Hindi pa man lang siya nakakapagdalamhati ay may narinig siyang nagsalita.
“Sunugin niyo na ang bahay na ito. Wala na tayong makukuhang alipin.”
“Mayroon pang isang silid, heneral.”
Sa narinig ay agad na kumilos si Cairo. Nilapitan niya ang kapatid na si Kannon saka nagmamadaling ginising. Dinig niya ang mga papalapit na yabag. Pupungas-pungas na bumangon si Kannon.
“Halika na, Kannon. Bilisan mo.” Nagmamadaling sabi niya sa kapatid.
“Bakit Kuya? Anong gagawin natin?”
“Huwag ka nang magtanong. Kailangan na nating umalis!”
“Saan tayo pupunta?”
Hindi na nag-abalang sumagot si Cairo at hinila sa braso ang kapatid. Lumapit sila sa may bintana at isinampa ang kapatid sa pasimano. Ganoon din ang ginawa niya.
“Kuya, nasusunog ang mga bahay!” Sindak na sambit ni Kannon sa kanya.
Maski si Cairo ay nasisindak din sa nakikita. Karamihan sa mga bahay ay mga naaabo na. Nagtatakbuhan ang mga tao. Ang iba naman ay hawak na ng mga malalaking lalaki na may mga armas. Mula sa kalangitan ay umuulan ng bolang apoy. Na para bang kagagawan ng isang nilalang na nakalutang sa madilim na alapaap.
“Kapag sinabi kong talon, tatalon tayo.”
“Pero kuya, paano si Ina?”
“Mamaya ko na ipapaliwanag.”
Sa pagbilang ni Cairo nang tatlo ay sabay silang tumalon ni Kannon palabas ng binate. Eksaktong nabuksan ang kanilang silid. Ramdam niyang may lumapit sa bintana.
“Kuya—”
Agad na tinakpan ni Cairo ang bibig ng kapatid para hindi makagawa ng ingay. Saka marahan itong hinila sa patagong bahagi sa gilid ng kanilang bahay. Nakita niyang may dumungaw sa bintana na pinagsampahan nila kanina. Pero dahil agad na nakapagtago, hindi sila nakita ng lalaki.
“Nakatakas na siguro ang mga tao sa silid na ito. Sunugin na ang bahay!”
Iyon ang utos na narinig nila habang papalayo ang mga yabag. Natatakot man, pilit tinatagan ni Cairo ang loob. Nagmasid siya sa paligid. Puro kaguluhan. Puro p*****n. Hindi niya alam kung saan sila pwedeng magpunta ni Kannon. Wala siyang alam na ligtas na lugar. At paano ang kanilang ina? Ayaw niyang iwan ang bangkay ng ina. Gusto niya itong mabigyan ng maayos na libing. Pero paano niya gagawin iyon? Magiging mapanganib kung papasok ulit sila sa loob ng bahay.
Nakakita siya ng talahiban sa hindi kalayuan. Hindi pa iyon nababagsakan ng bolang apoy. Siguro, magmula roon ay makakahanap sila ng susunod na mapagtataguan.
“Halika na, Kannon.” Sabi niya sa kapatid at tangkang hihilahin na ito ulit.
Kumawala si Kannon sa kanya. “Si Ina? Paano si ina?”
Hindi malaman ni Cairo kung paano sasabihin kay Kannon ang nangyari sa kanilang ina. Sa kahit paanong paraan niya sabihin sa kapatid, masasaktan at masasaktan ito. Pitong taon palang si Kannon, paano nito tatanggapin, sa ganoong murang edad na ulila na sila sa mga magulang?
“Wala na si Ina. Kailangan nating iligtas ang ating mga sarili.” Sa wakas ay sabi ni Cairo.
“Wala na?” Nagsimulang mangilid sa luha ang mga mata ni Kannon.
“Oo, patay na si Ina.”
Namumuo ang mga luha sa mga mata ni Cairo pero pinigilan niyang lumaglag ang mga iyon.
“Nasaan si Ina? Nasaan siya? Gusto kong Makita si Ina.”
“Sshh…” Sinenyasan ni Cairo na tumahimik ang kapatid. “Huwag kang maingay. Baka marinig ka nila. Papatayin din nila tayo o kung hindi man ay papahirapan at gagawing alipin.”
Maski paano ay nagawa niyang patahimikin ang kapatid. Panay pa din ang hikbi nito pero hinila na niya para makalipat na sila sa talahib na nakita niyang pwedeng pagtaguan. Hindi pa man sila nakakalayo mula sa kanilang tahanan ay sumiklab na ang apoy mula roon. Dahil gawa sa pawid ang mga bahay, madaling kumalat ang apoy sa kabuuan ng bahay. Mula sa talahiban, tahimik na umiyak sina Kannon at Cairo habang pinapanood ang nasusunog na mga bahay, lalo na ang bahay nila.
“Ina…” Tahimik na hikbi ni Cairo.
Napakasakit para sa kanya na panooding naaabo ang kanilang bahay kasama ng kanyang ina. Pero ano bang magagawa niya. Kailangan niyang mailigtas ang kapatid. Iyon ang huling habilin ng kanyang ina sa kanya at obligasyon niyang tupadin iyon. Bukod pa nga sa sila nalang magkapatid ang magkasama magmula ngayon.
Marahas na pinahid ni Cairo ang mga luha saka hinarap ang umiiyak na si Kannon.
“Halika na.” Anyaya niya sa kapatid at sinubukang hilahin ito sa braso.
Pero nagtaka siya na pilit kumakawala si Kannon mula sa kanya. Nang tuluyang makalaya ang mga braso ay matigas ang mukha na hinarap siya ng pitong taong gulang na kapatid.
“Kasalanan mo! Iniwan mo si Ina at hinayaan siyang masunog sa loob ng bahay natin! Kasalanan mo kung bakit namatay si Ina.”
Nagulantang si Cairo sa nakikitang galit sa mukha ng kapatid. Bata palang ito pero alam niyang malalim na ang pang-unawa sa mga bagay-bagay. Wala namang nakapagtataka doon dahil pinalaki sila ng mga magulang na mulat sa reyalidad ng buhay nila. Silang mga mamamayan ng Yama ay naiipit sa kaguluhan ng Serov at Yama. Ang mga mandirigma na katulad ng kanilang ama ay nasa hukay na ang isang paa sa sandaling sumalakay ang mga kalaban. Maswerte na kung makaligtas ang mga ito sa labanan. At dahil may sinumpuang tungkulin ang mga mandirigma ng Yama, kailangang ihanda ng mga kapamilya ng mga ito ang mga sarili, sakaling hindi na makabalik ng buhay.
Sa kaso ng kanilang ina, huli na para mailigtas niya ito.
“Patawarin mo ako, Kannon. Pero wala nang buhay si Ina nang iwan natin siya sa bahay. Nalagutan siya ng hininga sa mismong harapan ko, bago pa man makapasok sa silid natin ang mga kalaban.” Pilit niyang ipinapaunawa sa kapatid ang mga pangyayari. “Mahigpit niyang ibinilin sa akin na itakas kita, tayo. Na protektahan kita. Nangako ako sa sarili ko na hindi tayo mahuhuli ng kaaway para maging alipin nila. Ipinangako ko iyon sa ating ina. Ang iwan siya ang pinakahuli kong nais gawin ngunit wala na akong ibang pagpipilian.”
Umiiyak na sumalampak sa damuhan si Kannon. “Wala man lang tayong lugar na pwedeng puntahan para alalahanin siya. Maski ang ang abo niya ay hindi natin nahawakan.”
Magaang tinapik ni Cairo sa balikat si Kannon. “Mayroon, Kannon. Pwede tayong bumalik rito sa tuwing nasasabik tayo kay Ina. Babalik tayo rito. Pero sa ngayon, kailangan muna nating umalis para maisalba ang ating mga sarili.”
Sasagot pa sana si Kannon nang may bumagsak na bolang apoy sa talahib na pinagtataguan nila.