CHAPTER 2
“PLEASE, be my date tonight.” ipinagsalikop pa ni Hil ang mga palad at nagpapaawa ang mga mata nang pagbuksan ito ni Abygail ng pinto.
Imbis papasukin ang kaibigan, kinunutan niya ito ng noo. “What are we talking about?”
“`Yung sinabi ko sa `yong reunion namin ng mga ka-batch ko noong high school, that would be tonight and you said that you would think about it.”
“I did?” hindi niya matandaan.
“Yes.” napapahugot ito ng hininga sa pagsagot.
Nilawakan niya ang pagbukas ng pinto at nauna na siyang bumalik sa loob. “Wala ka bang nahanap na ka-date?”
Pumasok si Hil at ito na ang nagsara ng pinto. “Galing pa ako sa Laguna, Abz. Sasadyain ba kita rito sa Bulacan kung mayroon?”
“Coffee?” aniya habang kumukuha ng tasa. “Juice?”
“Thanks, but I`m good.”
“Anong oras ba `yon?” hindi naman niya ito matanggihan kahit na hindi siya mahilig sa party. Malaki rin ang utang na loob niya rito at bihirang-bihira itong humingi ng pabor sa kanya samantalang siya ay madalas itong abalahin sa kung anu-anong bagay.
Umaliwalas ang mukha ni Hil. “8 pm, we still have time. Alas-kuwatro pa lang naman.”
“Hindi mo naman planong ipakilala akong girlfriend sa kanila, `di ba?” nangiti siya. Sa edad nitong 35 ay single pa rin ito at tila yata wala pa sa isip ang lumagay sa tahimik.
“No, of course I won`t, but if you want to be my girlfriend, why not?” pilyong ngiti ang sumilay sa mga labi nito. Hindi na kagulat-gulat na kamag-anak ito ni Candy.
“In your dreams!” tatawa-tawang tugon niya. “If I know, hindi ka talaga naghanap ng ka-date para mapilitan akong sumama sa `yo.”
Isang malawak na ngiti ang naging sagot nito.
Aminado si Hil na may gusto ito sa kanya pero hindi naman siya nito niligawan dahil nga kay Mark. Magkaibigan din ang dalawa kaya hindi nagtaluhan. At kahit na alam na ni Hil na imposible nang maging sila ni Mark ay hindi siya nito sinuyo. Hanggang kaibigan lang din naman ang tingin niya rito.
Naligo lang siya at nagbihis. Mabilis naman siyang kumilos kaya hindi nainip sa kanya ang bisita. Isinama siya ni Hil sa isang beauty parlor para maayusan upang makatipid na rin sa oras. Alam din naman nitong hanggang moisturizer lang at face powder ang kaya niyang ipahid sa mukha. Hindi naman siya na-offend nang sabihin nito `yon, natuwa pa nga siya dahil concern ito sa kanya.
“Wow.” Ngiting-ngiti si Hil matapos siyang ma-make over.
Kulay itim ang dress na suot niya at mataas ang takong ng kanyang sapatos. Dala ito ni Hil at kay Candy raw nito `yon pinabili. Bahagyang kinulot ang buhok niya ng makeup artist at kahit na may pagka-heavy ang inilagay sa kanyang makeup ay nagustuhan niya ang hitsura niya ngayon dahil tila nailabas nito ang kanyang itinatagong ganda at babaeng-babae ang pakiramdam niya sa hitsura kaya napakahinhin niyang kumilos.
“Before we go, gusto kitang warning-an,” habang naglalakad sila patungo sa sasakyan nito ay sa kanya lang nakatingin si Hil at hindi sa daan. “Marami... take note, marami akong ka-batch na siguradong hihingin ang number mo.”
Tinawanan niya lang ito. Hindi rin siya mahilig magbigay ng number sa kung kani-kanino. At mga kakilala lang niya ang kinakausap niya sa telepono.
Sa isang magarbong hotel sila nagpunta. Marami ng tao nang makarating sila dahil halos 30 minutes nang nagsimula ang party. Marami itong ipinakilala sa kanya na kapag nalalamang magkaibigan lang sila ay tutuyain si Hil na bakit daw hindi pa siya ligawan, bagay naman daw sila. Titingin muna ito sa kanya bago sasagot ng ‘I think it`s best if we just stayed friends.’. `yun kasi ang isinagot niya rito noong magtapat sa kanya.
Nag-enjoy siyang makisalamuha sa mga ito. Iba’t iba ang mga propesiyon, personalidad, at estado sa buhay ng mga ito kaya naging interesante ang pakikipag-usap niya sa mga ito. Unti-unti ay gumagana na ang kanyang utak at habang nalalaman ang mga istorya ng mga ito ay nakakaisip siya ng mga maaaring gawing plot para sa kanyang isusulat na nobela.
Sandali siyang nagpaalam nang makaramdam siya ng panunubig. Papasok pa lang siya sa c.r nang may isang batang babae na patakbong nakipag-unahan sa kanya. Nang sundan niya ito ay hindi ito mapakali sa loob, hindi alam kung ano ang gagamitin na toilet.
“Baby, do you need help?” nilapitan niya ito.
Nabahala siya nang pagharap nito ay namumutla ito at mababanaag ang takot sa mukha.
“Are you okay?” hinaplos niya ang mukha nito at buhok.
“Itago n`yo po ako, please,” umimpit na ito ng iyak. “I don`t like her, she`s scary.”
“Shh.” Inalo niya ito. Sa pagyakap niya sa bata ay naramdaman niyang nanginginig ang katawan nito.
“Mika!” napalingon siya sa pinto sa pagsigaw ng isang babae. Pamilyar sa kanya ang mukha nito, hindi lamang niya matandaan kung saan sila nagkita.
“Mommy!” napatili ang bata at napayakap nang husto sa kanya.
Tumayo siya ng diretso at itinago sa kanyang likod ang bata.
“Excuse me, miss, puwede bang ibigay mo na sa akin si Mika?” anito.
“I`m sorry but she doesn`t want to come with you.” hindi man niya kaanu-ano ang bata ay nais niya itong protektahan. Naisip niyang baka may masamang balak dito ang babae, kidnappin kaya o saktan. Hindi siya makapapayag na mangyari `yon. “She`ll stay here with me.”
Napaismid ito at tinaasan siya ng kilay. “And who are you para samahan niya?”
“I`m her mom.” walang kagatul-gatol niyang sagot.
Saglit itong natawa at humalikpkip. “For your information, kapatid ko ang mommy niya and she died 4 years ago.”
Napahiya siya pero hindi siya nagpahalata. Naawa siya sa bata nang hawakan ito ng tiyahin naman pala nito sa braso at pilit ilayo sa kanya.
“Mommy!” umiiyak na sigaw nito at inaabot ang kamay sa kanya.
“Ano ba, nasasaktan ang bata!” saway niya.
“Ano ba ang pakialam mo?” mataray na sabi nito.
“I told you I`m her mom,” may naisip siyang palusot at sana lang ay matsambahan niyang tama siya. “Will be her mom soon kapag naikasal na kami ng daddy niya.”
Natigilan ito. Matagal siyang tinitigan bago bitawan ang bata na nagtago ulit sa likod niya.
“You`re that woman?” hindi ito makapaniwala. Sinuri siya nito mula ulo hanggang paa.
“Yeah, that`s me.” nakangiting wika niya.
Muli ay napaismid ito. “Just because you`re wearing a makeup, doesn`t mean you`re beautiful. I`m sure nahirapan sa `yo ang makeup artist to achieved that look.”
Napakunot ang noo niya rito. Hindi niya maunawaan ang ibig nitong sabihin kaya hindi siya makasagot.
“Hindi pa tayo tapos, tandaan mo `yan.” Umikot pa ang mga mata nito bago siya talikuran at maingay na lumabas ng c.r.
Niyakap niya agad ang bata. “Umalis na siya, tumahan ka na.”
“Totoo po bang ikakasal ka kay daddy?” tanong nito.
Pinahiran niya ang mga luha nito. Kailangan niya itong libangin para makalimutan ang sinabi niya. “What`s your name?”
“Mika po. Ikaw po?”
‘I`m Abygail. You can call me Ate Aby or Ate Abz.”
“Hindi po ba dapat mommy Aby?”
Alanganin siyang natawa. “Kung `yun ang gusto mo, sure. Sino ba ang kasama mo rito?”
Nanulis ang nguso ng bata at pagkatapos ay bahagyang iningiwi pakaliwa. Natuwa siya sa ekspresyon nitong `yon. “Kasama ko po si daddy. Ang sabi niya ako raw po ang date niya ngayon pero po biglang dumating si Tita Honey kaya po tumakbo ako.”
Naantig ang damdamin niya. Na-miss niya tuloy bigla ang kanyang ama. “Ang sweet naman ng daddy mo para i-date ang baby niya.”
“Mika! Narito ka lang pala, your dad`s looking for you.” isang babae na naman ang pumasok doon. Kasama ito ng isa sa mga kaibigan ni Hil kanina. Kung hindi siya nagkakamali ay Trina ang pangalan nito. Sinalubong ito ng yakap ni Mika.
“Nasaan po si daddy?”
“Ihahatid kita sa kanya, ikaw talaga,” nginitian siya ni Trina. “Thank you, medyo malikot talaga siya.”
“No problem.” Sabi niya.
“Bye bye mommy Aby!” nagpaalam pa si Mika.
“Bye!”
Matapos gawin ang kanyang misyon sa banyo, excited siyang lumabas para ikuwento kay Hil ang nangyari. Na-amaze siya sa ama ng bata at kung may pagkakataon ay nais niya itong makilala. Bihira siyang makaka-encounter ng isang ama na gagawing date ang kanyang anak. Nainggit siya kay Mika at naisip na sana ay naging ganoon din ka-sweet at ka-cool ang kanyang daddy.
Marami nang nagsasayaw sa dance floor. Disco light na lamang ang gamit na ilaw at may kaingayan na sa paligid. Ang mga tao ro`n ay tila ba nagbalik sa kanilang kabataan sa pag-indak at pagtatawanan.
“Oops!” nasambit niya nang may makabunggo sa pagliko niya pabalik sa kanilang table.
“I`m sorry, I didn`t-”
Kapwa sila natigilan nang makilala ang isa`t isa. Halos manlaki ang kanyang mga mata sa pagkagulat nang ang lalaking ito ay ang nagnakaw ng halik sa kanya.
“Ano`ng ginagawa mo rito?” mahina ngunit may diin ang kanyang pagtatanong.
“M-miss...” hindi niya alam kung nauutal ba ito sa pagkabigla, nablangko ang utak o ano. Hindi ito nakapagsalita at walang ginawa kundi titigan lamang siya.
Naka-amerikana ito at higit na guwapo ngayong naka-pormal ito. Mas attractive itong tingnan at siguro kung sinuman ang ka-date nito ngayon ay mabibilang sa isa sa napakapalad na babae sa gabing iyon.
Para itong nagniningning sa kanyang mata pero hindi niya alam kung dahil lang ba sa pagtama ng ilaw dito o nilikha ito ng kanyang imahinasyon.
“Stop it, Aby! You hate him! Binastos ka niya!” pinaalala niya sa sarili ang kasalanan nito upang huwag siyang magpadala sa lakas ng appeal nito na waring isang magnet na inaakit siya.
Inirapan na lamang niya ito at tumalikod na. Mas mabuting lumayo na siya rito at bumalik na lang kay Hil. Subalit, isang hakbang pa lamang ang kanyang nagagawa nang matigilan sa kanyang natanaw.
Sina Mark at Bianca.
At palapit ito sa direksiyon niya.
Kinabahan siya at nataranta. Bakit nga ba nakalimutan niyang magka-batch sina Mark at Hil? Hindi man lang ipinaalala sa kanya ni Hil ang bagay na `yon. Kung sabagay, ang alam lang nito ay binasted niya si Mark at ayaw ng kanyang ama rito kaya hindi sila puwede. Hindi rin naman niya kasi nasabi kay Hil ang nangyari.
Hindi siya handang makausap ang mga ito dahil baka matuklasan niyang may natitira pa siyang pagmamahal para kay Mark. Ayaw niyang bumalik sa basic sa paglimot dito kaya mas mabuting gumawa siya ng paraan upang isipin nitong nakapag-move on na siya.
Para wala nang gulo.
“Miss,” hinawakan siya ng lalaki sa braso. Tila handa na itong makipag-usap sa kanya.
Ilang hakbang na lang ang layo nina Mark at Bianca sa kanya at para lang makatakas sa sitwasyong `yon ay niyakap niya sa leeg ang lalaki, tumingkayad siya at hinalikan ito sa labi.
Nais niyang siguraduhing nakita ni Mark ang ginawa niya pero napapikit siya. Kung may galit man siya sa lalaking ito ay natunaw na nang sandaling iyon. For a moment, nawalan siya ng pakialam sa mundo. Napawi ang lahat ng kanyang alalahanin at nagpatangay sa kakaibang damdaming hindi niya mabigyan ng pangalan.
Kumabog ang kanyang dibdib.
Siya rin ang humiwalay at sa pagmulat ng kanyang mga mata ay muli niyang nakita ang mga malulungkot nitong mga mata na unti-unting nagliliwanag. Nang ilalapit nito ang mukha sa kanya para yata halikan siyang muli ay lumayo siya rito.
“Miss-”
“T-that was a mistake.” Pagkasabi nito ay patakbo siyang lumayo rito.
Wala na sina Mark. Hinila na lamang niya si Hil at sinabing kailangan na nilang umuwi dahil may emergency na pinaniwalaan naman nito.
Samantala, itong si Raphael ay animo`y si prince charming na humabol kay Cinderella upang malaman man lang ang pangalan nito at kung maaari silang magkitang muli. Kaya lang ay mabilis itong nakaalis at hindi na naman niya naabutan.
Pauwi na rin sana sila ni Mika ngunit nais niyang puntahan ang babaing tumulong sa kanyang anak upang pasalamatan nang magkabungguan sila.
Na-mesmerize siya sa ganda nito kaya hindi nakapagsalita kanina. Sigurado siyang pag-ibig na nga ang umusbong sa kanyang puso nang una niya itong makita at pinatunayan iyon ng naganap ngayon.
“Hindi ito ang huling beses na matitikman ko ang matamis mong mga labi. Isinusumpa ko.” Nahaplos niya ang kanyang mga labi at nangiti.
NAKATULALA lang si Aby sa harap ng kanyang laptop na nakapatong sa ibabaw ng study table niya sa kuwarto. Ni isang salita ay wala man lang siyang mai-type dahil ang kanyang isip ay lumilipad.
Ilang araw na ang lumipas ngunit pakiwari niya ay kagabi lang nangyari ang pagsama niya kay Hil sa party. At ilang araw na siyang ganoon. May dalawang bagay lang siyang nalinawan, good at bad news.
Good news, nasiguro niyang hindi na nga niya mahal si Mark dahil hindi na niya ito naisip nang makauwi siya. Bad news, nagsusumiksik sa kanyang isipan ang lalaking hinalikan niya at hindi siya nito pinatutulog.
“Imposible... hindi ito nangyayari sa akin. Ano lang `to, a... nagulat lang ako na makita siya ulit sa ganoong ayos. Wala akong gusto sa kanya. Normal lang na ma-attract ako sa kanya and I bet, almost 50 percent ng mga kababaihan ay katulad din ng naging reaksiyon ko. Saka, nagkataon lang na naroon siya at walang ibig ipahiwatig sa akin ang tadhana. Ayoko sa kanya.” Nakapikit siyang sinabi ito sa sarili upang ma-absorb ng kanyang utak.
Isa... dalawa... tatlong segundo... at nagulo-gulo na niya ang buhok. Ayaw makisama sa kanya ng isip at puso. Naisara niya tuloy ang laptop at nahiga na lang sa kanyang kama. Kinuha niya ang unan at itinakip ito sa mukha.
Ang paghalik niya rito ang naglaro sa kanyang isipan kasabay nito ang naramdaman niya ng mga oras na iyon- at muli ay nag-react ang kanyang puso.
“Yes, naniniwala akong posible ito. Ilang nobela na rin ang naisulat kong katulad ng ganito pero... bakit kailangan mangyari sa akin? Hindi ito puwede! Ayoko!” nais niyang maiyak dahil kabaligtaran ng mga sinasabi ang kanyang nadarama.
Kung sakali nga na pag-ibig na iyon, ano ang gagawin niya? Hindi niya kilala ang lalaking `yon at hindi tama ang nararamdaman niya.
“Okay, let`s say na nagkagusto nga ako sa kanya. But it`s a good thing na hindi ko na siya muling makikita dahil mabilis ko rin makakalimutan ang lahat. Para lang itong isang flash fiction. Gagamitin ko na lang itong inspirasyon sa mga isusulat kong...” napabangon siya nang may mag-spark na idea sa kanya.
Dali-dali siyang bumalik sa harap ng kanyang laptop at sinubukan i-type ang mga tumatakbo sa kanyang isip. Ilang sandali lang ay napangiti na siya.
Sa wakas ay gumana na ang kanyang utak!
Maya-maya ay tumawag sa kanya si Candy. Sa boses nito ay alam niyang problema ang sasabihin sa kanya at hindi naman siya nagkamali.
“What? Gusto mo akong maging assistant mo?”
“E may dalawa akong event next month. Hindi ako makakahanap agad ng kapalit ni Vicky. Kanina lang din niya sinabi sa akin na magsosolo na siya. Kaya sige na, Abz, pumayag ka na, please?”
“Ano ba ang alam ko sa ganyan? Photographer lang ako.”
“Abz, para lang din naman pagsusulat ng nobela ang pag-oorganisa ng isang event. Parehong ginagamitan ng creativity at imagination, kung saan expert ka.”
“Bakit ka kasi tumanggap ng dalawa sa isang buwan?” pinagagalitan niya ito. “Kahit na sabihin mong hindi umalis si Vicky, alam mong mahihirapan ka.”
“Paano ko naman mahihindian ang kababata ko? Saka madali lang naman `yung children`s party. Ma-proseso ang sa debut at masyadong detalyado ang gusto ng client ko kaya kailangan kong tutukan.”
Sandali siyang hindi umimik. Kung gusto niyang mabura sa kanyang isip ang estrangherong sumisira ngayon sa kanyang peace of mind, kailangan niyang maging abala. At ang pagiging assistant ni Candy ang sagot sa kanyang problema.
“Magkano ba ang suweldo ko?” pabirong wika niya.
Sa sobrang tuwa ay napatili ito at paulit-ulit na nagpasalamat sa kanya. Sa likod naman ng kanyang isip ay siya nga ang dapat na magpasalamat dito dahil mas malaki ang maitutulong nito sa kanya.