11

1148 Words
BAGO PA magmulat ng mata si Sydney ay ramdam na niya ang bigat ng buong katawan. Nang magmulat siya ng mga mata ay saka niya naunawaan kung bakit tila hirap siyang makakilos. Hindi lang dextrose ang nakakabit sa kanya, mayroon ding oxygen. Nakasemento pa ang binti at braso niya sa gawing kaliwa. “Oh, my God!” bulalas niya at napapikit nang mariin. Noon lang din niya nakapa na meron din siyang benda sa ulo. Pilit niyang binabalikan sa isip ang aksidenteng nangyari. Ang alam niya ay nawalan siya ng malay. Hindi niya inaasahang sa paggising niya ay ganito na ang kalagayan niya. O baka dapat pa siyang magpasalamat na buhay pa siya? Binuksan niyang muli ang kanyang mga mata. At hindi niya maiwasang mapailing. Sydney felt so helpless. Mag-isa lang siya sa kuwartong iyon. Ni hindi niya alam kung pag sumigaw siya ay maririnig siya ng nurse gayong nakapinid ang pinto. “Gising ka na pala, ate girl,” bati sa kanya ni Ferelli na siyang bumungad nang bumukas ang pinto. “Bumili lang kami ng kape sa vendo machine kaya iniwan ka namin sandali.” “Bakit mo naman iniharang ang sarili mo sa truck? Feeling mo si Superwoman ka?” pabiro namang sabi ni Chariray. Hindi siya agad na kumibo. “Ano ang masakit sa iyo?” concern na tanong sa kanya ni Ferelli. “Tatawagin ko ang nurse.” “Makirot ang kamay ko at binti. Bakit ako nakaganito?” inginuso niya ang naka-cast na bahagi ng katawan niya. “Dahil may fracture,” sagot ni Chariray. “May imbestigador sa labas. Sa kanya namin nalaman na tumawid ka pa rin, eh, red light na pala. Iyon daw ang statement ng truck driver at mga nakakita. Nakaladkad ng truck ang kotse mo tapos bumangga kayo sa concrete post. Naalog-alog ka siguro sa loob ng kotse habang kinakaladkad ka tapos malakas pa ang impact kaya ayan, may bone fracture ka tuloy.” “Iyang benda sa ulo mo, hindi mo itatanong kung bakit?” tanong naman ni Ferelli. “Bakit nga ba?” “Sorry to say but obviously, hindi ka nagka-amnesia.” Nginisihan siya nito. “Dahil broken-hearted ka, na-wish mo siguro na sana nagka-amnesia ka na lang, ‘no?” “Vaklaaaa, huwag ka namang ganyan,” saway ni Chariray dito. “Hay naku, ate girl, huwag mong intindihin yang benda na iyan. Pa-epek lang yan. Para pag nag-picture tayo, mas dramatic ang itsura mo.” Hinila ni Ferelli ang buhok nito. “Sira-ulo kang bakla ka.” Natawa siya pero napangiwi din. “Kumikirot ang lahat sa akin dahil sa kalokohan ninyo. By the way, alam na ba ito ng mommy ko?” “Hello, ate girl!” ani Ferelli na tumaas ang kilay. “Akala mo ba palaging may good samaritan sa paligid? Naaksidente ka na ay nanakawan ka pa. Wala ka nang cellphone at wallet.” Yumuko ito at kinuha sa bedside table ang isang bag. “Ibinigay sa amin iyan ng mga pulis kanina. Sad to say, wala nga iyong wallet mo at cellphone. Actually, hinalungkat ko iyan kasi nga, hinahanap ko kung mayroon kang address book. Eh, mukhang wala.” “May phonebook naman kasi ang cellphone,” aniya at bumigat pa ang pakiramdam. Hindi naman malaking cash ang laman ng wallet niya pero naroroon ang iba’t ibang ID at credit cards niya. “Paano kayo natawagan ng mga pulis?” “Walang tumawag sa amin,” ani Chariray. “Nagkataon lang na nakatambay kami sa radio station tapos may pumasok na report ng tungkol sa aksidente. Nung marinig namin ang plaka ng kotseng sangkot, kumilos na kami. Ang dami-dami pa ngang itinanong sa amin bago naniwalang kaibigan mo kami at kasamahan sa radyo.” “Nakatambay kayo sa station nang madaling-araw?” tanong niya. “Tinawagan kami ni Boss, eh,” si Chariray uli. “Hindi puwede si Kuya Sam kaya kami ang sinabihan na sumalang sa ere. Two to three ang show niya, di ba? Eh, tinatamad pa kaming umuwi kaya doon muna kami. Buti nga rin iyon at nalaman namin agad ang nangyari sa iyo.” “Thank you,” sinserong sabi niya sa dalawa. “Paano ngayon iyan, Sydney girl, temporarily disable ka,” puno ng pag-aalalang sabi ni Ferelli. “Gaano katagal daw ba akong ganito?” “Ilang linggo siguro. Sabi ng doktor kanina, mas mauunang tanggalin ang cast ng kamay mo. Mas malaki ang fracture sa binti kaya mas matagal. Saka gagamit ka muna ng saklay. Plus, magpapa-PT ka pa.” Minsan pa ay napangiwi si Sydney. “Kailangang matawagan ko agad si Mommy. Pauuwiin ko siya para—” Napapalatak siya. “Hindi nga pala puwedeng basta umuwi si Mommy. Walang maiiwan sa anak ng Ate ko.” “Eh, disable ka kaya dito?” ani Chariray. “Special child ang pamangkin ko. Autistic iyon. Mahirap ipagkatiwala sa part-time nanny ang pag-aalaga sa kanya.” Napabuntong-hininga siya. “Anyway, ipapaalam ko na lang din kay Mommy ang nangyari sa akin. Ferelli, pahiram ng cellphone.” “Girl, overseas call iyon,” mataray na sabi nito pero iniabot din sa kanya ang cellphone. “Pasalamat ka, marami akong load.” At ngumiti ito. Mommy niya agad ang nakasagot sa tawag niya. Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Sydney at sinabi dito ang nangyari sa kanya. Natural na nagulat ang mommy niya. “Mommy, hindi mo kailangang umuwi,” sabi na niya agad. “Hindi naman ako grabe. Magha-hire na lang ako ng private nurse. Ilang weeks lang naman siguro akong hindi makakakilos nang maayos. Saka marami akong kaibigan dito. Hindi naman nila ako pababayaan.” “Sydney, nag-aalala ako para sa iyo,” wika ng mommy niya. “Dapat lang, ‘My. Anak mo ako, eh,” pabirong sagot niya. “Sige na, Mommy, tatawagan na lang kita uli. Nakikitawag lang ako, eh. Iyong cellphone ko kasi, nasira,” dahilan na niya bago pa ito magtanong kung bakit hindi sariling cellphone ang gamit niya. “Correct ka dun, Sydney,” sabi sa kanya ni Ferelli matapos niyang isoli dito ang cellphone at magpasalamat. “Marami ka naman talagang friends dito. Kagaya namin ni Chariray. Iyon nga lang, sorry na hindi kami puwedeng mag-caregiver sa iyo sa lahat ng oras. Pero makakadalaw naman kami nang madalas.” “Okay lang iyon,” nakangiting sabi niya. “Ang nasa isip ko namang talaga ay kumuha na lang ng private nurse. Ferelli, manghihingi pa ako ng pabor. Paki-text mo si Haidee, iyong kasamahan kong wedding girls. Sabihin mo sa kanya itong nangyari sa akin pati pangalan nitong ospital.” “Ano ang number?” Sinabi naman niya. “Eh, magaling ka naman palang mag-memorize kaya hindi ka na nag-a-address book,” tudyo sa kanya ni Chariray. “Ok na, na-send na,” sabi naman ni Ferelli pagkaraan ng ilang sandali na tumipa ito sa cellphone.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD