NAKAUWI na si Ica sa bahay nila. Mamayang gabi na lamang niya babalikan ang kanyang sasakyan sa bar. Pero kanina bago siya umuwi ay dumaan muna siya sa tindahan ng mga damit na nasa gilid lamang ng kalsada.
Hapon na at iniwan niya si Nirvana na mahimbing pa rin ang tulog. Hindi na niya ito ginising dahil 'di na naman siya makakauwi ng bahay.
"Lyrica, saan ka galing? Pinuntahan kita sa kuwarto mo, wala ka roon. Hapon na, ngayon palang kita nakita," bungad na tanong ni Lena.
Bihis na si Ica, mahabang palda at blouse. Suot na rin niya ang kanyang mataas na grado na salamin. Mabilis ang kanyang kilos dahil kilalang-kilala niya ang kanyang ina. Pagkagising sa umaga ay siya agad ang pinupuntahan.
"Mom, maaga po akong umalis. Pinuntahan ko po sina Diamond at Lacey. Hindi na po ako nakapagpaalam dahil alam ko na tulog pa kayo ni daddy. Ayaw ko naman pong istorbohin ang tulog ninyo," kaswal na sagot ni Ica sa ina. Diretso ang kanyang tingin sa mga mata upang hindi mahalatang nagsisinungaling siya.
Matiim na tumingin si Lena sa anak. Sinuyod niya ng tingin ang kabuuan nito. Mukha naman na nagsasabi ito ng totoo. Pero, gusto niyang malaman ang totoo kung umalis ito o hindi.
"But I call them this morning. Sinabi ni Diamond na hindi ka nila kasama. Where did you go, Lyrica? Nagsisinungaling ka ba sa akin?"
"No, mom. Nagsasabi ako ng totoo. Pumunta ako kina Lacey at doon kami nagkita ni Diamond sa bahay nila Lacey. Wala naman po akong ibang pupuntahan kundi ang mga kaibigan ko. Sila lang dalawa ang kaibigan ko sa university. Alam niyo na walang makikipagkaibigan sa isang katulad kong nerd," mahabang sagot ni Lyrica sa ina. Palihim siyang napangiwi sa kanyang pinagsasabi.
Diskumpiyado pa ang ina sa kanyang sinagot. Kilalang-kilala siya nito sa tuwing magsisinungaling. Pero napapadasal siya na sana'y hindi mahuli na nagsisinungaling siya.
"Maganda ang blouse mo, hija. Bago ba 'yan?"
Napababa ang tingin ni Lyrica sa kanyang suot. Nanlaki ang kanyang mga mata. Sa pagmamadali, mali pa ang kanyang nakuhang top. See-through ang tela na kita ang lahat sa kanyang loob. Ginagamit niya ang blouse na ito sa party. Nilalagyan lang niya ng blazer sa labas or itinatali ang dulo. Buti na lang pala ay nakapagsuot siya ng panloob na sando.
"Hindi po. Matagal ko na po itong nabili. 'Di ko lang po madalas isinusuot kaya hindi niyo nakikita," sagot niya na ngumiti ng peke sa ina. Pero sa loob loob niya ay kinakabahan na siya.
"Ganoon ba? Gusto ko rin ng ganyan baka mayroon ka pa stock," sabi pa ng mommy niya.
"Naku po, mom. Wala na po, eh. Pero kapag may nakita ako sa mall same nitong blouse ko. Bibilhin ko po para sa inyo." Nakahinga ng maluwag si Lyrica sa sinabi ng ina. Akal niya'y mahuhuli na talaga siya.
Lintak! Muntik muntikan na....
KINAPA ni Nirvana ang kanyang tabi. Bigla siyang napamulat ng kanyang mata nang wala na pala siyang katabi.
"Ica... Ica," tawag niya na pupungas pungas pa ng mata. Walang sumagot. Napabangon siya sa kama at nakita ang oras sa wall clock. Two na pala ng hapon.
Napasuklay si Nirvana ng kanyang buhok saka bumuntong hininga. Napalinga siya sa kanyang buong kuwarto. Amoy na amoy pa rin niya ang pabango sa paligid. Kauuwi pa lang ng dalaga ay miss na kaagad niya ito.
Paano na niya makikitang muli si Ica? Tapos na ang pagkukunwari nila. Balik na naman siya sa dating gawi. Wala siyang girlfriend at ihinto na niya ang kanyang pagpapantasya na magiging sila ni Ica.
Matamlay na tumungo si Nirvana sa harap ng kanyang cabinet, naghanap ng maisusuot. Nakaramdaman na rin siya ng pagkalam ng kanyang sikmura. Umaga pa siya hindi kumakain, sinulit niya ang oras na kasama si Ica. Kalahating araw lang, hindi niya alam kung mauulit pang makakasama niya ang dalaga.
Habang isinusuot niya ang kanyang sandong puti, may nabanaag siyang papel na nakadikit sa salamin. Bigla siyang napaharap at nagmamadaling pinuntahan ang papel. Mabilis niya iyong kinuha at binasa ang nakasulat. Phone number iyon ni Ica.
Lumukso ang kanyang puso at suminghqp ng hangin. Para siyang maubusan ng hangin.
"Teka lang. Nirvana, relax ka lang. Isang babae nagkakaganyan ka," napapailing at ginulo niya ang kanyang buhok. Napabuntong hininga siya.
"Yes!" sigaw niya at nagtatalon sa sobrang saya. Mabilis siyang tumakbo papunta sa kama, tumalon doon, at muling sumigaw nang malakas. Wala siyang pakialam kung marinig ng buong kapitbahay nila ni Gilbert.
"Nirvana! Pare, buksan mo ang pinto. Ano bang nangyayari d'yan sayo sa
loob?" Malalakas na katik ni Gilbert sa labas ng kuwarto ni Nirvana.
Npatigil ang binata at agad na bumaba ng kanyang kama. Tinungo niya ang pintuan para pagbuksan ang kaibigan.
"Pare, nakakabulahaw ka. Sigaw ka ng sigaw. Ano bang ginagawa mo sa loob ng kuwarto mo? Bungad na tanong ni Gilber at hinawi si Nirvana para sumilip sa loob ng kuwarto ng kaibigan. "Parang dinaanan ng bagyo ang kama mo. Nagtatalon ka ba?"
Tuluyan nang niluwagan ni Nirvana ang pagkakabukas ng pinto at pumasok sa loob si Gilbert. Makahulugan itong napatingin sa kanya.
Malawak na ngumiti si Nirvana at ipinakita ang hawak na lukot na papel.
"Ano naman 'yan?" Kumunot ang noo ni Gilbert na napatingin sa papel. Tsaka, muling napabaling sa mukha ni Nirvana.
"Basahin mo kasi..."
Biglang inagaw ni Gilbert ang papel kay Nirvana. Tumalikod siya sa kaibigan. Nanlaki ang kanyang mga mata sa nakasulat doon.
"Totoo ba ito? May girlfriend ka na?" Hindi makapaniwalang mga tanong ni Gilbert.
"Nabasa mo naman sa sulat. Di ba? Babe, umuwi na ako. Hindi na kita ginising dahil ang sarap ng tulog mo. Call me on my phone number when and where you want to meet me. Take care, babe."
"P*tang*na! Memorize mo pa talaga!"
Nagmamayabang naman si Nirvana na napa-crossed arm. "Of course. First jowa ko kaya siya at akin na nga ang sulat ko." Iritadong inagaw niya ang papel kay Gilbert.
Ang lakas ng tawa ni Gilbert na pumameywang sa harapan ni Nirvana. "Shuta gala! Hanep, pare. Biruin mo 'yon, isang bata at magandang babae ang first girlfriend mo. Hindi ka na NGSB. Dapat i-celebrate natin 'yan. Libre mo 'ko."
"Loko ka! Palagi na lamang kitang inililibre. Dapat ako ang ilibre mo ngayon," sambit ni Nirvana.
Napakamot naman ng kanyang ulo si Gilbert. "Staff lang ako. Doktor ka, kaya mas lamang ka sa akin."
"Correction lang, p're. Doktor ako ng mga hayop. Alam mo rin na hindi ganoon kalaki ang sahod ko at wala akong sariling clinic," pagtatama ni Nirvana.
"Kahit na, doktor pa rin ang natapos mo. Doktor ng mga hayop. Tsaka, balang araw naman magtatayo ka ng sarili veterinary clinic. Di ba? Hindi naman habang buhay na parang sub ka lang doon sa kasama mong pulpol na doktor." Katwiran ni Girlber.
Fresh graduate siya noong makapasok sa Life Savers Animal Clinic. Assistant at katuwang lang ng may ari ng LSAC. Hanggang sa parang nagugustuhan na rin niya ang kanyang trabaho at hindi na siya naghanap pa ng ibang clinic.
Palagi nga siyang inuudyukan ng mama at papa niya na umuwi na sa Wawa. Dahil may naghihintay na trabaho sa kanya sa Avalon Farm bilang beterinaryo. Ayaw niya munang umuwi sa Wawa hangga't wala pa siyang napapatunayan sa kanyang sarili.
Nag-iba ang ekspresyon ng mukha ni Nirvana. "Hindi ko alam kung magkakaroon ako ng sarili kong clinic, Gilbert. Sina mama at papa kasi gusto na nila akong umuwi sa Wawa. Naghihintay na sa akin ang mga alagang hayop sa Avalon Farm."
Inakbayan ni Gilbert ang kaibigan. "Ang bait mo talaga. Biruin mo sa edad mong 'yan mas matimbang pa rin sayo ang kaligayahan ng iba kesa sa sarili mong kaligayahan. Kung matitino lang ang mga kapatid kong babae. Naireto na kita sa kanila. Gusto ko kaya ng isang katulad mong may mabuting puso. Iyong totoo magmahal at higit sa lahat hindi nanakit ng babae." Mahabang litanya niya.
Napaismid si Nirvana. "H'wag mo na akong bolahin. Gusto mo lang na magpalibre mamaya, eh. Sige na, ako na ang bahala sa alak mamayang gabi. It's a celebration! Dahil hindi na ako single for life!"