IGINALA ni Sydney ang tingin sa buong silid. Wala sa ayos ng mga muwebles ang pagkakaiba bagkus ay nasa pakiramdam niya. Ramdam niyang matagal nang hindi inookupa ni Paolo ang naturang silid. Kung hindi lang sa mga personal na gamit doon ni Paolo ay iisipin niyang ginawa nang guest room iyon.
Ubod nang linis ang silid samantalang ang natatandaan niyang kuwarto ni Paolo ay may mga damit na nakasablay sa kung saan-saan. Pangkaraniwan na ring tanawin na ang isang kabiyak ng tsinelas ni Paolo ay nasa tapat ng sariling banyo habang ang kapares naman ay matatagpuan kundi sa ilalim ng silya ay sa ilalim ng kama.
Sa dingding ay nakasabit ang isang pamilyar na wall clock. Naroroon din ang dalawang gitara na paboritong patugtugin ni Paolo noong college ito. Sa ibabaw ng mesita ay may nakakuwadrong larawan ni Paolo, kuha noong magtapos ito ng college. At sa isang mas maliit na kuwadro ay isang kuha nilang dalawa na magkasama.
Gustuhin man niyang abutin iyon ay kakailanganin pa niyang gumamit ng saklay para makalapit sa mesita. Ilang sandali na inisip niyang kung ang mommy lang kaya ni Paolo ang naglagay niyon doon dahil nga doon siya titigil pansamantala o talagang hindi iyon inalis ni Paolo kahit nagkahiwalay na sila. At naisip din niyang baka naman hindi na talaga nagkaroon ng panahon si Paolo na pasyalan man lang ang silid na iyon dahil nga sa bibihira naman itong umuwi.
Napatitig siya sa litrato nila. Noong isang taon lang iyon kuha noong mag-out of town sila sa Puerto Galera. Isa iyon sa madalang na pagkakataon na magkaroon sila ng oras sa isa’t isa dahil nga sa naging busy na sila sa kani-kanilang trabaho.
Ang saya-saya pa nila sa tatlong araw nilang bakasyon sa naturang lugar. Wala silang ginawa kundi ang mag-relax at sulitin ang pagkakataong iyon na magkasama sila. Sa umaga ay magdya-jogging sila sa dalampasigan at pagkatapos ng almusal ay lulusong sila sa dagat.
Kapag tumindi na ang sikat ng araw ay hahanap sila ng makakainan ng tanghalian at pagkuwa ay mamamahinga sila sa inarkila nilang cottage. Sa loob ng cottage sila magpapalipas ng kainitan ng tanghali. At siyempre pa, hindi mawawala ang paglalambingan nila sa isa’t isa. Minsan nga ay hindi na nila ginustong lumabas at nagkulong na lang sila sa cottage hanggang sa gumabi na.
Malungkot na napangiti si Sydney sa alaala. Isa lang iyon sa maraming matatamis na alaala nila ni Paolo. Kung babalikan niya ang lahat, pati na ang mga tampuhan nila ng binata ay tiyak na kukulangin ang susunod na ilang araw.
Pero nakatitiyak siyang sa pagtira niya kina Paolo, gustuhin man niyang umiwas o hindi para maalala ang nakaraan nila ni Paolo ay wala din siyang magagawa. Lalo na sa silid na iyon—na nagtataglay ng maraming alaala ng mga pribadong sandali nila noon ni Paolo.
Hinagod niya ang paanan ng kama kung saan siya nakaupo. Lalo na ang kamang iyon kung saan libong beses niyang nadama ang mahihigpit na yakap at maiinit na halik ni Paolo. Hindi na rin niya matandaan kung ilang beses siyang dinala ni Paolo sa r******************n sa kamang iyon.
Paano niya iyon maiiwasang isipin kung sa mga susunod na araw ay doon siya hihiga?
Napangiti siya. Hindi naman niya talaga kailangang umiwas. Baka nga kailanganin pa niyang balikan ang lahat ng alaala nila ni Paolo para mas maging masigasig siyang magkabalikan sila.
Tutal naman ay open sila sa isa’t isa ng partido ng binata. Iyon pa lang ay malaking bagay na sa kanya. At gusto niyang isipin ang lahat ng positibo para magtagumpay siyang magkabalikan sila ni Paolo.
Painot-inot siyang kumilos para simulan na ang pag-aahon ng mga damit niya. Hindi naman iyon gaanong marami. Ang totoo ay si Patricia na nga rin ang kumuha niyon sa tinitirhan niya pati na rin ang iba pang personal na gamit na inilista niya para hindi malito si Patricia.
Nakabukod na agad ang munting bag ng kanyang toiletries. Hindi na niya iyon ginalaw tutal ay ilalagay lang naman niya iyon sa banyo mayamaya. Hinarap niya ang mga damit. Nang maiahon na niya iyon para ilipat sa closet ay nagkadangiwi-ngiwi pa siya sa hirap dahil hindi pa siya bihasang gumamit ng saklay. Mabuti na lang at maliit lang ang distansya buhat sa panggagalingan niya at closet.
Pero nakalimutan niya ang kirot ng kanyang sugat nang inilalagay na niya ang mga damit niya sa closet. May mga gamit pa doon si Paolo. Hinawi niya ang mga iyon nnag kaunti para magkaroon ng espasyo ang sarili niyang damit.
Napangiti si Sydney. Hindi niya maiwasang isipin na may bahid ng intimacy ang ginagawa niya. Sa paghahalo ng damit niya sa mga damit nito ay para na rin silang mag-asawa lalo at mismong kuwarto nito ang ookupahin niya.
Nagtagal kaysa sa dapat lang ang pag-aayos niya ng damit. Hinaplos-haplos pa niya ang mga damit doon ni Paolo. At hindi iilang beses na pinagbigyan niya ang sarili na yakapin ang mga damit ng binata. Miss na miss na niya ito. At sa ganoon man lang paraan ay mailabas niya ang kanyang nararamdaman.
“KUMUSTA ang unang gabi mo dito? Nakatulog ka bang mabuti?” tanong ni Mrs. Vegafria kay Sydney kinabukasang nag-aalmusal sila.
Masarap ang almusal na nakahain. Sinangag na mabango sa bawang at mayroon pang carrots at green peas. Paksiw na bangus ang ulam. Mayroong hot dog at piniritong itlog. Mayroon ding toasted bread at butter.
Si Patricia pa mismo ang nagsalin ng kanyang kape sa tasa. Ito pa nga sana ang maglalagay ng creamer at asukal pero pinigil lang niya. Naaasiwa siyang pinagsisilbihan lalo at alam naman niyang kaya niyang gawin ang isang bagay.
“Okay naman po. Mas maaga nga lang po nang kaunti ang naging gising ko,” sagot niya.
“Hindi ka ba naging kumportable?” may pag-aalalang tanong nito.
“Hindi siya nag-aircon, Mommy,” nakangiting sumbong ni Patricia sa ina. “Sinilip ko siya kagabi to make sure na okay ang lahat at baka may kailangan pa siya. Bubuksan ko nga sana ang aircon para maginhawahan siya sa pagtulog, ayaw naman niya.”
“Bukas naman po ang bintana at presko naman ang hangin,” depensa niya agad.
“Baka naman ang iniisip mo ay makakabigat ka? Wala kang dapat ipag-aalala sa anumang bagay, hija.”
“Meaning to say, hindi ka sisingilin ni Mommy sa kuryente at sa kahit ano,” nakatawang sabad ni Patricia.
“Kumusta ang injury mo? Hindi ba kumikirot?”
“Tolerable naman po ang pain. May mga meds pa din po kasi ako.”
“Hindi ka ba magkakanin? Mabubusog ka ba ng tinapay lang?” pansin ni Patricia sa laman ng plato niya.
“Ganito lang ang nakasanayan kong almusal, eh. Sa tanghali ako kumakain ng heavy.”
“Tamang-tama. Magluluto ako ng sinigang na baka para sa bayabas ngayong tanghalian. Kakain ka nang marami, Sydney, para lumakas ka agad.”
Ngumiti siya at ipinagpatuloy ang pagkain.
“Nurse Patricia, wala yata akong nakikitang gamot na naka-prepare para sa special patient natin?” ani Paula sa anak.
“Ay, oo nga pala!” anito at bumaling sa kanya. “Ate Syd, hindi mo pa binibigay sa akin ang mga gamot mo.”
“Ako na lang. Alam ko naman ang schedule ng pag-inom, eh.”
“Baka mamaya, makalimutan mo. Hayaan mong si Patricia ang magpainom sa iyo ng gamot.”
“Huwag na po, Mommy,” sagot niya. “Capsule at tablet lang naman po iyon. Hindi naman po ako bedridden para asistihan sa lahat ng kailangan ko.”
“Baka naman nahihiya ka lang?”
“Tinanggal ko na po ang hiya ko nang pumayag akong dito muna tumuloy at alagaan ninyo.”
“Dapat lang. Sabi ko naman sa iyo, ilapat mo lang ang loob mo. By the way, tinawagan ko si Paolo. Iniimbita ko siyang dito mag-dinner mamayang gabi.”
Napatitig siya kay Mrs. Vegafria. “A-alam ho ba niyang nandito ako?” tanong niya na hindi maintindihan kung tama bang kinabahan siya sa pagkarinig na iyon.
Umiling si Paula. “Wala akong sinabi anuman tungkol sa iyo. I just invited him to dinner.”
“Hula ko, tumanggi si Kuya,” ani Patricia. “Ganoon iyon, eh. Pakipot ba. Para bang utang-na-loob pa ni Mommy na ipagluto siya ng paborito niya.”
“Kailan lang naman naging ganoon ang kuya mo,” pagtatanggol nito sa isa pang anak at tumingin kay Sydney. “Well, ikinakatwiran niya palagi sa akin na nakapag-set na daw kasi sila ng date ni Missy kaya hindi siya puwede.”
“How about dinner tonight? May date na naman daw ba sila?”
“Unfortunately, yes. Pero nangako siya sa akin na bukas daw ng gabi ay dito siya maghahapunan.”
“Isasama kaya niya si Missy?” sabi uli ni Patricia at tumingin pa sa kanya.
“I don’t know. Hindi ko naman sinabing isama niya. Sydney, hija, paano kung kasama bukas ni Paolo ang babaeng iyon?”
Hindi niya alam kung ano ang isasagot niya kaya nagkibit-balikat na lang siya.