“ANOTHER special dinner tonight,” sabi ni Patricia habang nakatanghod ito sa pag-aayos niya. Hindi na niya kailangan ng tulong ni Patricia dahil kaya na niyang kumilos mag-isa. Iyon nga lang, nakasanayan na nito na maglagi sa kuwarto niya. At gusto naman niya iyon. Kapatid na rin ang turing niya dito. Naiibsan ng presence ni Patricia ang pagkasabik niya sa sarili niyang pamilya.
“Special nga bang matatawag?” sabi naman niya.
“Bakit naman hindi? Okay ka na ngayon. Magaling ka na. Kaya hindi lang paborito ni Kuya ang inihanda ni Mommy na putahe kundi pati mga paborito mo rin. Naku! Parang New Year tiyak niyan ang mesa. Baha ng pagkain.”
Napangiti siya. Hindi na niya mabilang kung ilang beses siya nag-celebrate ng New Year kasama ang mga ito. Hindi pumapayag si Paolo noon na mag-isa siyang nasa condo habang ang lahat ay nagse-celebrate ng pagsalubong sa Bagong Taon. At tama si Patricia, kapag Bagong Taon ay sobra-sobra ang inihahanda ng mommy nito. Tradisyon na daw iyon ng pamilya.
“Pero pagdating ng kuya mo, kasama na naman niya si Missy,” masama ang loob na sabi niya. Parang mailap sa kanya ang kapalaran. Mukhang mas napapalapit pa nga ang loob ni Paolo kay Missy.
“And so? Kumbidado natin si Gabby. May kakampi ka. Remember, iyong napag-usapan natin nina Gabby?”
“Effective kaya iyon?” aniya.
“Isipin nating effective para nga maging effective.”
Magpapanggap si Gabby na boyfriend na niya ito. Game naman si Gabby at madali nilang napapayag.
This was the last straw. Ipinangako ni Sydney sa sarili na kapag wala pa ring nangyari sa kabila ng gagawin nilang pagpapanggap ay susuko na siya na magkabalikan pa sila ni Paolo. Tatanggapin na niya na hanggang doon na lang sila at seseryosohin na niya ang pagmu-move on.
“You’re gorgeous!” puri sa kanya ni Patricia nang makapagbihis na siya. “Kung hindi lang engaged to be married na si Gabby at hopelessly in love sa fiancee niya ay hindi ako magugulat kung ma-in love nga siya sa iyo.”
“Talaga?” natutuwa namang sabi niya.
Simpleng bestida lang ang suot niya pero nagsuot siya ng iba’t ibang accessories kaya nagkaroon ng dating ang simpleng damit niya. Nag-apply pa siya ng makeup kaya naman tiwala siyang maganda nga siya sa gabing iyon.
It was her last fight, pangako niya sa sarili. Gusto niyang maging maganda-maganda sa labang iyon. Matalo man siya at umuwing luhaan, gusto niyang maganda pa rin siya. But of course, mas gusto niyang magtagumpay siyang magkabalikan sila ni Paolo.
MAGANDA si Sydney pero halatang higit na nagpaganda pa si Missy. Para siyang ilalampaso ng gayak nito nang dumating ito para sa dinner na iyon. Kay kislap din ng diamond na hikaw nito. Hindi kalakihan ang bato niyon pero base sa kislap ay walang dudang magandang klase. Wala sa loob na nahaplos niya ang suot na hikaw. Malayong-malayo ang kalidad ng coral earrings na suot niya sa diamond stud earrings nito. Bigay ni Paolo ang hikaw niya. Binili ito noong minsan na nag-out of town sila ni Paolo sa Boracay. Ah, kahit mumunting bagay sa katawan niya ay palagi na lang may nakakabit na memorya kasama si Paolo.
Pero ayaw ni Sydney na panghinaan siya ng loob. Diamond earrings versus coral earrings na mayaman sa sentimental value. Nilakasan niya ang loob. Ang matamis na ngiti ay naihanda na niya kanina pa. Hindi masisira ang kanyang compsoure dahil lang sa mas maganda pa rin si Missy sa kanya.
Iisipin na lang niya ang sabi sa kanya ng mga kaibigan niyang sina Ferelli at Chariray. Na maganda din siya. Magkaiba nga lang ang ganda nila ni Missy.
Si Gabby ay lalong naging guwapo sa suot nitong signature polo at slacks. Kaswal lang iyon at tamang-tamang gayak para sa dinner. At si Gabby ang lalong nagbigay ng lakas ng loob niya nang lumapit ito at umastang may relasyon sila. Siya mismo ay makukumbinse ng husay ng pag-arte nito.
“Ganyan na ba ang kilos ng PT ngayon sa kanyang pasyente?” pabulong na tanong sa kanya ni Paolo nang makakita ito ng pagkakataon na makalapit sa kanya.
“Bakit, masama ba kung ma-develop kami sa isa’t isa?” Gusto niyang magdiwang na mukhang hindi maipinta ang itsura nito.
Halatang nagulat si Paolo sa sagot niya. “Kayo na ba?”
“Oo,” direktang sagot niya.
“Ang bilis naman,” komento nito bago naglapat ang mga labi ni Paolo. Tinitigan siya na parang inaarok kung totoo ang tinuran niya. “Congratulations, then,” anito pagkuwa at ngumiti nang bahagya.
Napawang ang mga labi niya.
Ganoon lang? Mali siya sa inaasahan niyang makita na madi-disappoint si Paolo. Na mangingibabaw dito ang selos gaya ng iniisip niya. Malamang ay ilusyon lang niya kanina na makitang mukang iritado ito.
Gumuho ang pag-asa ni Sydney. Ang gusto niya ay umalis na lang doon at bumalik sa condo niya.
Sa hapunan ay pinanindigan pa rin ni Gabby ang pagpapanggap. Pero matamlay siya. Kahit ang masarap na pagkain ay parang ubod ng tabang sa panlasa ni Sydney. At higit siyang nanghihina kapag nakikita niya ang extra sweetness ni Paolo kay Missy.
“May masakit ba sa iyo, Sydney?” concern na tanong sa kanya ni Mrs. Vegafria.
“Medyo makirot lang po ang binti ko,” dahilan niya.
“Napuwersa ka siguro nang husto kanina. Mapilit ka kasing tumulong kahit kayang-kaya ko naman mag-prepare nitong dinner natin.”
“Gusto ko rin pong makatulong. Okay lang po ito. Mamaya, konting pahinga lang po ang katapat nito.”
“Ah, balewala talaga iyan,” sabi naman ni Patricia. “Para ano pa’t nandiyan si Gabby. Mamaya, kapag hinaplos niya iyan, mawawala na ang sakit niyan, for sure. Siyempre, iba yata iyong mga TLC, as in tender loving care.”
“After dinner, titingnan natin iyang binti mo, honey,” malambing namang sabi sa kanya ni Gabby.
“You call her honey?” tanong ni Paolo kay Gabby, tila gulat na gulat.
“What’s wrong with that? Marami namang gumagamit ng ganoong term of endearment,” sabi ni Missy.
“Nothing,” mabilis na sagot ni Paolo. Binato siya nito ng makahulugang tingin bago ibinaling muli ang atensyon kay Missy.
Gustong isipin ni Sydney na may pag-asa pa. She must be crazy. Kanina ay sumuko na siya pero ngayon ay gusto pa rin niyang lumaban. Of course, kaya nag-react ng ganoon si Paolo ay dahil honey ang tawagan nila noon sa isa’t isa. And it was Patricia’s idea na honey ang itawag sa kanya ni Gabby para magkaroon ng impact kay Paolo.
Well, nagkaroon nga. Pero sandali lang.
Dahil sa tingin niya, mas mahalaga na ngayon kay Paolo si Missy.
Tapos na ang dinner at naroroon sila sa sala para magkape. Magaan ang kanilang kuwentuhan. At si Gabby ay hindi pa rin sumusuko sa pagpapanggap nito. Gusto din naman niya iyon para naman hindi siya magmukhang kawawa habang malambing sa isa’t isa sina Paolo at Missy. Besides, kahit paminsan-minsan ay nakikita niyang kumukunot din naman ang noo ni Paolo kapag nakikita nitong nakadikit palagi sa kanya si Gabby.
“Excuse me, kailangan kong gumamit ng restroom,” ani Missy.
“Sasamahan na kita,” maagap na sabi ni Patricia at tumayo na rin ito.
“Alam naman niya kung saan ang CR natin,” kontra ni Paolo.
“Out of order ang CR natin. Sasamahan ko siya sa CR sa kuwarto,” ani Patricia at hinila na si Missy na para bagang close ang mga ito sa isa’t isa.
Nang maiwan sila sa sala ay patuloy ang kuwento ng mommy ni Paolo pero nahalata niyang nakatuon ngayon ang pansin sa kanila ng binata. Aware din naman si Gabby doon kaya naman naging extra sweet pa ito sa kanya.
“I want to go home,” walang abog na sabi ni Missy nang bumalik ito. Lahat sila ay napatingin sa babae. Walang dudang galit ito. At kulang na lang ay hilahin nito si Paolo.
“What’s the matter?” nagtatakang baling dito ni Paolo. “Nagkakape pa tayo.”
“Thanks for the dinner, Mrs. Vegafria,” sa halip ay sabi nito. “Paolo, please, ihatid mo na ako.” At nagpatiuna na itong lumabas ng bahay.
“Maiwan na namin kayo,” bahagya na lang na nasabi ni Paolo at sinundan na ang babae.
Si Patricia ay nakatayo lang at ngingiti-ngiti.
“Ano ang ginawa mo, Maria Patricia?” kunot ang noong tanong dito ni Mrs. Vegafria.
“Itinuro ko lang naman sa kanya ang CR sa kuwarto, Mommy,” patay-malisyang sabi nito.
“Kaninong kuwarto?” tanong niya na mabilis na may nabuong hinala sa isip.
“Kuwarto ni Kuya na kuwarto mo rin ngayon,” at ngumisi ito. “Isn’t that great? For sure, mag-aaway na silang talaga.”
Hindi nag-react ang mommy nito at tila biglang nag-isip. Bigla naman ay hindi mapakali si Sydney. Hindi niya mawari kung ano ang mararamdaman niya ng mga oras na iyon.
Tumayo na si Gabby. “I guess, I better go.”
“Okay, ihahatid na kita sa may gate,” baling dito ni Patricia. “You did a great job, by the way. On behalf of the beautiful ladies here, I thank you.”