12

1289 Words
“DAPAT yata nakitulog ka na lang sa akin para hindi nangyari sa iyo ang ganyan,” guilty na sabi ni Haidee nang dalawin siya nito. Si Jenna at ang ibang wedding girls ay nabalitaan na rin ang nangyari sa kanya. Tinawagan na siya ni Jenna sa number ni Haidee dahil nga wala siyang cell phone ngayon. Nangakong dadalaw ang mga ito kundi man sa ospital ay sa condo niya mismo. “Huwag ka nang ma-guilty diyan,” nakangiting sabi ni Sydney sa kaibigan. “Wala kang kasalanan. Ako, ang iniisip ko, ang kasalanan ko lang ay naghanap ako ng tissue at the wrong time. Maingat akong magmaneho ever since. Minalas lang ako nitong huli kaya ganito ang nangyari.” “Aminin mo nang lumilipad ang isip mo. Puyat pa. Haay, nagi-guilty talaga ako. Paano ngayon iyan? Tiyak na hindi ka makakakilos nang maayos.” “I’ll hire a private nurse—” “Bakit pa?” sabad sa kanila ng isang babaeng bigla na lang bumungad sa may pinto. Pareho silang napatingin doon ni Haidee. Pinagmasdan ng babae ang kabuuan niya at napailing ito. “My God, hija, bakit nangyari sa iyo iyan. Napanood ko lang sa TV ang aksidente. Kung hindi pa natandaan ni Patricia ang plaka ng kotse mo, hindi namin iisiping ikaw na ang naaksidente. Napasugod na nga kami agad dito.” “Mommy ni Paolo,” sabi niya kay Haidee at pinagkilala ang dalawa. Makahulugan siyang tinapunan ng tingin ni Haidee bago ito magalang na ngumiti kay Mrs. Paula Vegafria. Malugod din naman itong binati ng nakakatandang babae. “Sydney, naringgan kong uupa ka ng private nurse. But why?” baling nito sa kanya maya-maya. “Hindi ko na po pinauuwi si Mommy. Wala din naman kasing mag-aasikaso sa pamangkin kong special child kapag umuwi siya dito. Nakausap ko na ang doktor. Wala naman daw ibang komplikasyon itong fracture ko kaya madali din daw akong makaka-recover. For the meantime, kukuha na lang po ako ng nurse na mag-aasikaso sa akin.” Kumunot ang noo nito. “Huwag na. Si Patricia na ang bahala sa iyo.” “Ho?!” gilalas na sabi niya at napatingin kay Haidee. “Nursing graduate ang hipag mong iyon, natural lang na kaya ka niyang alagaan. Tamang-tama, habang naghihintay siya ng resulta ng board exam ay aasikasuhin ka muna niya.” “Pero—” “Okay lang sa akin, Ate,” sabi ng mestizang babae na pumasok sa kuwarto. Si Patricia iyon, ang kaisa-isang kapatid ni Paolo. Ibinaba nito sa mesita ang mga pasalubong nitong prutas. “Kanina, habang papunta kami dito ay napagkasunduan na namin iyon ni Mommy in case nga na walang ibang mag-aasikaso sa iyo. I’m ready, very much willing and able, Ate. Para ano ba ang magkakapamilya kung hindi magtutulungan sa panahon ng pangangailangan?” Hindi siya makaapuhap ng sasabihin. Sa tono ni Patricia, sinsero nga ito sa sinabi nito.  Tumikhim si Haidee. “Mauuna na ako, Syd. Babalik na lang ako dito mamaya kapag naibili na kita ng bagong cell phone.” Dumukwang ito sa kanya at hinalikan siya sa pisngi. “May alas ka naman pala para mabawi si Paolo,” bulong nito at ngumiti sa kanya. Nang umunat ito ng tayo ay nagpasintabi din ito kina Mrs. Vegafria at Patricia bago tuluyang umalis. “What happened to your cellphone, Ate? Latest model iyon, di ba?” tanong ni Patricia nang silang tatlo na lang ang naroroon. “Sad to say, nawala noong maaksidente ako. Cellphone at wallet, parehong nawala.” Napailing si Paula. “Napakadami na talagang masasamang tao ngayon. Naaksidente ka na nga’t lahat, nanakawan ka pa.” “Di bale po, at least, mayroon din namang nagmalasakit sa akin na nagdala dito sa ospital. Konting cash lang naman po ang laman ng wallet. Kaya nga lang ay iyong mga cards ko ay naroroon.” “Saka iyong cellphone mo, mahal ang value niyon,” nanghihinayang na sabi ni Patricia. “Ganoon siguro kapag dumarating ang kamalasan paminsan-minsan,” sabi na lang niya. “Don’t say that,” saway sa kanya ni Mrs. Vegafria. “Look at the brighter side. Isipin mong sa nangyari sa iyo na iyan ay mayroong mas malaking biyayang darating,” optimistic na sabi nito. “Sana nga po. I’ll keep my fingers crossed.” “Mabalik tayo sa sinasabi ko kanina, Sydney. Hindi mo na kailangang kumuha ng private nurse. Si Patricia na ang mag-aalaga sa iyo.” At dahil sa maraming taon na niyang kilala ito, alam niyang mayroong finality sa tinig nito. “Huwag ka nang mahiya, Ate. Gustong-gusto ko nga, eh. Wala naman akong ginagawa sa bahay. Since dalawa lang kami ni Mommy sa bahay, minsan kapag bored na kami pareho ay nagkakapikunan na kami. You are a good excuse para makaalis ako ng bahay,” pabirong sabi ni Patricia. “And who told you you’re gonna leave the house?” kunwa ay mataray na baling ni Mrs. Vegafria sa anak nito. “Sa atin na muna si Sydney. At pati ako, mag-aalaga sa kanya.” “Po?!” kulang na lang ay himatayin siya sa gulat dahil sa narinig. “Why not, hija? Anak na rin naman kita,” sabi nito. Napapikit siya at huminga nang malalim. Iniisip niyang baka nananaginip lang siya at kailangan niyang gisingin ang sarili. Pero gising na gising naman siya. Totoo ang naririnig niya. “M-Mommy, hindi ko po yata matatanggap ang alok ninyo. Malaki pong abala iyon sa inyo. Nakakahiya po.” Umungol ito. “Narinig mo ang sabi ni Patricia kanina. Dumarating ang oras na bored na kami sa isa’t isa. Kung darating ka sa bahay, magbabago ang mundo.” Ngumiti ito nang maluwang. “I’m sure, sasaya na uli ang bahay. At madaragdagan pa ang ipinagluluto ko.” “Teka lang po, si D-Daddy po ba?” “Well, he’s busy working,” naiiling na sabi nito. “May tinanggap siyang project sa Dubai. Apat na buwan siyang mawawala. Noong isang linggo lang siya umalis.” Napatango siya. Iyon naman talaga ang nature ng trabaho ng ama ni Paolo na konektado sa isang multi-national construction firm. Isa itong electrical engineer at per project ang trabaho nito. Kung minsan ay sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang assignment nito pero mas madalas ay sa ibang bansa. “Mommy, bukod po sa nahihiya ako ay mayroon pa akong ibang dahilan kaya nahihirapan akong tanggapin ang alok ninyo.” “Si Kuya ang dahilan, I’m sure,” sabi agad ni Patricia. “Akala mo ba, hindi ko alam ang nangyari sa inyo?” sabi naman ng mommy nito. “Ako pa? Alam ko na, Sydney. Dinala na ni Paolo sa bahay ang Missy na iyon.” “And we don’t like her,” sabad uli ni Patricia bago niya makuhang mag-react sa tinuran ni Mrs. Vegafria. “She seemed nice naman. Kaya lang, mahirap i-explain, eh. Sabihin na lang natin na hindi namin siya feel.” “Ikaw pa rin ang gusto namin for Paolo,” prangkang sabi ni Paula. “At sa tingin ko, blessing in disguise ang pagkakaaksidente mo. Live with us, Sydney, kahit pansamantala lang. Tutulungan ka namin para magkabalikan kayo ni Paolo.” Nanlaki ang mga mata ni Sydney. Hindi niya alam kung sisigaw siya sa tuwa o ano. “Isang tanong, isang sagot, Ate. Do you still love Kuya?” Hindi siya nahiyang umamin. Isang tango ang itinugon niya. Nagdiriwang na ngiti ang nakita niyang sumilay sa mga labi ng mag-ina. At hindi na rin magpapakaipokrita pa si Sydney. Talaga namang gusto niyang magkabalikan sila ni Paolo. Kaya naman hindi siguro siya masisisi kung ang tingin niya ngayon sa mag-ina ay mga isinugong anghel para makamtan niya ang kaligayahang inaasam niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD