Parang pinitpit na luya ang itsura ni Louise habang tahimik na kumakain sa tabi ng kanyang asawa. Kapwa sila tahimik at tanging mga tunog ng kubyertos ang maririnig sa loob ng dining room. Maging ang mga katulong ay nanatili lang sa kanilang mga kinatatayuan, kikilos lang ang mga ito kung kinakailangan na pagsilbihan ang kanilang mga amo.
“I will pick you up at around six in the evening. We need to buy some clothes you'll wear for the party. The company's anniversary will be held here, so you need to look presentable in everyone's eyes as my wife.” Natigil sa pagsubo ng kanyang pagkain si Louise ng marinig ang naging pahayag ng kanyang asawa. Pasimple niyang pinuno ng hangin ang kanyang dibdib na tila ba nag-iipon ng lakas ng loob at ilang sagundo ang lumipas bago niya ito pinakawalan.
“P-pwede ko bang dalawin ang mga magulang ko?” Taliwas ang naging sagot ko sa sinabi ng aking asawa kaya naudlot ang akmang paghigop sana nito sa hawak niyang tasa na may lamang mainit na kape.
“Nag-usap na tayo tungkol d’yan diba?” Balik tanong niya sa akin at sa tono ng pananalita nito ay halatang hindi niya nagustuhan ang tanong ko. Mabilis kong hinawi ang luha na naglandas sa aking mga pisngi at sinikap ko na pahupain ang matinding emosyon na nararamdaman ko. Kinuha ko na lang ang aking baso na may lamang gatas at maingat na ininom ito.
Pakiramdam ko ay parang tubig lang ang gatas sa aking bibig dahil hindi ko ito malasahan. Ni ultimong pagkain ay kulang na lang ibalik ng sikmura ko. Wala akong ganang kumain ngunit pinipilit ko pa ring lunukin ang gatas na iniinom ko.
Sa tahanang ito ay isa akong alipin na masahol pa sa isang inutil dahil wala akong karapatan na magsalita. At ang bawat galaw ko ay naaayon dapat sa kung ano ang gusto ng lalaking ito.
Halos isang sentimetro lang ang nainom kong gatas at parang hindi ko na ito kaya pang ubusin. Mas gusto ko na lang ang magkulong sa loob ng silid dahil hangga’t nakikita ko ang mukha ng lalaking ito ay kumukulo ang dugo ko.
Kung nakamamatay lang sana ang tingin marahil ay kanina pa ito bumulagta sa harapan ko.
“Could you please stop crying like a child! It’s annoying! You’re nineteen years old already! And it’s enough age para tumayo sa sarili mong mga paa. Hindi ‘yung wala ka ng ibang bukambibig kundi ang mommy at daddy mo.” Irritable niyang sermon sa akin, naumid ang dila ko sa tinuran nito at bahagya akong tumungo upang maikubli ang aking mukha dahil nakaramdam ako ng matinding hiya sa harap ng mga katulong. Ramdam ko ang simpleng pagsulyap nila sa akin, nagmukha akong batang walang isip sa paningin nila kaya kulang na lang ay lumubog ako sa aking kinauupuan.
Kung tutuusin ay may pinag-aralan naman akong tao pero ng dahil sa kanilang lahat ay nawalan na ako ng dignidad. Napaigtad pa ako ng padabog na ibinaba ng aking asawa ang kanyang mug. Akmang tatayo na sana ito para iwan ako ngunit saglit siyang nahinto sa pagkilos at napako ang tingin niya sa pintuan ng dining room.
“Ano ang ibig sabihin nito Alistair!? Pinakasalan mo ang babaeng ‘yan ng hindi ko nalalaman!? Ang malakas na tinig ni Mrs. Thompson ang bumasag sa pananahimik naming lahat.
Nang marinig ko ang boses nito ay biglang kumabôg ang dibdib ko, ni hindi ako nanghas na lingunin siya dahil makita ko pa lang ang matapang niyang mukha ay nanginginig na sa takot ang aking mga tuhod. Sa tono ng pananalita niya ay para na itong isang dragon na anumang oras ay magbubuga ng apoy. Hindi ko na kailangan pang mag-angat ng mukha siya para lang makita kung gaano ka talim ang ipinupukol niyang tingin sa akin dahil ramdam ko ito mula sa aking likuran.
Napansin ko na maging ang mga katulong ay natatakot din sa presensya ni Mrs. Thompson. Tulad ko ay pawang mga nakayuko rin silang lahat na tila ba iniiwasan nila ang galit ng malditang Ginang.
“Wala ka ng magagawa Mamâ, kasal na kami at asawa ko na si Louise!” Pangangatwiran ng aking asawa at tuluyan na siyang tumayo. Naiwan akong mag-isa sa mahabang lamesa.
“Naaksidente ka lang ay naging tanga ka na! Isang linggo pa lang ang lumipas simula ng magising ka at nakilala ang babaeng ‘yan! Pinakasalan mo na agad!? Dahil sa ginawa mo ay binigyan mo ng karapatan ang babaeng ‘yan sa mga kayamanan natin! Hindi ako makakapayag!” Nanggagalaiti sa galit na sabi nito, kulang na lang ay sumigaw na ito upang maliwanagan lang ang isip ng kanyang anak.
Ilang sandali pa ay narinig ko ang ilang mga yabag palapit sa akin ngunit ang hindi ko inaasahan ay ng haklitin ni Mrs. Thompson ang aking buhok at marahas itong hinila. Napatayo ako ng wala sa oras at kasabay nito ay ang pagbagsak ng silyang kahoy na inu-upuan ko.
“Stop it, Mamâ!” Galit na sigaw ni Alistair at mabilis na pumagitna sa aming dalawa ngunit matigas si Mrs. Thompson. Dahil mas lalong humigpit ang pakakasabunot ng mga kamay nito sa mahaba kong buhok. “No! Hindi ako titigil hanggat hindi mo hinihiwalayan ang babaeng ito!” Matigas na sagot ni Mrs. Thompson habang patuloy akong sinasabunutan. Parang matatanggal na ang anit ko at namamanhid na rin ang ulo ko dahil sa matinding sakit. Wala akong magawa kundi ang umiyak at magmakaawa na bitawan na nito ang buhok ko. Pwersahan na tinanggal ni Alistair ang mga kamay ng kanyang ina sa aking buhok ng hindi ito nasasaktan.
“I said enough!” Tila kulog na dumagundong ang makapangyarihang tinig ng aking asawa, at abot-abot ang pasasalamat ko ng sa wakas ay tinigilan na rin niya ang buhok ko. Wala sa sarili na napayakap ako sa katawan ng aking asawa at pilit na isiniksik ang sarili ko sa kanya. Nakaramdam ako ng kaligtasan ng maramdaman ko ang isang braso nito na yumakap paikot sa aking mga balikat.
“Kung alam ko lang na ang babaeng ‘yan ang magiging dahilan ng pag-aaway nating mag-ina, dapat noong una pa lang ay pinatay ko na ‘yan!” Nanggagalaiti na sigaw ni Mrs. Thompson habang nanlilisik ang mga mata nito sa matinding galit!
“Iyan ang huwag mong gagawin, Mamâ, dahil si Louise ay pag-aari ko! At walang ibang pwedeng manakit sa kanya.” Matatag na sagot ni Alistair, imbes na matuwa ay lalong nadurog ang puso ko dahil sa naging pahayag nito. Para akong isang walang kwentang bagay na pinaglalaruan lang ng mga tao sa paligid ko. Sobrang bigat ng dibdib ko at tila nahihirapan na akong huminga.
“Gagamitin ka lang ng babaeng ‘yan! At darating ang araw ay iiwan ka rin niya katulad ng ginawa sa atin ng ama mo. Sinisiguro ko sayo, Alistair, na malandi ang babaeng ‘yan! Wala siyang ipinagkaiba sa babaeng lumandi sa iyong ama kaya niya tayo iniwan! At ngayon pati ikaw ay mawawala sa akin ng dahil sa babaeng ‘yan? Hindi ako papayag! Kaya ngayon pa lang ay palayasin mo na ‘yan dito!” Halos namumula na ang mukha ni Mrs. Thompson at malakas na rin ang tahip ng kanyang dibdib. Pinukol ako nito ng isang nakamamatay na tingin bago nagpupuyos ang kalooban na umalis siya sa aming harapan. Nang tuluyan na itong makaalis ay saka pa lang ako bumitaw ng yakap sa katawan ng aking asawa at tila wala sa sarili na humakbang ang aking mga paa palabas ng dining room.
“Where are you going, Louise?” Matigas na tanong ni Alistair na siyang nagpatigil sa aking mga paa. “S-Sa kwarto…” malungkot kong sagot sabay pahid ng aking mga luha, hindi ko na hinintay pa ang sunod nitong sasabihin at malaki ang mga hakbang ng tinungo ang hagdan. Pagpasok ko sa loob ng silid ay sumalubong sa akin ang isang malaking salamin kaya malinaw kong nasilayan ang aking sarili. Magulo ang buhok ko at namumula na ng husto ang mga pisngi ko at bakas pa mula roon ang mga kuko ni Mrs. Thompson.
Nahahabag ako sa aking sarili ngunit ang tanging magagawa ko lang ay ang umiyak upang kahit papaano ay mabawasan ang bigat ng dibdib ko. “Mom, Dad…” ito ang tanging nanulas sa bibig ko habang malungkot na nakatitig sa sahig.”