KABANATA 21
Trudis's POV
Nakasimangot na sumunod lamang ako kay Gaston habang bitbit ang gamit ni Sir Hermes. Paano ba naman ay hindi man lang nito kinuha sa akin ang dala ko. Napaka-gentleman talagang lalaki.
"Gaston!" Hindi nakatiis na tawag ko sa kan'ya.
Lumingon naman ito at nakakunot ang noo na tumingin sa akin.
"Bakit?" Tanong nito. Lalo naman nagusot ang mukha ko sa sinabi nito.
"Baka gusto mo akong tulungan. Ang gentleman mo talaga." Sarkastiko kong wika.
Lumapit ito sa akin at kinuha ang dala ko. Blangko ang mukha ng tingnan niya ako.
"Sinabi ko na ba sa'yo ang totoo kong pangalan?" Bagkos ay sabi nito.
Nakasalubong ang aking kilay. Umiling ako dahil simula ng dumating siya sa bahay ni Sir Hermes ay Gaston na ang tinatawag ko sa kan'ya. Dahil iyon naman ang pakilala nito.
"Gusto mo ba malaman?" Dagdag pa nito.
Wala sa loob na napatango ako. Kung tutuusin hindi bagay ang Gaston sa itsura nito. Hindi din ito bagay maging driver lamang ni Sir Hermes dahil kung ako ang tatanungin ay magandang lalaki si Gaston. Ibang iba ito sa mga lalaking nakilala ko at nakikita ko.
Nilapit niya ang mukha na kinaatras ng ulo ko pero nanatiling nakatayo sa kinatatayuan ko.
"Gahel at your service, ma'am." Nakangiti nitong wika na kinaawang ng bibig ko.
Tumalikod na ito sa akin at nagsimulang maglakad papalayo.
"Hoy! Ang layo ng Gael sa Gaston. Paano ka naging Gahel?!" Tanong ko habang habol siya. Sa haba ng biyas nito ay hindi ko ito mahabol.
Hindi niya ako sinagot kaya naman ay mabilis akong naglakad. Nang malapit na ako sa kan'ya ay pumihit ito paharap na ikinagulat ko. Nawala ako sa balanse kaya naman ay muntik na akong matumba kung hindi lang niya ako mabilis na nahawakan sa braso.
Hindi ako nakagalaw ng magkalapit ang aming mga mukha. Hindi na yata ako makahinga.
"Kahit kailan talaga Trudiya Disha napakalampa mo." Nakangiti nitong turan.
Pinatayo niya ako ng tuwid at muling tumalikod sa akin. Nanatili lamang akong nakatingin sa kan'ya ng may naalala ako.
"Hoy! Bakit alam mo ang buong pangalan ko?!" Sigaw ko sa kan'ya.
Nang hindi niya ako sagutin ay mabilis ko siyang hinabol. Sumabay ako ng lakad sa kan'ya.
"Sagutin mo nga ako. Bakit alam mo ang buo kong pangalan?" Tanong kong muli sa kan'ya.
"Sinabi mo sa akin," sagot nito ng hindi ako sinusulyapan.
"Wala akong maalala na sinabi ko sa'yo iyon. Kahit si Manang Nora hindi alam ang buo kong pangalan." Nagtataka kong tanong sa kan'ya.
Huminto ito sa paglalakad na ikinahinto ko din. Humarap siya sa akin.
"Okay lang kung hindi mo maalala. Ang mahalaga malapit ka lang sa akin." Malungkot nitong turan. Naguluhan ako sa sinabi nito.
Muli itong naglakad at tinungo na ang sasakyan. Tatanungin ko pa sana siya ng napukaw ang atensyon ko ang isang pamilyar na mukha.
Nagmamadali itong maglakad. Para itong may hinahabol.
Nang luminaw sa akin ang pamilyar na mukhang iyon mabilis akong bumalik sa loob ng ospital.
Hindi ko na nagawang magsabi kay Gaston na babalik ako. Gusto ko makita ang magaganap dahil alam ko kung ano ang nararamdaman ng babaeng iyon kahit hindi niya sa akin sabihin. Babae ako at alam ko ang pakiramdam na ganoon.
Yria's POV
Lakad takbo ang aking ginawa. Sana maabutan ko sila.
Hindi ko na alam ang gagawin ko dahil bago ako umalis ng bahay ay hindi pa ako nakapag-desisyon. Ngunit habang naglalakad ako patungo sa lugar kung saan nandoon si Val ay nakapag-isip-isip ako.
Paano nga kung ito na nga ang huli kong misyon para kay Hermes? Hindi ko man lang magagawa ng magpaalam sa kan'ya kahit sa huling sandali?
Kaya kahit malapit na ako sa lugar kung saan naghihintay si Val ay hindi ako tumuloy.
Habang binabagtas ko ang daan patungo sa ospital na nagbigay sa akin ng mensahe ay tinawagan ko si Val.
Ramdam ko sa boses nito ang pagkadismaya at lungkot ng sabihin ko na hindi ako matutuloy pumunta. Tinanong niya ako kung bakit ngunit wala akong binigay na sagot. Babawi na lang siguro ako sa kan'ya sa susunod kapag nagkita kaming muli.
Nagmamadali kong tinungo ang kwarto kung nasaan siya. Hindi ako sigurado kung nandoon pa sila pero wala naman siguro masama kung hindi ko susubukan.
Muntik pa akong madapa dahil sa bilis ng takbo ko. Lahat ng madadaanan ko ay napapatingin sa akin pero wala na akong pakialam dahil ang mahalaga sa akin ay ang makita ko si Hermes.
Nang marating ko ang silid ay nakangiti at sabik ko iyon binuksan. Ngunit nagkamali yata ako ng kwarto na pinasok.
Napalis ang ngiti ko ng iba ang nakita ko sa loob ng silid. Nakasalamin kasi ito at hindi ko masyadong maaninag pa ang mukha dahil nanlalabo yata ang mata ko. Marahil siguro sa ginawa kong takbo at hinihingal pa ako ngayon.
Sinulyapan nito ang katabi. Saka ko lang napagtanto na may kasama pala ito sa kwarto. Hindi ko na nagawang tingnan ang katabi nito dahil muli kong sinilip sa cellphone na hawak ko kung tama ba ang kwartong pinuntahan ko.
"Mali ba ang napuntahan ko? Tama naman yung naba--"
Hindi ko na nagawang ipagpatuloy ang sasabihin ko ng bigla na lamang may yumakap sa akin.
Hindi ako nakagalaw at nanlaki pa ang mga mata ko. Muntik ko pa mabitawan ang cellphone na hawak ko.
"I'm glad you came, Yria." Masigla nitong wika.
Ang pamilyar na boses ang aking narinig.
Nakita ko din si Manang Nora na nakangiting nakatingin sa akin. Ibig sabihin ay hindi ako nagkamali ng silid.
Nang pakiwari ko ay siya ang nakayakap sa akin ay tumugon ako ng yakap sa kan'ya. Pinulupot ko ang aking braso sa kan'yang malapad na katawan.
Ang yakap nito ang nagpapawala ng alalahanin ko. Kung ano man ang posibleng mangyari ay handa na ako dahil alam kong iiwan ko siya na masaya.
Hindi pa man nagtatagal ang yakap ko sa kan'ya ay kumawala na ito sa pagkakayakap sa akin.
Madilim ang mukha nito ng sulyapan ko. Salubong din ang kilay nito. Nagtatanong ang mga mata na nakatitig sa akin.
"Where have you been? Alam mo bang kanina pa ako naghihintay sa'yo?" Sabi nito na may diin ang bawat salita.
"A-ano kasi...m-may inayos pa ako...b-bago ako...a-ano…" Hindi na tuwid ang mga sinasabi ko kaya naman ay napayuko na lamang ako.
Pinaghintay ko siya. Hinintay niya ako. Hindi siya nawalan ng pag-asang dadating ako.
Hinawakan nito ang baba ko at inangat ang aking mukha. Nakangiti siya ng tingnan ko. Kaya pala hindi ko siya nakilala kanina dahil sa salamin niya. Pero hindi nagbago ang paghanga ko sa kan'ya. Gwapo pa din siya sa paningin ko.
"H'wag mo akong pinag-aalala, okay." Nag-aalala nitong wika. Tumango lamang ako bilang tugon.
Niyakap niya akong muli. Sa pagkakataong iyon ay mahigpit. Hindi ko na nga yata alintana ang mga matang nakatingin sa amin. May narinig pa akong impit na tili.
Pasimple akong tumingin sa pinanggalingan ng tili at ang hindi ko mawaring reaksyon ni Trudis ang aking nakita.
Tumugon ako ng yakap kay Hermes. Ngayong nakakakita na ito ay susulitin ko ang mga araw na kasama ko ito.
Hindi ko man alam kung ito na nga ba ang huling misyon ko ay gagawin kong masaya ang bawat araw na kasama ko siya. Para kapag dumating yung araw na susunduin na ako ni Inang Tianna ay may babaunin akong masayang alaala kasama si Hermes.
Habang nasa sasakyan ay tahimik ang lahat. Hindi nakaligtas sa mata ko ang pasimpleng sulyap ni Trudis kay Gaston.
Pasimple akong ngumiti. Sumulyap ako sa katabi ko na nakatanaw sa labas. Sinulyapan ko din ang magkahawak naming mga kamay.
Simula ng umalis kami sa ospital ay hindi na nito binibitawan ang aking kamay. Hinahayaan ko lamang siyang gawin iyon.
Naramdaman ko ang pagkalabit sa akin sa balikat ni Manang Nora. Makahulugan ang ngiti nito ng sulyapan ko.
Pagdating namin sa bahay ay hindi pa din niya binibitawan ang aking kamay. Kaya wala na din akong nagawa ng pumanhik kami sa taas kasama ako.
Nang nasa tapat na kami ng kwarto nito ay saka niya ako binalingan. Nakakunot noo itong tumingin sa akin.
"Hindi ko hihingin ang paliwanag mo. For now, I want to spend my whole time and day with you." Seryoso nitong wika.
Lihim akong nagdiwang dahil hindi ko na kailangan magpaliwanag sa kan'ya kung bakit nahuli ako ng dating.
"Pero may gagawin pa kasi ako. Kailangan ko pa tulungan sina manang sa pagluluto." Pagdadahilan ko.
Dinig ko ang buntong hininga nito. Kalauna'y binitawan na nito ang aking kamay. Binuksan na nito ang pinto ng kwarto at hindi na nito nagawang magsalita at pumasok na ito sa kwarto nito. Sinarado na din nito iyon.
Naiwan naman akong nakatingin sa saradong pinto. Wala naman akong sinabing hindi maganda para hindi na niya ako kausapin.
Tumalikod ako at nagsimula na akong humakbang ng biglang may humaklit sa aking kamay at mabilis akong ipinasok sa loob ng silid.
Mabilis na kumabog ang puso ko ng yakapin niya ako. Hindi na ako nakagalaw dahil sa paraan ng pagyakap nito sa akin.
"H'wag mo naman akong iwasan, please." Nakikiusap ang tono ng boses nito.
Paano ko iiwasan ang tulad niya kung ganito ang pinaparamdam niya sa akin.
Tumugon ako ng yakap sa kan'ya.
"Anong gagawin ko?" Bagkos ay tanong ko na lamang.
"Dito ka lang, please." Pakiusap nito.
"Maghapon?"
"Yeah,"
"Sigurado ka?"
Tumawa ito ng mahina at kumalas na sa pagkakayakap sa akin. Inipit nito sa aking tenga ang takas kung buhok. Pinakatitigan niya ako at ganoon din ako sa kan'ya.
"Maganda ka nga talaga. Kakaiba ka sa lahat. Hindi ko alam pero ikaw din ang nakikita ko sa panaginip ko kahit hindi pa man kita nakikita." Sabi nito dahilan para hindi ako nakahuma.
Kung maaari ko lang sabihin na talagang totoong nakita na niya ako. Na hindi panaginip ang lahat.
"H-Hermes," tanging nasambit ko.
Hinaplos nito ang bawat parte ng mukha ko. Mula sa kilay, mata, ilong at pisngi.
"Hindi dahil sa maganda ka kaya nagustuhan kita, Yria." Sinapo niya ng kanyang kamay ang kabilang bahagi ng aking pisngi. " Because my heart says that I love you. Ikaw ang tinitibok nito." Gamit ang isang kamay ay tinuro nito ang tapat ng dibdib nito.
"B-bakit ako?" tanong ko. Gusto ko malaman dahil alam kong si Karla ay matagal ng may gusto sa kan'ya. Pero bakit ako ang napili nitong mahalin?
"Hindi mo ba narinig ang sinabi ko kanina? Ang sabi ko, ikaw ang tinitibok nito," sabay turong muli sa tapat ng puso nito.
"Hindi mo ako pwedeng mahalin, Hermes." Malungkot kong wika dahil iyon naman ang totoo.
"Why? Inuutosan mo ba akong hindi ka mahalin? Kailan pa pwedeng utosan ang puso? Tell me, Yria." Sunod sunod na tanong nito.
"Hindi mo ako naiintindihan, Hermes," saad ko at yumuko.
Mula sa pisngi ay hinawakan niya ako sa baba at inangat ang aking mukha.
"Hindi ko muling hihingin ang paliwanag mo. Ang mahalaga ay mahal kita. Naiintindihan mo ba ako?" Puno ng sensiridad ang nakita ko sa mga mata niya.
Bumuntong hininga ako. Dapat ko bang ituloy ito kung alam ko naman ang posibleng mangyayari? Paano ko hindi mamahalin ang taga lupang ito kung ngayon pa lang ay bumibigay na ako sa bawat salitang binibitawan nito?
Ngumiti ako sa kan'ya. Gusto ko iparating na hahayaan ko siyang mahalin ako. Hahayaan ko muna ang sarili kong mahalin siya. Gusto ko muna itong maranasan. Gusto ko muna maging masaya kahit alam ko kung ano ang magiging kapalit niyon.
Sumilay sa kan'yang mga labi ang isang matamis na ngiti. Gusto ko palagi iyon araw-araw makita. Ang magandang ngiti nito ang nagpapawala sa akin ng mga agam-agam.
Hinawakan niya ako sa magkabilang kamay at marahan iyong pinisil.
"Thank you, Yria. Thank you because you came in to my life." Sabi nito at muli akong niyakap.
Ang sarap sa pakiramdam. Masarap pala magmahal lalo na at pareho kami ng nararamdaman. Ngunit hanggang kailan ito?
"Hermes,"
"Hmm?"
"Mahal din kita," sambit ko. Pagkasabi ko niyon ay mabilis itong kumalas sa pagkakayakap sa akin. Nagtatanong ang mga matang tiningnan ako.
"W-What did you just say?" tanong nito na tila hindi makapaniwala sa binitiwan kong salita.
"Uulitin ko pa ba?" Balik tanong ko.
"Yes! Of course, hindi ko kasi narinig." Nakangisi nitong turan.
Sumimangot ako kasabay niyon ang pagtawa nito.
"Just kidding. Sapat na sa akin ang narinig ko. Isa lang ang masasabi ko..."
"Ano iyon?"
"Mas mahal kita, Yria." Pabulong nitong wika.
Unti-unting lumapit ang mukha nito sa akin. Nataranta ako. Kapag hinalikan niya ako ay mawawala na naman ang alaala nito at hindi ko hahayaan mangyari iyon. Kaya naman kahit labag sa kalooban ko ay bahagya akong lumayo sa kan'ya.
Nagtatanong naman ang mga matang tiningnan niya ako. Nakangiti kong hinaplos ang pisngi nito. Ayoko isipin nito na ayaw kong mahalikan niya.
"Bagay sa'yo ang salamin mo," bagkos ay sabi ko.
Ngumiti ito at kinuha ang kamay ko na nasa pisngi nito.
"Really? Shunga pa din ba ako sa paningin mo?" Hindi ko alam kung biro iyon pero natawa ako.
"Oo, shunga ka kahit saang anggulo." Sabay kaming nagtawanan.
Ayoko na matapos ang araw na ito. Tunay ngang nahulog na ako sa isang taga lupa. Kung ano man ang kapalit nito ay handa ako. Sadyang hindi ko lang talaga kayang hindi mahulog sa kan'ya.
Mahal ko si Hermes. Nagmahal ang isang fairy sa isang taga lupa at iyon ang katotohanan.
Kaya kong iwasan ang halik nito pero hindi ang pagmamahal ko sa kan'ya.