KABANATA 20-PAGKADISMAYA
Hermes's POV
Walang gana kong binaba ang aking cellphone pagkatapos ko siya makausap. Alam niya na ngayon ang araw ng pagtanggal ng benda sa mata ko pero nalungkot lamang ako ng marinig ko ang sinabi niya.
Kahit pa oras na para tanggalin ang benda ay hindi ko muna pinatanggal iyon dahil gusto ko siyang hintayin. Nagbabakasakali na sana magbago ang isip niya na pumunta siya at tuparin ang kahilingan ko.
Matagal kong hindi nasilayan ang mundong ito at gusto ko sana na pagmulat ng aking mga mata ay siya ang makikita ko.
Matagal kong pinaghandaan ang araw na ito. Hindi lang ang kompanya ang naging dahilan kung bakit nakapagdesisyon akong magpaopera. Isa din sa dahilan ko ay ang makita ang babaeng muling nagpatibok ng puso ko.
Mahirap man ipaliwanag pero kahit pilitin ko man iwaksi siya sa aking isipan ay iba naman ang sinasabi ng aking puso.
Hindi ko nga siya lubos na kilala pero pakiramdam ko ay matagal ko na siyang kilala. At ang mga hindi ko matandaan na kasama ko siya ay wala na akong pakialam. Ang mahalaga na lang sa akin ngayon ay makita at makasama ko siya.
Kung hindi ko man naaalala ang mga ginawa namin na kasama ko siya ay gagawa ako ng panibagong alaala na kasama siya. Gagawin kong masaya ang lahat sa piling niya.
Kakaiba siya alam ko but I finally realized na gusto ko ang kaibahan niya. I'm in love with her. Nagkaroon ako ng rason para ipagpatuloy ang buhay ko at dahil iyon sa kan'ya.
Alam ko maiintindihan ako ni Yssa kung nagmahal ulit ako. Mananatili pa din siyang nakatago sa kailaliman ng puso ko.
Pero nalulungkot ako dahil pakiramdam ko umiiwas siya sa akin. Hindi ko alam kung bakit. Hindi man lang niya ako pinuntahan dito sa ospital sa araw ng aking operasyon. Hindi man lang niya ako pinagkaabalahang kumustahin at dalawin.
Ngayon nga at hinihintay ko siyang dumating. Hindi ako nawawalan ng pag-asa na sana ay dumating siya.
"Trudis, tawagan mo nga si Yria." Utos ni Manang Nora kay Trudis.
"Opo, heto na at nanginginig pa." Sagot naman ni Trudis.
Namayani ang katahimikan. Hinintay ko magsalita si Trudis. Gusto ko malaman kung natawagan na ba nito si Yria.
Dinig ko ang buntong hininga ni Trudis. Alam ko na ang sagot.
"It's okay. H'wag na natin siyang hintayin. Baka importante ang gagawin niya." Sabi ko na hindi naitago ang kalungkutan sa aking boses.
"Susubukan kong tawagan ulit si Yria, sir." Sambit ni Trudis.
"No. Hayaan na natin siya." Sabi ko na lamang.
Handa na ako kahit wala siya. Pero ramdam ko ang lungkot dahil ngayon ko napagtanto na hindi pala kami pareho ng nararamdaman.
Nakakatawa dahil kung kailan tumibok muli ang aking puso ay doon pa sa babaeng hindi ako gusto.
"Maaari pa natin hintayin ang gusto mong hintayin Mister Alejandro. I think, mahalaga yata ang hinihintay ninyo." Sabi ng aking doktor.
"It's okay, doc. Hindi na siya darating. Magkikita naman kami sa bahay." Sabi ko na lamang.
Bumuntong hininga ako.
Parang may tumusok sa puso ko. Ngayon na lang ulit ako nakaramdam ng sakit. Masakit pala kapag binabalewala ka ng taong mahal mo.
Huli kong naramdaman ito ng mawala si Yssa. Ngunit ang balewalain ka ng taong mahal mo ay mas masakit. Masakit dahil alam kong nasa malapit lang siya pero hindi niya magawang pag-aksayahan man lang ng oras ang kahilingan ko.
Naramdaman ko ang pagtanggal ng benda sa aking mata. Marahan ang pagtanggal niyon ng aking doktor.
Narinig ko ang impit na tili ni Trudis. Ang maya't mayang singhap ni Manang Nora at ang pagsaway ni Gaston kay Trudis para tumigil ito. Kung nandito siya ano din kaya ang magiging reaksyon niya?
Nanatili lamang akong tahimik at hinintay kong matanggal na ang aking benda sa mata. Kahit nakapikit ako ay may naaninag akong liwanag. Kung dati ay kahit pumikit ako ay puro kadiliman ang nakikita ko pero kakaiba ang ngayon.
Sa wakas ay natanggal na ang benda sa aking mata. Aaminin ko, excited ako na operahan sa mata at makita muli ang mga taong nakapaligid sa akin. Ngunit iba ang nararamdaman ko ngayon. Nawala ang pananabik kong makakitang muli. Dahil lamang iyon sa babaeng gustong gusto kong makita ngunit wala sa kwartong ito.
"Okay, slowly open your eyes,"
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Sa una ay wala pa akong masyadong maaninag. Malabo pa ang paningin ko.
"H'wag mong pwersahin, Mister Alejandro. Malabo iyan sa una pero kapag tumagal ay lilinaw ang iyong paningin." Paalala ng doktor sa akin.
Matagal akong hindi nakakita. Siguro ay naninibago ako.
Bahagya akong kumurap. Ang malabo kong naaaninag kanina ay unti-unting lumilinaw. Hanggang sa malinaw ko ng nakikita ang aking kaharap.
Inilibot ko ang aking paningin. Gusto ko matawa dahil sa reaksyon na nakita ko kay Trudis at Manang Nora. Kapwa nakayakap ang mga ito at nakaawang ang mga bibig.
Si Gaston naman na nakangiti. How I missed this people. Ang makita ang mga reaksyon nila ay ang nagpapasaya sa akin.
"Sir, kumusta? Nakakakita na kayo?" Pukaw sa akin ni Manang Nora.
Isa si Manang Nora ang pinasasalamatan ko. Hindi niya ako iniwan kahit pa nabulag at nag-iba ang ugali ko.
"Walang pagbabago sa inyo, manang. Maganda pa din kayo." Biro ko na ikanatuwa nito at kalauna'y umiyak.
"Nakakakita ka na nga. Nabibiro mo na ulit ako." Sabi nito sa gitna ng pag-iyak.
Lumapit ito sa akin at niyakap ako.
"Nakikita ko na kayo manang. Salamat sa lahat ng pagpapasensya sa kasungitan ko. Hindi ninyo ako iniwan." Sabi ko habang hagod ang likod nito.
"Ako ang dapat magpasalamat dahil sa wakas ay hindi ka na sa kadiliman mabubuhay. Ang saya ko, Sir Hermes."
May tumikhim sa likuran nito. Sinulyapan ko iyon. Alanganing ngumiti si Trudis sa akin at yumuko pa ito na tila nahihiya.
"Trudis, tama?" Paninigurado ko.
Tumango ito at bahagyang lumapit sa akin. Napangiti ako dahil hindi ako nagkamali. Sinulyapan ko si Gaston na nakangiti pa din sa akin. Muli kong binaling ang tingin kay Trudis.
Kumalas ng pagkakayakap sa akin si Manang Nora.
"Lumapit ka na, Trudis. H'wag ka ng mag-inarte." Biro ni manang.
"Na-nahihiya ako manang kay sir, eh." Sabi nito na bahagya pang inikot-ikot ang katawan. Para itong aso na gusto magpakalong sa amo.
Ibinuka ko ang aking mga braso. Gusto ko din siyang yakapin dahil naging malaki din ang naging tulong niya sa akin. Alam ko din na matagal din itong nagtiis sa ugali ko.
Bulag na ako ng dumating ito sa bahay. Kasabayan ito ni Gaston. Nauna lang si Trudis ng ilang araw na dumating sa bahay.
Mabilis itong lumapit sa akin at niyakap ako.
Natatawa ako habang nakayakap ito. Kung marahil ay may kapatid akong babae gusto ko ay katulad din niya.
Kumawala na siya sa pagkakayakap sa akin.
Sumulyap ako sa pintuan. Nagbabakasakali na bumukas iyon at iluluwa niyon ang inaasahan ko. Ngunit ilang segundo na ang nakalipas ay wala pa din nagbubukas niyon.
"Mister Alejandro, nais ko lang sabihin sa iyo na kailangan mo muna ipahinga ang iyong mata. I heared na kaya ka nagpa-opera ay para sa iyong kompanya. Ipapaalala ko lang na hindi pwedeng mapagod ang iyong mata lalo na at bagong opera ka pa lang. Kung nangangati ay hayaan mo lang. Iwasan mo na h'wag i-rub ng iyong kamay para iwas iritasyon. Sa ngayon ang maipapayo ko lang ay ipahinga mo muna ang iyong mata." Mahabang paliwanag nito.
"Yes, doc. Thank you." Matamlay kong sagot.
"Complete healing make take Three to four weeks. After that, maaari mo ng gawin ang gusto mo. Basta tandaan mo lang na hindi dapat mapagod ang iyong mata. H'wag ka magpupuyat at h'wag masyadong tutok lalo na sa mga may radiation." Dagdag pa nito.
Sinulyapan nito ang nurse na kasama. May inabot ang nurse at binigay iyon sa aking doctor. Binuksan nito iyon at nilabas ang isang salamin sa mata. Sinuot nito iyon sa akin.
"Always wear this eyeglasses. Makakatulong iyan for less radiation."
Narinig kong muling impit na tumili si Trudis. Sinulyapan ko ito.
"Sir, kahit may salamin kayo ang gwapo n'yo pa din." Sabi nito na halatang kinikilig.
Bahagya akong tumawa sa tinuran nito. Siguro mas lalo akong matutuwa kung si Yria ang nagsabi na gwapo ako o kahit shunga ako.
I heaved out a deep sigh. How I wish that she's here staring at me like she always do.
"Paano, maiwan ko na kayo." Paalam ng doctor na nag-opera sa akin.
"Thanks again, doc," sabi ko.
Nang lumabas ang mga ito ay lumapit sa akin si Manang Nora.
"Natutuwa ako at nakakakita na kayo sir. Tiyak na kung nabubuhay si Ma'am Yssa ay siya ang pinakamasaya sa lahat." Malungkot nitong wika sa huling sinabi.
Hinawakan ko sa kamay si Manang Nora.
"Malulungkot si Yssa kapag malungkot kayo, manang." Pagpapaalala ko.
Naging malapit si Yssa kay Manang Nora. Minsan nga ay nagseselos na ako kay manang dahil kapag pumupunta si Yssa sa bahay ay si Manang Nora agad ang hinahanap nito.
"Gusto n'yo ho ba tawagan namin ulit si Yria, sir?" tanong ni Trudis.
Umiling ako. Siguro ay may dahilan siya kung bakit hindi niya nagawang pumunta. Magkikita naman kami sa bahay.
"Pakiayos na lang ang mga gamit ko." Utos ko at inayos ko ang salamin na binigay sa akin.
Hindi ako sanay na may salamin sa mata pero siguro ay masasanay din ako.
"Gaston, pwede mo ba tawagan si mama?" Baling ko kay Gaston.
Agad naman tumalima si Gaston sa sinabi ko. Nang sa tingin ko ay natawagan na nito ang aking ina ay binigay na niya sa akin ang cellphone.
"Ma,"
"Iho, napatawag ka? Pasensya ka na at hindi na ako nakakadalaw sa'yo. May problema ba?" Tanong agad sa akin ng aking ina.
"Wala naman po. Pwede ba kayo pumunta bukas?" Habang sinasabi ko iyon ay nanatili ang atensyon ko sa nakasarang pinto.
"Oh! I'll try iho. May mga inaasikaso kasi ako pero don't worry, kapag hindi ako makakapunta I will inform you."
Humugot ako ng malalim na hininga. Mabigat sa pakiramdam hindi dahil hindi sigurado ang aking ina na makakapunta ito kun'di dahil ay hanggang ngayon ay umaasa ako na magbubukas ang pinto at makikita ko ang mukha ng babaeng tinitibok ng aking puso.
"Okay, ma." Tinapos ko na ang usapan namin ng aking ina.
Umalis ako sa pagkakaupo. Pumunta ako sa sofa at naupo ako doon. Sinandal ko ang aking ulo at marahan kong ipinikit ang aking mata. Kalauna'y iminulat ko din iyon.
Sa wakas nakakakita na ako. Noon wala na akong pakialam kung hindi na ako makakita. Ang mabuhay sa kadiliman ay kinasanayan ko na.
Wala na akong pakialam sa mga taong nakakakilala sa akin dahil simula ng mabulag ako ay isa-isa silang lumayo sa akin. Iniwan nila ako sa ere sa panahong kailangan ko sila.
Nagpapasalamat ako dahil may nagtiis na makisama sa akin sa loob ng limang taon. At may isa pa ulit na pumasok sa buhay ko na muling nagpatibok ng puso ko. Ngunit wala sa kwartong ito ang naging dahilan para mabuksan ang isipan ko na hindi pa huli ang lahat.
"Sir, okay na po ang mga gamit ninyo." Dinig kong sambit ni Manang Nora.
"Sige, manang, salamat. Gaston pakidala na lang muna sa sasakyan. Susunod na lang ako." Matamlay kong wika.
"Sige po sir," sabi nito.
"Manang, susunod na ba tayo kay Gaston?" Tanong ni Trudis.
"Ikaw, sumunod ka na. Sasamahan ko muna si Sir Hermes."
"Okay. Masaya sana kung nandito si Yria. Ano naman kaya pinagkaka-abalahan ng babaeng iyon at hindi man lang pumunta dito?" Narinig ko pang wika ni Trudis bago ko narinig ang pagsara ng pinto.
Muli akong humugot ng malalim na buntong hininga. Umupo si manang sa tabi ko.
"Alam ko kung ano ang nararamdaman n'yo Sir Hermes. Simula pagkabata ay kilala ko na kayo."
Sinulyapan ko si Manang Nora at mapait akong ngumiti.
Kilala nga niya ako simula pagkabata dahil siya na din ang nakagisnan kong nag-alaga sa akin noong bata ako. Abala kasi ang mga magulang ko sa pagpapatakbo ng mga negosyo namin kaya naman ay si manang ang madalas kong kasama.
Mas naging malapit ako dito kaysa sa aking ina. Minsan nga ay nagrebelde na ako dahil sa pakiramdam ko ay wala na pakialam sa akin ang mga magulang ko dahil buong atensyon nila ay nasa negosyo.
Dahil kay Manang Nora ay naging bukas ang isipan ko dahil sa mga sinabi niya sa akin. Simula ng ipaliwanag niya sa akin kung bakit wala na sa akin ang atensyon ng magulang ko kun'di sa negosyo namin ay naintindihan ko na ang lahat.
"Salamat manang at nanatili kayo sa tabi ko. Hindi ninyo ako iniwan." Pagpapasalamat kong muli.
Kulang pa nga ang pasalamat sa mga pag-aaruga na binigay niya sa akin. Siya na ang tumayong pangalawa kong ina sa mga oras na wala si mama sa tabi ko.
"Kahit tumanda ka ay hindi ako magsasawang alagaan ka. Ikaw na ang tinuring kong anak simula ng mawala ang anak ko." Gumaralgal ang boses nito sa huling sinabi.
Pumanaw ang anak ni Manang Nora dahil sa mahina ang puso nito. Kung buhay pa sana si Nilo ay malamang siya ang madalas kong kasama. Ka-edaran ko lang kasi siya.
"Salamat ulit, manang."
"Kilala ko din si Yria, Sir Hermes. Baka may dahilan siya kung bakit hindi siya pumunta."
Nang marinig ko iyon kay manang ay hindi ko maiwasan ang malungkot. Kung ano man ang dahilan niya kung bakit hindi siya pumunta ay igagalang ko.
Tumayo na ako mula sa pagkakaupo. Tumayo na din si manang at sabay kami naglakad patungo sa nakasarang pinto.
Malapit na kami sa pinto ng sabay pa kaming magulat dahil bigla iyong bumukas.
Isang nakangiti at humihingal na babae ang iniluwa niyon.