“KATRINA, girl! Kumusta? Goodness! I’ve missed you so much!”
“A-Abby…” mahinang wika ni Katrina habang palakad-lakad sa loob ng kanyang silid. Hindi pa niya alam kung ano ang gagawin sa kanyang ama, kay Kenneth, at sa sitwasyon niya. For now, gusto muna niyang lumayo at takasan ang lahat ng problema. She would go somewhere far away, malayo sa mga taong nakakakilala sa kanya.
“Hey… may problema ka ba?” anitong nahimigan agad ang problema sa boses niya. Si Avegail dela Torre ang isa sa mga kaibigan niya. Schoolmate niya ang dalaga sa Miami, Florida. Mas matanda si Abby sa kanya pero naging close sila dahil sa sorority na sinalihan niya kung saan isa ito sa mga senior officer. Abby was now married to the infamous businessman Lee Aragon at sa Pilipinas na nakabase.
“I… I need help,” naiiyak na wika ni Katrina. Among her friends, sa tingin niya ay si Abby ang makakatulong sa kanya dahil hindi ito kilala ng ama niya. Si Andrea kasi ay kilala nito.
“Of course, kahit ano, basta kaya ko. So tell me kung ano ang maitutulong ko. Oh, wait, narito ka ba sa Pilipinas?”
“Yes, kauuwi ko lang kahapon. I thought Dad missed me kaya niya ako pinauwi. Nalaman ko na lang na kaya pala niya ako pinauwi ay dahil nagplano siyang ipakasal ako sa isang Kenneth Go.” Alam ni Katrina na mapagkakatiwalaan niya si Abby kaya niya sinasabi rito ang kanyang sitwasyon.
“What? Seryoso ba ang daddy mo?”
“Unfortunately, yes. At nawawala na ang passport ko, Abby. Hindi ko alam kung paano nawala sa bag ko pero may pakiramdam akong hawak na iyon ni Daddy. Hindi niya ako hahayaang makalabas ng bansa! I am desperate. Kailangan ko munang lumayo para mag-isip.”
“Iyan din ang isa-suggest ko sa `yo. Lumayo ka muna at mag-isip nang mabuti. Katty, hindi simpleng bagay ang pagpapakasal, lalo pa kung hindi mo mahal ang lalaking iyon.”
“I know. M-may alam ka bang lugar na p-puwede kong pagtaguan muna? I-iyong malayo sa mga tao? Kahit sa probinsiya o isla kaya…”
“Isla! Alam mo bang pagmamay-ari ng asawa ko ang Peace Island sa Palawan kung saan nagtagpo ang mga landas namin?” excited na wika ni Abby.
“Peace Island is a commercial island resort, right?” Si Andrea kasi ay nakapunta roon at ibinida nga sa kanya ang resort. Bagaman ngayon lang niya nalaman na sa asawa pala iyon ni Abby.
“Yes, darling. Dadalhin kita sa isang isla pero hindi sa Peace Island. Lee acquired another island pero hindi tulad ng Peace Island, ang islang iyon ay pribado. We have our rest house there.”
Nabuhayan ng pag-asa si Katrina. “Okay lang kaya sa asawa mo?”
“Oh, huwag kang mag-alala, ako ang bahala kay Lee.”
“Thank you, Abby!”
“Nah! Saka na `yang pasasalamat na `yan kapag okay ka na. And I’m glad na sa akin mo naisipang lumapit. You know you’re more than a sorority sister to me.”
Kahit paano ay napangiti si Katrina. “Alam ko iyon kaya nga ikaw agad ang naisipan kong hingan ng tulong. Ahm, Abby, is it possible na ngayon o mamayang gabi na ako pumunta roon?” Kailangan na niyang makaalis agad bago pa malaman ng kanyang ama ang plano niya.
“Why, of course! Alam ko naman na papayag si Lee. Ganito ang gawin mo, Katty, umalis ka na ng bahay n’yo at pumunta ka muna rito sa bahay namin sa Makati. Just bring important things, okay? Sige na, end this call. Kakausapin ko na si Lee. Tamang-tama, he’s here now.”
“Okay.”
Iyon lang at mabilis nang hinagilap ni Katrina ang bag niya. Hindi na siya nag-abalang magdala ng damit. Pagkatapos niyon ay pigil-hininga na siyang lumabas ng kabahayan. Dadalhin niya ang isa sa mga kotse na nasa garahe at iiwan na lang iyon sa isang mall kung saan siya mabilisang bibili ng mga damit at iba pang importanteng bagay.
Habang nagmamaneho ay tinalasan niya ang pakiramdam at sinigurong walang kahina-hinalang sasakyan na sumusunod sa kanya. Kahit hindi niya kakailanganin ng pera sa isla ay sisiguruhin din niyang may hawak siya na malaki-laking cash nang sa gayon ay hindi na kailanganing gamitin ang credit card niya at iba pang bank accounts kung saan puwede siyang matunton ng ama.
“SALAMAT Mang Igme, Aling Tasing, maasahan talaga kayo,” ani Lee sa mag-asawang katiwala ng maliit na isla kung saan naroon ang rest house nina Abby.
Napag-alaman ni Katrina na sa Peace Island nakatira ang mag-asawang katiwala at pumupunta lang sa rest house kapag maglilinis o darating sina Lee at kailangang mag-stock ng food supplies.
Si Lee mismo ang nagpiloto ng chartered plane at naghatid sa kanya sa isla. At ngayon ay nasa mga bisig nito ang dalawang taong gulang na batang babae habang nakikipag-usap sa mag-asawang katiwala.
Nilingon ni Katrina si Abby na nakayakap sa braso niya. Avegail was looking at her husband with so much love in her eyes. Tila may mga ilaw roon na nagkikislapan. At mayroon din niyon sa mga mata ni Lee Aragon. Iyon siguro ang pag-ibig na pinagsasaluhan ng dalawa. At hindi iilang beses na napuna niya ang mga panakaw na sulyapan ng dalawa sa isa’t isa. They were married at may isang anak na pero tila in love na in love pa rin ang dalawa sa isa’t isa.
“At Mang Igme, Aling Tasing, maliwanag ho ba na hindi ninyo nakita si Katrina? Wala kayong kilalang Katrina Santos? Walang ibang tao na makakaalam na narito siya?”
“Kuh, maaasahan mo kami, anak. O, siya paano, kami ay aalis na.” Binalingan siya ng mag-asawa. “Ineng, sa makalawa na ang balik namin dito para maghatid ng food supplies, ha?”
“Opo. Sige po. Salamat po.”
Iyon lamang at lumabas na ng bahay ang dalawa. Alam niyang mula roon ay sasakay ang mga ito ng rubber boat na maghahatid sa Peace Island. Malapit lang ang Peace Island doon na siyang pinagkukunan ng kuryente sa isla. Sa katunayan ay itinuro pa sa kanya ni Abby ang kumpol ng maliliit na ilaw sa isang lugar. Iyon daw ang Peace Island. Nilapitan sila ni Lee. “Hon, Katrina, maiwan ko na muna kayo. Dadalhin ko muna si Grace sa itaas. She’s sleepy. Mabuti na lang at busog na ang batang ito, puwede nang magtuloy-tuloy ang tulog niya,” paalam nito.
“Sure, hon. Ikaw na muna ang bahala kay Grace,” sagot ni Abby. Siya naman ay bahagyang ngumiti bago tumango. Hindi na siya nakatanggi nang igiit ni Abby na sasamahan na muna siya ng mag-asawa na palipasin ang magdamag. Bukas na lang daw ng umaga aalis ang mga ito.
“Nagpapatulog si Lee sa anak ninyo?” namamangha niyang tanong sa kaibigan nang mawala sa paningin nila si Lee.
Kumislap ang mga mata ni Abby sa pagmamalaki. “Oh, Lee’s very hands-on. Sinisiguro niyang hindi siya nagkukulang ng oras sa akin at sa anak namin.”
She smiled enviously. Ang dibdib niya ay napuno ng pait nang maalala ang kalamigang ipinapakita sa kanya ng ama.
I swear! I swear to God, lalaki rin ang mga anak ko na busog sa pagmamahal… pangako niya sa sarili.
“Sigurado ka ba na kaya mong mag-isa rito, Katrina? I mean, masukal pa ang malaking bahagi ng isla, so, baka may mga snake or other wild animals. At hindi rin siguro safe na mag-isa ka rito dahil babae ka. I mean, paano kung biglang maligaw rito sa isla ang masasamang-loob. Sure, this island has CCTVs pero—”
“Hey, Abby,” natatawa niyang putol. “Para namang hindi mo ako kilala kung makapag-alala ka. Cowboy `to, `no? At marunong din naman ako ng mga self-defense.”
“Sure?”
Tumango si Katrina. “I’m positive. Hindi naman ako matatakutin so, I think I can survive. Isa pa, nalilimutan mo ba na ako ay isang introvert? Kailangan ko lang ng panahon para sa sarili ko dahil napakahungkag ng pakiramdam ko ngayon. I need to do some soul-searching…”
“MUKHANG normal naman ang sitwasyon dito. Ang sabi sa isang magazine ay nasa bakasyon ka pa raw. But I think, kumikilos na ang papa mo para hanapin ka,” ani Abby. Kausap niya ang kaibigan sa bagong telepono na binili rin niya kaya malabong ma-trace ng kanyang ama ang tawag na iyon.
“Posible ngang ipahanap nila ako, you know, masisira si D-Daddy sa kumpadre niya.” At hindi dahil sa nag-aalala siya sa akin, she bitterly thought.
“Okay. I’ll keep you posted, Katty. Kumusta ka diyan?”
“I’m good.”
“Mabuti naman. O, siya sige na. Lee’s here…”
Katrina rolled her eyes. Kaya pala tila naririnig niya si Abby na parang kinikiliti na hindi mawari. Kung hindi pa niya alam, baka nga nakayakap si Lee sa likuran ni Abby habang kinakausap siya ng kaibigan.
Bahagya siyang natawa. “Okay, lovebirds, bye.”
Iiling-iling ngunit nakangiting binitbit na niya ang malaking rubber raft patungo sa dalampasigan. She was wearing short shorts and a tank top. It had been three days mula nang iwan siya roon ng mag-asawa at sa loob ng tatlong araw na iyon ay nakagawian na niyang magbabad sa tubig. Hindi nakapagtataka na tanned na siya. Funny, pero tila siya ibon na nakalaya mula sa isang masikip na hawla. Ni hindi siya nakakaramdam ni katiting na guilt sa ginawang pag-alis. Ah, she was doing it for herself. Para sa sarili niya at walang inaalalang iba. Because sooner or later, alam ni Katrina na kailangan niyang bumalik sa realidad.
Nang makarating sa dalampasigan ay ibinaba na niya ang sunong na rubber raft. She looked so deglamorized pero wala siyang pakialam. Dahil dito sa isla ay siya lamang ang tao. Walang pupuna sa bawat kilos niya. And she could leave all of her problems behind.
Tumingala siya sa langit. Pahapon na kaya hindi ganoon katingkad ang sikat ng araw. Tila nga uulan. Lumusong na siya sa dagat. Nang hanggang dibdib na ang tubig ay padapang sumampa si Katrina sa malaking rubber raft at tuwang-tuwang ikinampay ang mga bisig pati na ang mga binti. Sayang at nakalimutan niyang mag-request ng surfboard sa kaaalis lamang na si Aling Tasing.
Nang mapagod sa kakakampay ay idinikit ni Katrina ang baba sa salbabida. She stared at the crystal clear water. Nasa mababaw na parte pa siya dahil natatanaw pa niya ang buhangin sa ilalim pati na ang ilang isda na lumalangoy. Then out of the blue, sumingit sa isip niya ang lalaki na dalawang beses na niyang nakaengkuwentro. Ang guwapong mukha nito at ang kaakit-akit na mga labi. Weird, pero tila gumuhit sa ibabaw ng tubig ang mukhang iyon at mas weird dahil natagpuan na lang niya ang mga daliri na hinahaplos ang imahe ng mga labi ng lalaki sa tubig.
“Oh, crap, Katrina!” natatawang saway niya sa sarili. She was daydreaming, all right! Subalit hindi naman iyon ang unang pagkakataong naiisip niya ang lalaking iyon. Sa katunayan ay sariwang-sariwa pa sa isip niya ang pagsasayaw nila.
Iwinasiwas niya ang kamay sa tubig na animo binubura roon ang mukha ng lalaki. Pagkatapos ay ipinikit niya ang mga mata. Pero tila ayaw siyang patahimikin ng lalaking iyon dahil hayun at gumitaw na naman ito sa balintataw niya.