Alam ko na hindi ako dapat magpakita na nasasaktan ako. Magkaibigan kami ni Theo. Noong una pa lang alam ko nang may Jen sa buhay niya. Kaya kahit napakahirap, pinilit kong pigilin ang mga luha na nagbabadyang pumatak. Ayaw kong umiyak sa harapan nila. Mabilis akong tumalikod. Ano pa ba ang ginagawa ko sa lugar na ito? Namataan ko si Anne pero hindi ko na siya pinansin. Balewala ang pamamahiyang ginawa niya sa akin kumpara sa sakit na dulot ng pagdating ni Jen.
Ano na ang gagawin ko? Kung kailan alam ko na sa sarili kong mahal ko si Theo saka naman si Jen dumating. Tinakbo ko na ang pinto patungo sa parking lot dahil na rin sa hindi ko na napigilan ang pag-agos ng luha ko. Narinig ko ang pagtawag sa akin ni Theo pero hindi na ako lumingon pa. Hindi ko na siguro kakayaning makaharap siya o sino man sa mga kaibigan niya.
Nadating pa lang ako sa parking ay kinapa ko na agad ang susi ng sasakyan sa bag na dala ko. Nagmamadali kong binuhay ang makina at umalis sa lugar na iyon. Habang nagmamaneho ay hindi ko na napigilan ang paghikbi. Mabilis na nagpatakan ang luha ko sa manibela ng sasakyan at sa suot kong damit pero hindi ko iyon alintana. Nanlalabo na rin ang mata ko at wala na akong naiintindihan sa paligid ko. Tanging ang nakatanim lang sa isip ko ay kung paano hinalikan ni Jen si Theo. Lalo akong napahikbi. Bigla ay naramdaman ko ang kakaibang takbo ng aking sasakyan. Nasa madilim na lugar pa naman ako. Balak ko sanang balewalain iyon pero sa huli ay natakot akong maaksidente kaya tumigil muna ako sa tabi ng kalsada. Tiningnan ko ang paligid. Mukhang kakaunti ang dumadaang sasakyan ngunit naglakas-loob na akong bumaba para silipin ang gulong ko. Noon ko nakumpirma na flat nga ang isa.
“Kainis ka! Ngayon ka pa na-flat!” inis na sigaw ko. Hindi ko kayang magpalit ng gulong na mag-isa at sa ganito kadilim na lugar. Kinuha ko ang cellphone para tawagan si Michelle at Ron ngunit hindi ko sila macontact. Naisip ko si Jace pero pinigil ko ang sariling tawagan siya. Ilang araw ko na siyang iniiwasan at hindi ko pa siya kayang kaharapin ulit.
Nakatayo ako noon sa tabi ng sasakyan ko na flat at sumusubok na tumawag ulit kina Michelle at Ron nang may dumaang isang sasakyan. Nasilaw pa ako sa tama ng headlight noon sa aking mukha. Lumampas naman ang sasakyan pero nagulat ako ng bigla itong magpreno at dahan-dahang umurong malapit sa kinaroroonan ko. Mabilis akong tumakbo at pumasok sa loob ng sasakyan dahil sa takot.
“Do you need help?”
Nilingon ko ang lalaki na lumapit sa akin at namataan ko si Migs. Nakahinga ako ng maluwag. Hindi naman siguro siya masamang tao dahil kaibigan siya ni Theo. Umibis ako ng sasakyan at itinuro sa kaniya ang flat kong gulong. Maya-maya pa ay namataan ko na siyang sinisilip ang car trunk ko.
Ano kayang nakain ng lalaking ito at bigla akong tutulongan ng walang kapalit?
“Mabuti na lang at may spare tire ka.” Nagsimula na siyang ilabas ang mga tools ko at spare tire. Napapahiya akong naupo sa tabi niya.
“N-Nakakahiya naman sa iyo. H-Hahanap na lang ako ng masasakyan. Mahihirapan ka pa diyan,” pigil ko sa kaniya.
“It is an easy task for me,” sagot niya habang sinisimulan nang tanggalin ang flat ko na gulong. Totoo nga yata ang sabi ni Theo na mabait pala ito. Nakamasid lang ako sa kaniya nang bigla siyang magsalita. “So, you love him?”
“Ha?” nagugulohan kong tanong.
“Theo. You love him?” ulit niya na parang wala lang ang sinasabi.
“H-Hindi ah. M-Magkaibigan lang kami. Nakwento na rin niya sa akin si Jen noon pa,” tanggi ko.
“Liar. I saw your reaction. I thought you’re gonna cry.”
Hindi na ako sumagot. Sa tingin ko balewala na rin kung tatanggi ako. Mukhang observant itong si Migs at hindi ako makakapag-sinungaling sa kaniya. Ilang minuto pa na pinapanuod ko lang siya sa ginagawa. Mukhang sanay na sanay nga ito sa mga sasakyan. Gusto kong maawa sa kaniya dahil pawisan na siya pero aaminin kong kailangan ko talaga ang tulong niya. Matapos ang ilang minuto ay natapos na niyang palitan ang flat kong gulong.
“T-Thank you. Bakit nga pala umalis ka na doon sa party ni Theo?”
“May kailangan lang akong puntahan,” walang anuman na sagot niya.
Ang totoo ay nahihiya ako kay Migs. Hindi naman masasabing magkaibigan kami at minsan ko nang na-experience ang pagiging masungit niya kaya nakapagtatakang tinutulongan niya ako ngayon.
“Theo isn’t inlove with Jen. Don’t worry,” sinabi sa akin ni Migs habang mataman niya akong pinagmamasdan. Napatitig ako sa kaniya. Seryoso siya pero bakas ang pang-aasar sa kaniyang mga mata.
“Ang layo naman ng sagot mo!”
“Para lang alam mo.” Ngumiti siya at parang natigilan ako. Gwapo pala ang supladong Migs na ito!
“Bakit naman ako maniniwala sayo? Eh hindi mo naman nararamdaman ang nararamdaman ni Theo,” sagot ko na lang kahit deep inside ay umaasa ako sa sinasabi niya. Sana nga ay hindi na mahal ni Theo si Jen. Ngunit kapag naalala ko kung paano siya nasasaktan habang ikinukwento sa akin ang nakaraan nila ni Jen, nawawalan ako ng pag-asa.
“Hindi ko nga nararamdaman ang eksaktong nararamdaman niya, pero naiintindihan ko siya kapag nagkukwento siya sakin,” seryosong ang boses ni Migs. Sinulyapan ko siya at sinalubong ako ng seryoso niyang mga mata. “If you only knew.”
“Ha? Anong ibig mong sabihin?”
“Nothing. Si Theo na lang siguro ang tanungin mo. By the way mauna ka, convoy na tayo.”
Gusto ko pa sanang magtanong kay Migs pero mukhang wala na itong planong magkwento. Napipilitang sumakay na ako sa sasakyan at binuhay ang makina noon. Nanatiling nakasunod sa likudan ko ang sasakyan ni Migs hanggang sa makarating ako sa address ko. Pagkapasok ko sa kwarto ko ay binalot agad ako ng lungkot. Maging magkaibigan pa rin kaya kami ni Theo kung andiyan na si Jen? Mukhang malabo na. Sa ikalawang pagkakataon, wasak na naman ang puso ko.
Kinabukasan ay naisipan kong pumunta mag-isa sa parteng Batangas sa Caleruega Church. Pakiramdam ko kailangan kong mag-isip. Hindi ko sinasagot ang mga messages at tawag ni Theo. Tama ba ang pinaggagawa ko sa buhay ko? Anong nangyari sa pagmamahal ko kay Jace? Bakit nawala nalang na parang bula ng hindi ko manlang namamalayan? O minahal ko ba talaga siya? Kailan pa ba ako nagsimulang magkaroon ng pagtingin kay Theo?
Napaka-kumplikado pala talaga ng puso. Iyong taong kay tagal mong inasam ay saka mawawala ang iyong pagtingin kung kailan ka napansin. Malungkot akong naglakad at pinagmasdan ko ang paligid. Napakatahimik na lugar. Taliwas sa magulo kong puso at isipan.
Siguro ganito na lang muna ako. Lihim na nagmamahal. This time, kailangan ko nang pigilan ang sarili ko bago pa makasira na naman ako ng isang relasyon.