Naipilig ni Aila ang ulo para kahit paano’y mahagip niya ang kanyang katinuan. Kung anu-ano na naman kasi ang pinagkakaabalahan ng utak niya.
“Walang halimaw diyan. Musika ang tawag sa naririnig mo.”
Ang plano niyang muling pagsusuot ng earphone sa tenga nito ay napigil agad ng isa sa malalaking kamay ni Cairo .
“Ano ka ba? Hindi ka naman lalamunin nito. Ang laki mong tao, takot ka sa kakarampot na bagay na ito?” tatawa-tawang sabi niya.
Natutuwa talaga siya sa mga kakaibang reaksyon nito. Napaka-ingat at napaka-alertong tao ni Cairo.
Nang hindi pa din ito natinag ay nagseryoso na siya.
“Magtiwala ka sa akin. Hindi naman kita ipapahamak. Kita mo nga at suot ko din itong isa.” Itinuro niya ang isang earphone.
“Paano akong magtitiwala sayo gayong kanina lang naman tayo nagkakilala.”
She sighed. She knew he has a point. But she had to say something that would pacify him. Kung bakit kailangan niyang gawin iyon ay hindi niya rin alam. Basta ang alam niya, kailangan niyang magsalita. So, she did.
“Alam mo, Akhi. Hindi sa tagal ng pagkakakilala ng tao nasusukat ang pagtitiwala. Meron nga, kahit matagal mo nang kakilala, nagagawa ka pa ding traydurin. Pero meron naman na kahit kakikilala mo lang mararamdaman mong katiwa-tiwala na. Ang kailangan mo lang gawin ay i-analyze at pakinggan ang instinct mo. O kaya ‘yong nararamdaman mo.”
‘Oh! Where that thing came from? And what am I running here, a free lecture? Grrr.’
Pumikit siya ng mariin. Ano nga bang pumasok sa isip niya at sinabi niya ang mga iyon?
‘Well, it was your feelings who speaks for you.’ Sabi ng isang maliit na tinig ng kanyang isip.
At may tinig na pala ang isip niya ngayon?
She analized herself. Yes, that was it!
‘Tulad ng kung gaano ko kadaling nagtiwala kay Cairo kanina. Kung paanong napanatag agad ako kanina na sumama sa kanya kahit hindi naman kami magkakilala. Naramdaman ko kaagad na may kabutihan din namang itinatago ang isang ito maski puro masasama ang mga ipinakita niya sa akin. I just let my instinct works for me.’
Matagal itong natahimik na para bang pinag-iisipan ang kanyang sinabi, pagkuway ito na ang nagsalpak ng earphone. Napangiti siya nang mapansing napapangiti ito sa naririnig na music. Dahil nahihibang siya sa mga Koreano ay pulos mga KPOP ang laman ng music player niya. Maski pa nga hindi naman niya nage-gets ang pinagsasasabi ng kanta ay na-i-enjoy pa din niyang pakinggan iyon. Well, she was up with the melody not with the lyrics.
“Alam mo, dito sa amin, simple lang ang paggawa ng musika. Hindi kasing ingay nito.” narinig niyang sabi ni Cairo.
“Siyempre, hindi uso ang kuryente sa mundong ito kaya ganyan kayo. Masyadong payak. Pero teka, hindi mo ba nagustuhan ang naririnig mo?”
“Maayos din naman. Masarap sa tenga.” Naramdaman niya ang pagkabig nito sa kanya. Napabaling tuloy siya rito. “Naaalis sa tenga ko ang bagay na ito. Dahil medyo malayo ka, nahihila itong sa akin.” Paliwanag nito.
Oo nga naman. Maghihilahan sila ng earphone kung gayong magkalayo sila. Magiging inconvenient sa kanilang pareho. Pero hindi niya maintindihan kung sa inconvenient o convenient ba dapat i-categorize ang nararamdaman niyang comfort matapos maglapat ang kanilang mga katawan. Nagwawala na naman ang kanyang dibdib sa matinding pagririgudon. Damang-dama niya kasi ang init ng katawan nitong bahagyang nanunulay sa kanyang mga himaymay deretso sa kanyang puso. And maybe, that undistinguish current was the reason why her heart can’t stop from pounding. Sa tindi ng pagkabog noon, palagay niya’y maririnig na iyon ng kanyang katabi.
At… teka, ang dibdib lang ba niya talaga ang nag-iingay? Para kasing may bahagyang kabog din siyang naririnig na sumasabay sa kabog ng dibdib niya. Napabaling tuloy siya rito. Nakapikit ito na tila ba ninanamnam ang musikang pinapakinggan. Nagkataon kasing emo songs na ang pinapakinggan nila. Dahil na din sa kapayapaan ng mukha nito ay hindi na niya napigilan ang sarili na humilig sa balikat ni Cairo. Habang ang isang braso naman ng lalaki ay nananatiling nakakabig sa kanyang bewang. Hindi na din niya inintindi pa ang pagkakagulo ng kanyang dibdib. Bagong damdamin man iyon sa kanya ay wala na siyang pakialam. Ang mahalaga sa kanya ay ang sarap ng pakiramdam na magkadikit ang kanilang mga katawan.
ISANG malakas na pagyanig ang gumising sa batang sampung taong gulang na si Cairo. Madilim at maingay ang buong paligid. Nagkakagulo ang lahat. Ang dapat na matahimik nilang pagtulog, nasira ng ingay at kaguluhan sa buong paligid. Napalingon si Cairo sa nakababatang kapatid na nahihimbing sa kanyang kanan. Si Kannon. Sisilipin niya sana ang ina sa kabilang silid nang isa na namang malakas na kalabog ang gumulat sa kanya.
Dahan-dahang lumapit si Cairo sa pintuan. May maliit na siwang ang pintuan ng silid dahil sa hindi maayos na naisarado. Akmang bubuksan na niya iyon ng tuluyan nang masilip niya sa siwang ang kanyang ina, nakahandusay sa sahig. May dugong lumalabas sa bibig. Mamapasigaw nalang siya sa matinding gulat nang sumenyas ang kanyang ina na huwag siyang maingay.
“Tumakas na kayong magkapatid. Mahina na ang pwersang pandigma ng Yama. Anumang sandal, mawawasak ang buong bayan na ito at ang lahat ng nasasakupan ng Yama. Kukunin nila ang lahat ng mamayan at gagawing alipin. Ang hindi sumama ay papatayin. Kaya bilisan mo na, Cairo…” Sandaling tumigil sa pagsasalita ang kanyang ina para sumagap ng hangin. Nahihirapan na itong huminga. “Gisingin mo ang kapatid mo at umalis na kayo rito habang hindi pa nila napapansin ang silid ninyo.”
Sunod-sunod na kalabog na naman ang narinig ni Cairo.
“Magmadali ka na…” sa mahinang boses ay utos nito sa kanya.
“Pero ina, paano ka? Kayo ni Ama. Hindi pa din siya umuuwi.”
Isang hikbi ang pinakawalan ng kanyang ina. “Walang nakakaalam pero posibleng namatay na siya sa digmaan. At ako… hanggang dito nalang ako, anak. Iligtas mo ang kapatid mo. Protektahan mo siya. Alagaan mo siya.”
“Ina… ayokong umalis na hindi ka kasama.” Pilit tinatatagan ni Cairo ang loob. Sa nakikita niyang sitwasyon, wala siyang pwedeng asahan kundi ang sarili.
“Kung magiging mapalad kayo ni Kannon, maliligtas kayo sa kaguluhang ito. At ipinapanalangin ko sa mga diyos ng Yama na protektahan—”
“Ina!” Tahimik na lumuha si Cairo. Hindi na natapos ng kanyang ina ang sinasabi at binawian na ito ng buhay.