10

1363 Words
NAGHINTAY si Sydney ng tawag ni Paolo pero naghintay lang pala siya sa wala. Tumawag siyang muli sa mommy nito pero ayon dito ay hindi naman nag-iwan ng numero si Paolo kung saan ito makokontak. Hindi naman siya bobo kaya hindi na siya nagtanong pa. Malinaw na sa kanya na umiiwas sa kanya ang binata. At masakit iyon. Ngayon lang niya naranasan na balewala na siya kay Paolo. Noon ay sagana siya sa atensyong ibinibigay nito pero malaking kabaligtaran naman ngayon. Ayaw niyang umiyak kahit nasasaktan siya. Mas gusto niyang paganahin ang isip. Ayaw niyang basta na lang i-give up ang relasyon nila. In fact, nag-inquire pa siya kay Sienna, ang travel agent ng wedding girls ng mga impormasyon tungkol sa pagbiyahe sa Singapore. Yes, desidido siyang sundan si Paolo sa Singapore para lang sa pagsasalba ng relasyon nila. Sa kagaya maingat pagdating sa paggastos, para sa kanya ay hindi birong halaga ang magagastos sa pagtungo niya sa bansang iyon pero okay lang iyon sa kanya. Ang importante ay maging maayos na ang relasyon nila ng binata. Hindi niya kayang hintayin ang takdang araw ng pagbabalik nito kaya siya na ang nagpasyang sundan ito sa Singapore. Pero ilang araw bago ang takdang pag-alis niya ay nagkaroon siya ng lagnat. Akala niya ay pangkaraniwang lagnat lang iyon na mapapagaling ng Biogesic gaya ng nakagawian na niyang pagse-self medication. Kaya ganoon na lang ang gulat niya nang ilang araw nang tumagal ang lagnat niya ay hindi pa siya gumagaling. At mas lalo pa nga siyang naghihina. Kung hindi pa niya napanood sa TV ang mga balita ukol sa pagtaas muli ng mga biktima ng dengue ay hindi siya maaalarma. Nang magpadoktor siya ay nakumpirma ang kanyang hinala. Dengue nga ang tumama sa kanya. As if on cue, lumala pa lalo ang nararamdaman niya nang nasa ospital na siya. Ilang oras na nameligro ang buhay niya dahil sa sakit na iyon. At mabuti na lang na nagawan ng remedyo ang sakit niya. Kailangan din niyang magpahinga nang mabuti pagkatapos siyang makalabas ng ospital. Ayaw man niya ay pina-cancel na lang niya ang kanyang biyahe sa Singapore. Nang minsang tumawag ang mommy ni Paolo at kumustahin siya, itinago niya dito ang pagkakasakit niya. Minsan pa ay umiral ang pride niya. Ayaw niyang mabalitaan ni Paolo na nagkasakit siya. Hindi iyon ang gusto niyang maging dahilan ng binata kapag tinawagan siya nito. Bilang na bilang ni Sydney ang bawat linggong magdaan kaya alam din niya na tapos na ang anim na linggong training ni Paolo sa ibang bansa. Malakas na rin siya at nakabalik na sa nakasanayan niyang schedule. Nasa isip niyang puntahan agad si Paolo pero sa halip ay tinawagan niya muna ito. Nang mag-ring ang cellphone at may sumagot doon ay laking tuwa niya. Noon lang niya natantong sobra pala niyang na-miss si Paolo. Anhin na lang niya ay marinig na ang tinig nito. Kaya ganoon na lang ang pagkatigagal niya nang sa halip na tinig ni Paolo ay ibang boses ang sumagot sa kanya. “Hello?” anang tinig. At sigurado siyang tinig iyon ng isang babae. “Si Paolo?” sagot niya, ngali-ngaling itanong kung sino ang mismong nakasagot. “He’s in the bathroom. Ano ang kailangan mo?” Bathroom?! Tiningnan ni Sydney ang oras kahit naman may ideya siya kung anong oras na. Lampas alas dies na ng gabi. Alin sa dalawa, isinama ni Paolo ang babae sa pad nito o magkasama ang mga ito sa ibang lugar? Ayaw man niya ay gumana ang kanyang isip at umahon ang hinala. Halos mag-abot ang mga kilay niya sa naisip. Wala sa loob na pinatay na niya ang cellphone, walang pakialam kung masabihan man siyang bastos ng kausap. Ilang linggo pa ang lumipas. Hindi na siya kinontak ni Paolo sa anumang paraan. At ayaw man niyang tanggapin ay alam niyang tapos na nga ang relasyon nila. Masakit iyon. Pero mas masakit na mabalitaan niya sa pamamagitan nina Ferelli at Chariray na may girlfriend na ngang iba si Paolo. At dapat siguro ay maglagay siya ng barometro ng sakit na nararamdaman niya. Dahil nang akala niya na masakit nang mabalitaan na may girlfriend nang iba si Paolo, mas masakit palang makita mismo ng mga mata niya ang ebidensya. At gaano kasakit iyong pakiramdam niya ay para siyang unti-unting namamatay nang akala niya ay sina Paolo at Missy ang ikinasal? Alam niyang huli na, at lubos siyang nagsisisi na nasira nang ganoon na lang ang relasyon nila ng binata… “IT’S YOUR fault, aminin mo man o hindi,” sabi sa kanya ni Haidee. Kung hindi siguro inaalis ng waiter ang naunang order nila ay baka napuno na ang mesa sa mga baso ng pineapple juice at pagkaing inorder nila. Ilang oras na sila sa bar na iyon. Iyon din ang dami ng oras na pagsasalita niya. At nakarami na din sila ng pagkain. Masakit na ang lalamunan ni Sydney. Naroong mapaiyak siya at naroong mapatawa din ng bahaw pero masarap nga palang mayroong makikinig sa mga sentimyento niya. Haidee was a good listener. Kumibo man ito ay kaunti lang. At hindi nito hinuhusgahan ang mga ginawa niya. Well, ngayon lang, nang hindi na siya masyadong kumikibo at tila napagod na rin sa pagsasalita. “Alas tres na pala,” aniyang pumansin sa oras. Mangilan-ngilan na lang ang customer sa loob ng bar. At tingin niya sa mga waiter ay naiinip nang umalis na sila para makapagligpit na. “And so?” sagot ni Haidee. “Sabi ko nga kanina, kahit abutin tayo ng Lunes dito, okay lang sa akin. Ganyan akong kaibigan.” At ngumiti ito. “Salamat. Pero mabuti pang umuwi na tayo tutal mukhang pasara na itong bar.” Kinambatan ni Sydney ang waiter at inilabas na ang kanyang credit card. “Sagot ko na ito.” Naka-taxi lang si Haidee nang pumunta ito doon kaya inihatid na niya ito. Nang pauwi na siyang mag-isa ay muling umatake ang lungkot at sakit. Oo nga’t malaking kagaanan sa kalooban niya ang mayroon siyang mapaghingahan ng nararamdaman niya pero iba pa rin ang pakiramdam kapag ganoong mag-isa na lang siya. Kahit anong dikta ang gawin niya sa sarili para maibsan ang bigat ng kalooban niya, minsan ay natatalo pa rin siya ng emosyon. We’re college friends. Kapag naaalala niya ang pangungusap na iyon ni Paolo ay napapapikit siya nang mariin. Friends? Pagkatapos ng walong taong relasyon, sa ganoon na lang babalik ang turing nito sa kanya? Napangiti siya nang mapakla. Naisip niyang ni hindi nga umabot man lang sa ganoon ang turingan nila ngayon. Nagkahiwalay sila, that’s it. Kung hindi pa sa isang di-inaasahang pagkakataon kanina, ni hindi nga sila magkikita nang mata sa mata. At masakit ding maalala na wala man lang effort si Paolo na lumapit sa kanya. sa palagay nga niya, ni tingin ay hindi siya nito pinag-aaksayahan ng panahon. Sa wari ay iisang babae lang ang nakikita nito—si Missy. “Ayoko nang umiyak,” sabi niya pero halata namang basag na ang tinig. Hilam na hilam sa luha ang kanyang mga mata at parang magbabara na rin ang kanyang ilong dahil sa sipon. Gamit ang isang kamay ay ipinagpatuloy niya ang pagmamaneho habang ang isang kamay naman ay naghahagilap ng tissue sa dashboard compartment ng kotse. Napakunot ang noo niya nang hindi niya makapa ang hinahanap. Isang sulyap ang ginawa niya sa kalsadang tinutugpa niya at dumukwang pa sa compartment. Sumagad sa bandang likod ang tissue box. Inabot niya iyon at kumuha ng ilang piraso. Anyong ipapahid niya iyon sa mukha nang magulantang siya ng malakas na busina. Napanganga sa gulat si Sydney. Nasa gitna siya ng intersection at buhat sa tagiliran niya ay mabilis na dumarating ang isang truck. Diniinan niya ang selinyador para hindi siya abutan niyon. At ang sumunod niyang nalaman ay ang malakas na pagbangga ng truck sa bandang puwitan ng kanyang kotse. Humigpit ang hawak niya sa manibela. Sa isang iglap ay tila nawalan ng function ang kanyang isip. Ang nararamdaman ni Sydney ay para siyang tinatangay ng truck. At sa sumunod na segundo ay ang isa na namang pagbangga. Napasubsob siya sa manibela. At hindi na niya alam kung ano ang sumunod na nangyari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD