SERENITY
"Huwag mo akong tawanan diyan, Asena. Mainit ang ulo ko ngayon," high-blood kong sumbat sa aking kaibigan.
"Gaga ka talaga. Na-trigger ka ba sa sinabi niya o nasaktan ang ego mo?"
Marahas akong napabuntong-hininga at tulalang napatitig sa kawalan. Bakit nga ba ako galit? Hindi naman totoo ang mga paratang niya sa akin kaya bakit ako nagkakaganito?
"Nevermind. Ang mabuti pa ay pumunta na lang tayo sa restaurant mo," suhestiyon nito. Kinaladkad niya ako palabas ng condo kaya nagpahila na lamang ako.
Sa tuwing may problema ako, kay Asena ako pumupunta. Bukod kasi sa ayaw kong istorbohin ang mga kapatid ko ay alam kong patong-patong rin ang problema nila kaya ayoko ng dumagdag pa. Saka ano namang sasabihin ko sa kanila? Na masyadong judgemental si Maximillian at nasasaktan ako sa mga pinagsasabi niya sa akin. Baka tawanan lang nila ako at sabihing napaka-unreasonable ko namang tao.
Pagdating namin sa labas ng restaurant ko ay hindi na maipinta ang aking mukha nang matanaw ko ang girlfriend ni Maximillian. Utang na loob, hindi ba ako lulubayan ng dalawang ito? Kalma lang, Serenity. Ipakita mong hindi ka apektado sa presensya niya.
Sa dami ng restaurant dito sa lugar namin, bakit pa kasi ang restaurant ko ang pinili niya? Dahil ba alam niyang ako ang owner at gusto niyang ipamukha sa akin na siya na ang mahal ni Maximillian at kinababaliwan nito? Napairap na lang ako sa kawalan dahil masyado akong affected kay Shanelle.
"Okay ka lang? I mean kaya mo bang harapin ang bagong girlfriend niya?" tanong ni Asena sa akin.
"Sino ba siya para katakutan ko? Tara na nga sa loob."
Napapatango ako sa tuwing binabati ako ng mga empleyado ko. Diretso lang ang tingin ko sa harapan at nagpanggap akong hindi nakita si Shanelle sa gilid ko. Pumasok na kaming dalawa ni Asena sa office ko. Napahilot ako sa aking sentido dahil baka sa anumang oras, biglang lumitaw ang asungot kong ex-boyfriend.
Uupo na sana ako nang biglang may kumatok sa pintuan ng aking opisina.
"Ma'am, gusto ka daw makausap ng isang customer. Natapunan kasi siya ng malamig na juice at gusto niyang ipatanggal si Gibo," sumbong ni Roland sa akin.
Utang na loob, gusto ko lang naman ng peace of mind pero malabo atang maranasan ko ito ngayon dahil sunod-sunod ang mga pesteng problemang nagpaparamdam sa akin.
"Asena, maiwan muna kita dito at kailangan kong kausapin ang customer na tinutukoy ni Roland."
Nagulat ako dahil si Shanelle pala ang customer namin na natapunan ng juice.
"Sino ba ang may-ari ng restaurant na ito? Hindi man lang siya marunong mag-hire ng mga flexible na waiter niya. Ikaw ba ang manager dito?" masungit na tanong niya kay Roland.
"Opo, ma'am. Pasensya na po talaga sa nangyari. Si Ms. Serenity nga po pala, ang may-ari ng restaurant na ito."
Friendly akong ngumiti sa kaniya at sinuri ko ang suot niya. Basa na ito kaya inutusan ko ang isa kong empleyado na kumuha ng extra kong jeans para ipahiram kay Shanelle.
"Hello ma'am. Ako na po ang humihingi ng dispensa sa pagkakamali ng empleyado ko. Sana ay mapatawad niyo si Gibo," magalang kong sabi sa kaniya.
"I-Ikaw pala ang may-ari ng restaurant na ito," gulat niyang sabi sa akin. "Gusto ko sanang ipasesanti ang clumsy mong empleyado pero nagbago na pala ang isip ko. By the way, I'm Shanelle, Maximillian's girlfriend."
Proud siyang ngumiti sa akin na tila ba nang-aasar. Napansin ko rin na biglang nagbago ang mood niya pagkatapos akong ipakilala ni Roland. Hindi ko talaga gusto ang babaeng ito. Umaalingasaw ang pagiging plastic niya.
"Nice meeting you, Ms. Shanelle. Sa susunod pagsasabihan ko na ang mga empleyado ko sa pagiging clumsy nila. Huwag niyo na lang pong bayaran ang mga pagkain na in-order niyo at peace offering na po namin iyon sa'yo."
"Oh, thank you, but I will insist on paying my bills."
"No problem kung iyon ang gusto mo. Baka gusto mong magpalit ng pants? May extra akong dala at hindi ko pa ito nagagamit," offer ko sa kaniya.
"Meron ba? Can I use it?" Peke siyang ngumiti sa akin at maarte niyang kinuha ang paper bag sa kamay ni Roland.
I can't believe it. Ganito pala ang ugali ng babaeng ito. Masyado siyang matapobre kung tumingin sa mga tauhan ko. Sana man lang ay mas better ang ipinalit niya sa akin pero mukhang wala pa ito sa kalingkingan ko. Ang pangit naman ng taste niya ngayon. Hindi siya marunong pumili ng babae!
Dinala ko siya sa opisina ko para makapag-ayos siyang mabuti sa kaniyang sarili. May sarili naman akong restroom kaya pwede siyang magpalit doon. Hindi ko napansin na sumunod pala kanina si Asena sa amin.
"Sis, ang inggrata ng babaeng iyan. Narinig ko kung paano niya ipinakilala ang sarili niya sa'yo. Feeling ko hindi matatagalan ni Maximillian ang ugali niyan."
"Baka magaling siya sa kama kaya hindi maiwan-iwan ni Max. Alam mo na, wala akong experience sa ganiyan kaya hindi siya mag-e-enjoy sa akin."
Magsasalita pa sana siya subalit lumabas na si Shanelle sa restroom kaya natahimik kaming dalawa.
"Thank you, Serenity. Bibili na lang ako ng bago para pampalit nitong pants mo total hindi ka naman tumatanggap ng nagamit na."
"Kahit 'wag mo ng palitan. Total mahilig ka namang umangkin ng hindi sa'yo."
Hindi ko na talaga napigilin ang bibig kong 'wag magsalita. Para kasing naghahanap siya ng away. Akala niya naman matatalo niya ako. Nakaka-imbyerna talaga ang babaeng ito.
"Ang bitter mo naman masyado. Hindi mo ba matanggap na ako na ngayon ang mahal ni Maximillian? Siya nga pala, ayokong nakikita kang umaaligid sa boyfriend ko."
Susugurin na sana siya ni Asena, pero mabilis kong pinigilan ang kaibigan ko. Ayoko ng away kaya hindi ko papatulan ang ka-cheapan ng babaeng ito.
"Pakisabi na lang sa boyfriend mo na tigil-tigilan niya na ang pagsunod sa akin. Nagmumukha kasi siyang aso," ngising sabi ko sa kaniya.
Napakuyom ang kamao niya at naging matalim ang tingin niya sa akin. Kung kanina confident siyang harapin ako, ngayon naman ay tila nawala ang poise niya at kung titignan mo ang mukha niya ay parang nawalan siya ng isang milyon na pera. Akala mo kung sinong mahinhin pero hindi pala. Mapagpanggap pala ang babaeng ito.
Nagmartsa siya palabas sa opisina ko at binangga niya pa talaga ang balikat ko. Tawang-tawa si Asena dahil parang pusa na natalo sa laban si Shanelle. For sure hindi niya palalampasin ang sinabi ko at magsusumbong ito kay Maximillian.