NANGINGITI-NGITI si Raphael habang binabasa ang diary ng babaeng nakabunggo sa cafeteria. Sinubukan niya itong habulin nang mapansing nahulog nito ang bagay na `yon at para na rin magpaliwanag sa ginawa niya ngunit nawala na ito sa paningin niya. Kung sabagay ay ilang sandali ang lumipas bago siya naka-recover sa nangyari. Hahanapin lang niya sana ang pangalan at contact number nito ngunit nawili siyang basahin ang mga nakasulat doon dahil kahit na sabihing puro tungkol lamang sa sarili ay napaka-interesting ng nilalaman nito. Pakiwari niya ay nakakilala siya ng isang pambihirang babae sa pamamagitan lamang ng pagbabasa no`n.
Simpleng-simple lang din ito at sa palagay niya ay ito ang nagpapa-angat sa ganda nito. Mas attracted siya sa mga simple kaysa sa mga matatapang ang ganda dahil nakakasawa ito para sa kanya.
Nasapo niya ang pisngi nang maalala kung gaano kalakas ang sampal nito matapos niya itong mahalikan dahil sa pagpa-panic. Nagtatago kasi siya ro`n mula kay Honey, ang hipag niya, at ginagawa niya `yon upang tigilan na siya nito. Nasaktan man siya ngunit hindi rin niya pinagsisihan ang nangyari. `Yun ang unang beses na humalik siya sa babaeng hindi niya kilala at masasabi niyang iba rin pala ang pakiramdam kumpara sa mga nakaka-date niya. Mas na-excite siya dahil napakalambot ng labi nito na halatang bihirang mahalikan.
Mabuti na lang bago siya masampal ay nakaalis na si Honey sa cafeteria dahil kung nakita pa nito `yon ay mas malaki ang problema niya ngayon.
“Sorry, a, nagamit kita.” Wika niya sa diary ng nakangiti. “Sana magkita pa tayo para maisauli ko sa `yo ito at makilala kita.”
Inabot niya ang isang libro ng paborito nilang author, si Elle, nang kanyang namayapang asawa na si Nina. Ito ang binabasa ni Nina noon bago matulog. Ayon dito, ang kuwentong may pamagat na ‘The Seventh Daughter’ ang pinakapaborito nito kaya kahit paulit-ulit ay hindi ito nagsasawang basahin iyon.
Ito rin ang librong palaging nasa ibabaw lang ng kanyang table sa study room. Kinakausap niya ito na animo`y tao ang kanyang nasa harap ngunit isang beses lang niya itong nabasa. Iniiwan lamang niya ito ro`n dahil pakiwari niya ay bahagi ito ni Nina na naiwan sa kanya.
“Paano ba `yan, Elle, seems like I have a new favorite writer.”
Napalingon siya sa pinto nang marinig na may pumasok, ang kanyang magpi-pitong taong gulang na anak, si Mika.
“Why are you still up, sweetheart?” isinenyas niya ang kamay na lumapit ito sa kanya.
Naupo ang bata sa kanyang kandungan. Nakabihis na ito ng pantulog at mukha namang inaantok na.
“Nasaan si Ate Anna mo?” ang yaya nito ang tinutukoy niya.
“Daddy, nagwo-work ka pa rin po ba o kinakausap mo na naman ang books mo?” tanong nito.
Ilang beses na siya nitong nahuling ginagawa iyon kaya hindi na siya makakapagpalusot. “A, ikinu-kondisyon lang ni Daddy ang mind niya para paghiga ko, makatulog ako ng maayos.”
“Ang sabi ni Ate Anna, girlfriend mo raw po ang mga books mo? Daddy, ayoko pong magkaroon ng Mommy na book.” nakakunot pa ang noo nito nang sabihin `yon at nanunulis ang nguso. Matagal na rin itong nagtatanong sa kanya kung kailan ito magkakaroon ng ina. Naiinggit kasi ito sa iba lalo na sa mga kaklase nitong madalas daw magkuwento tungkol sa kanilang mommy.
Sa sakit na leukemia namatay si Nina. Nalaman lamang nila iyon nang ipagbuntis nito si Mika. Nagpa-chemo pa ito at talagang pinatutukan nila sa doctor ang kanilang baby kaya naman naging healthy ito nang ilabas. Ipinagpatuloy nito ang pagpapagamot at akala niya ay gagaling pa ito ngunit dahil nag-relapse ang leukemia nito, matapos nga ang tatlong taon ay binawian na ito ng buhay. Dahil masyado pang bata noon si Mika, hindi na nito naaalala kung paano ito minahal at inalagaan ng kanyang mommy.
“Huwag kang mag-alala anak, Daddy`s already looking for a mommy at siguradong hindi libro. And I think, I already met her.” Natatawang sagot niya sa anak.
Naghikab ito. “Really, Daddy?”
“Yes, sweetheart. Sooner or later, makikilala mo rin siya. But for now, you better go to bed.”
Humalik muna sa kanyang pisngi si Mika at nagsabi ng good night bago siya iwan.
“Talaga itong si Anna, kung anu-ano ang sinasabi sa bata.” napapailing-iling na lang siya. Nabalik ang atensiyon niya sa hawak na libro.
Hindi lingid sa kaalaman ng mga kasambahay nila na tagahanga siya ni Elle. Marahil nang una ay naimpluwensyahan lang siya ni Nina ngunit nang lumaon ay siya na ang bumibili kapag may bago itong release na nobela. Binibiro nga siya ng asawa na baka raw in love na siya rito at pabiro rin siyang sasagot na ito ang mistress niya. Gayunpaman, hindi naman siya nagtangkang magpunta sa mga book signing nito dahil abala siya sa pagtatrabaho at pagiging ama kay Mika. Kaya wala siyang idea sa hitsura nito at hindi naman importante sa kanya ‘yon.
Weird. Ito ang madalas niyang marinig na sabihin ng mga tao kapag nalalaman ang kakaiba niyang hilig. Lalaki nga kasi siya, 37 years old na, may sariling negosyong pinapatakbo at palaging pormal sa opisina. Hindi nila aakalaing tao rin naman siya. At sa palagay niya ay wala naman masama kung ang isang katulad niya ay magbasa ng isang tagalog romance pocketbook. Sa katunayan ay nakakatulong pa nga ito sa kanya dahil mas nauunawaan niya ang buhay. May mga bahagi kasi ng isinusulat ni Elle na nakaka-relate siya at kung minsan naman ay may malaking tanong sa kanya na naipaliliwanag nito. Inspirasyon niya rin ito na magkaroon ng pag-asa na may darating pang babae sa kanyang buhay na mamahalin siya at pati na ang kanyang anak.
“In God`s time, we will get what our heart desires. It may not be what we expect but we can be sure that it is what we need, for God knows best.” Ito ang palaging mensahe ni Elle.
Muli ay nangiti siya nang maalala ang mukha ng may-ari ng diary. “Maliit ang mundo, siguradong magkikita pa kami.” Ito ang sabi niya sa sarili habang hinahaplos ang kanyang labi.
“BAKIT ba mainit ang ulo mo? Kanina pa hindi maipinta ang mukha mo.”
Huminga ng malalim si Aby at pinakalma ang sarili bago sagutin si Candy. “Ayaw na talaga kasing gumana ng utak ko, pagkatapos ay may mga makikilala ka pang manyakis.”
Kahit nagmamaneho ay nagagawa nitong tumingin sa kanya. Pauwi na sila galing sa party, alas-onse na rin ng gabi. “Why? What happened? Saan, sa hotel?”
Umiling siya. Ayaw na sana niyang alalahanin ang nangyari kanina sa cafeteria kaya lang ay nagsusumiksik sa kanyang isip ang paghalik ng estranghero sa kanya o mas madaling sabihing tila ba tumatak ito agad sa kanya lalo na ang mga mata nito. Nananatili pa rin ang mga tanong niya sa posibleng dahilan ng kalungkutan nito. Habang kumukuha nga siya ng larawan ay hindi rin siya masyadong makapag-concentrate dahil sa insidenteng `yon.
Isang event organizer si Candy at siya ang paborito nitong kuhanin na photographer. Hindi naman iyon dahil sa magkaibigan ang pamilya nila kundi dahil daw sa nagugustuhan talaga ng mga nagiging kliyente nito ang mga kuha niya.
Photography naman din kasi ang kinuha niyang kurso. Iyon nga lamang, mas pinupursige niya ang pagsusulat.
“Aby, kung may boyfriend ka, may magtatanggol sa `yo sa mga gano`ng pagkakataon.” mas himig nagbibiro ito kaysa seryoso dahil sa paraan ng pagngiti nito.
“Candy, hindi mo puwedeng ipilit ang isang bagay por que gusto mo. Hindi rin `yon magwo-work at sa huli ay masasaktan ka lang din.” sabi niya.
“At paano mo malalaman kung siya na ang tamang lalaki para sa `yo kung hindi mo sinusubukan makipag-date man lang? Maybe that`s one of the reasons why you can`t write na, wala ka kasing inspiration.”
Hindi siya umimik. Kahit na matagal na rin niya itong kaibigan ay hindi niya masabi rito ang tunay na dahilan kung bakit siya gano`n ngayon at kung bakit naisip niyang lumayo sa Maynila mula sa mga kaibigan at doon muna sa Bulacan nanirahan.
Wala siyang kamag-anak doon, si Candy lang din ang kilala niyang taga roon. Ang mga magulang niya kasi ay nag-migrate na sa Spain kung saan nakatira ang nakakatanda niyang kapatid. Isinasama nga siya ng mga ito pero tumanggi siya. Ayaw niyang umalis sa Pilipinas sa napakaraming dahilan at nang isa-isahin niya sa mga ito ay hinayaan na lang siyang maging independent.
At ang isa sa rason niya ay ang naging manliligaw niya sa loob nang halos dalawang taon na si Mark.
May nadama pa rin siyang kaunting kirot sa dibdib nang maalala ang lalaking kahit hindi niya naging nobyo ay minahal niya. Inamin naman din niya ito kay Mark kaya nga naging matiyaga ang paghihintay nito hanggang sa tumuntong sana siya sa edad na 25 kung kailan maaari na siyang mag-boyfriend ayon sa kanyang istriktong ama. Unfortunately, biglang nawala si Mark nang dalawang taon at nang bumalik ay ang bestfriend na niya na si Bianca ang girlfriend nito at may anak na ang dalawa.
Nasaktan siya nang sabihin iyon sa kanya ng isa sa mga common friend nila ngunit kailangan niyang tanggaping hindi sila para sa isa`t isa ni Mark. Malaking bagay din na hindi naging sila bago mangyari `yon dahil madali niya itong nakalimutan. At dahil matagal din nawala si Mark ay unti-unti na rin nawala ang pagmamahal niya sa paghihintay niya rito sa paglipas ng panahon. Nanghihinayang lang siguro siya ngunit hindi naman siya nagsisi na tinupad niya ang pangako sa ama. Naniniwala siyang may dahilan kung bakit nangyari `yon at darating din sa tamang panahon ang lalaking nakalaan para sa kanya.
“By the way, next month may children`s party tayo, anak ng kababata kong si Paeng.” ang sinabing ito ni Candy ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. “Baka kalimutan mo na naman?”
“Ipinaaalala mo naman sa akin, `di ba?” sa gild ng kanyang bibig ay napangiti siya.
“Kung may boyfriend ka, may magre-remind sa `yo palagi ng mga appointments mo.”
“Tse! Wala kang bukang bibig kundi puro boyfriend!”
“Alam mo si Paeng, naghahanap nga pala siya ng asawa, bakit hindi mo subukan?” nakangiti pa talaga ito.
Tiningnan niya ng masama ang kaibigan. “Ano naman ang palagay mo sa akin, desperada? At para sabihin ko sa `yo, hindi isang trabaho ang pagiging asawa. Ikaw, bakit hindi mo subukang mag-apply? Magkababata kayo, `di ba?” nayayamot talaga siya ugali nitong `yon. Palibhasa ay mahilig itong makipag-date. Subalit sa edad nitong 30, wala pa rin naman itong nobyo.
Pero kung sabagay, 28 years old na siya at malapit nang mag-29, nasa hustong gulang na siya kaya ganoon ito magsalita sa kanya.
“Habang tumatagal, tumataray ka. Nahahalata nang tumatanda ka na talaga. Samantalang ang sweet-sweet ni Elle sa mga nobela niya,” halatang naglalambing si Candy para mawala ang pagsusungit niya. “Kailan kaya siya babalik?”
Ang kanyang ginagamit na alyas bilang manunulat ng tagalog romance pocketbook ang tinutukoy nito. Pinagsama niya ang pangalan ng kanyang mga magulang, Elizardo at Leticia kaya naging Elle.
“Bababa na ako rito.” aniya nang matanaw ang isang convenience store. Malapit na rin naman `yon sa tinutuluyan niyang apartment.
Mahigit anim na buwan na rin siyang naninirahan doon. Doon na siya dumiretso matapos niyang sumama magbakasyon sa isa sa pinaka malapit niyang kaibigan at pinsan ni Candy na si Hil. Isa rin itong manunulat kaya mas kasundo niya at bestfriends ang mga ina nila. Kaya naman siya sumama kay Hil ay nagbakasali siyang mawala ang kanyang "writer's block" na kasamaang palad nga ay hindi nangyari.
“Thank you for being professional. I know wala ka sa mood but you still captured beautiful moments perfectly.” nakangiting sabi ni Candy bago ihinto ang kotse sa tabi.
“Pasensiya ka na. Hindi lang talaga naging maganda ang araw ko, but promise, I`ll make it up to you.” wika niya.
“I know.”
Yumakap muna siya kay Candy bago bumaba ng sasakyan. Dumaan siya sa convenience store para bumili ng mga chips pang-tanggal asar niya. Stress eating ang sakit niya pero dahil lahi sila ng mga payat ay hindi siya tumataba. Marami nga ang naiinggit sa katawan niya dahil kahit na hindi siya mag-exercise ay maganda pa rin ang hubog.
Nang nasa kanyang apartment na ay hinanap niya ang kanyang diary sa bag na dala kanina para isulat ang nangyari sa cafeteria. Isa `yon sa mga paraan niya upang mabura sa isip ang hindi niya nais manatili sa memorya niya.
“Nasaan na `yon?” nagtaka siyang matapos mailabas ang lahat ng gamit ay wala siyang diary na nakita.
Napapalatak siya. Kumuha na lang siya ng isang papel at doon nagsulat. Nasa ikatlong salita pa lang siya nang huminto na sa pagkakaalala sa hitsura ng estranghero.
Hindi naman niya ito first kiss, si Mark ang unang nakahalik sa kanya at kung ikukumpara niya ay magkaibang-magkaiba ang dalawa. At ayaw man niyang aminin ay parehong may ‘electrifying feeling’ ang epekto sa kanya.
“No. Hindi ko dapat pinagtutuunan ng pansin ang mga bastos na katulad niya. Nakaramdam lang ako ng gano`n dahil siguro sa tagal kong... na-miss ko lang ang may...” mariin siyang pumikit upang piliting burahin sa isipan niya ang nangyari. “Tao lang ako. Walang malisya. Abygail, kalilimutan mo ito ngayon. Paggising mo bukas, parang walang nangyari, okay?”
Ginawa niya ang breathing exercise para pakalmahin ang kanyang buong katawan. Hindi naman siya nabigo.
“Kahit na guwapo siya, hindi siya uubra sa akin. Hindi naman ako ang tipo ng babae na madaling madala sa pisikal na itsura. Attitude is all that matters to me.” Mapanuya pa siyang ngumiti nang ibulong ito sa hangin kasabay nang malalim na pagbuntong hininga.
HINDI PA MAN nagsisimula ang araw ni Raphael ay nasira na ito nang maabutan niya sa loob ng office si Honey. Nakaupo ito sa couch niya at naka-de kuwatro pa.
“Marami akong tatapusing trabaho ngayon, what can I do for you?” nginitian naman niya ito kahit na napipilitan lamang siya.
“8 weeks na lang, 7 years old na si Mika at kahit na nakikipag-date ka, technically, wala ka pang girlfriend kaya buhay na buhay pa rin ang kasunduan natin nina Ate Nina.”
“Honey, kung iyan lang ang ipinunta mo rito, pasensiya na. Katulad ng sinabi ko, busy ako. Wala pa akong oras diyan sa bagay na iyan.”
Tumayo na ito. “Okay. Aalis na ako. But next month, gusto kong malaman kung kailan tayo magpapakasal para maiayos ko ang schedule ko. Just so you know, I`m also a busy person.”
Pumostura pa ito na animo`y nagpo-project sa camera bago siya talikuran at maglakad palabas na parang nasa catwalk.
Modelo si Honey. Nasa tindig at kilos naman nito ngunit madalas ay oa ito sa pag-arte at pagkukuwento tungkol sa mga achievements. Limang taon na ito sa industriyang iyon ngunit hanggang ngayon ay hirap pa rin itong makahanap ng agency na magma-manage sa kanya.
Ulila na ito sa mga magulang. Marahil ay nais ni Nina na masiguradong magiging maayos ang buhay ng kapatid kaya nito hiniling na si Honey ang pakasalan niya kahit pa inamin niya sa namayapang asawa noon pa man na hindi niya gusto ang ugali ng kapatid nito.
Napabuntong hininga siya nang maupo sa couch. Pilit siyang nagpapanggap na wala lang sa kanya ang tungkol sa usaping sinasabi ni Honey ngunit ang totoo ay namumroblema siya sa tuwing naiisip ito.
“Ano ba ang dapat kong gawin para maiwasan ang maikasal sa kanya?” ang tanong niyang ito ay matagal na sa kanyang isip na hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nahahanap na kasagutan.
Hindi naman siya puwedeng mag-hired ng isang babaeng magpapanggap na asawa niya dahil later on ay malalaman din nito ang totoo. Sinubukan niyang makipag-date at umasang mahahanap niya sa ganoong paraan ng babaeng pakakasalan ngunit palagi lamang siyang nabibigo.
“Knock, knock,”
Napatingin siya sa pinto. Nakahinga siya ng maluwag nang makitang si Candy iyon at hindi si Honey. Madalas kasi itong bumalik para lang paalalahanan siya ng paulit-ulit.
“Nakasalubong ko ang fiancé mo, a?” pabirong wika ni Candy.
“Ang aga mong dumalaw?” hindi na niya pinansin ang sinabi nito. Sinenyasan niya itong maupo.
“Wala ka pa rin bang nahahanap na papalit kay Nina?”
Umiling siya.
“Kahit na candidate man lang?”
“Kung candidate lang, marami. Ang kaso, itong si Honey ay tinatakot ang mga babae kaya ayaw nang makipag-date sa akin. Talagang gusto niyang matuloy ang kasal.” Bumagsak ang balikat niya sa pagsasabi nito.
“Ang maldita talaga ng bruhang iyon. Ano ba ang plano mo? Ilang weeks na lang,”
“I don`t know. Siguro ay dapat ang babaeng susuyuin ko ay iyong palaban at hindi nagpapasindak kay Honey.”
“Ehem,” hinawi pa ni Candy ang buhok patalikod at nagpaganda ng mata.
Classic ang ganda ni Candy. Elegante naman itong manamit at kung ngayon mo lang makikilala ay aakalain mong mataray ito at matapobre. Pero ang totoo ay kalog ito at kayang makisama sa lahat ng uri ng tao.
Natawa siya rito. “Except you.”
Sinimangutan siya nito. “Alam mo kung bakit wala kang makita? Choosy ka kasi masyado. Nasa harap mo na, iniisnab mo pa. Hmp!”
Tinawanan lang niya ito. Alam naman niya kasi na nagbibiro lang ito.
“But seriously, Paeng, hindi ka talaga titigilan niyang si Honey not until makita niyang may ibang tatawaging Mrs. Raphael Villarta.”
“I know.”
“`Yung totoo, wala ka pa bang nakikilala na muling nagpatibok diyan sa puso mo? Subukan mo kayang magbakasyon at kalimutan muna ang trabaho mo? Baka sakaling mabigyan mo ng oras ang sarili mo.”
“Actually, I`ve met a girl the other day na... I don`t know, I felt something that I`ve never felt before. Even kay Nina.”
“Naka-date mo?”
“No. We just accidentally bumped into each other sa cafeteria nang tinataguan ko si Honey, right after natin mag-usap.” habang nagkukuwento siya ay hindi niya maiwasan ang mapangiti dahil naaalala niya ang mga nangyari.
“Nagkakilala kayo?” tanong nito.
Umiling siya.
“What? Ang hina mo naman!”
“E nagmamadali siya, e. I tried to followed her pero wala na siya.”
“Okay, what was she like? Baka puwede natin ipa-trace sa NBI alang-alang sa lovelife mo.”
“Well,” natatawa siya rito nang kumuha pa ito ng papel at lapis sa kanyang table. “She`s pretty, simple lang, her smile can melt a heart, you can see her soul through her eyes. I actually like her eyes, para kasing nakangiti ito palagi at siguro kahit gaano ka-stress ang araw mo kapag nakita mo siya, hay... mawawala ang lahat ng pagod mo.” Nangangarap siya habang binabanggit ang mga ito.
Napanguso si Candy. Tila nawalan ito ng ganang i-sketch ang sinasabi niya.
“Why?”
“Raphael, alam kong matalino ka pero... bakit ka naging tanga nang oras na `yon? My gosh! You`re in love with her!”
“We just met, Candy. Ni hindi ko nga alam ang pangalan niya.”
“I don`t believe this,” napailing-iling ito. “Hindi ka ba pamilyar sa love at first sight? It happens!”
Lumawak ang pagkakangiti niya. “I figured that out when I was lost in her eyes for a minute. Oh! that feeling was unforgettable.”
“Kung alam lang ni Honey na ganyan ka ka-corny, baka siya mismo ang umayaw sa `yo. Bawas-bawasan mo ang pagbabasa ng pocketbook dahil nagiging makata ka and just so you know, hindi bagay sa `yo.”
“Just being true to myself.” Sabi niya.
“Subukan mo na lang siyang balikan sa cafeteria baka sakaling magkita kayo ulit.” payo nito.
“May problema nga lang,”
“Ano?”
“I think she`s still mad at me after what I did.” tugon niya pero nakangiti pa rin. “I kissed her on the lips. Sa tingin mo gusto pa rin niya akong makita?”
“Of course, who doesn`t want more from you?” pilyang sabi ni Candy.