KABANATA 7

2065 Words
KABANATA 7-HINDI INAASAHANG PANAUHIN Yria's POV Hindi ko alam kung anong oras na pero dilat na dilat pa din ang dalawang mata ko. Kanina pa ako nakatutok sa libro na binabasa ko. Ang sabi sa akin ni Hermes ay magdadasal kami. Ganito ba ang magdasal sa mundo nila, ang magbasa? Sa pagkakaalam ko din ay kay Trudis ko lang nabanggit na mahilig ako magbasa ng libro. Nabanggit kaya niya kay Hermes iyon? Ang sabi ni Hermes ay pumili daw ako ng librong gusto kong basahin. Dahil gawain ko sa Wings Fairy ang magbasa ay nanabik ako sa mga libro. Naghanap ako at napukaw ng isang libro ang aking atensyon. Malapit na akong matapos sa binabasa ko. Hindi ko talaga iyon tinigilan basahin. Gusto ko tapusin iyon dahil kakaiba ang librong iyon. Tungkol iyon sa mga fairy na nagkaroon ng ugnayan sa mga tao. Nagkaroon ako ng interes doon dahil pinamulat sa akin ng librong iyon kung paano nagkaroon ng puwang ang mga fairy sa mundo ng mga lupa. Mahirap paniwalaan pero gusto ko malaman. "Hermes," tawag ko sa aking katabi ng hindi ito sinusulyapan. Walang sumagot kaya binalingan ko ang katabi. Nasa sofa kami nakaupo sa loob ng study room nito. Parang may kung anong humaplos sa puso ko ng makita ko na mahimbing na itong natutulog. Kahit dumilat ito ay dilim pa din ang nakikita nito. Paano nito nalalampasan ang araw-araw na puro dilim ang nakikita? Lumapit ako ng bahagya sa kan'ya. Pinagmasdan ko siya ng mabuti. Ito lang ang paraan para pagmasdan ko siya ng mabuti. "Shunga ka man o gwapo, masungit ka pa din," mahina kong sambit. "Kung maaari ko lang gamitin ang kakayahan ko ay sa isang iglap lang ay makakakita ka na. Pero kailangan ko sumunod. Hindi maganda ang magiging kapalit niyon kapag ginawa ko ang mga ipinagbabawal." Patuloy ko. Para namang may sariling isip ang aking mga kamay. Dumapo iyon sa mukha nito. Dahan dahan kong hinaplos ang pisngi nito. "Sana parati ka na lang tulog," humagikhik ako. "Para kang hindi makabasag pinggan sa himbing ng tulog mo." Patuloy ko. Pinasadahan ko ng tingin ang buong mukha nito. Mula sa kilay, mata nitong nakapikit at ilong na matulis. Hanggang sa dumapo ang tingin ko sa labi nito. Mamula mula iyon at nangingintab. Naalala ko bigla ang nangyari ng nagdaang gabi. Noong gabing aksidenteng naglapat ang aming mga labi. Natawa pa ako ng sumagi sa isip ko na iniwan ko pa siyang nakahiga at nagmamadali kong tinungo ang silid namin ni Trudis. Hindi ko na alam kung ano na ang sumunod na nangyari sa kan'ya. Napaatras ako ng bahagya itong gumalaw. May sinasabi ito ngunit hindi ko iyon marinig kaya lumapit akong muli. "Yssa…" Kumunot ang aking noo. Kung tama ang narinig ko ay Yssa ang binanggit nito at pangalan iyon. Sino si Yssa? Nanlaki ang mata ko ng mapansin kong marahan nitong iminulat ang mata. Kaya naman ay mabilis akong kumilos at sinandal ko ang aking likod at ulo sa sofa. Pinikit ko ang aking mata. Saka ko lang napagtanto na hindi nga pala ito nakakakita. Kaya dumilat akong muli. Pinanuod ko lang ang ginawa nito. "Yria?" tawag nito sa akin. Hindi ako sumagot para isipin nito na nakatulog na ako. Kinapa nito ang kamay ko. Nahawakan naman nito iyon. Humarap ito sa akin at nakatagilid na sinandal ang ulo paharap sa akin. Kitang kita ko kung paano siya tumingin sa akin kahit alam kong hindi siya nakakakita. "You're not her," mahina nitong wika. Muling kumunot ang aking noo. Ilang beses na nitong binabanggit na hindi ako s'ya. Sino ba ang tinutukoy nito? Humugot ito ng malalim na buntong hininga. Tila ba may nagpapahirap rito. "You'll never be like her, Yria." Dugtong pa nito at muling pumikit. May kung anong bumalot na lungkot sa akin sa huli nitong sinabi. Hindi ko maiwasan na mag-isip kung sino ang binanggit nitong pangalan. Bakit hindi ako maaaring maging katulad niya? Bakit ako nakakaramdam ng lungkot? Marahan kong tinanggal ang kamay ko na hawak niya para hindi siya magising saka ako tumayo. Hinayaan ko na lamang siyang mag-isa sa silid at lumabas na ako ng study room nito. Dala ko pa din ang librong binabasa. Gusto ko tapusin iyon. Sa ngayon ay kailangan ko muna ipahinga ang aking isipan dahil madami na pumapasok doon. Pakiramdam ko napakabigat na ng ulo ko. Kinabukasan ay pinasya kong sumama kay Manang Nora dahil pupunta daw ito ng palengke. Nagpresinta akong sumama dahil ayoko muna makaharap si Hermes. Hindi ko alam pero ayoko muna siya makita. Gusto ko din na lumabas ng bahay. Hindi ako sanay na nakapirmi lang sa iisang lugar. Halos katirikan na ng araw ng makabalik kami sa bahay. Pagdating namin doon ay nakita kong tila balisa si Trudis ng mabungaran namin sa kusina. Nilagay ko ang mga pinamili namin sa mesa at agad ko siyang nilapitan. "May problema ba, Trudis?" tanong ko. "May dumating kasing impaktita, kasama si Ma'am Karla," sagot nito. Kumunot ang aking noo. Hindi ko kilala ang mga tinutukoy nito. "Naku! Wala na naman siyang pasabi na dadating, tapos tayo na naman ang kawawa." Singit naman ni Manang Nora na halata sa boses ang pagkairita. "Sino po?" "Yung nanay ni Sir Hermes," sagot nito habang inaayos ang mga pinamili. "Manang, baka marinig ka. Malakas ang radar ni Ma'am Helda," mahinang wika ni Trudis. Hindi natapos ang hinanaing ng mga ito sa panauhin. Nagkwento sila kung gaano kamiserable ang buhay nila kapag nasa bahay ang ina ni Hermes. Kung ano-ano daw ang pinapagawa. Nagpapaluto ng hindi naman naaayon. Napag-alaman ko din na kaibigan ni Hermes ang kasama ng ina nito. Noong una pa lamang ay pinagkasundo na ang dalawa ngunit hindi sumang-ayon si Hermes dahil may mahal itong iba at kaibigan lamang ang turing ni Hermes kay Karla. Kaya naman labis iyon na ikinagalit ng ina ni Hermes at hindi naging maganda ang pagtatagpo ng ina nito at ng babaeng tinatangi ni Hermes. "Yria, may gagawin ka ba?" tanong ni Trudis. Kasalukuyan akong nakaupo at naghihiwa ng sibuyas. Natutunan ko na din iyon sa tulong ni Manang Nora. Minsan nga ay napapahanga ito sa akin dahil mabilis akong natututo kahit isang beses pa lang ako tinuturuan. "Wala naman, bkit?" "Pwede mo ba akong samahan sa taas, sa balkonahe?" Nahihiya nitong turan. "Oo naman, ano gagawin natin?" tanong ko. "Naku! Malamang may ipag-uutos na naman ang ating mahal na reyna. Sige na Yria, samahan mo na iyang si Trudis at baka maihi pa iyan sa panty niya sa takot doon sa ina ni sir." Natatawang wika ni Manag Nora. "Manang naman, ilag lang talaga ako sa ugali niya. Hindi ko alam kung kanino nagmana si Sir Hermes, ang layo ng ugali niya sa mama niya." Reklamo nito. Natatawa na lamang ako. Hindi ko alam kung anong ugali ang mayroon ang ina ng taga lupang iyon pero gusto ko malaman. Magkasama kaming pumanhik ni Trudis sa ikalawang palapag at tinungo namin ang balkonahe. Habang papalapit kami ay dinig ko ang boses ng dalawang babae. Nagtatawanan ang mga ito. Naramdaman ko ang paghawak ni Trudis sa aking kamay. Sinulyapan ko siya habang naglalakad. "H'wag kang mag-alala, mas shunga ka kay Ma'am Karla," saad nito. Ngumiti lamang ako sa sinabi nito. Nang marating namin ang balkonahe ay agad kaming napansin ng dalawang babae na tumigil sa pagtawa. Hindi nakaligtas sa mga mata ko kung paano ako pasadahan ng tingin ng babaeng halatang may edad na. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Lumipat ang tingin ko sa babaeng nakangiti. Pakiwari ko ay hindi nalalayo ang edad nito kay Trudis. Napakaaliwalas ng mukha nito. Parang ito yung babaeng hindi makikitaan ng problema. Higit sa lahat, shunga din ito ayon na din kay Trudis. Ito marahil yung tinutukoy nila na kaibigan ni Hermes na si Karla. Ang isa naman na tumingin sa akin ay marahil ito ang ina ni Hermes. May edad na ito ngunit hindi mababakas sa mukha nito ang pagtanda. Parang porselana ang kutis nito dahil sa kumikinang iyon at tila banat na banat ang balat nito lalo na sa mukha. Para lang itong kapatid ni Hermes. May kung anong nakapahid sa mukha ng mga ito. Kung ano iyon ay wala na akong balak pang alamin. "Magandang araw po, may ipag-uutos kayo ma'am? tanong ni Trudis na nakayuko habang nagsasalita. Nagtataka ko naman siyang sinulyapan. Akala ko may iuutos, pero bakit nagtatanong pa siya kung may dapat bang gawin? "Yes, pakisabi kay manang na ipagluto kami ng chicken cordon blue and pasta," sinulyapan ko ang nagsalita na may edad na babae. Nakataas ang kilay nito at nakatingin sa akin kaya naman ay nagkasalubong ang aming mga mata. "You! Why are you staring at me? Bago ka lang ba dito?" tanong nito. Hindi ako sumagot bagkos ay nakipagtitigan ako sa kan'ya. Hindi ko gusto kung paano siya mag-utos kay Trudis. Ang pagkakaalam ko ay si Hermes ang amo namin at hindi ang babaeng ito na akala mo makapag-utos ay daig pa ang amo namin. "She's new here," gagad naman ng isang boses mula sa aking likod. Si Hermes iyon na salubong ang kilay. Ang mga mata nito na nagtatanong. Iniisip ba nito yung iniwan ko siya mag-isa sa study room na hindi man lang siya ginising? Hindi ko na siguro kailangan ipaliwanag pa iyon. "Oh, I see. Next time, iho, train your maids na gumalang sa mga bisita. She's new pero kung makatitig siya sa akin akala mo kilala niya ako. Anyway, sige na, nagugutom na ako." Pagtataboy nito sa amin. "Sige po, ma'am," hinawakan ako ni Trudis sa kamay at tumalikod na kami sa mga panauhin. "Yria, pakiayos ang silid ko," utos sa akin ni Hermes. Nagkatinginan kami ni Trudis. Ngumiti siya sa akin at saka binitiwan ang aking kamay. Tinungo ko na ang kwarto ni Hermes at nagsimula na akong magligpit. Kung gagamitin ko ang aking kakayahan ay madali na lang para sa akin iyon. Biglang gumana ang kapilyahan ko. Ayoko magtagal sa kwarto ni Hermes kaya gagawin ko ang ipinagbabawal. Hindi naman siguro ako manghihina agad dahil hindi naman ganoon kabigat ang gagawin ko. Tinaas ko ang aking kamay at itinuro ko ang aking hintuturo sa higaan ni Hermes. Napangiti ako ng kusa iyon gumalaw. Sobra akong nasisiyahan dahil nagamit kong muli ang aking kakayahan. Tinapat ko ang aking hintuturo sa mga unan at kobre kama. Lumutang iyon sa ere at para iyong may isip na pumwesto kung saan dapat ito nakalagay. "Anong ginagawa mo?" Napaigtad ako ng marinig ko ang boses na iyon mula sa aking likuran. Agad kong binaba ang aking kamay kasabay ng pagbagsak ng mga unan at kobre kama. Humarap ako sa nagsalita at ang nagngangalang Karla ang bumungad sa akin. Nakangiti itong nakatingin sa akin. Lihim akong nagdasal na sana hindi nito nakita ang kaganapan kanina. "Ano po 'yon?" Patay malisya kong tanong. Mahina itong tumawa saka naglakad at nilagpasan ako. Sinundan ko ito ng tingin. Tinungo nito ang kama ni Hermes at nagsimula na itong mag-ayos doon. "Ako na ang gagawa nito," presinta nito. "Pero baka po magalit si Sir Hermes," "Hindi ka niya pwedeng pagalitan kundi ako ang makakalaban niya," saad nito. Napangiti ako dahil hindi siya tulad ng ina ni Hermes na iba ang ugali. Napakahinhin niya magsalita at kumilos. Hindi ko lubos maisip kung bakit hindi siya ang ginusto ni Hermes. "Tulungan ko na lang po kayo," suhistyon ko lumapit ako sa kan'ya. Sabay naming inayos ang higaan. Nang matapos namin ayusin iyon ay naupo ito doon at bumuga ng hangin. Nakangiti siyang bumaling sa akin. "Anyway, what's your name?" tanong nito. "Yria po," sagot ko. Halatang natingilan ito at napalis ang ngiti sa labi ngunit kalauna'y muling ngumiti. "I'm Karla, childhood friend ni Hermes." Inilahad nito ang kamay sa akin. Ito ang paraan nila ng pagpapakilala. Inabot ko ang kamay niya. "Kinagagalak ko po kayong makilala, Ma'am Karla," "Nice meeting you too, Yria." Binitiwan na nito ang kamay ko at tumayo. "Si Hermes nga pala, kung madalas siya magsungit sayo, ikaw na lang umintindi. He's kind, pero may time talaga na mainitin ang ulo niya." Natatawa nitong wika. Tumango lamang ako. Gusto ko sabihin dito na balewala sa akin ang pagsusungit ng taga lupang iyon. Kinasanayan ko na din iyon. Tinungo na nito ang pintuan. "Labas na tayo, bago pa tayo masungitan," nakangiti nitong turan. Mabait siya pero hindi ako panatag sa kabaitan niya. Gusto ko muna siya kilalanin ng mabuti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD