“Halos namumula na ang isang kamay ko dahil sa walang tigil na pagpigâ ko dito. Kanina pa ako balisâ sa aking kinauupuan at halos pigil ko na rin ang aking paghinga. Sinikap kong kontrolin ang matinding tensyon na nararamdaman ko at kumilos ng normal sa harap ni Mr. Alistair.
Subalit halos mabingi naman ako sa lakas ng kabôg nang dibdib ko. Lalo na ng humimpil ang minamanehong kotse ni Mr. Alistair sa tapat ng Munisipyo.
Tahimik kong pinagmasdan ang bawat kilos niya, mula sa pagkalas nito sa kanyang seatbelt, maging ang pagbaba niya ng sasakyan.
Seryoso ang ekspresyon ng kanyang mukha habang natatakpan ng itim na salamin ang kanyang mga mata.
Umikot siya sa tapat ko upang pagbuksan ako ng pintuan. Kung kailan nabuksan na niya ang pinto ay saka ko lang naalala na hindi ko pa pala nakakalas ang aking seatbelt.
Nanginginig ang mga kamay na pinindot ko ang kabitan ng seatbelt habang naghihintay si Mr. Alistair sa tapat ko.
May pag-aatubili na bumaba ako ng sasakyan at pagtapak ng mga paa ko sa lupa ay buong lakas na itinulak ko siya gamit ang aking katawan. Kanina ko pa iniisip na gawin ito kaya lang may pag-aalinlangan sa utak ko. Natatakot kasi ako sa kahihinatnan ng lahat sa oras na mabigo ako sa pinaplano kong pagtakas.
Marahil ay hindi inaasahan ni Mr. Alistair na gagawin ko ang bagay na ito kaya nawalan siya ng balanse at bumalandra ang katawan nito sa dahon ng pinto.
Sinamantala ko ang pagkakataon at mabilis na tumakbo palayo sa kanya.
“S**t! Louise! Harangan nyo!” Galit niyang sigaw na hindi ko na pinansin at nagpatuloy lang ako sa pagtakbo.
Biglang natigil ang mga paa ko sa paghakbang ng humarang ang limang kalalakihan sa daraanan ko. Nahintakutan na napaatras ako habang nakatitig sa mukha ng mga ito.
Napaigtad ako ng may biglang humaklit sa kanang braso ko at sapilitan akong hinila pabalik sa loob ng sasakyan.
“Ayoko! Bitawan mo ako! Ayokong magpakasal sayo! Parang awa mo na hayaan mo na akong makauwi sa amin!” Pagmamakaawa ko sa kanya habang pilit na binabawi ang braso ko mula sa kamay nito.
Ginawa ko na ang lahat at sinadya kong kunin ang atensyon ng mga tao sa paligid. Ngunit tulad ng inaasahan ko ay nabigo ako, dahil wala ni isa sa mga tao sa paligid ko ang naglakas loob na makialam. Halatang maging ang mga ito ay natatakot din kay Mr. Alistair.
Laking dismaya ko ng walang hirap na naisakay niya ako sa loob ng kotse at sapilitang pinaupo sa front seat at ganun din si Mr. Alistair, na muling naupo sa driver seat. Binalot ng matinding pangamba ang buong pagkatao ko ng muling paandarin niya ang sasakyan.
Kinabahan akong bigla dahil iniisip ko na babalik na kami sa Mansion nito at baka doon niya ako sasaktan.
Napalunok ako ng wala sa oras at nagsisimula na namang magpanik ang buong sistema ko.
“Talagang hindi ka pa rin marunong matakot sa akin, huh? But I’m sure na sa gagawin ko ay siguradong magtatanda ka na.” Para sa akin ay isang malaking banta ang sinabi ng lalaking ito kaya binalot ng matinding takot ang puso ko.
“A-Ano ang binabalak mo? Sasaktan mo ba ako? O pahihirapan? Bakit hindi mo na gawin dito!? Mas mabuti pang patayin mo na lang ako! Dahil ayoko ko na! Ayoko ng makasama ka at ayokong magpakasal sayo!” Halos isigaw ko sa mukha niya ang mga salitang ito upang lubos niyang maunawaan na hindi ko gusto ang mga nangyayari at ang tanging gusto ko lang ay ang makaalis sa poder nito.
Dumilim ang kanyang mukha at napatiim bagâng ito, ngunit nanatiling blangko ang ekspresyon nito habang nakatutok ang mga mata niya sa daan.
“Patayin mo man ako ng paulit-ulit ay hindi pa rin ako magpapakasal sayo!” Matigas kong pahayag habang patuloy sa pagpatak ang aking mga luha.
Nalipat ang tingin ko sa mga kamay niyang nakahawak sa manibela. Batid ko na nasagad ko na ang pasensya ng lalaking ito, dahil sa higpit ng pagkakahawak niya sa manibela, halos maglabasan na ang mga ugat nito sa kamay.
Parang hinampas ng maso ang dibdib ng tila pamilyar sa akin ang tinatahak naming daan. Hindi ito ang daan papuntang mansion, hanggang sa tuluyang nasagot ang lahat ng mga katanungan sa isip ko ng tumigil ang sasakyan sa gilid ng kalsada.
Mula sa salamin ng sasakyan ay may ilang metro ang layo ng lumang bahay namin mula sa kinapaparadahan ng kotse ni Mr. Alistair. Ito ang bahay na inabanduna ng pamilya ko noong mangyari ang aksidenteng iyon.
Binalot ng kasiyahan ang puso ko ng lumabas ang aking ina mula sa pintuan ng bahay. Subalit, natigilan ako ng makita ko na tumigil sa tapat ng bahay ang sasakyan ng mga tauhan ni Mr. Alistair.
Ganun na lang ang labis na pagkagimbal ko ng bumaba ng sasakyan ang isang lalaki na may bitbit na baril. Humakbang ito palapit sa gate ng aming bakuran. Habang ang aking ina ay walang kamalay-malay sa nakaambang panganib.
“Hindi! Huwag ang Mommy ko!” Nahintakutan kong sigaw habang pilit na binubuksan ang pinto ng sasakyan na nasa tagiliran k, gusto kong bumaba upang iligtas ang aking ina.
Ngunit, Kahit anong pagpipilit ko na buksan ito ay wala pa ring silbi, dahil sa matinding takot at pagkataranta ay hindi ko na naisip na nakalock nga pala ang pinto ng sasakyan.
“I told you, huwag mong sagarin ang pasensya ko dahil iba akong magalit.” Matigas na wika ni Mr. Alistair habang nakatutok ang mga mata nito sa direksyon ng aking ina. Nang makita ko na halos isang hakbang na lang ang pagitan ni Mommy at ng tauhan ni Mr. Alistair ay nagsimula na akong maghysterical.
Nang mga oras na ito ay nilunok ko na ang lahat ng aking pride, alang-alang sa aking ina ay handa akong magpakababâ. Kasehodang lumuhod ako sa kanyang harapan ay gagawin ko para lang sa kaligtasan ng aking ina.
Natataranta na tumayo ako at lumipat ng upo sa kandungan ni Mr. Alistair, paharap sa kanya na naupo ako at nagsimulang mag-makaawa dito.
“P-Pakiusap, huwag ang mommy ko! Susunod na ako sa lahat ng gusto mo, hm? Magpapakasal na ako sayo!” Pagsusumamo ko sa kanya, saka mariin na hinalikan ang kanyang mga malabi kahit hindi naman ako marunong humalik. Naramdaman ko na gumalaw ang mga labi nito at tila sabik na gumanti ng halik sa akin.
“Shhhh... stop crying, Honey.” Nakangiti niyang wika habang pinapahid ng mga daliri nito ang mga luha sa magkabilang pisngi ko. Nakita ko na pinindot niya ang kanyang cellphone at gumawa ng tawag ngunit kaagad din itong pinatay.
Sunod na ginawa nito ay kinabig ang ulo ko sa kanyang dibdib at muling pinagana ang makina ng sasakyan. Wala na akong nagawa pa ng tuluyan na naming lisanin ang lugar na ito habang ako ay parang bata na nagmumokmok sa dibdib ng lalaking ito.”