“ITO ANG isuot mo,” sabi ni Patricia kay Sydney nang puntahan siya nito sa kuwarto. Nadatnan siya nito na namimili ng isusuot niya para sa hapunan. Isang oras na rin siyang nakakapahinga dahil magkakatulong din sila sa paghahanda ng mga putaheng pawang paborito ni Paolo. Siya pa nga ang mismong nagprisinta para gumawa ng dessert. Tinuruan siya ng mommy ni Paolo sa dapat niyang gawin.
“Hindi ba masyado iyang maganda? Dinner lang naman,” sabi niya nang makita ang hawak nito.
“Bakit naman magiging over? Bagay nga ito sa iyo. don’t tell me, magti-T-shirt ka lang at pedal? Poporma tayo tonight, Ate.”
“Kailangan ba?”
“But of course! Isipin mo na lang bagong-buhay ka ngayon. Ise-celebrate na rin natin ang pagkakaligtas mo sa aksidente. Nagkaganyan ka man, as long as buhay ka pa at on your way to recovery, we have reason to celebrate and be thankful.”
“Sabagay nga. Nag-text nga si mommy. Nagpa-misa nga daw siya.”
“Amen! At kailangang maganda tayong lahat sa dinner. Alangan namang patalbog tayo sa Missy na iyon na always fashionable ang porma. At mas lalo ka na, hindi ka dapat na patalbog doon.”
“K-kasama ba ni Paolo si Missy?”
“Hindi niya sinabi pero malamang kasama. Saka kung hindi man siya kasama, mas lalo kang dapat na maging magandang-maganda sa paningin niya. Para ma-attract uli siya sa iyo.”
“Hindi ba ako mukhang trying hard na magkabalikan kami?”
Tila nag-isip muna ng isasagot si Patricia. “Let’s put it this way, you’re trying your best.”
“Hindi trying hard?” tanong niya uli.
Napatawa ang babae. “Ano ka ba naman, trying hard man o trying your best, ang importante ay maabot mo iyong goal mo. Eyes on the prize, which is iyong magkabalikan kayo ni Kuya. Sige na, ito na ang ibihis mo. I’m sure, bagay na bagay ito sa iyo.”
Iniladlad pa nito sa harapan niya ang isang pastel-colored na bestida para makunbinse pa siya. Ang totoo ay paborito naman niyang talaga ang damit na iyon. Sa mga date nila noon ni Paolo ay ilang beses din niyang naisuot iyon. At palagi na ay napupuri siya ni Paolo dahil bagay nga daw iyon sa kanya.
“Bagay pa rin kaya iyan sa akin, eh, ganitong nakasaklay ako?”
“Bakit naman natin ipapahalata sa kanila na nakasaklay ka?”
“Maitatago ba? Naka-cast pa nga itong binti ko.”
“And so? Hanggang sakong naman ang haba nitong bestida, ah? Saka huwag mo ngang isipin ang ganyan. Maliit na bagay lang iyan. Ano, magsa-shower ka pa ba para mas fresh kang tingnan? Tutulungan kita.”
Tumango siya bagaman nahihiya. Kahapon pa siya inaasistihan ni Patricia sa paliligo at pagbibihis. At bagaman natural lang kay Patricia ang kilos dahil nurse naman ito, hindi pa rin niya maiwasang mahiya. Iyon nga lang, hindi na niya ipinapahalatang nahihiya siya dahil nagagalit lang ito at isinusumbong pa siya sa mommy nito.
Labinglimang minuto ang lumipas at natapos na rin siyang mag-shower. Hindi siya iniwan ni Patricia hangga’t hindi siya nakakapagbihis nang maayos. Sinuklayan pa nga nito ang buhok niya.
“Para naman akong prinsesa sa ginagawa mo,” sabi niya dito. “Kaya ko namang mag-suklay.”
“Sus! Para ito lang. Naisip ko nga, i-blow dry ko ang buhok mo para mas maganda. Saka mag-make up ka, Ate.”
“Iyon naman ang over na!” aniya.
“Ano bang over? Si Mommy, I’m sure, by this time ay nasa harap na rin ng tokador niya. Kanina pa niya naihanda ang mesa. Ihahain na lang ang pagkaing iniluto niya. Kung hindi mo pa alam, parang special occasion doon ang pagdating ni Kuya. Makita mo mamaya, kuntodo pustura pa iyon with matching wisik ng pabango. Kaya ikaw, dapat lang na ganoon din.”
“At ikaw?”
“Siyempre, pare-pareho tayo, ‘no? Aangan namang kayo lang? Magmumukha naman akong muchacha kapag hindi ako gumaya,” at bumungisngis pa ito.
Inako na niya ang pagme-make up sa sarili niya. Umandar din ang pagiging banidosa niya kaya kumilos na siya para pagandahin ang sarili. Banayad niyang itinaboy si Patricia para ito man ay makagayak na para sa espesyal na hapunang iyon.
Kalahating oras ang lumipas bago bumalik si Patricia. Maganda din naman ang kapatid ni Paolo. At dahil maigsi ang buhok nito kaya kabawasan na sa oras ng paggagayak nito ang pag-aayos niyon. Ngayon ay naka-wet look ito na mukhang daliri ang ginamit na pangsuklay.
“Come on, doon na tayo sa dining.”
“Nandiyan na ba sila?”
“Wala pa. kaya nga pumunta na tayo doon. Hindi kailangang makita agad ni Kuya na nakasaklay ka. Kailangan kapag nakita ka niya ay parang kagaya ka lang din nang dati.”
Napatango siya. At inalalayan na siya ni Patricia patungo sa dining area.
KUNTODO pustura nga ang mommy ni Paolo kaya naman naging kumportable si Sydney na hindi siya overdressed sa hapunang iyon. Habang nakadulog na siya sa mesa ay abala naman ito sa pagsisigurong kumpleto na ang lahat ng kasangkapan sa mesa.
“Mamaya ko na ihahain ang niluto ko kapag dumating na si Paolo,” sabi nito sa kanya. “You know, hot meals should be served hot.”
“Nandiyan na sila,” anunsyo naman ni Patricia na siyang nakaabang sa tapat ng bintana.
Napahugot si Sydney ng paghinga. Sila. Ibig sabihin ay hindi nag-iisa si Paolo. Gustuhin man niyang luminga para makita ang mga bagong dating ay mababalewala lang dahil sa kinauupuan niya ay malayo ang bintana. Ayaw naman niyang kumilos na dahil naitago na iya sa ilalim ng mesa ang saklay. As much as possible, wala siyang balak na ipakita sa mga ito ang kalagayan niya.
“Wait here, hija,” sabi sa kanya ni Mrs. Vegafria. “Sasalubungin ko lang sila.”
Tumango siya at hindi naiwasang kabahan.
Wala pa halos isang linggo buhat nang huli silang magkita ni Paolo. At hindi pa niya nakakalimutan kung anong klaseng pagtatagpo iyon. Hindi niya tuloy maiwasang isipin ngayon na baka maulit lang ang ganoong klaseng pagkikita nila.
“Kasama ka pala, Missy,” narinig niyang sabi ni Paula. Kaswal ang tono ng babae kaya mahirap hulaan kung bukal nga ba sa kalooban nito na maging panauhin si Missy.
“Good evening po,” anito.
“Isinama ko siya, Mommy. Hindi pa niya natitikman ang luto mo. Ipinagmamalaki ko sa kanyang masarap ka pang magluto kung sa ibang chef ng mamahaling restaurant diyan.” Tinig iyon ni Paolo. “I’m sure, deserve mo ring magkaroon ng Michelin star.”
“Michelin star! Sobra nang pambobola iyan,” tila nasisiyahan namang sabi ni Mrs. Vegafria. “Palibhasa ay marami kang pagkukulang sa akin. Kailangan ko pang magluto ng mga paborito mo para lang umuwi ka dito.”
“’My, alam ninyo namang busy ako lately,” malabnaw na katwiran ng binata.
“Busy saan, Kuya? Sa trabaho or dito kay Missy?” pabiro namang tanong ni Patricia.
Napalunok si Sydney na nakikinig lang sa kanyang kinauupuan. Bigla siyang nakadama ng pag-aalinlangan sa presensya niya doon. Paano kung hindi naman pala totoong bukal sa kalooban ng mag-ina ang pamamalagi niya roon? Paano kung magmumukha lang pala siyang tanga doon at ang totoo ay tanggap naman pala ng mga ito si Missy bilang bagong girlfriend ni Paolo?
Pero kaagad din niyang kinontra iyon. Ang mas gusto niyang paniwalaan ay ang pagkakakilala niya sa mag-ina. Matagal ang walong taon. At ang buong alam niya ay hindi naman ito mga plastic na tao.
Imposibleng pagkukunwari lang ang ginagawa nitong pag-aasikaso sa kanya simula pa noong nasa ospital siya hanggang sa ngayong nakatira siya pansamantala sa bahay ng mga ito.
Mas gusto niyang isipin na marunong lang mag-estima ng bisita ang dalawang babae kaya ganoon ang pakitungo nito kay Missy.
“Bueno, yamang hapunan ang pakay ninyo dito, di tumuloy na tayo sa dining,” narinig niyang wika muli ni Mrs. Vegafria.
“Mommy, sobrang pormal ka namang magsalita. Baka maalangan sa iyo niyan si Missy,” ani Paolo. “Love, feel at home, okay. Baka ma-intimidate ka kay Mommy, eh, super-bait yata niyan. At itong si Patricia, maldita lang iyan kung umasta pero kagaya din iyan ni Mommy. Mababait sila. Siyempre, kanino pa ba ako magmamana kung hindi sa kanila.”
Love? Love pa ang tawag ni Paolo kay Missy? anang isip ni Sydney habang parang hindi siya mapakali sa kanyang kinauupuan.
“Tara na let’s!” sabi ni Patricia. “Grabe, Kuya! Ang sarap ng inihanda namin. I’m sure, masu-surprise ka.”
Isang malalim na paghinga ang ginawa ni Sydney nang marinig niya ang yabag ng mga ito na patungo sa komedor. Inihanda niya ang sarili kahit na nga ba hindi niya alam kung anong klase ng eskpresyon ang dapat na maging itsura niya.
Nangunguna si Paolo nang bumungad ang mga ito sa komedor. At siyempre pang siya ang kaagad na nakita nito.
Walang dudang pagkagulat ang lumarawan sa mukha nito. Napaawang pa nang bahagya ang mga labi nito. At nananatili ang gulat na ekspresyon nito nang bumaling sa ina at kapatid.
“Sabi ko na nga ba, masu-surprise ka, eh,” nakangising sabi ni Patricia.
“Why is she here?” tanong nito sa mag-ina.
“You look familiar,” sabi naman ni Missy na halos kasabay ng tinuran ni Paolo. Sa kanya ito nakatingin.
Bahagya siyang tumango. “Ako iyong wedding singer noong kasal ng kapatid mo last week.”
“C-close ka pala sa pamilya ni Paolo?” kaswal na tanong nito pero nababasa niya sa mga mata na may iba itong ipinagpapalagay sa presensya niya roon.
“Oo naman, close si Ate Sydney sa amin,” agaw ni Patricia sa isasagot niya. “Grade six pa lang ako ay magkakilala na kami ni Ate Sydney. Siya nga ang kinukuwentuhan ko noon ng tungkol sa mga crushes ko.”
Tumikhim si Mrs. Vegafria. “Maupo na kayo at ihahain ko ang pagkain. Mamaya na uli ang kuwentuhan.”
“Mommy,” habol dito ni Paolo na halatang naghihintay ng sagot sa tanong nito kanina pero isang maawtoridad na tingin ang tanging isinukli dito ng ina.