“Halika na! Umalis na tayo!”
Nagmamadaling hinila ni Cairo si Kannon. Walang nagawa ang kapatid kundi ang sumunod sa kanya. Tumakbo sila sa kadiliman ng gabi papalayo sa nagkakagulong mga mamamyan ng Yama. Malapit na sila sa bungad ng kagubatan nang may humarang sa kanila. Mga kalaban!
“K-Kuya.”
“Huwag kanga aalis sa tabi ko. Sa kahit na anong dahilan, huwag na huwag kang bibitaw.” Mahinang bilin ni Cairo sa kapatid habang tinatantiya kung paano papatumbahin ang mga kalaban.
Sa kaliwa ni Cairo, mahigpit na magkahawak kamay ang magkapatid. Sumugod ang isa mula sa tatlong malalaking lalaki na nakaharang sa kanila. Inundayan ni Cairo ng malakas na tadyak ang papasugod habang hinaharangan ng katawan ang kapatid. Sumunod na sumugod ang isa pa at madali ulit niyang napatumba iyon gamit ang malakas na sipa. Sumugod ang huling lalaki na binigyan niya ng malakas na suntok.
Walang malay na bumagsak ang mga kalaban. Tuwang-tuwang pumalakpak si Kannon at pinuri ang kapatid.
“Napakahusay mo talaga sa pakikipaglaban, Kuya!”
Ginulo-g**o ni Cairo ang buhok ng kapatid at bahagyang ngumiti. “Siguro naman ay hindi nasayang ang panahon ni Ama para sanayin ako.”
“Oo naman. Hindi ba at sabi niya, taglay mo daw ang kakaibang lakas ng kamao at mga binti?”
“Siguro nga.”
Ngayon lang napasabak si Cairo sa tunay na laban pero tatlong taon na siyang sinasanay ng ama sa pakikipaglaban. Ngayon lang niya nasubukan ang kakayahan. Sana ay sapat na iyon para maprotektahan niya ang kapatid at ang sarili.
“Halika na.”
Muli silang tumakbo nang may marinig na nagsalita.
“May mga tumatakas! Habulin niyo!”
Kinakabahan man pero hindi sinubukang lumingon ni Cairo sa pinanggalingan ng boses. Masisira lang noon ang konsentrasyon nila sa pagtakbo. Sa pagpasok nila sa kagubatan, mas magiging madali para sa kanila ang magtago sa mga kalaban. At iyon nga ang kanilang ginawa. Nakapasok sila sa bungad ng kagubatan ngunit ilang sandali lang ang pagitan sa pagpasok din ng mga kalaban. Hindi tuloy sila nagkaroon ng sapat na oras para makahanap ng pagtataguan. Patuloy sa pagtakbo ang magkapatid. Ngunit napatid sa malaking ugat ng punongkahoy si Kannon.
Dali-dali niyang itinayo ang kapatid at muling nagpatuloy sa pagtakbo. Pero dahil din doon kung kaya madali silang naabutan ng mga kaaway. Mahigpit na hinawakan niya si Kannon sa braso habang nakikipagpambuno sa mga sumusugod na kaaway. Tumitilapon ang mga iyon sa isang sipa at suntok lang niya.
“Napakalakas ng batang ito! Kailangan natin silang makuha ng buhay1 Magiging malaki ang pakinabang niya sa samndatahan natin!”
“Sige, sugudin niyo!” sigaw ng isa.
Kinakabahan man sa mga narinig ay pilit nagpakahinahon si Cairo. “Kumapit ka ng mahigpit, Kannon.” Bulong niya sa kapatid.
Muling umatake ng sabay-sabay ang mga kalaban. Madilim ang gabi at halos hindi niya maaninaga ng mga kaaway kung hindi dahil sa kakaunting liwanag na nanggagaling sa mga bolang apoy at mga nasusunog na bahay. Pero maski kulang sa sapat na liwanag, ramdam ni Cairo na dumadami ang mga kalaban. Para bang nadoble o na-triple ang mga ito. Dinig niya at ramdam ang yabag ng mga sumusugod sa kanila ni Kannon.
Abala si Cairo sa pagsipa at pagtadyak sa mga kaaway nang biglang mawala sa kamay niya ang hawak na kapatid.
“Kuya!!!” sigaw ni Kannon. “Tulungan mo ako Kuya!”
“Kannon!” tatakbo sana siya papunta sa malabong imahe ng kapatid ngunit may mga yabag na sumusugod sa kanya.
Inuna niyang patumbahin ang mga iyon habang naririnig ang walang tigil na pagsigaw ni Kannon.
“Sige, bata… humabol ka sa amin! Iligtas mo ang kapatid mo.” Tila nakakalokong sigaw ng kung sino.
“Kannon!!!” Sigaw niya sa kadiliman. Wala na siyang maramdamang papalapit na kaaway.
“Kuya! Kuya, tulungan mo ako!”
Tumakbo si Cairo at sinundan ang tinig ng kapatid. Parang walang hanggan ang kadiliman at halos wala na siyang makita dahil unti-unti ay nauubos na ang liwanag mula sa mga apoy na tumutupok sa nakapaligid na bahayan.
“Kannon! Nasaan ka?!” Muli ay sigaw niya.
Pero sa pandinig ni Cairop ay unti-unti nang huimihina ang boses ng kapatid.
“Kannon!!!”
Muling tumakbo si Cairo sa kung saan nalang siya dalhin ng mga paa. Nang may biglang humablot sa kanya. Manlalaban sana siya nang magsalita ang estranghero.
“Huwag ka nang sumunod sa kanila. Mas makakabuti kung magtatago ka.” Sabi ng lalaking boses.
“Pero paano ang kapatid ko?” giit naman ni Cairo.
“Alam mo kung sino ang kaaway. Kung ganoon ay alam mo kung saan siya pupuntahan. Pero hindi ngayon ang tamang panahon. Hindi mo pa kayang bawiin ang kapatid mo mula sa kanila. Kung mahuhuli ka nila, pareho lang kayong mapapahamak. Kailangan mo munang palakasin ang iyong sarili at kapag handa ka na, saka mo gawin ang nais mo.”
“Pero kailan pa iyon? Nanganganib ang kapatid ko!”
“Panahon lang ang makapagsasabi. Kailangan mo munang hasain ang iyong kakayahan bago ka muling humarap sa laban. Bata ka pa, malaki pa ang iaasenso ng kakayahan mo. Kung mahuhuli ka nila, magagamit ka lang nila sa masama.”
“Pero—”
“Ssshh.”
Tumakip ang isang malaking kamay sa bibig ni Cairo. Kasunod noon, may narinig siyang malalaking yabag ng mga paa. Base sa kaluskos at yabag, mga tatlo o apat ang mga ito. Bahagya siyang nakakita ng liwanag. Siguro ay may dalang sulo ang nagbalik na mga kaaway.
“Nasaan na ang batang iyon?”
“Malamang na tumakas na iyon.”
“Hindi ba at hinahabol niya tayo para sa kapatid niya?”
“Ano bang malay mo kung nagbago ang isip at naisipang tumakas nalang.”
“Sayang ang batang iyon. Kakaiba ang taglay na lakas ng kamao niya. Basag ang bungo ng mga nasuntok niya at bali-bali ang tadyang ng tinamaan ng malakas na sipa.”
“Maganda sana siyang handog para sa pinuno. Pero pag-aaksaya nan g panahon ang paghabol sa kanya. Maigi pa ay sunugin natin ang kagubatan para siguraduhing hindi mabubuhay ang batang iyon.”
“Mabuti pa nga.”
Narinig niya ang paghahagis ng mga sulo sa kung saan nalang. May isang nalaglag malapit sa kanila pero ni hindi sila kumilos. Muli ay narinig nila ang yabag ng papalayong mga kaaway. Ilang sandali pa ang pinalipas nila bago kumilos. At ganoon nalang ang hindik ni Cairo nang makitang nagliliyab na ang mga puno sa loob ng kagubatan.
Masusunog sila ng buhay!
Sa isang sandali, parang nakita niya mula sa nagliliyab na apoy ang imahe ng ina na nasusunog pero pilit na inaabot siya.