Dahil sa takot na baka mahuli ay tumakbo ako at naghanap ng pwedeng matuluyan. Kahit alanganin ang perang dala ko ay bahala na. Huwag lang akong mahuli ng mga pulis at makulong. Malaking problema 'yon 'pag nagkataon.
May nakita akong hotel malapit dito. Maraming taong nagkukumpulan doon. Nag-uunahan pa sila sa pagkuha ng kwarto. Pumasok ako at nakipagsiksikan at pinilit mapunta sa unahan.
"Ma'am," iyon pa lang ang nasasabi ko pero agad na niyang binigay ang susi sa akin. Nakaguhit sa maayos niyang mukha ang takot at pagmamadali. Hindi na lang ako nagtanong at kinuha ang susi.
Kinakabahan pa ako sa paghakbang ng paa sa hagdanan. Napatitig ako sa susing hawak ko na agad nahulog dahil may bumunggo sa'kin. Hindi ko 'yon pinansin at agad pinulot ang susi sa sahig. Nagmamadali ang mga tao at parang takot lumabas. Paano pa ako? Pinabili lang ako ni Mama ng bigas na malagkit tapos na-trap na 'ko dito.
Umakyat na ako sa pangalawang palapag. Hindi ko sigurado kung may ikatlong palapag pa 'to. Iisipin ko pa ba 'yon kung ganito na ang sitwasyon?
Nanginginig pa ang kamay kong sinusian ang kwartong tutuluyan ko pansamantala. Pumasok ako doon at maingat na sinara ang pinto.
Maliit lang ang kwarto at may isang kama sa gitna. Hindi naman maliit... sakto at maluwag pa nga para sa'kin. Pero kung para sa isang pamilya, maliit itong kwarto.
May lampshade na nakapatong sa maliit na lamesa sa gilid ng kama. Puti ang kobre kama pati ang mga punda ng unan.
Pagod akong umupo sa gilid ng malambot na kama. Sa mga oras na 'to, gusto ko na lang maiyak dahil sa sitwasyon ko. Paano ako makakauwi kung nagkalat na ang mga awtoridad sa labas? Napahilamos ako sa mukha at malalim na nag-isip. What should I do? Hawak ko ang perang binalik sa akin ng lalaki kanina. Kahit bumili ng pagkain ay hindi ako makakabili dahil bawal ngang lumabas. Mabubuhay kaya ako sa loob ng isang linggo? Isang linggo ring hindi ko makikita ang mga magulang ko. Sana buhay pa 'ko no'n at kayanin ang lockdown na 'to.
Mula sa malalim na pag-iisip ay may narinig akong ingay mula sa labas.
"Boss, dito po," narinig kong wika ng isang lalaki. Laking gulat ko nang biglang bumukas ang pinto!
Dahil sa takot ay nagtago ako sa gilid ng kama sa baba. Tinakpan ko pa ang bibig para hindi nila ako marinig. Halos hindi na ako humihinga huwag lamang akong marinig.
Hanggang sa makarinig ako ng isang ingay ng sapatos. Lumakas ang t***k ng puso ko dahil doon. Naglalakad pa dito sa kwarto kaya lalo akong kinakabahan. Meron pang mabangong amoy na nanunuot sa ilong ko.
"Clear, Boss," wika no'ng isang lalaki. Hindi ko alam kung ilan sila pero hindi ko naririnig na sumasagot 'yong tinatawag nilang 'Boss'. Boss? Hindi kaya, pulis? Pero dapat sir ang tawag hindi Boss. Lalo akong napatakip sa bibig nang maisip na baka sindikato! Iyon kasi ang madalas itawag ng mga sindikato sa pinuno nila. Napapasobra yata ako ng panunuod ng mga palabas kaya ganito ang tumatakbo sa isip ko. Pero hindi ko rin mapipigilan ang sariling mag-isip ng negatibo lalo na sa nangyayari ngayon. Kung sindikato nga ang pumasok... ano naman ang ginagawa ng mga sinidkato dito? O baka masiyado lang akong nag-iisip kakanood ng mga series sa tablet ko.
Narinig ko ang pagsara ng pinto. Naramdaman ko ring may gumalaw sa kama. Sa sobrang lapit ko ay amoy na amoy ko ang mabangong pabango.
Sinubukan kong iangat konti ang ulo para silipin. Muli akong napaatras nang makita ang isang pares ng sapatos ng lalaki. Mahaba 'yon kaya tiyak kong matanggad ang nakahiga sa kama. Sinilip ko ulit at nakita ko ang isang lalaking nakahiga sa kama ko. Naka-unan pa ang ulo niya sa isang kamay niya at ngumunguya ng bubble gum habang nakahiga. Hindi ko gaanong kita dahil gilid lang ang nakikita ko.
Pero ang sarap niyang pagmasdan. Mula sa suot niyang itim na pantalon at puting long sleeve na parang sinadyang hinayaang nakabukas ang itaas na butones. Napalunok ako nang mapagmasdan ang dibdib niya doon. Parang ang tigas? Nang umakyat ang mga mata ko sa mukha niya ay nakatingin na pala siya sa akin!
Muli akong yumuko at nagtago sa gilid. Naramdaman kong bumangon siya kaya sumiksik ako sa ilalim ng kama. Natatakot ako. Lalo pa nang may marinig akong tunog. Kasa ba 'yon ng baril? Naku! Sindikato nga! Napadasal ako ng wala sa oras. Pinagsaklob ko ang mga kamay at nanginginig na nagdadasal. Palinga-linga pa ako sa gilid ng kama dahil baka nariyan na siya. Pero natitiyak kong alam niyang narito ako sa ilalim. Nakita niya ako. Nakita niya ako!!
"Diyos ko, patawarin niyo po ako sa mga kasalanan ko. Alam ko pong hindi ako naging mabuting anak kina Mama at Papa dahil pasaway po ako. Iligtas niyo lang po ako, Diyos ko at magiging mabuti na po akong anak," taimtim kong dasal sa isip ko.
Napaigtad ako nang magsalita siya. "Come out," madiing wika niya. Pero kumalabog yata ang dibdib ko nang marinig ang boses niya. Malalim at parang musika sa pandinig ko. Nakakakaba at kakaiba ang hatid sa sistema ko. O baka dahil sa takot ko lang ito.
"HEY! Come out!" wika niya ulit. Sobrang smooth din ng dila niya sa pag-e-english. Mayaman siguro. Dahil ang mga napapanood kong sindikato sa action movie ay hindi pala-english. Mga dugyot pa nga ang iba. Ang mga bida lang ang saksakan ng gwapo at nagsasalita ng english.
"I... WILL... BLOW... YOUR... HEAD... OFF, kapag hindi ka lumabas diyan," nakakatakot niyang banta. Nanginig ako sa takot. Agad na umagos ang luha ko dahil sa labis na takot sa dibdib. Ang kaba sa dibdib ko, parang ikakapigtal ng paghinga ko sa sobrang lakas ng kabog. Hindi ko na yata makikita sina Mama at Papa. Baka bangkay na lang akong makauwi sa amin.
Dahil sa takot ay hindi ako lumabas. Nanatili ako sa ilalim ng kama habang umiiyak na nagdarasal. Hanggang sa nakita ko siya sa gilid ng kama. Nakasilip siya sa'kin! Dahil sa takot ay tumungo ako sa gilid at doon lumabas. Laking gulat ko nang nasa harap ko na siya! Ang bilis naman niya?! May superpowers ba siya?!
Kahit takot ay natigilan ako nang tignan ko ang mukha niya. Napatingala pa ako dahil matangkad pala talaga siya. Kusang nalaglag ang panga ko nang matitigan kong mabuti ang lalaking nasa harap ko. Wait, lalaki ba 'to? Bakit parang hindi totoo? Bakit, bakit sobrang gwapo?!! Hinigitan pa yata ang mga crush kong artista. To the highest level ito! Hindi ako makapaniwala.
Ang takot na nararamdaman ko ay napalitan ng kakaibang kaba sa dibdib. Mula sa kilay niyang tila perpekto sa shape at medyo makapal. Ang ilong niyang akala mo'y pinasadyang pagandahin ng tangos at guhit. Ang panga niyang parang ang sarap kagatin? Ano ba 'tong naiisip ko? Pang-manyak na yata ang utak ko. Pero nang tumutok ang mga mata ko sa labi niya ay kusa akong napalunok ng sariling laway. Parang biglang natuyo ang lalamunan ko dahil doon. Sh*t! Ang gwapo talaga!! Natural red lips? Na parang sa vampires ko lang napapanood?!
"Are you done examining me? Hmm?" Tanong niya pero bakit kakaiba ang dating ng boses niya sa'kin? Parang nang-aakit.
Agad akong nabalik sa ulirat at muling naramdaman ang takot na baka mawalan ako ng buhay sa lalaking kaharap ko ngayon.
Kusa akong napaluhod nang nakita ko ang baril na hawak niya sa kanang kamay. Maugat din ang mga kamay pero mas nakadagdag lang 'yon sa appeal niya. Maputi rin siya at mukhang matipuno. Parang tumatagos ang mga mata ko sa suot niyang long sleeve.
"G-Gusto ko pa pong m-mabuhay," nakayuko kong pagmamakaawa.
"What are you doing here in my room?" May diing tanong niya. My room? Kwarto niya 'to? Kalokohan! Ako kaya ang nauna dito. Bigla akong nainis sa sinabi niya.
Napalitan agad ng inis ang takot sa dibdib ko dahil sa sinabi niya. Tumayo ako at hinarap siya. Tinapangan ko ang awra para kahit papaano ay alam niyang lalaban ako kung sakaling palayasin niya ako dito.
"Ano'ng my room ang pinagsasabi mo?" Maangas kong tanong sa kaniya at pagak na tumawa. Bigla akong nayabangan sa inasta niya. Kung magsalita siya ay para bang siya talaga ang nagmamay-ari ng kwartong 'to.
"Ako ang nauna dito, ikaw 'tong bigla na lang pumasok," matapang kong saad. Ngumisi siya at agad kong pinigilan ang sariling humanga na naman. Simple lang 'yong ginawa niya pero grabe... ang gwapo niya talaga! Pero hindi dapat ako magpatalo dahil gwapo siya. Itataas ko ang sarili kong bandila. Bandilang nagsasabi na hindi ako marupok.
"Lahat ng gusto ko, makukuha ko," mayabang niyang saad. Ah, gwapo nga, hambog naman. Humakbang siya palapit pero nanatili ako sa kinatatayuan. Ayokong magpakitang nasisindak ako sa kaniya.
"Hindi porket may baril ka at gwapo ka, makukuha mo na lahat. Lalo na ang kwartong 'to. Umalis ka na, bago pa ako--" naputol ang sinasabi ko nang bigla niya akong hinapit sa beywang! Namilog ang mga mata ko sa gulat. Literal na nanlaki ang mga mata ko nang bigla niya akong hinalikan!