Malungkot na pinasadahan ko ng tingin ang aking kabuuan mula sa malaking salamin na nasa aking harapan. Kung wala lang ako sa ganitong sitwasyon marahil ay matutuwa ako sa aking mga nakikita. Noon ay pangarap ko na magkaroon ng mamahaling gamit. Ngunit dahil sa payak lang ang aming pamumuhay ay nakuntento na lang ako sa kung ano ang kayang ibigay ng aking mga magulang.
Pinagkakasya ko na lang ang aking sarili na pagmasdan ang mga kaibigan at kaklase ko na nakakapag suot ng mga mamahalin at branded na damit. Nagkakaroon lang ako ng mga branded na gamit sa tuwing nireregaluhan ako ni Denice, ngunit ang lahat ng iyon ay may kapalit. Ako ang gumagawa ng kanyang mga project at maging ang kanyang mga reviewer sa tuwing may exam.
Ngayon ko lang naisip na sadya pa lang ang lahat ng bagay na nababalot ng ginto ay hindi totoo. Dahil sa kabila ng mga mamahaling gamit na nasa paligid ko ay hindi ako masaya.
Hindi ko kailangan ang yaman ng aking asawa dahil kailanman ay hindi maibabalik ng pera nito ang dignidad na nawala sa akin, maging ang pagkatao ko na dinurog ng mga taong nasa paligid ko..
“Ma’am kailangan mo ng bumaba dahil naghihintay na si Sir sa salas.” Paalala sa akin ng isang kasambahay. Isang mabigat na buntong hininga ang aking pinakawalan na wari moy pasân ko ang mundo.
Malungkot na lumabas ako ng silid habang nakabuntot sa likuran ko ang isang katulong. Pagdating ko sa paanan ng hagdan ay sumalubong sa akin ang seryosong mukha ng aking asawa ngunit kakikitaan mo ito ng labis na pagkainip.
“Bakit ba ang tagal mo?” Napipikon na tanong niya sa akin, “s-sorry.” Medyo pumiyok pa ang boses ko habang nanatiling nakatingin sa babâ.
Narinig ko na nagpakawala siya ng isang marahas na buntong hininga bago mahigpit na kinapitan nito ang aking braso.
Tahimik na sumunod ako dito at hindi alintana ang mahigpit na pagkakahawak nito sa aking braso. Wala akong lakas ng loob na magreklamo dahil baka masaktan lang ako.
Kahit papaano ay nagpapasalamat pa rin ako dahil madalang umuwi sa mansion ang aking biyenan. At least tanging ang asawa ko lang ang pakikisamahan ko dahil sa oras na magsama ang mag-inang ito ay siguradong bibigay na ang utak ko.
“Tandaan mo ang mga bilin ko, Louise, at huwag mong tatangkain na takasan ako kung ayaw mong matikman ang galit ko.” Ito ang matinding banta sa akin ni Alistair, tanging sa unahan lang nakatutok ang mga mata niya habang nagmamaneho.
“T-tatandaan ko.” Matamlay kong sagot na parang isang maamong tupa bago ko ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. Ngunit, ang hindi nito alam na sa oras na magkaroon ako ng pagkakataon na makatakas ay hindi ako magdadalawang isip na tumakas muli.
Marahil masyadong makasarili ang ideyang tumatakbo sa utak ko, pero mas mabuti ng mamatay kami ni mommy at daddy na magkasama. Kaysa naman mamatay ako ng naghihirap sa mga kamay ng lalaking ito na hindi ko man lang nakakasama ang aking mga magulang.
Makalipas ang halos trenta minutong biyahe ay huminto ang sasakyan sa tapat ng isang malaking mall na may pagka high class ang dating. Halatang para lang ito sa mga may sinabi sa buhay.
Bumaba ng sasakyan ang aking asawa at umikot ito sa tapat ko. Mabilis kong tinanggal ang lock ng suot kong sandals na may mataas na takong bago bumaba ng sasakyan. Kailangan kong gawin ito para madali sa akin na hubarin ito mamaya.
Pagkalabas ko ng sasakyan ay kaagad na pumulupot ang braso ni Alistair sa aking baywang. Napaka possessive ng taong ito, at sa tuwing may titingin sa akin na ibang lalaki ay tumatalim ang tingin nito na parang manununtok na anumang oras. Para akong isang laruan na ayaw niyang ibahagi sa ibang tao.
Pagdating sa loob ng isang clothing shop ay binitawan na ni Alistair ang aking baywang at umupo siya sa isang bakanteng sofa. “This way, Ma’am.” Nakangiting wika ng naka unipermadong babae habang nakalahad ang isang kamay nito sa ere.
Tahimik na sumunod ako sa kanya subalit ang atensyon ko ay nakatuon sa labas ng shop. Nakahinga ako ng maluwag ng makita ko na nakatayo ang mga tauhan ni Alistair sa entarnce ng Mall kasama ang mga security guard. Pasimple kong pinag-aralan ang labas ng shop kung saan ako maaaring dumaan sa oras na tangkain kong tumakas.”
“Ma’am, sa tingin ko ay bagay sayo ang black na ito, siguradong mas titingkad pa ang kaputian mo dito.” Nakangiting wika ng babae bago pinasadahan ng tingin ang aking kabuuan at ang kanyang mga mata ay kababakasan ng paghanga.
“Pasensya na ate, pero ayoko ng black. Mas gusto ko ang isang ‘yun.” Ani ko sabay turo sa isang long dress na skintone ang kulay. Ang mas nagustuhan ko sa damit ay ang mahabang split sa bandang hita nito at napaka daring ng style nito.
“P-Pero ma’am, ang bilin sa amin ni Sir ay kailangan may pagka-conservative ang style.” Alanganing sagot sa akin ng babae, isang simpleng ngiti ang naging tugon ko sa kanya sabay sabing, “ang mabuti pa ay kukunin ko na lang ang dalawang ‘yan at ako na ang bahalang kumausap sa asawa ko.” Malumanay kong sagot, ngumiti sa akin ang babae na tila nagustuhan nito ang aking sinabi.
Mabilis na umalis ang babae sa harap ko, pasimple kong hinubad ang suot kong sandals at kahit kabado ay sinubukan ko pa rin na kumilos ng normal. Isa-isa kong sinipat ng tingin ang bawat damit na madaanan ko habang manaka-nakang sumusulyap kay Alistair.
Nang makita ko na abala ito sa kanyang cellphone ay kinuha ko ang pagkakataon na ‘yun. Mabilis na kumaripas ng takbo palabas ng shop habang hawak ko ang mahabang laylayan ng suot kong bestida. Kung hindi ko ito hahawakan ay siguradong madadapa ako dahil ang haba nito ay umabot hanggang talampakan.
“S**t! Louise!” Ang malakas na sigaw ng aking asawa ang bumulabog sa buong paligid kaya natuôn ang atensyon ng lahat sa aming mag-asawa. Hindi ko siya nilingon at mas dinoble ko pa ang bilis ng aking pagtakbo.
Halos bumangga na ako sa mga taong nakakasalubong ko, pero hindi ko na pinapansin ang galit ng mga ito.
Nakadama ako ng kasiyahan ng makita ko ang exit kaya mas binilisan ko pa ang aking bilis hanggang sa tuluyan akong nakalabas ng mall. Subalit, pagdating ko sa labas ay nagulat ako ng may biglang humablot sa braso ko. Binalot ng matinding takot ang puso ko ng makita ko na tauhan ito ng aking asawa. Walang pagdadalawang isip na kinagat ko ito sa braso kaya nabitawan niya ang aking braso..
Nagpatuloy ako sa mabilis na pagtakbo, hindi alintana ang mga bato na bumabaon sa aking mga paa. Batid ko na dumudugo na ang aking talampakan ngunit ang mas mahalaga sa akin ay ang makalayo sa anino ng aking asawa.
“Habulin nyo! Bumalik ka dito, Louise!” Galit na sigaw ni Alistair na halos mamaos na ito. Mabilis ang ginawa kong pagtawid sa kalsada kahit nasa red light pa ang traffic lights nito.
Umalingawngaw sa buong paligid ang malakas na pagpreno at busina ng mga sasakyan ngunit desperada na ako na makalayo kaya wala na akong pakialam kahit mabangga pa ako ng mga sasakyan.”
Saglit na tumigil sa pagtibok ang puso ni Alistair at kulang na lang ay takasan siya ng ulirat nang makita niya ang biglang pagtawid ng kanyang asawa. “S**t!” Napamura pa siya ng wala sa oras ng kamuntikang mahagip ng mga sasakyan ang katawan nito. Mabuti na lang ay mabilis na nakapagpreno ang mga ito.
Halatang wala na sa kanyang sarili si Louise dahil ang tanging nasa isip nito ay ang makatakas mula sa mga kamay ng malupit niyang asawa.
Nakahinga lang ng maluwag si Alistair ng makita niyang ligtas na nakatawid si Louise ngunit patuloy pa rin itong tumatakbo palayo. Mabilis na naghiwalay ang kanyang mga tauhan ng makita nila ang daang tinutumbok ni Louise.
Hingal kabayo na saglit na huminto si Louise. Pakiramdam niya ay parang sasabog na ang kanyang dibdib dahil sa matindi pagod. Mabilis niyang inilibot ang kanyang mga mata upang maghanap ng mapagtataguan. Ngunit, napatda siya sa kanyang kinatatayuan ng mapansin niya ang dalawang tao na kasalukuyang palabas mula sa isang mamahaling hotel.
Malalim ang bawat hugot ng kanyang hininga habang nakatitig sa mukha ng dalawang tao na sumira ng kanyang buhay. Si Denice at ang boyfriend nitong si Rhed na kapwa mga nakangiti.