“Talaga? Sinabi ni Jace iyon?” malakas at halos panabay na tanong nila Ron at Michelle sa akin. Dumating sila sa unit ko para tumambay. As usual, may dala silang mga pagkain at sa ngayon nga ay nakasalampak kami sa sahig at nanunuod ng movie.
“At last! Namulat na rin si Jace sa katotohanan! Siya naman ang maghabol sayo!” ulit ni Ron.
Tipid akong napangiti sa dalawa. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa kanila ang tunay na saloobin ko sa sitwasyon. Ilang araw na buhat ng magkausap kami ni Jace pero hanggang ngayon ay si Theo pa rin ang nasa isipan ko. Mas masaya na ako tuwing kasama si Theo pero syempre hindi ako nagpapahalata sa kaniya. Wala akong balak umamin sa kaniya dahil ayaw ko na masira ang friendship namin.
“Oh? Bakit parang hindi ka naman masaya?” tanong ni Michelle sa akin. Hindi nakaligtas sa kaniya ang reaksyon ko. Napatingin din sa akin si Ron at hinintay ng dalawa ang sagot ko. Humugot ako ng hininga bago nagsalita.
“Naka-move on na ako kay Jace,” simula ko. Nanatili lang nakatingin sa akin ang dalawa, bakas ang lungkot sa mga mata nila habang naghihintay ng susunod kong sasabihin. Kahit ako naman ay nalulungkot. “I know this is insane p-pero inlove na yata ako kay Theo.”
Sabay na napasinghap ang dalawa sa sinabi ko at ako naman ay mariin din na napapikit. Si Ron ang unang nakabawi. “Hindi kita maintindihan na loka ka! Naghahanap ka ba talaga ng sakit sa puso?” malakas na sigaw niya sa akin at napatayo pa sabay namaywang.
“Ano ka ba Ron? Hindi naman malabong ma-inlove siya kay Theo. Ang gwapo at ang bait pa. Feeling ko nga may gusto din sya kay Trish eh!” pagtatanggol naman sa akin ni Michelle.
“Sigurado ka ba sa nararamdaman mo, bruha? Kung kailan naman andiyan na si Jace saka ka nagkakaganyan,” sita sa akin ni Ron.
“Alam ko. At nahihiya din ako sa sarili ko. Na-inlove ako kay Theo while proclaiming my love for Jace. Don’t worry, hindi naman ako umaasa kay Theo, wala akong planong sabihin sa kaniya ang nararamdaman ko. Alam ko masasaktan lang ako. M-Mawawala din siguro ito.”
“Ayan ka na naman? Beshy, mahirap ma-friend zoned! Alam mo na ‘yan diba? Eight years na ang experience mo diyan!”
Napakagat-labi ako. Alam na alam ko. Pero ano bang gagawin ko? Pupuntahan ko si Theo at sasabihing mahal ko na siya at hindi na si Jace? Maniniwala ba siya kung ganoon? Ano na lang ang magiging tingin niya sa akin?
“Teka, paano si Jace at Anne? Ano nang balita sa kanila?”
“H-Hindi ko din naitanong. Masyado akong nalito kay Jace,” pag-amin ko.
Malakas na napabuntong-hininga si Ron pagkatapos ay naupo sya sa tabi ko seryosong tiningnan ako. “Kung nalilito ka kay Jace, nalilito din ako sayo beshy. Siguro time out ka na muna. Baka nagugulohan ka lang sa sitwasyon. Nagtatampo ka kay Jace at si Theo ang nandiyan para sayo. Mahirap ‘yan.”
Bahagya akong tumango. Tama si Ron. Masyadong mabilis ang mga pangyayari nitong nakaraan. Parang ilang buwan pa lang ang nakakaraan head over heels pa ako kay Jace at kakakilala ko pa lang kay Theo. Hindi ko na namalayan kung paano ako napunta sa ganito ka-kumplikadong sitwasyon.
Hapon na nang magpaalam sina Ron at Michelle. Kasalukuyang nililigpit ko ang mga kalat namin nang marinig ko ang mahihinang katok sa pinto. Nagulat ako nang mapagbuksan si Mommy.
“Mom? P-Pasok po kayo.” inilibot ko ang paningin sa paligid pero wala ang Dad ko.
“Anak, kumusta ka na?” tanong niya sa akin pagkapasok na pagkapasok.
“O-Okay naman ako Mom. B-Bakit po?”
Tinitigan ako ni Mommy. “Anak, nagtatampo ka pa ba sa amin ni Daddy mo?”
Natigilan ako sa tanong niya. Alam ko ang sagot pero hindi ko kayang sabihin sa kaniya ng harapan. Iniwasan ko ang tumingin sa mga mata ni Mommy.
“P-Pinapunta ako dito ng Daddy mo para kausapin ka. Alam mo naman ang ama mong ‘yon. Masyadong nadadala ng bugso ng damdamin. Pero alam ko na nag-aalala na siya sayo. Nami-miss ka na niya dahil hindi ka na bumisita sa amin.”
Nararamdaman ko ang pagbabadya ng mga luha sa aking mga mata pero pinigil ko iyon. Ang totoo, nami-miss ko na rin sila. Hindi ko naman kayang magalit sa kanila. Hindi ko sila kayang tiisin kahit nagtatampo ako. Wala lang din talaga akong lakas ng loob na harapin sila kaya hindi ako pumupunta sa kanila. Naramdaman ko nalang ang mga kamay ni Mommy na nakahawak sa akin.
“Anak, we are sorry kung nasaktan ka namin.”
Doon na ako naiyak at yumakap sa kaniya. “I’m sorry mommy kung hindi ako pumupunta sa atin. N-Natatakot din kasi ako kay Dad at nahihiya din ako sa inyo. Alam ko baka pinag-uusapan kayo ng mga kaibigan natin dahil sa nangyari sa party nila tita Anita at Tito Isidro. Sobrang sorry po sa kahihiyan na ginawa ko.”
Naramdaman ko ang paghaplos niya sa aking likod. “Sshh. Wala iyon, hindi na namin pinapansin ‘yon. Ikaw ang mahalaga sa amin. Sobra din kaming nagsisisi sa naging reaksyon namin ng gabing iyon, lalo na si Daddy mo. He misses you, anak. Actually, andiyan lang siya sa baba. Gusto mo ay tatawagan ko siya?”
“Ang arte ni Daddy, may pagpapaiwan pa sa baba na nalalaman,” turan ko habang pinupunas ang mga luha.
Bahagyang natawa si Mommy sa sinabi ko. Kinuha na niya ang cellphone at nagtipa ng message para kay Daddy. “Sasabihin ko sa kaniya na pumunta na dito. Pinuntahan din kami ni Jace, anak. Ipinaliwanag niya ang nangyari kaya kayo nagkagulo ni Anne.”
Napatigil ako sa narinig. Ginawa ni Jace ‘yon? “A-Anong sabi niya Mom?”
“Sinabi niya na kasalanan niya ang lahat. Na dapat hindi na niya sinabi kay Anne ang nakita mo. Sinisisi niya ang sarili niya and he is so worried about you. Nag-sorry na rin siya sa amin ng Daddy mo. Nagkausap na ba kayo?”
“O-opo mommy. N-Napatawad ko na naman siya mommy,” nauutal na sagot ko. Tinitigan niya ako sa mga mata. Ramdam ko na may gusto pa siyang sabihin sa akin pero hindi na niya itinuloy. Ilang saglit pa ay dumating na rin si Daddy sa unit ko. Agad ko siyang niyakap at ginulo niya ang buhok ko. Kahit papaano ay nabawasan ang mga isipin at bigat ng loob na nararamdaman ko dahil nagkaayos na kami ni Daddy. Ang tanging iniisip ko na lang ay ang nararamdaman ko. Sa ngayon, positibo ako na mas matimbang na sa akin si Theo. Ang tanong, may nararamdaman din ba siya sa akin o hanggang kaibigan lang talaga? Ni wala akong idea sa iniisip o nararamdaman niya sa akin. Uulitin ko na naman ba ang katangahan ko noon kay Jace?