“Andiyan ba si Theo?” tanong ko sa secretary ni Theo.
Nakangiting tumango sa akin ang babae. Kilala na ako nito dahil madalas akong naroon sa bagong opisina ni Theo. Maging ang ilang staff niya ay kilala narin ako. Naisip kong dumiretso nalang sa opisina ni Theo. May bitbit akong lunch bilang pasasalamat narin sa client na refer niya. Naabutan kong busy si Theo sa laptop niya. Nagulat pa ito pagkakita sa akin.
“Oh Trish? Kumusta ang meeting mo?”
“Okay naman. Next week ibibigay ko sa kanila ang design,” sagot ko habang naupo sa sofa sa loob ng office niya. Ipinatong ko sa coffee table ang mga dala kong pagkain.
“Wow? May dala ka na palang pagkain. Suhol ba ‘yan?” nakatawang tanong niya.
“Pa-thank you ko lang ito sa pagrefer sa akin. Salamat ha! Halika na, kumain na tayo.”
Tumayo si Theo at naupo sa tabi ko. “Sa wakas nagbunga din ang mga referrals ko. Nakalibre din ng pagkain,” biro niya.
Napangiti naman ako sa kaniya. “Theo..,” tawag ko sa kaniya. Napalingon siya sa akin at hinihintay niya ang sasabihin ko. “Nakita ko si Jace.”
Napansin ko ang pagkagulat niya. “Oh? Nag-usap kayo?” tanong niya at itinuon ang mga mata sa pagkain.
“Yeah,” malungkot na sagot ko.
“Anong sabi niya?”
“He said he regret his actions. And he can’t stop thinking about me.” Tiningnan ko si Theo na matamang nakamasid din sa akin.
“So?” tanong niya matapos ang ilang segundo.
“Hindi ko alam,” sagot ko. “Sa tingin mo?”
“What about Anne?” tanong niya.
“Iyon nanga ang iniisip ko. Sa tingin ko naman sila parin.”
“Kung hindi na? Papatulan mo na agad si Jace?” nahalata ko ang inis ni Theo. Syempre, pinsan niya si Anne.
“Of course not!” tanggi ko. Totoong nagugulohan ako kay Jace. “Baka naman nanghihinayang lang siya sa friendship namin kaya ganoon.”
“Bahala ka Trish. Ang gulo mo. Akala ko ba hahayaan mo nalang silang dalawa? Ayan ka na naman eh. May client meeting ako.” Binitiwan na ni Theo ang mga pagkain na dala ko. Parang nawalan na siya ng ganang kumain.
“S-Sasama ako,” paalam ko.
“Bakit?” nagtatakang tanong niya.
“Titingnan ko lang kung paano ka makipag-usap sa client para ganoon din ang gagawin ko kapag may nag-inquire sa akin,” palusot ko dahil ang totoo ay ayaw ko pang umuwi at mapag-isa. “Sige na, kumain na muna tayo.” Hindi ko na binanggit muli ang tungkol kay Jace dahil parang naiinis siya. Ang tanga ko talaga, nawawala na sa isip ko na pinsan niya si Anne.
“Are you sure na sasama ka?” tanong niya sa akin pagkatapos naming kumain.
“Ayaw mo ba? Kung ayaw mo naman uuwi na ako—”
“Okay lang. Mabuti nga at sasama ka,” nangingiting sagot niya.
Matapos ang ilang oras ay dumating na kami sa lugar kung saan ang meeting ni Theo sa kaniyang client. Kanina pa ako nakasimangot sa babae na katagpo niya. Kailangan ayos na ayos ang damit at make up? Hindi ako natutuwa sa kliyenteng ito dahil parang kinatagpo lang niya si Theo para mang-akit. Ramdam ko naman na hindi din ito natutuwa sa presensya ko kaya quits lang kami.
“Theo, I want my room to be spacious. Iyong komportable lalo na sa mga magiging bisita ko,” turan nito habang ang mga mata ay mapang-akit na nakatingin sa lalaki.
Bahagyang natawa si Theo dito at parang gusto kong mainis. Mukhang nasisiyahan pa ang mokong na ito ah!
“Sure, if that is what you want. We always put your requirement first,” nakangiting sagot ni Theo.
“Including my desires?” tanong ng babae na hindi inaalis ang tingin kay Theo.
Noon na ako napatayo sa narinig kong sinabi nito at di sinasadyang natabig ko ang baso ng tubig na nakahain sa table namin. Dahil doon ay naagaw ko ang atensyon nila. Mabilis naman ni Theo akong hinila dahil tutulo sa side ko ang tubig na natapon galing sa baso. Kumuha siya ng mga tissue at inilagay doon para hindi ako mabasa. Pag-angat ko ng tingin ay nabasa ko ang iritasyon sa mukha ng babae. Hindi ko din naman itinago ang inis ko.
“I’m sorry. Papunta sana ako sa CR,” palusot ko.
“Well, go. Pumunta ka na muna sa CR,” malamig na sagot ng babae sa akin.
“Ayoko na pala,” nang-aasar na sagot ko. Napansin kong tumaas ang kilay sa akin ni Theo. “Alam mo Theo you should check my room tonight. Very spacious yon at comfortable. Ako mismo ang nagdesign noon at baka iyon ang gusto ni Miss. What do you think?”
Amused na napatingin sa akin si Theo samantalang ang babae naman ay namula sa inis. Hanggang sa natapos ang usap nila ay tahimik na lang ito at naglalagablab ang mga mata sa tuwing mapapatingin sa akin.
“Tara na. Let’s check your room,” tumatawang baling sa akin ni Theo habang naglalakad kami papunta sa sasakyan niya.
“Unbelievable! Siguro kaya ka madaming clients, no?” akusa ko sa kaniya.
“What do you mean?”
“Huwag mo akong ma-what do you mean ha. Siguro ginagamit mo ang charm mo para makakuha ng mga babaeng clients! Kaya siguro ang dami mong projects!”
“Excuse me. Siya pa lang ang babae na client ko. Sikat siya na gamer at malaking boost sa business ko kung ako ang kukunin niyang gagawa ng bahay niya. Kaso tinarayan mo naman.”
“Hindi ko siya tinarayan ha! Ang landi niya kasi. Parang inaakit ka lang naman niya eh.”
“So? Wala namang masama doon ah. Single ako, single din siya.” Natigilan ako sa sinabi niya. Type ba ito ni Theo? Parang hindi ko yata nagugustohan iyon. Pinagmasdan ko si Theo habang papasakay sa sasakyan niya.
“Alam mo kung hindi ko lang alam na mahal mo si Jace iisipin kong nagseselos ka eh,” dagdag pa nito ng hindi nakatingin sa akin. Pinagmamasdan ko lang siya dahil parang tinamaan ako sa sinabi niya. Nagseselos nga ba ako? Bigla ay bumaling siya ng tingin sa akin at agad naman akong umiwas dahil baka makita niya ang pagkalito ko.
“Hoy! Hindi ka na nagsasalita diyan,” untag pa sa akin ni Theo.
“Ano?” kunwari ay inis na sagot ko.
“Tara na sa room mo,” pang-aalaska pa niya.
“T-Tumigil ka nga sa kalokohan mo!” sagot ko.
Malakas na tumawa si Theo habang pinapaandar ang sasakyan. “Hmm, siguro napapansin mo nang gwapo ako no?”
Hindi na ako sumagot at tumigil na rin siya sa pang-aasar. Matagal ko na syempre napansin na gwapo siya, ang hindi ko maintindihan ay ang nararamdaman ko ngayon. Ngayon ko lang ito nabigyang-pansin. Nagseselos ako? Posible ba iyon? Ang alam ko lang, nasasaktan ako dahil kay Jace. Hindi pwedeng may maramdaman ako kay Theo! Nakakahiya dahil sa mabait siya sa akin at alam niyang mahal ko si Jace. Pero ano nga ba ang nararamdaman kong ito?