Chapter 1
“ATE, BULAKLAK na naman,” sabi kay Alexandra ng nakababata niyang kapatid na si Aleli.
Narinig niya iyon pero hindi niya pinansin. Mas nakatuon ang atensyon niya sa binabasa niyang nobela. Favorite author niya ang may gawa ng suspense thriller na libro. Si NR Cordero.
“Ate, tingnan mo. Ang ganda-ganda, oh! Sariwang-sariwa. Naku! Tiyak na mahal ito.”
Padaskol na ibinaba niya nang pataob ang paperback. Kahit kailan, hindi siya marunong gumamot ng bookmark. Alin sa dalawa, itataob niya iyon kung sandali lang niya iiwan o kaya ay itutupi niya ang pahina kung hanggang saan pa lang siya.
“Aleli, inaabala mo ako, hindi naman importante iyan,” nakaingos na sagot niya.
Tinaasan siya ng kilay ng kapatid na mahigit isang taon lang ang bata sa kanya sa edad niyang beinte otso. “Mas importante pa pala ang libro na iyan? Ate, pakyawin mo man sa bookstore ang lahat ng libro ng NR Cordero na iyan, hindi ka papansinin niyan, no! Samantalang itong nagpapadala sa iyo ng bulaklak, kahit sulyap lang ang gawin mo doon sa tao ay para ka na ring naghatid ng isang nilalang sa langit.”
Napabunghalit siya ng tawa. “What a word, Aleli. Ano ba ako, anghel? Ako nga mismo, hindi ko alam kung ano ang itsura ng langit.”
“You’ll have an idea kung bibigyan mo lang ng atensyon si Jude. Iyon lang mapag-usapan ka namin, ang saya-saya na niya. Bakit hindi mo siya pansinin kahit kaunti? Tutal wala ka namang boyfriend. Single and very much available ka, Ate. Dapat lang na mag-entertain ka ng manliligaw.”
“Bakit kaya hindi na lang ikaw ang magpaligaw sa Jude na iyan? Kesa itinutulay mo siya sa akin, di sa iyo na lang siya. Hindi naman na bago iyong sa tulay nauuwi ang atensyon ng isang tao.”
“’Kainis ka!” buwisit na sabi sa kanya ni Aleli. “Excuse me, hindi ako tulay, ‘no! Nagkakataon lang na ako ang nakakatanggap ng mga bulaklak kapag nagpapadala siya sa iyo. At nagkakataon lang din na ako ang humaharap sa kanya kapag dumarating siya dahil hindi mo naman siya binibigyan ng oras.”
“Di, tulay din iyon!” tatawa-tawang sagot niya.
“Excuse me uli,” sabi ni Aleli, pikon na pikon na. “Good catch si Jude. Wala akong maipipintas sa kanya. Pero hindi ako ang gusto niya at hindi ko rin naman siya gusto. Isa pa, marami din akong manliligaw. Mayroon na nga akong napiling sagutin.”
Namilog ang mga mata ni Alex. “Talaga? Sino sa mga amoy-pawis na jeepney driver at fish ball vendor sa ibaba na umaaligid sa iyo ang napili mo?”
Matalim na irap ang unang itinugon nito. “Sige, ganyan kang manglait ng tao. Baka mamaya, nagbo-bote diyaryo na tisiko ang magustuhan mo. Nasa akin ang huling halakhak!”
Hinampas niya nang mahina si Aleli gamit ang pumpon ng iba’t ibang kulay na Malaysian mums. “Para kang sira! Sobra kang serious, naka isugod kita sa ospital. Dali na, sino ang future boyfriend, aber?”
“Hindi ko sasabihin sa iyo kung sino,” sagot nito, pikon pa rin.
At dahil likas siyang may kakulitan, wala naman siyang balak na tigilan si Aleli hangga’t hindi ito sumasagot sa kanya nang matino.
“Sino nga?”
“Wala, secret!” at tumalikod na ito patungo sa munti nilang kusina.
Isang buntong-hininga ang ginawa niya at sumunod dito. Dalawa lang sila sa hinuhulugan niyang two-bedroom condo unit na iyon sa Shaw Boulevard. Salo sila sa isang kuwarto habang ang isang kuwarto naman ay ginawa niyang workroom.
Naroroon ang lahat ng gamit niya mula sa computer at printer hanggang sa sangkatutak niyang supply ng papel at iba pa. Gumagawa siya ng mga personalized invitations. Lahat ng uri ng invitation ay ginagawa niya pero pinakamalaking market niya ay ang para sa kasal.
Malaking bagay na naging supplier siya ng mga wedding planners. At isa sa mga wedding planner na contact niya ay si Jenna. In fact, sa mga kliyente pa lang na ipinapasa sa kanya ni Jenna ay okupado na ang oras niya.
Si Aleli ay empleyado ng isang bangko. Ewan niya kung bakit nagtitiyaga ang kapatid niya na maging teller sa bangkong iyon gayong hindi naman kalakihan ang suweldo. Kulang na kulang pa ang kita nito para sa sarili nito. Kungsabagay, may pakinabang din naman sa kanya ang pagiging empleyado nito. Maraming nire-refer sa kanya si Aleli na kliyente sa bangko na nangangailangan ng imbitasyon.
Ang ipinag-aalala lang niya ay mahulog ang loob ni Aleli sa suki nitong vendor ng fish ball malapit sa tinitirhan nila. Mahilig kasi sa street food si Aleli. Wala itong pakialam kahit na kuntodo uniform ito ng bangko na naka-blazer pa at stockings, basta nakakita ng fish ball ay bibili at bibili. Suki na ito ng vendor na kung ikuwento sa kanya ni Aleli ay tila baga mas dapat na artista ang lalaki kesa vendor sa sobrang kaguwapuhan.
Kuripot naman kaya imbes na mag-taxi o FX man lang ay nagtitiyaga sa siksikang jeep. Suki na rin tuloy itong pasaherong ng isang driver na anhin man niyang tingnan, mukhang babaero kahit sabihin pa ng kapatid niya na binata iyon.
Alinman sa dalawang lalaking iyon ang kinukuwento sa kanya ni Aleli ay halata niyang tila kinikilig pa ang kapatid niya. At naaalarma si Alexandra.
Hindi siya mapanglait ng tao. Laki sila sa hirap at hanggang ngayon ay nagsisikap pa rin na umasenso. Nakakaangat lang sila ngayon dahil medyo malaki na ang kinikita at nasusustentuhan na ang kaunting luho sa buhay. Pero hindi pa niya inilalagay ang sarili sa kategoryang mayaman.
Ang limandaang metro kuwadradong lupa sa probinsya at ang bahay na nakatirik doon ang masasabi nilang pag-aari bukod pa sa hinuhulugan nilang condo unit. Mana nila sa mga magulang iyon. At dahil parehong nasa siyudad ang trabaho nilang magkapatid, pinauupahan na lang nila ang bahay na iyon—pandagdag din para sa monthly amortization ng condo unit.
At dahil kaisa-isa niyang kapatid si Aleli, alam niyang hindi naman masama kung maging “pakialamera” siya nang kaunti sa pagpili nito ng magiging boyfriend. Mahirap nang mapasubo ito sa hindi karapat-dapat na lalaki. Baka multuhin siya ng kanilang mga magulang at sumbatan na pinabayaan niya ang kanyang kapatid.
“KILALA mo ako,” seryosong sabi niya. “Hindi naman ako nangmamata ng ibang tao. Sana lang kung makikipagrelasyon ka, hindi lang puso ang buksan mo kundi pati isip. Mahirap ang buhay ngayon. Huwag mo ring kalilimutang maging practical kahit kinikilig pati alikabok sa buhok ng ilong mo kapag nakakakita ka ng isang guwapo. I know you, Aleli. Sa ating dalawa, ikaw itong madaling mabulag ng pisikal na anyo. Look beyond that. Maganda ba ang ugali? May pinag-aralan ba? Masikap ba? May ambisyon bang umasenso sa buhay sa marangal na paraan? May—”
Pinutol nang malakas na halakhak ni Aleli ang sasabihin pa sana niya. Pero natigil din iyon nang masamid ito sa ininom na juice.
“Look at you! Ikaw itong serious ngayon,” sabi nito habang medyo nasasamid pa.
Nanatili siyang seryoso. “Sino sa dalawang lalaking iyon ang sasagutin mo?”
“Wala sa kanila. Oo, suitors ko sila pero wala akong balak na sagutin sila. Okay na iyong friends kami. Ibang lalaki, Ate.” At ngumiti ito.
“Baka naman…” itinikom niya ang bibig. Baka hindi na tama ang terminong sasabihin niya ay magkapikunan na naman sila.
“Mas masahol pa sa kanila?” bira ni Aleli.
“Wala akong sinasabing ganyan,” defensive na sabi niya.
“Don’t worry, Ate. Papasa siya sa iyo. One of these days, ipapakilala ko siya sa iyo.”
“Sino nga?” tanong niya at kumuha ng juice na tinimpla nito.
“Sa isang kondisyon muna.”
“Ano?”
“Makipag-date ka kay Jude.”
“What?!” muntik na niyang maibuga ang juice.
“Napaka-OA na reaction,” ani Aleli. “Makikipag-date ka sa isang disenteng tao, hindi ka hahalik sa paa ng isang taong-grasa.”
“Bakit ba ipinagpipilitan mo sa akin ang Jude na iyan?”
“Because he’s a very nice guy. And I mean, a very nice guy.”
“Over.”
Nagkibit ng balikat si Aleli. “Isa pa, I’m doing my future beau a favor. Magkaibigan kasi sila.”
“Ayun, eh! Ganun!” ani Alex.
“Sige na, makipag-date ka na kasi,” ngisi nito.
“Pagkatapos, ano?” wika niya, unti-unti nang bumibigay kay Aleli.
“Ipapakilala ko na sa iyo ang magiging boyfriend ko. By the way, it won’y be too long. Baka nga mamayang gabi ay sagutin ko na siya. So, kapah ipinakilala ko na siya sa iyo, boyfriend ko na siya.”
“And who is he?”
Ngumisi sa kanya si Aleli. “I will tell you kapag nakipag-date ka kay Jude.”
Ngumisi din siya dito. “Hindi ako makikipag-date sa Jude na iyon kapag hindi mo sinabi sa akin kung sino ang lalaking iyan.”
Nagtitigan silang magkapatid, pagkuwan ay kapwa napangiti.
“Will you give Jude a chance?” tanong ni Aleli.
Natawa siya. “Kulang na lang ay isubo mo siya sa akin.”
“Hindi naman. Sayang lang kasi. Mabait siya. Mukhang kapag nagmahal ay totoo talagang magmahal. I’m sure, magugustuhan mo siya. Sige na, pagbigyan mo na. Dinner lang naman. After that, nasa iyo na iyon kung ano na ang magiging kasunod.”
“Sino muna ang magiging boyfriend mo, Aleli?”
Tinitigan siya nito. “Payag ka na bang makipag-date kay Jude?” anito, sigurista talaga.
Tumango siya. “So, sino?”
Maluwang ang gumuhit na ngiti sa mga labi nito. “NR.”
Naalala niya ang paborito niyang author. “NR ano?”
“NR Cordero.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Niloloko mo ko.”
Nauwi sa ngisi ang ngiti ni Aleli. “Tinanong mo ko, sinagot kita. Bahala ka kung maniniwala ka o hindi.” Sinaid na nito ang juice. “Maliligo na ako. May date kami ni NR. Remember, sasagutin ko na siya ngayong gabi.”
“Aleli, huwag kang luka-luka! Hindi ko pa nga nakikitang umakyat ng ligaw dito ang kung sinumang lalaking iyan!”
“Ate, hindi na uso iyon. Iba na ang panahon ngayon. Kahit nga sa text, puwede na ang ligawan.”
“Sa text ka nagpaligaw sa lalaking iyon?”
“Not lalaking iyon. NR ang pangalan niya.” Tumalikod na ito at tumuloy sa banyo.
Napailing na lang siya. Twenty-seven na si Aleli. Sa edad nitong iyon, alam niyang hindi sa lahat ng pagkakataon ay mapapairal niya ang pagiging ate niya dito.
“JENNA, alam mo namang mahal na ang lahat ng materyales ngayon. Hindi na nga ako nagtaas ng price kahit tumaas ang kuha ko ng supplies. Sabihin mo na lang diyan sa client natin na quality paper talaga itong invitation, acid free. Imported pa from Thailand iyong napili niya,” paliwanag ni Alexandra kay Jenna habang magkausap sila sa telepono.
“Alam ko naman,” natatawang sabi nito. “Hindi na ako naninibago sa mga kliyente natin. Kahit na can afford iyong iba, nagbabaka-sakali pa na maka-discount. Don’t worry, ako na ang bahalang dumiskarte. Impressed sila sa designs mo kaya sigurado akong kakagat din sila sa presyo mo.”
Napangiti siya. “Thanks! Just tell them, bibigyan ko na lang sila ng extra three invitations kapag mahigit sa isandaang piraso ang ipapagawa nila.”
“Tatlo? Di ba, dati, lima ang free mo?”
“Ikaw naman, di ba, nga, mataas na ang kuha ko ng supplies?”
At nagkatawanan sila.
“Oo nga pala, papaalala ko sa iyo iyong Wedding Expo sa SM Megatrade Hall. Two weeks from now na iyon. Okay na yung slot na nakuha ko. Iyong mga brochure na ipamimigay natin doon, okay na ba?”
Taon-taon ay sumasali si Jenna sa expo ng wedding suppliers. At bilang wedding girls nito, kinukuha nito sa kanilang lahat ang mga business cards nila at brochures kung meron man upang ipamigay doon. Marami rin silang kliyenteng nakukuha dahil sa expo. At nagkakaroon din sila ng link sa ibang suppliers.
“Okay na iyong para sa akin. Ewan ko iyong sa ibang wedding girls. Sabi nila, magpapa-layout sila sa akin ng bago para daw mas updated. Si Veronica, magpapa-picture pa raw para sa latest creation ng wedding gowns niya. Wala namang kumokontak sa akin.”
At dahil printer nga siya, basta may kinalaman sa layout ng printed materials ay sa kanya na rin nagpapagawa ang ibang wedding girls.
“Huwag mo nang asahan si Veronica. Masyado siyang in love sa mga panahong ito. Siguro, iyong dati na lang niyang brochure ang gagamitin tutal iyon pa naman ang contact numbers niya.”
“Ibig sabihin, sila rin ng Biboy na iyon? Iyong best friend niya?”
“Ano pa nga ba. Katatawag lang dito ni Veronica. Kasalan na raw agad at hindi na pagtatagalin pa.”
“Lahat ng wedding girls, nagpapakasal na!” bulalas niya.
“Parang ganoon na nga. Kayo na lang ni Mica ang hindi pa. Pero palagay ko ay malapit na rin iyan.”
Tumikhim si Alexandra. “Si Mica siguro, puwede. Eh, ako? Sino naman ang pakakasalan ko?”
“Gasgas nang dialogue iyan ng mga wedding girls pero bigla na lang tatawag sa akin at sasabihinan akong ayusin ang kasal nila. So, I guess, hindi ka rin maiiba sa kanila.”
“Hindi ako kagaya ni Veronica na may best friend na lalaki para bigla na lang magising na sila pala sa bandang huli.”
“Ows?”
“My life is empty.”
Humalakhak sa kabilang linya si Jenna. “Napakadramang pangungusap,” tudyo nito.
Nagtawanan pa sila at nagkuwentuhan nang kaunti bago nagpaalam sa isa’t isa.