Chapter 13- Mission Impossible

1134 Words
“Matapos iyon ay magkakamit ng tatlong kahilingan ang kinatawan ng silangan mula sa bathala. Isa lang ang hihilingin namin sayo, kapayapaan at pagkakabuklod-buklod ng apat na teritoryo sa kapuluang ito. Ang nalalabing dalawang kahilingan ay ipapaubaya na namin sayo.” Saglit na huminto sa pagsasalita ang pinuno para hingiin ang mga reaksyon nila. Nanatili naman silang tahimik ni Cairo. Sa parte niya, gusto pa niyang malaman ang buong kwento ng kasaysayan. Kung si Cairo naman, malay ba niya sa kung anong iniisip nito. “Hindi man lang ba kayo magtatanong?” untag sa kanila ni Ryeuki. “Ah,” Tumikhim si Aila. “Bakit ba kailangan niyo pa ng tagapagligtas? At bakit kailangang mabuklod ang buong kapuluan? Kung ayaw nilang makipag-ugnayan sa inyo, eh ano naman? Mamuhay nalang kayo ng inyo. Wala kayong magiging gulo.” suggestion niya. “Hindi iyon ganoon kadali, Aie. Ang malaking kapuluang ito ay nahahati sa dalawa, ang Serov at Yama. Nasa kanlurang bahagi ang teritoryo ng mga Serov. Ang pinuno ng Serov na si Xeric ay malamang na nagbabalak na namang sugudin ang bayang ito. Gusto niyang sakupin ang buong kapuluan at mag-isa itong pamahalaan. Isang dekada na ang nakakalipas magmula nang maganap ang isang malawakang digmaan. Marami ang nasawi pero nanatiling nakatayo ang Yama. At sa ginagawang pananahimik ng Serov, posibleng naghahanda silang muli sa paglusob. Malamang ay nagpapalakas pa sila ng kanilang hukbo. Ayon sa aking ama, muling lilitaw ang hinirang na binibini na kumakatawan sa silangan. Kailangang maisaayos at mailagay sa nararapat na lugar ang simbolo ng apat na elemento. Kailangang muling maisagawa ang seremonya bago pa man lumusob ang hukbo ni Xeric.” Naghanap ang mga mata ni Ryeuki. “Sumunod kayo sa akin.” Naglakad muli sila papunta sa isang bahagi ng silid. May kung anong hinila ito sa isang gilid at agad na bumaligtad ang inaakala niyang pader lamang. “Dito gaganapin ang seremonya.” Bumaling si Ryeuki sa kanya at iginiya siya papunta sa tila isang altar. “Sa sandaling mahanap mo na ang apat mong tagasunod, kusang maaalis ang mga bato sa pulseras mo at didikit sa dapat nitong kalagyan.” Bumaling ito sa malaki at makapal na tipak ng batong nakalatag sa harapan nila. May apat na naglalakihang mga butas ang mga iyon. ‘A giant square stone’ aniya sa sarili. Di naman kasi niya alam kung anong dapat na itawag roon. “Diyan ilalagay ang mga bato? Anlalaki naman yata niyan. Kakarampot naman itong mga bato sa bangle ko.” Nagtatakang tanong niya kay Ryeuki. “Magbabagong anyo ang mga iyan kapag humiwalay na sa porselas.” Paliwanag nito. “Sa sandaling iyon, gaganapin na ang seremonya para gisingin muli ang bathala ng mga Yama.” “Bakit ba kasi hindi nalang kayo magkasundo-sundo? At bakit ba napakagahaman naman ni Xeric na iyon? May teritoryo naman siya, gusto pa niyang mang-agaw ng sa iba.” “Ang pagkakaroon ng labis na kapangyarihan ay nauuwi sa pagiging masama at pagkagahaman. Sa sandaling magkaroon ang isang nilalang ng kapangyarihan at masyado nang nalulong sa pagkakamit noon ay nawawalan na ng pagpapahalaga sa limitasyon. Maaaring epekto ng mga taong nasa kanyang paligid at nagsusulsol sa kanya na maghangad pa ng labis, maaari din namang dahil sa pagkakaroon ng mataas na pangarap. Ilan lang iyan sa posibleng mga dahilan sa paglitaw ng mga masasamang nilalang sa daigdig.” Gets naman niya ang tinutukoy nito. Maski naman sa mundong ginagalawan niya ay may mga sakim ding mga nilalang. Ang tao nga naman, walang satisfaction. Maski nakuha na ang sapat sa pangangailangan, palagi pa ding naghahangad ng mas higit pa. Walang katapusan ang paghahangad ng mga tao. Pero may mga ilang mamamayan pa din naman ang nananatiling malinis ang kalooban at marunong ma-satisfy. Somehow, gusto kong maawa kay Ryeuki. Parang hindi naman magkalayo ang edad namin. Pero 'yong tungkulin na nakapatong sa balikat niya, hindi tugma sa edad niya. Gaano nga ba kahirap magpatakbo ng isang teritoryo? Isang malaking desisyon ang ginawa niya para sa sarili. Hindi siya sigurado sa kahihinatnan ng lahat. Pero mukha namang hindi na din niya matatakasan ang destiny niya, kaya sige na. “O sige, tinatanggap ko na ang ibinibigay mong tungkulin sa akin.” Bigla ay sabi ni Aila. Kita niya kung paanong nagulat si Cairo. Pero wala na siyang pakialam. Let’s get this over and done with. “Sinabi mo na sa akin ang dalawang kahilingan, hindi ba?” “Oo.” “Isa lang naman ang gusto ko sa sandaling matapos na ang lahat ng ito. Ang makauwi sa amin. Hindi ko pag-iinteresan ang kahilingan na dapat ay para sa daigdig ninyo.” Proud na ngumiti si Ryeuki. “Napakalinis ng iyong puso, Aie. Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa iyo.” TAHIMIK lang na nakikinig si Cairo sa pag-uusap ng kanyang pinuno at ng dalagang mula sa kabilang mundo na inakala niyang mambabarang. Pangalawang beses na siyang nagkamali ng tingin kay Aila. Ang una ay nang isipin niyang gumagawa ito ng kahalayan dahil sa uri ng kasuotan nito at ang pangalawa ay nang maisip niyang mambabarang ito. Noong mga panahon na ikinukwento sa kanya ng mga magulang ang tungkol sa kasaysayan ng hinirang ay hindi niya pinaniwalaan iyon. Para sa kanya, may mga dagdag-bawas na ang kwento dahil nagpasalin-salin na iyon sa bibig ng tao. Hindi naman talaga siya naniniwala sa mahika, sa isip niya, ang mga kababalaghang nagaganap ay dala lang ng isang karunungang itim na tinatawag na pambabarang. Kaya nga’t ang mga kakaibang nagaganap sa kanya ay inakala niyang isang pambabarang, at si Aila ay isang mambabarang. Pero ngayon ay nalinawan na siya. Ipinagpapasalamat din niyang handang makipagtulungan ang dalaga. Tama ang kanilang pinuno, may mabuti ngang puso si Aila. Tinanggihan nito ang iniaalok na dalawang kahilingan pero handa itong tumulong. Hindi ito sakim na tulad ng mga naglipanang nilalang sa kanilang daigdig. Ang gusto lang nito ay bumalik sa sarili nitong mundo. Ang mabuting ugaling iyon ay tinataglay lang ng iilang taong nakilala niya. Kabilang doon si Kroen, kaya nga’t kay dali niyang umibig kay Kroen noon. Hindi lang kagandahan ang bumibihag sa kanya kundi maging ang pag-uugali. At sa ipinapamalas ng dalaga, hindi niya maiwasang mapukaw sa kung anong uri ng pagkatao mayroon ito. “Pwede ko na bang makita ang kasama ko? We need to talk. May mga kailangan akong itanong sa kanya tungkol sa pansarili kong buhay.” narinig niyang hiling ni Aila. Kung hindi siya naging marahas rito sa una nilang paghaharap, malamang na maging magaan din ang pakikitungo nito sa kanya tulad ng kung gaano kagaan ang pakikitungo nito sa kanilang kamahalan. May napansin din siya kay pinunong Ryeuki. Sa tingin niya’y agad itong nahalina kay Aila. At hindi niya gusto ang ideya. Parang gusto pa niyang mayamot. Pero bakit? Bakit siya mayayamot? Ano bang pakialam niya kung magkagustuhan man ang mga ito? “O sige. Tayo munang lumabas sa silid na ito.” sabi ng kanilang pinuno.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD