CHAPTER 2: Chick Girl.
Written by: CDLiNKPh
Paglipas ng dalawang linggo...
PINIPIGILAN ni Dino ang huwag magngitngit habang kumakain siya. Naroon kasi siya sa canteen ng Phoenix University at mag-isa lang siyang kumakain, hindi katulad noon na palagi niyang kasama si Maxine dahil break na sila.
Paano ba naman siyang hindi magngingitngit sa galit kung kitang-kita ng dalawang mata niya kung paanong nakikipaglandian ngayon si Harmony sa kabilang table habang kasama nito ang 'flavor of the month' nito?
Nang mapansin niya na tila magtutukaan na ang dalawa in public ay hindi na siya nakapagpigil, lumapit na siya sa mga ito!
"Hoy, babae! Mag-usap nga tayo!" Lakas-loob na inagaw niya ang atensyon ni Harmony.
Nagkatinginan tuloy ang mga tropa niya mula sa iba pang table na naroon na at may kanya-kanyang girlfriend na kasama. Tinatawanan lang siya ng mga ito. Marahil ay sanay na ang mga ito sa araw-araw na pangge-gyera niya kay Harmony.
Nginitian ni Harmony at kinurot ang baba ng babaeng kasama nito saka siya nakapamaywang na hinarap.
"Ano na nama bang problema mo ha, Dino? Nakita mong busy kami ng sweetie pie ko rito, e. Bakit ba masyado kang obsess sa akin?" nakangising tanong nito. Confident na confident sa sarili.
Tinawanan lang niya ang sinabi nito. "Obsess?! Ako, obsess sa 'yo? Naririnig mo ba 'yang sinasabi mo? Hindi ako pumapatol sa kapwa ko 'lalaki' kaya huwag ka ngang mag-ilusyon diyan!" pang-iinsulto niya.
"Talaga lang, ah? Hindi ka obsess sa akin pero araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay palagi mo akong nilalapitan at nagpapapansin ka sa akin. Sorry ka na lang, Dino. I'm not into boys. I love girls like me e, kaya layas! Tsupi!" Iwinasiwas pa nito ang kamay nito na para siyang isang aso kung paalisin.
"Kahit magunaw pa ang mundo at ikaw na lang ang natitirang babae sa mundo ay hinding-hindi ako magkakagusto sa 'yo, Harmony! Naiinis lang ako sa ginagawa mo, kakaalis lang ni Maxine, lumalandi ka na agad sa ibang babae! At ipinagngangalandakan mo pa talaga sa lahat, ha?"
"Alam mo naman na hindi ko trip si Maxine, hindi ba? Kaibigan lang ang pagtingin ko para sa kanya. Ano'ng magagawa ko kung nakipaghiwalay siya sa 'yo nang dahil sa akin? Hindi naman ibig sabihin na iniwanan ka niya ay tatanggapin ko na siya. Bakit kasi hindi mo na lang tanggapin na mahina ka, Dino? Akalain mo 'yun, iniwanan ka ng girlfriend mo para rin sa isang babae?" Pagkatapos niyon ay humalakhak pa si Harmony habang nakacross arms. Para itong nanalo sa asaran at ayaw man niyang amini pero inis na inis siya! Isa itong mangkukulam!
"Darating ang araw na pagsisisihan mo kung ano 'yang mga pinagsasasabi mo, Harmony! Matatalo rin kita!" singhal niya rito na tinawanan lang nito.
"O, e, 'di gawin mo. Bakit maghihintay ka pa ng balang araw kung pwede namang ngayon na? Kahit na lalaki ka, mas pipiliin pa rin ako ng mga babae kaysa sa 'yo!" Patuloy na humalakhak si Harmony. Parang sumasakit na ang tenga niya nang dahil sa pagtawa nito. Tila ba ang boses nito ay nanunuyot sa pandinig niya at naririnig pa rin niya kahit saan pa siyang magpunta.
Nagngingitngit na nilayasan na lang niya ito dahil pinagtatawanan na rin siya ng mga kaklase nila roon. Nakakainis mang aminin ay totoo naman ang sinasabi ni Harmony. Hindi niya maintindihan kung bakit lahat ng nagugustuhan niyang babae o mga nagiging girlfriend niya ay si Harmony ang mas pinipili at hindi siya. Bukod doon. Palagi siya nitong natatalo. Sa sports, sa pag-aaral o maging sa mga babae. Nakakaapak ito sa p*********i niya sa totoo lang.
Hindi nga niya maintindihan kung ano ba ang nakikita ng mga babae kay Harmony. Hindi na kasi nito kailangan pang magdamit-lalaki para lang magustuhan ito ng mga babae. Isang bifemme o lipstick lesbian si Harmony. In short, babaeng magdamit at kumilos pero deep inside, pusong lalaki.
Maganda ito at kung hindi pa nito sasabihin na lesbian ito ay wala pa talagang maghihinala. Mahaba at unat na unat ang buhok ng babae. Matangos ang ilong nito, maganda itong ngumiti at nakakahalina ang mga mata na napapaligiran ng mahahabang pilik mata.
May kaliitan din ito. Hindi pa nga yata umabot ng 5 feet ang height nito pero kahit gano'n, nagmumukha itong matangkad dahil magaling itong magdala ng damit. Sobra rin nitong sexy, maambok ang puwitan at ang bewang ay napakaliit na para bang hindi na ito kumakain. Kaya hindi nakapagtataka na marami ring lalaki ang napapalingon dito kapag nasa labas lang ito. Lahat na nga yata ng klase ng gender ay kaya nitong paibigin. Teka nga, bakit ba niya pinupuri ang babaeng iyon?!
Iniwan siya ni Maxine para kay Harmony. Pero itong si Harmony ay nag-turn down sa confession ni Maxine kaya ang girlfriend niya ay pumunta na lang sa ibang bansa para raw makalimot. Ni hindi man lang naisipan ni Maxine na balikan siya. Para bang itinapon na lamang nito ang mga pinagsamahan nila noon.
Kaya naman gigil na gigil siya ngayong makita si Harmony na kung sino-sino na namang babae ang kasama. Ito lang yata ang chicks na mapaglaro rin sa chicks.
Hindi niya alam kung ano ang nangyari kay Harmony dahil babae naman ito dati noong mga bata pa lang sila.
Oo, magkababata sila noon pero dahil nag-aral siya noon sa ibang bansa ay naiwan niya ito at hindi na niya nasundan pa ang paglaki nito. Ang tiyuhin niya noon na nagpapaaral sa kanya ay namatay kaya naman napilitan siyang umuwi sa Pilipinas at dito na magcollege. Wala naman kasi siyang maasahan sa asawa ng tito niya at mga anak nito dahil dati pa ay tutol na ang mga ito na pinag-aaral siya ng tito niya noon.
Pagbalik niya ng Pilipinas ay nalaman niya na ang mga negosyo nila dati ng mga magulang ay bumagsak na pala kaya tuluyan na silang naghirap. Mabuti na lamang at may naipon siya sa ibang bansa kahit na kaunti lang kaya naman may naipang-aaral pa rin siya sa Phoenix University. Nagpa-part time job na lang din siya sa 7 eleven para makadagdag sa allowance sa school.
Sa pag-uwi ng Pilipinas ay doon ulit niya nakita noon si Harmony. Noong nakita niya ito ulit ay hindi na siya naaalala nito. Nakalimutan na yata nito na magkababata sila pero hindi na lang din niya ipinaalala. Bakit naman niya ipipilit dito na magkababata sila kung hindi na naman iyon mahalaga sa kung ano sila ngayon?
Sa unang taon niya sa Pilipinas ay napansin niya na nagkaroon naman si Harmony ng mga boyfriends pero naloko yata ito ng isang lalaki kaya naman naging tibo. Hindi naman niya ito makausap dahil hindi na sila close katulad noong mga bata pa lang sila.
Isa pa, wala naman siyang pakialam kahit ano pa ang pinagdaanan nito. Ang alam lang niya ay sinisira nito ang buhay niya! Gagantihan niya ito! Balang-araw ay ipapakita niya rito na kaya rin niya itong talunin!
NOONG ARAW NA IYON ay nagpunta si Dino sa simbahan para ipagdasal ang kaluluwa ni Harmony este ang magiging future nito. Ipinagdasal niya na sana ay maging babae na ito at makahanap na ito ng bulag na lalaking magkakagusto rito.
Tumayo na siya matapos magdasal pero saktong pagtayo niya ay may babae palang uupo rin at makikidaan sana pero sa halip ay nabangga niya! Kasabay nang muntikan na sanang pagkabagsak nito ay nasalo naman niya ito. At sadya yatang tinamaan na siya ng pana ni Kupido dahil agad na tumibok ang puso niya para sa estrangherang babae. Nagkatitigan silang dalawa.
Ang masasabi niya, napakacute ng babaeng nasa harapan niya ngayon! Bilugan ang mga mata nito, manipis ang lapi at matangos ang ilong. Kung siya ang tatanungin ay mukha itong inosente, hindi katulad ni Harmony na parang lahat na lang ng kalaswaan sa mundo ay alam na nito.
Ang buhok ng babaeng nasa harapan niya ngayon ay curly kaya mukha itong babaeng-babae. Katulad ni Harmony, maliit din ang bewang nito at matambok ang puwitan. Pero ang napansin lang niya, 'di hamak na mas may dibdib ito kung ikukumpara kay Harmony. Jackpot siya sa babaeng ito kapag nagustuhan din siya!
"M-Miss, A-ayos ka lang?" nauutal na tanong niya.
"Oo naman, ayos lang ako. Salamat sa pagsalo, ah?" nakangiting sabi nito.
Nang masilayan ang ngiti nito ay tila ba nagbukas ang pintuan ng langit para sa kanya. Sa isang iglap ay para siyang nakakita ng mga ibon na lumilipad sa langit at ang buong paligid ng babae sa kanyang harapan ay nagliwanag kasabay ng pagtambol ng puso niya!
"Ummm... Kung wala ka nang sasabihin, mauupo na ako. Salamat..." Napansin yata ng babae na parang natutulala siya kaya nag-excuse na ito sa kanya at ito naman ang pumuwesto sa upuan na inalisan niya kanina. Lumuhod ito roon saka nag-sign of the cross para magdasal na.
Gustuhin man niya na kausapin pa ito ay parang kinahiyaan na rin niya dahil nagdadasal na ito. Tumalikod na lang din siya dahil parang balewala lang naman dito ang nangyari.
Medyo nakapaglakad na rin siya ng kaunting distansya mula rito pero hindi pa siya nakakalayo ay parang hindi na siya mapakali. Totoong napakalakas ng impact nito sa kanya. Pakiramdam niya ay nanunuot pa rin sa ilong niya ang mabangong amoy nito. Mukhang tinamaan talaga siya, ah? Ang ganda nito!
Hindi na niya pinigilan ang sarili at humarap ulit siya at naglakad para balikan ang babae. Pagbalik niya roon ay nakita niya na nagdadasal pa rin ito pero matiyaga siyang naghintay na matapos magdasal ang babae. Patayo na ito nang parang magulat ito dahil naroon pa rin siya.
"M-May problema ba?" nagtatakang tanong nito.
"A-Ahh... A-ano kasi eh... P-pwede ko bang makuha ang number mo?" Hindi siya makatingin ng diretso sa mga mata nito. Natatakot siya na baka hindi nito ibigay.
Kiming ngumiti lang ito sa kanya. "Pasensya ka na, a? Hindi na kasi ako nag-lo-load ngayon, eh." Tumango ito saka na siya iniwan.
Natigagal siya, pero nang makabawi ay agad ding humabol dito hanggang sa makarating na sila sa labas ng simbahan. "A-ahm, hindi mo naman kailangang mag-alala, e. Kasi ako na lang ang magpa-pasaload sa 'yo o kaya tatawagan kita!" sabi niya sa pagitan ng paghabol dito.
Bigla itong huminto at humarap sa kanya. "May gusto ka sa akin, 'no?" Walang kemeng nagtanong na ito.
Nanlaki ang mga mata niya. Straight to the point naman masyado ang babaeng ito. Hindi halata dahil mukha itong inosente pero mukhang aggressive rin pala ang babae. "A-Ah, Oo e," agad na sagot niya na nahihiyang napakamot pa sa ulo.
"Pasensya ka na. Mag-ma-madre na kasi ako. Hindi na ako interesado sa pakikipag-date dahil nakatakda ko nang pagsilbihan ang Diyos habang buhay. Kaya salamat na lang sa paghanga mo pero mas maganda kung maghanap ka na lang ng ibang babae. Bye," magalang na sabi nito saka na umalis sa harapan niya.
Napanganga na lang siya at napasunod na lang ng tingin dito habang palayo ito. Kapag minamalas ka nga naman. Minsan na nga lang siya makakita ng matitipuhang chicks e, basted pa siya. At sa pagkakataong ito ay hindi na involve pa si Harmony sa pagkabasted niya.
Naku, hindi dapat malaman ni Harmony na nabasted siya nang wala pang isang oras, dahil kung hindi ay pagtatawanan siya nito! Mamamatay muna siya bago mangyari iyon!