19

1164 Words
“PT BA iyan?” tanong ni Sydney kay Patricia nang makita niya ang physical therapist na kinontak nito para gumawa sa kanyang binti. Natanggal na ang cast ng binti niya at kailangan na niyang simulan ang session para sa physical therapy. “Bakit, ayaw mo ba?” “Hindi naman sa ayaw. Kaya lang ay hindi iyan mukhang PT. Mas mukha iyang escort for hire o kaya ay mag-o-audition sa Starstruck.” “Sobrang guwapo, ‘no?” ani Patricia na may kasamang kilig. “Pinili ko talaga iyan. Alangan namang nagkakandangiwi ka na sa kirot habang tine-therapy ang binti mo, tapos pangit pa ang kaharap mo. Di iyong guwapong mukha man lang ng PT ay maging konswelo mo na. Baka sakaling makalimutan mo ang sakit ng binti mo. Saka schoolmate ko iyan. ahead lang sa akin ng dalawang taon. Super bait niya. Close kami -niyan kaya hindi na nakatanggi sa akin namag-home service.” “Baka naman may iba pang dahilan?” Tumawa si Patricia. “Well, idea iyan ni Mommy. Kailangan daw na super-guwapo ang PT mo. Mukhang hindi effective kay Kuya na nakatira ka lang dito. Naisip ni Mommy na kailangan daw ay mayroong pagselosan si Kuya.” “Wala na nga yatang pag-asa sa Kuya mo,” malungkot na sabi niya. Dalawang beses pang naulit ang dinner nila na kasama ito at si Missy. Halata niyang insecure sa kanya si Missy pero mas halata niyang sobra ang atensyong ibinibigay dito ni Paolo, patunay na ipinapakita rin sa kanya ni Paolo na si Missy na ngayon ang importante dito at hindi siya. Siyempre ay masakit iyon. At gusto na rin niyang sumuko. Masyado nang natatapakan ang pride niya at hindi siya sanay nang ganoon. Kaya lang niya nilulunok ang kanyang pride ay dahil sa pagmamahal niya kay Paolo. Pero hindi na yata niya kaya na palagi na lang siya nagmumukhang tanga sa paghahabol sa binata. Pero iba ang paniniwala nina Paula at Patricia. Para dito, hindi lang mabitiwan ni Paolo ang mataas na ego nito kaya hindi pa ito nakikipaglapit sa kanya. Kaya kahit pakiramdam niya ay durog-durog na ang pride niya, mas pinapanaig niya ang pag-ibig niya kay Paolo. Baka-sakali ay epektibo pa ang naiisip na ideya ng mommy ni Paolo para bumalik ito sa kanya. Gusto niyang panghawakan na may pag-asa pa para sa kanila ni Paolo. “Baka mainip na si Mr. Handsome PT,” untag sa kanya ni Patricia. “Umpisahan ninyo na ang session.” Gabby ang pangalan ng PT, bagay na bagay dito ang pangalan dahil kahawig pa nito ang artistang si Gabby Concepcion nung kabataan nito. Compassionate naman ito sa pasyente kaya napalagay din ang loob ni Sydney. Dalawang oras ang naging session nila ng physical therapy kasali na ang breaks. At pakiramdam ni Sydney ay mabilis siyang makakalakad nang maayos dahil mahusay mag-asiste ng pasyente si Gabby. Iyon nga lang, parang hindi rin siya masyadong masaya. Kung magiging maayos na siya agad, wala na ring dahilan para doon pa siya tumira. “KAYA KO na kaya?’ tanong ni Sydney kay Gabby nang mga sumunod na session nila. Gusto nitong subukan niyang maglakad nang walang tulong ng tungkod. Pakiramdam niya ay hindi pa niya kaya pero ngiti pa lang ng guwapong PT ay para na rin siyang mae-engganyong lumakad mag-isa. “Kaya ninyo iyan, ma’am,” encourage nito sa kanya. “Ma’am ka na naman diyan,” sabad sa kanila ni Patricia na nakatanghod sa session nila. “Sydney ang pangalan niya. Hindi naman siya teacher para tawagin mo ng ma’am. Saka magkaedad lang naman kayo,” pabiro pang sabi nito. Ngumiti na tila nahihiya ang PT. “Sandali, ihahanda ko ang meryenda natin,” ani Patricia at iniwan sila. “Sisimulan ko na ba?” tanong niya kay Gabby. Nag-aalangan siyang lumakad dahil may nararamdaman pa siyang kirot sa binti niya pero naipaliwanag na nito kanina pa na natural lang iyon. “Nandito lang ako, ma’am—err, Sydney. Hindi naman kayo babagsak, don’t worry. Alalayan ko kayo agad.” Bumunot siya ng malalim na paghinga at nagsimulang igalaw ang mga binti. Gumuhit ang kirot lalo na nang maramdaman ng mga binti niya ang kanyang bigat pero tiniis niya iyon. Humakbang siya ng isa pa. Ramdam niya ang mabilis na pamumuo ng pawis niya pero determinado siyang makahakbang ng anim gaya ng sabi ni Gabby. Pero sa pang-apat na hakbang ay nangalog ang tuhod niya. Hindi na nakayanan ng mga binti niya ang kanyang bigat at unti-unti siyang nabuwal. “Don’t panic,” mabilis na alalay sa kanya ni Gabby bago pa siya tuluyang bumagsak sa baldosa. Sa bewang siya nito nahawakan. At dahil wala siyang ibang gagabayan ay dito na rin siya napakapit. Parang magkayakap na siya habang tinutulungan siya nitong ibalik ang kanyang balanse. “Ano’ng meron dito?” pagalit na tanong ng isang tinig. Of course, hindi na kailangan pang magtaas ng tingin ni Sydney para malaman kung sino iyon. It was Paolo. At hindi niya alam kung tama bang selos ang nababasa niya sa mga mata nito. She knew him so well. Kabisado na niya ang itsura ng ekspresyon nito kapag nagseselos noon. At ganoon ang itsura nito ngayon. Gusto niyang magdiwang kung tama ngang nagseselos si Paolo. Nakakabanaag siya ng pag-asa. Mukhang tama nga ang mommy nito na kailangang pagselosin si Paolo. “He’s Gabby,” kaswal na sabi niya nang maihatid na siya ng PT sa upuan. “PT ko. May session kami ngayon. Gabby, he’s Paolo. Kuya ni Patricia.” My ex, gusto sana niyang idugtong. “Hello, sir. Magandang araw.” Ngumiti si Gabby sa binata at nakipagkamay pa. Tiningnan ni Paolo ang kamay nito bago nito matabang na tinanggap iyon. Tumaas ang isang sulok ng labi ni Paolo. “Ganyan na pala ang session ngayon?” patuyang sabi nito. “Na-out balance ako. Inalalayan niya ako, siyempre,” depensa niya. “Kuya, nandiyan ka pala,” ani Patricia na bumalik na sa sala. “Si Mommy?” baling nito sa kapatid. “Dinalaw niya sa ospital iyong kumare niya. Na-stroke.” “Ganoon ba? May itatanong sana ako. Sige, aalis na ako,” at tumalikod na ito. Pero bago ito tuluyang lumayo ay huminto ito sa tapat ni Sydney. “Hindi ko alam na mukha palang gigolo ang mga PT ngayon.” Ngumiti lang siya dito na parang nang-aasar. “Narinig mo iyon, Ate Syd?” sabi naman ni Patricia nang wala na si Paolo. “May itatanong daw siya kay Mommy, bakit pumunta pa siya dito? Dati-rati naman ay nagagawa niyang magtanong sa pamamagitan ng telepono. Kung hindi ko pa alam,. Gusto ka lang niyang makita.” “Kaya?” wika naman niya. “I’m positive. By the way, nakahanda na ang meryenda. Puwede naman sigurong mamaya na ituloy ang session. Di ba, Gabby? Saka huwag mong intintindihin ang kuya ko, ha. Ganoon lang talaga ang ex na nagseselos. Mag-ex kasi silang dalawa.” At binuntutan ni Patricia ng tawa ang sinabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD