NAIWAN si Sydney sa hapag-kainan. Si Patricia ay nagpaalam sa kanya na bibili lang ng diyaryo sa makalabas ng subdivision samantalang kanina pa nagpaumanhin si Mrs. Vegafria na iwan ang kanilang pagkain. Isang emergency ang natanggap nitong tawag buhat sa isang kaibigan at agad na itong umalis.
Kanina pa naman siya tapos mag-almusal. Napagpatung-patong na niya ang nagamit na plato. Hinihintay lang niya si Patricia na bumalik para ganap nang mailigpit ang mesa. Ayaw naman niyang pangahasan na dalhin ang mga iyon sa lababo gamit ang isang kamay dahil nga nakasaklay pa siya. Baka imbes na makatulong siya ay makaperhuwisyo pa siya pag nakabasag siya ng kasangkapan.
Pero nag-iinit na ang pang-upo niya sa silya kaya kumilos na rin siya. Painot-inot ay nakarating siya sa kuwarto. Kanina pa siya nakadarama ng alinsangan kaya naman nagpasya siyang maligo. Iniwan niyang bukas ang kuwarto para hindi na kumatok pa si Patricia kapag hinanap siya nito.
Nagkandangiwi-ngiwi siya sa hirap ng pagkilos pero pinanindigan na niya ang gusto niyang gawin. Mas sanay siyang kumilos mag-isa kaysa may nakaalalay sa kanya kaya kahit mahirap ay nakarating siya sa banyo.
Nagsimula na siyang maligo. Itinira niya ang panty niya dahil kahit babae si Patricia ay nahihiya siyang makita nitong hubad na hubad.
Pero mahirap palang maligo nang matino kapag ganoong naka-cast ang paa. Hindi daw iyon puwedeng mabasa kaya naman nagtiyaga siyang makapaligo na iniiwasan iyong tamaan ng tubig. Pinatay muna niya ang gripo habang nagsasabon ng katawan.
Mayamaya ay naramdaman niyang may pumasok na tao sa kuwarto.
“Patricia, I’m here!” malakas na sabi niya.
“Hindi ka lang pala basta nakatira dito. Kuwarto ko pa pala ang ginagamit mo,” sa halip ay narinig niyang sagot.
Bigla siyang napahinto sa ginagawa. Anhin na lang niya ay abutin ang tuwalya na isinabit niya sa rack pero hindi niya iyon magagawa nang mabilis dahil sa pagkaka-cast ng kanyang binti.
“Paolo,” tanging nasabi niya nang bumungad ito sa banyo.
Napatulala naman ito sa kanya. Halos hubad siya sa harapan nito at nang hagurin siya nito ng tingin ay parang mauupos siya sa hiya. Kahit hindi sapat ay niyakap niya ang kanyang sarili para maski paano ay parang matakpan na rin niya ang ibang bahagi ng kanyang katawan.
“Nakita ko na iyan dati,” walang tonong sabi nito at tumalikod na.
Pakiramdam niya ay nainsulto siya sa narinig. Naglapat ang kanyang mga labi at minadali ang paglilinis ng kanyang katawan. Pahablot niyang kinuha ang tuwalya at ibinalot sa sarili. Kahit hirap siya sa paghakbang, tila nagkaroon siya ng kakaibang lakas habang papalabas ng banyo. Ni hindi na siya nagulat nang makitang naroroon pa rin si Paolo.
“Tutulungan na kita,” anitong lumapit para alalayan siya. Bigla ay nagbago ang tinig nito. Nawala ang pagiging arogante at lumutang ang pagmamalasakit.
Pero mabilis siyang pumiksi. “Hindi ko kailangan ng tulong mo,” matigas na sabi niya.
Isang matalim na tingin ang ipinukol niya dito bago binuksan ang closet at kumuha doon ng isusuot niya. Walang kibong ibinagsak niya sa paanan niya ang tuwalya matapos niyang tuyuin ang sarili. Parang walang tao doon na nagsimula siyang magbihis.
“May tao sa paligid mo kung hindi mo alam,” sabi sa kanya ni Paolo. “Kung makapaghubad ka, parang hindi mo iniintindi ang paligid mo.”
“Hindi ba’t sabi mo nga kanina, nakita mo na dati?” pambabara niya dito. “Ano pang dahilan para magtangka akong itago ang nakita mo na?”
Nag-concentrate siya sa pagsusuot ng kanyang panloob sapagkat iyon ang pinakamahirap na ibihis dahil hindi naman niya maibabaluktot ang binti niyang may cast. Pero dahil hindi madali ay pakiramdam niya ay mabubuwal siya sa pagsusuot ng kanyang panloob.
“Kailangan mo ng tulong,” ani Paolo at muli ay lumapit ito sa kanya.
Umuklo ito ng upo para hawakan ang panloob niya at maisuot iyon sa kanya. Hindi naman siya makakibo. They had shared so much intimacy before. Ang totoo ay balewala ang ganitong bagay pero dama niya ang labis na pagkailang ngayon. Iyon ay dahil na rin siguro sa batid nilang pareho na wala nang relasyong nag-uugnay sa kanila.
But then her body thought otherwise.
Nang magkadaiti ang kanilang mga balat ay kagyat na gumapang kay Sydney ang pamilyar na init. Napalunok siya at ibinaling ang tingin sa itaas. Ayaw niyang mahalata ni Paolo na matindi pa rin ang epekto nito sa kanya.
Pero paano niya maiwawaksi ang isip sa ginagawa nito gayong panty niya mismo ang isinusuot nito sa kanya?
Napapikit siya. At iyon ay hindi na dahil sa pagkailang kundi sa pagsisikap na itago pa ang nararamdaman niyang pagkabuhay ng init.
Lord, she missed him. Nami-miss niya ang mga yakap ni Paolo. Nami-miss niya ang masusuyong haplos nito. Nami-miss niya ang maiinit na halik ng binata. Nami-miss niya ang lahat-lahat dito.
“Ito ba ang isusuot mo?”
Parang nagulat pa si Sydney sa tanong na iyon. Hawak ni Paolo ang kanyang bra. And it was intimate too pero para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang makita ang kawalan ng anumang emosyon sa mukha nito.
Pahablot na kinuha niya dito ang kanyang bra.
“Kaya ko na itong isuot nang walang tulong mo,” matabang na sabi niya at isinuot na iyon. Mabilis din niyang naisuot ang pinili niyang bestida. Hindi niya tuwirang tinitingnan si Paolo pero sa sulok ng kanyang mga mata ay alam niyang hindi ito bumibitaw ng tingin sa kanya. “Bakit ka naririto?” tanong niya dito habang sinusuklay niya ang basang buhok.
“Dapat ba akong tanungin ng ganyan? May karapatan akong pumunta dito anumang oras ko gusto.”
“Hindi ba’t sabi ng mommy mo ay pahirapan pa para lang mapauwi ka dito? Napapadalas ka naman yata ngayon. Kagabi ay bumalik ka dito nang walang abog. At ngayon ay naririto ka na naman.”
“At kung magsalita ka ay parang mas bahay mo na ito kaysa sa akin,” sarkastikong sabi nito.
“Hindi naman sa ganoon. Naisip ko lang kasi, pinagbibintangan mo akong may motibo na makipagbalikan sa iyo. Pero ikaw naman itong lapit nang lapit sa akin. Hindi kaya baligtad pala at ikaw itong may gustong makipagbalikan sa akin?”
“Hah! You’re dreaming!”
Nasaktan siya sa reaksyon nito na tila ba kay laki ng pagtutol pero hindi siya nagpahalata. Ipinako niya ang atensyon sa salamin at tinapos ang pagsusuklay at pagpupulbos ng mukha. Sa pamamagitan ng salamin ay nakikita pa rin niya si Paolo na nakatingin sa kanya. Mayamaya ay nawala ang tigas ng anyo nito.
“Ano ang nangyari sa iyo. Bakit nakaganyan ang paa mo?” malumanay ang tinig na tanong nito.
“Concern ka?” namumuska namang tugon niya dito.
“Sydney, tinatanong kita nang maayos.”
“Naaksidente ako,” tipid namang sabi niya.
“Kailan? Saan? Paanong nangyari?”
“Kailan? Noong sumunod na madaling-araw pagkatapos kong kumanta sa kasal ni Lizzy. Saan? Sa intersection pauwi sa condo ko. Nahagip ng truck ang kotse ko. Hindi ko alam na red light na pala, hindi pa ako huminto. Puwitan ng kotse ko ang bumangga pero nakaladkad ako at bumangga kami sa poste.”
“Jesus! Mabuti at ganyan lang ang nangyari sa iyo?”
“Siguro ay masamang d**o ako kaya hindi pa ako namatay,” matabang na sabi niya.
“I assume, iyan ang dahilan kaya dito ka nakatira.”
“Mommy mo ang may gusto na dumito ako. Kukuha sana ako ng nurse or caregiver na mag-aalaga sa akin habang hindi pa ako lubos na magaling pero si Patricia ay nurse din naman daw.”
“Yeah, right. At talagang maalagaan ka dito nang husto.” Isang paghinga ang pinakawalan nito. “Sorry sa mga akusasyon ko sa iyo. Ipapaliwanag ko na lang kay Missy na may mabigat na dahilan kaya ka naririto.”
“Bakit kailangan mong magpaliwanag sa kanya?”
Tinitigan siya nito. “She’s jealous of you obviously.”
“Bakit? Hindi ba’t ang pakilala mo sa akin sa kanila ay college friend?” Binigyang-diin niya ang dalawang huling salita.
“Hindi siya naïve para maniwala. Saka inamin ko na rin sa kanya na naging tayo dati.”
Past tense, palihim na himutok niya.
“Sydney,” mayamaya ay tawag nito sa kanya. “Wala tayong formal break up, hindi ba?”
Blangkong tingin ang itinugon niya dito.
“Sa tingin ko naman ay hindi na kailangan pang pag-usapan natin ngayon ang tungkol doon. Kasali na rin iyon sa nakaraan natin. Kami na ni Missy ngayon. At sana ay malinaw iyon sa iyo.”
Sige pa, isampal mo pa sa akin iyan, gusto sana niyang isigaw pero nanatili ang blangko niyang ekspresyon.
“Hindi ko na kukuwestyunin kung bakit ka nakatira dito.” At bumaba ang tingin nito sa binti niya na naka-cast. “Magpagaling ka agad.”
Hindi niya alam kung dahil sa pagmamalasakit sa kanya kaya nito sinabi ang huling pangungusap na iyon o dahil nais nitong gumaling na siya para wala nang maging dahilan pa para tumira siya doon.
Iniwan siya ni Paolo na mabigat ang kanyang loob.