RAMDAM ni Sydney ang pagkakaroon ng tensyon sa hapag-kainan. Dati na siyang nakakasalo sa pagkain sa bahay na iyon at sanay siyang lively ang ambience. Sa pagitan ng pagkain ay hindi nauubusan ng masasayang paksa para pagkuwentuhan pero hindi sa pagkakataong iyon.
Si Patricia ang tanging masalita at halatang pinaiiral nito ang pagmamaldita. Kahit na ilang beses itong pinandilatan ni Mrs. Vegafira ay hindi ito masaway.
Si Paolo naman ay nakatutok sa pagkain at sa pag-asiste kay Missy. Sila ang magkaharap ni Missy. At maliban sa paminsan-minsang pagtatama ng kanilang tingin ay wala nang iba pang namamagitang komunikasyon sa kanilang dalawa.
“Are you living alone, Missy?” tanong dito ni Patricia.
“Yes. Ilang taon na din akong nakabukod ng tirahan.”
“Pareho pala kayo ni Kuya. Kungsabagay, marami na ngayon ang ganyang gusto ang independent living. Ako nga din, minsan, naiisip kong gumaya pero alam ko namang hindi papayag si Mommy at Daddy. Si Kuya kaya lang iyan pinayagan ay dahil lalaki siya.”
Tumango si Missy. “How about you, Sydney? Nakabukod ka rin ba?”
Nagulat si Sydney hindi sa mismong tanong kundi dahil hindi niya inaasahang magbubukas si Missy ng usapan sa pagitan nila.
“Nakabukod ako. Wala naman kasi akong choice. Nasa ibang bansa ang mother ko, sa isang kapatid ko doon.”
“Pero hindi ka nakabukod lately, di ba?” baling sa kanya ni Missy.
Kitang-kita niyang kumunot ang noo na tumingin sa kanya si Paolo. Hinintay niyang ito man ay magtanong pero nanatili itong nakatingin lang.
“Hindi ako nakabukod lately,” kaswal namang sabi niya at hindi maiwasang mapangiti. Nagkatinginan sila ni Mrs. Vegafira at ito man ay ngumiti sa kanya.
“Paolo, dito muna nakatira si Sydney,” saad nito. “I invited her here.”
“What?!” react ni Paolo na mukhang mabubulunan sa pagkagulat.
“Sobra ka namang mag-react, Kuya. Bakit, masama bang imbitahin ni Mommy si Sydney na dito muna siya? After all, mag-isa lang naman si Sydney sa condo niya. Delikado na ang panahon ngayon. Kung hindi mo nabalitaan iyong tungkol sa isang female bank employee na ni-r**e sa mismong condo niya, I’m telling you now. Napaka-brutal ng nangyari sa kanya. Kaya kahit interesting mag-solo living, nakakatakot na rin dahil sa mga nagyayaring krimen ngayon.”
“Shut up, Patricia,” banayad na saway ni Paula dito. “Hindi magandang paksa ang ganyan sa harap ng pagkain.”
“Ooopps, I’m sorry,” mabilis namang sabi ni Patricia. “Anyway, Kuya, iyon nga, mas mainam nang kasama namin dito si Ate Sydney, di ba? At least dito, kahit puro kami babae ay tatlo naman kami. Saka mas safe ang neighborhood dito. Kasi sa mga condo building, kahit may mga guwardiya round-the-clock, hindi ka pa rin sigurado sa kaligtasan mo kung minsan.”
Pinasadahan ni Paolo ng tingin ang mag-ina bago lumipat ang tingin nito sa kanya. Nasa tingin nito ang maraming pagtatanong at blankong tingin lang ang isinukli niya dito.
“Kain pa kayo,” sabi ni Paula. “Paolo, mahina ka yatang kumain ngayon. Hindi ba’t paborito mo iyang ginataang sitaw at kalabasa na maraming hipon? At itong inihaw na pusit, hindi mo man lang ginagalaw. Iyang chili crabs, sinarapan ko pa talaga iyan.”
“Oo nga, Kuya. In case you don’t know, dumayo pa kami ni Mommy sa Farmers’ para lang mabili ang mga iyan. Am, Missy, hindi ka ba kumakain ng bulalo?” Kinuha nito ang mangkok ng bulalo at inilapit kay Missy. “Come on, try it.”
“No, thanks,” sabi ni Missy na may kasama pang iling. “Hindi kasi ako mahilig sa pagkaing masebo.”
“Naku, paano iyan? Paborito pa naman ito ni Kuya. Lalo na iyong medyo malamig na ang sabaw. Iyong medyo namumuo na ang sebo. Kakaiba, ‘no?”
Napangiwi si Missy.
“Ate Sydney, di ba, paborito mo rin ang ganoong bulalo? Iyong imbes na parang kumukulo pa sa init ay iyon binebentiladoran pa para lumamig ang sabaw. Match kayo ni Kuya pagdating sa ganoon, ‘no?” At nanunukso pang tumingin si Patricia sa kanya at kay Paolo.
Hindi nakaligtas sa kanya ang pag-iiba ng mukha ni Missy. Bigla ay naging stiff ang ekspresyon nito. At tila ganoon din si Paolo.
“Bakit hindi ka kaya tumahimik kahit habang kumakain man lang, Maria Patricia?” pikon na wika ni Paolo na tinawag pa ang kapatid sa buong pangalan nito. “Nabubusog ka niyan na mas marami pa ang daldal mo kaysa sa subo mo?”
“Ito ang sikreto ko kaya mabilis ang metabolism ko,” sagot naman ni Patricia na tila nang-aasar pa.
“Children,” tipid na wika ni Mrs. Vegafria na walang dudang sumasaway sa mga anak.
Napailing na lang si Paolo at nag-concentrate sa sariling pagkain. Inubos lang nito ang laman ng plato at uminom na ng tubig. Ganoon din si Missy na tinapos na rin ang pagkain.
“Don’t leave the table yet,” ani Patricia na “buhay” na naman. “May dessert pa. Mom, diyan ka na lang at ako na ang kukuha.” Ilang sandali lang at nakabalik na ito. “Dyarraan! Blueberry Cheesecake. Homemade ito at pagkasarap-sarap!” sabi nito na kumpleto pa sa pag-e-emote ang mukha. Nang magkatinginan sila nito ay kinidatan pa siya.
Si Patricia na rin ang nag-slice ng cake at binigyan sila. Si Paolo, gaya kanina ay nakabaling kaagad kay Missy.
“Forget the calories, love. Masarap iyan. Da best si Mommy na gumawa ng dessert. At forte niya ang ganyan.”
Napangiti naman si Missy at isinubo ang isang maliit na piraso. “Masarap nga,” anito.
“See. I told you so,” sabi naman ni Paolo na sumubo din.
Nakatingin lang si Sydney sa binata. Gusto niyang makita ang ekspresyon ni Paolo. Ilang sandali na nilasahan nito ang isinubong pagkain at pagkuwa ay tumitig sa ina. “Mommy, hindi mo ito gawa,” wika nito mayamaya.
“Pero masarap din naman, hindi ba?” nakangiti namang sabi ni Mrs. Vegafria.
“Yes. And I don’t mean to offend you pero parang mas masarap ito.” At sumubo pa ito.
Napalunok si Sydney. Hindi niya alam kung magdidiwang siya sa narinig. Kagyat siyang tumingin sa mommy ni Paolo sa pag-aalalang ikasama nito ng loob ang tinuran ng anak.
Sa halip ay nakita niyang higit na matamis ang naging ngiti nito. “It’s alright, Paolo. Talaga sigurong ganoon. Kung sino ang pinagmamanahan ng isang recipe ay mas lalo pang sumasarap iyon.”
“In short, mas magaling pang gumawa ng blueberry cheesecake si Ate Sydney kaysa kay Mommy,” ani Patricia.
“Ikaw ang gumawa nito?” biglang reaksyon ni Missy na sa itsura ay kulang na lang na bawiin ang pagkakasabi ng masarap sa naturang pagkain.
Tango na may kasamang ngiti ang isinagot niya doon.
“You liked it,” baling ni Missy kay Paolo, walang dudang masamang-masama ang loob.
“Missy love, nakalakhan ko na ang blueberry cheesecake ni Mommy. Paborito ko din ito.”
“Pero hindi siya ang gumawa nito,” ani Missy, sadyang pinahina ang tinig pero narinig din naman ni Sydney.
“Yeah, and honestly speaking mas masarap ito.” Tumingin sa kanya si Paolo at ngumiti ito sa kanya.
Napaawang ang mga labi ni Sydney. Hindi niya inaasahan ang gesture na iyon. Kahit na kanina ay mukha siyang sisibatin palagi ng tingin ng binata ay nabawi naman nito iyon dahil sa pagngiti nito. Ang saya-saya niya. Kulang nalang ay magpatalon-talon ang puso niya. Sulit na ang lahat ng hirap niya sa paggawa ng dessert na iyon.
Nakalabing ibinaba ni Missy ang hawak na tinidor. Mabilis din nitong inabot ang baso ng tubig at sinaid iyon.
“I forgot to tell you, Paolo. May usapan nga pala kami ni Ivan na magkikita ngayon.”
Kumunot ang noo ni Paolo. “Ngayon? Saan?”
Isang bar sa Greenbelt ang binanggit ni Missy. “Ngayon na,” childish na sabi nito. “Ihatid mo na ako, please.” Nagtaas ito ng tingin sa mommy ni Paolo. “Maraming salamat po sa hapunan. Pero kailangan ko na pong umalis.” At bumaling din ito sa kanya. “Masarap nga ang blueberry cheesecake mo.” Pero ang tinig ay tila sukal na sukal ang kalooban.
“Ihahatid ko na siya, Mommy,” ani Paolo at tumayo na. Humalik ito sa pisngi ng ina bago tuluyang umalis.
Nabura ang kasiyahan ni Sydney nang hindi man lang ito mag-abalang sumulyap sa kanya. Pero hindi siya nagkaroon ng pagkakataong magmaktol pa dahil siniko na siya ni Patricia.
“Pustahan tayo, Ate Sydney, mag-aaway sila,” nakangising sabi nito.
Hindi naman niya alam kung paano magre-react. Hindi niya gustong mag-away ang dalawang tao dahil sa kanya. At para hindi ngatngatin ng guilt feeling ang konsensya niya, inisip na lang niyang ituon ang pansin sa kagustuhan niyang magkabalikan sila ni Paolo.
Hindi nga siguro maiiwasang mag-away ang dalawa dahil sa kanya. Pero kung magiging paraan iyon para magkabalikan sila ni Paolo, dapat siguro ay isantabi na lang niya ang guilt feeling na maaaring makabagabag sa kanya.