. Napabuntong-hininga na lang ako ng malalim. Maya-maya'y tumila na rin ang ulan. Nagsimula na ring tumunog ang cellphone ko. Nagmamadaling kinuha ko ulit at nakitang tumatawag si Gio.
"Hello," sagot ko sa tawag.
"Uy, 'asan ka na? Balik ka na dito, baka mamaya may kasama ka nang chiks d'yan," napailing naman ako sa sinabi ni Gio.
"Lol, oo na, babalik na." Naririnig ko pa ang mga kwentuhan sa kabila. "Hindi pa ba kayo tapos d'yan?"
Narinig ko pang humalakhak si Gio. "Bakit? Nawiwili ka ba d'yan?"
Napakunot ang noo ko. "Huh?"
Ayan na naman ang tawa niyang nakakabingi. "Ganda naman ng katabi mo, pakilala mo naman."
Sa sinabi niya'y nanlaki ang mga mata ko at madaling hinanap ang gago. Paglingon ko, ayun, kumaway pa. May malaki pang nakalolokong ngisi habang nakatayo sa 'di kalayuan. Naka-blue hoody jacket pa si Gio.
Nataranta naman ako kahit naman dapat. Saglit kong nilingon ang babae pero agad ko ring binawi. Agad kong nilapitan si Gio saka siya binatukan. Tawa lang ng tawa ang isa.
"Hala, may chiks ka nga?!" natatawang biro pa niya. Kunwari pa siyang nagulat.
"Loko, wala, ah."
Nangingiting umiling-iling lang si Gio, mukhang hindi naniniwala. Napalatak na lang ako dahil sigurado pag-pipiyestahan ako mamaya.
Pero hindi naman nangyari dahil naging sarado ang bibig ni Gio. Himala, ah. Kaso kilala ko 'to, may pabor 'to sigurado. Kahit nakabalik na kami sa tahungan ay nakikisabay pa naman si Gio sa biro at usapan ng barkada. Iyon nga lang ay laging may makahulugang ngiti ang damuho. Napangiwi na lang ako.
Wala naman sa akin ang mga pang-aasar ng mga kasama ko. Kaso ay aabutin pa ng isang linggo bago pa sila magsawa kakaasar sa'kin, o kahit kalimutan iyon.
"O, hinay-hinay kayo, ah!" si Adrian 'yon, nakasakay na sa tricycle. Sa pier 2 pa kasi 'yung boarding house niya pero napiling sumama sa'min kahit malayo ang uuwian niya.
Kami na lang nila Gio, Jason, at Guerrero ang naiwan. Malapit lang naman ako, sa bandang forestry lang.
Nang may napadaan ulit na tricycle ay doon na sumakay ang tatlo. Si Gio naman ay pasimpleng umakbay sa akin.
"May utang ka sa'kin, ah," anito bago tuluyang sumakay sa likuran ng sasakyan.
Alam ko naman kung ano ang ibig sabihn niya. Naiiling ako na lang ako. Iniisip ko pa lang kung ano ang pabor ang hihingiin niya sa susunod ay kinakabahan na ako, kumpara roon sa pang-aasar nila.
Nakita ko na lang ang papalayong sasakyan lulan ang tatlo. Napamulsa na lang ako. Laging gawi. Ako na lang ang naiiwan mag-isa. Naglakad-lakad na rin ako. Malapit na rin mag-lampas alas onse ng gabi, baka saraduhan pa ako.
Nagtext na rin ako sa isang ka-bordmate ko kung sakali. Mabuti na lang ay gising pa ang mga kasama ko sa kwarto. Natawa na lang ako sa reply ni Marwin. Nag-iinom din sila, pero secret lang.
Ewan ko na lang kung hindi sila mayari ng may-ari ng boarding house. Habang naglalakad ay hindi ko maiwasan na mapatingin sa mga taong nakakasalubong ko.
Maingay pa rin ang Imelda Park. May mga nagkakantahan pa nga sa isang karaoke sa loob ng tahungan. Meron din naman na mga nag-de-date mapaliwanag o dilim, eh, hindi mapipigilan ang sweetness nila kumbaga.
"Hayyy..." Napabuntong-hininga na lang ako. "Makauwi na nga lang."
Pabaktas na ako sa bandang playground ng Park. Legit na lang talaga na kailangan mong mag-deretso ang tingin dahil may iba kang makikita. Nasa labas na ako ng gate ng makaramdam ako ng gutom. Parang medyo nagsisi ako na hindi ko dinamihan ang pagkain ng pulutan kanina. May ambag pa naman ako roon.
Kinapa ko ang mga bulsa ko. Nakahinga naman ako ng maluwag ng makita na may 50 pesos pa ako. Nakakita ako ng tindahan sa malapit. Kaagad din naman ako naglakad-takbo papunta 'ron
"Ate pabili nga po," itinuro ko naman ang isang cup noodles na bulalo flavored. "Ahm, pakilagay na rin ng mainit na tubig, kakainin ko na 'ho kasi." Tumango naman ang ale.
"Tag 35 pesos, toy," sabi ng tindera.
Inabot ko naman ang bayad at agad naman ako na sinuklian. Matapos ay inasikaso naman ng ale ang binili ko. Naghihintay ako nang may sumulpot sa tabi ko.
"Ate pabili nga po ng isang cup noodles, beef flavored po. Paki-lagay na lang rin 'ho ng mainit na tubig," anito.
Bahagyang nanlaki ang mga mata ko ng mamukhaan siya. Siya 'yung kanina...
Pero mukhang 'di naman ako nito natatandaan kaya dumeretso na lang ako ng tingin.
"Oh, ito na 'yung iyo, toy," natapos na rin ang tindera. Tinanggap ko na rin agad. Napatingin naman ako sa kanya pero binawi ko agad ng nagkatinginan pala kami pareho.
Umalis na ako sa tindahan, medyo binilisan ang lakad. Pero napalingon na lang ako ng muli niya akong kalbitin mula pa kanina sa silungan.
May dala rin siyang cup noodles sa kaliwang kamay niya. "Huy, taga rito ka?" may ngiti pa niyang tanong.
"Boarder lang," tipid kong sagot.
"Sa Forestry?" tumango na lang ako. "Ah, sa Nursery ako, pero malapit lang naman d'yan sa eskinita."
"Ahh," hindi ko alam kung bakit ang awkward, siguro dahil sa ngayon ko lang naman siya nakita at nakilala.
"Kainin mo na 'yan," turo niya sa cup noodles na hawak ko. "Hindi na bagay kainin kapag na-lata na 'yan."
Sinimulan na niyang kainin ang cup noodles niya. Mukhang nakakahiya naman na hindi siya sabayan kaya kinain ko na rin. Kung hindi dahil siguro sa gutom na rin ako ay baka mamaya pa.
"Makikisabay na rin ako, ha..." biglang sabi niya bago humigop ng sabaw. "Medyo nakakatakot kasi, wala man lang Street lights."
Napatingin ako sa nilalakaran namin ngayon. Sumang-ayon naman ako dahil madilim na rin ang parte sa bandang dulo.
"Okay lang naman," sabi ko.
Natawa siya ng bahagya. "Bakit ba halos 'okay lang' ang sinasagot mo, kuya?"
Hindi naman ako nakasagot.
Dahil... kinakabahan ako? O dahil sa bawat pagsasalita niya'y parang gusto ko lang siyang pakinggan?
Arghh... Aidan, 'nu ba 'yan?
Nang wala siyang marinig na kahit anong sagot mula sa akin ay ngumiti lang siya.
"Feeling close ba 'ko?" kapagkuwan ay sabi niya. Huh? Teka, 'di naman 'yon ang iniisip ko. "Sorry... masyado naman kasing awkward kung masyadong tahimik."
Nataranta ako. Yung mukha kasi niya... parang...
"Wait... Ano, h-hindi---I mean," napapikit ako ng mariin. "Hindi naman sa ganoon. Ayos lang naman sa'kin."
Napataas ang isang kilay niya. "Na feeling close ako?"
"No---" pinutol nang marahan na tawa niya ang sasabihin ko.
"Joke lang, joke lang... Alam ko na 'yon." Nangiti na lang ako.
Nagpatuloy lang kami sa paglalakad hanggang sa nakarating na kami sa Forestry. Mag-iiba na kami ng daanan dahil sa Nursery pa siya. Huminto kami sa bandang may puno.
"Una na ako, salamat sa pagpasabay," aniya na nakangiti.
Nakita kong pareho lang na hindi pa nauubos ang cup noodles namin kaya medyo natawa ako. Mukhang nakuha rin niya kaya pareho kaming natawa.
"See you next time?" hindi ko inaasahan na sasabihin niya.
May next time pa? Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko, nabuhayan ako ng loob. Parang na-e-excite na magkita kami ulit, na makita siya ulit.
Tumango na lang ako. Wala naman akong ibang maisip na isasagot.
"See you," sabi muli niya bago tuluyang tumalikod at lumakad palayo.
Naiwan na lang ako habang nakikita ko na lang ang papalayong bulto niya. Napahilot na lang ako sa aking noo nang may makalimutan.
Ang pangalan niya...
cedriannakhaile