Simula
Ingay ng mga sasakyan, usapan ng mga tao, at ang ulan na kanina pa bumabagsak, walang nakaaalam kung kailan hihinto. Madilim ang langit. Hindi lang dahil sa mga mabigat na ulap kun'di sa literal na dilim. Tanging mga ilaw mula sa mga sasakyan, establisments, at street lights ang nagbibigay liwanag sa paligid.
Napabuntong-hininga ako. Hindi ko na mabilang magmula pa kanina. Hindi malaman kung susuong ba o mananatili sa kinasisilungan sa isang maliit na tindahan. Pinagkakasya ang sarili sa maliit na tolda. Napahinga muli ako ng malalim, tinitingnan ang katapat ng kinatatayuan ko, at ang layo ng kalsada.
Wala. Hindi kakayanin. Mabuti kung wala akong mga importanteng gamit sa loob ng bag ko. Wala ring silbi kung lilipat ako sa kabila, sa mas malaking masisilungan kung mababasa rin ako pati ang mga gamit ko.
"Dapat pala nagdala ako ng payong," ilang ulit ko na bang sinisi ang sarili? Naging kampante ako kanina, akala ko ay hindi matutuloy pero paglabas ko pa lang ng trabaho ay bigla na lang umulan. Bumagsak ng walang pasubali.
Katulad niya.
Ipinilig ko ang ulo dahil sumagi pa 'yon sa isip ko. Dapat hindi na. Dapat wala na. Pero sa tuwing ganito ang pagkakataon ay hindi ko mapigilan na ikumpara ang taong 'yon. Biglang susulpot. Bigla rin mawawala.
Mahinang napangiti ako. Naaalala ko na naman...
Naghintay na lang ako, umaasa na sa gitna ng paghihintay ko'y tumila na ang ulan. Dahil ga'nun naman palagi. Ga'nun na lang ang magagawa, ang maghintay kahit walang kasiguraduhan.
Pero sa gitna nang paghihintay ay dalawang pares ng sapatos ang nakita ko sa tapat ko. Umangat ang paningin, ang labi ay walang maisiring. Kasabay ng unti-unting paghawi sa hawak na payong ay nakita muli ang mga mata niya. At iyon rin ang naalala ko mula ng una ko siyang nakita.
Ganito ring panahon. Ganito ring sitwasyon. Ganito ring pakiramdam, maging ang kanyang itsura.
Ngunit may alam ako na hindi man kakaiba pero para sa akin ay isang pambihira, dahil katulad ng kanyang pangalan, susulpot at mawawala.
Natigilan na lamang ako nang marinig ko muli ang kanyang boses.
"Hi, kumusta?" saka siya tipid na ngumiti. At ang alam ko lang sa ngayon, katulad rin noon, ako'y muling nahulog.
cedriannakhaile