Part 4

1270 Words
“DAD,” TAWAG ni Katrina sa kanyang ama nang makita niyang papalabas na ito ng front door. Marahil ay tulog na siya nang dumating ang kanyang ama kagabi kaya hindi na siya ginising pa ni Manang Rita. Kung nag-abala man ang ama na silipin siya sa kanyang silid kagabi ay hindi niya alam. Come to think of it, wala nga pala siyang natatandaan na sumilip man lang ito sa silid niya kahit kailan.         Ngayon ay hindi niya alam kung ano ang mararamdaman nang makitang nasa akto nang pag-alis ng bahay ang kanyang ama. Na kung hindi pa siya nagising nang maaga ay hindi niya ito maaabutan.         Lumingon naman ang ama sa kanya. He was emotionless. Mabilis siyang bumaba ng hagdan at niyakap ito. “I’ve missed you, Dad. Marami akong pasalubong sa inyo.”         There was no response.         Bumitiw siya sa kanyang ama. “Kumusta, Dad? Parang walang ipinag-iba ang hitsura n’yo, ah. Tila hindi kayo tumatanda.” Pilit niyang nilangkapan ng kasiglahan ang kanyang tinig.         “I’m good,” sagot naman nito. Wala pa ring ipinagbago, he’s still a man of few words, she thought.         “Papasok na ba kayo sa opisina? Have you eaten? Teka at titingnan ko kung ano ang iniluto ni Manang—”         “Don’t bother,” putol nito. “Sumunod ka sa akin sa library, may pag-uusapan tayo.” Iyon lamang at nagpatiuna na itong lumakad patungo sa library. Sumunod naman si Katrina.         Her father sat behind the executive desk. Si Katrina ay naupo sa silyang nasa harap nito. Lihim siyang napapalatak sa kapormalan nilang dalawa. Para silang hindi mag-ama. Kunsabagay, ano pa nga ba ang bago?         “I-I was so excited nang tawagan ako ni Ate Celly at sabihin niyang pinauuwi n’yo ako,” panimula niya. “And, Dad, malapit na akong ma-promote bilang Senior Chemist,” pagbabalita pa niya. Malaki kasi ang naitulong niya sa pinakabagong gamot na ilalabas ng PharInt, ang kompanyang pinagtatrabahuhan niya.         Kung ano-ano pa ang ibinalita niya sa kanyang ama pero wala siyang nakuhang sagot. Blangko pa rin ang ekspresyon ng mukha nito.         “Dad, are you okay?”         “Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Katrina. Pinauwi kita rito dahil naipagkasundo na kita kay Kenneth Go.”         “What?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Katrina. Bukod sa napaunat siya sa pagkakaupo ay nahigit pa niya ang hininga. Narinig niya ang sinabi ng ama. And she could also read between the lines. Lamang ay ayaw niyang tanggapin ang narinig at mas nais niyang isipin na nagkamali lamang siya ng intindi sa sinabi nito.         “You heard it right. Magpapakasal ka kay Kenneth.”         Napapikit siya sa narinig. “No…” mahinang usal niya. Pangalan pa lang ay ayaw na niya sa sinasabi nitong lalaki.         “Kenneth is a fine man. Magiging mabuti ang kalagayan at buhay mo sa kanya.”         Nagmulat si Katrina ng mga mata at mapaklang ngumiti. “Dad, ni hindi mo man lang ako kinumusta o tinanong kung naging maayos ba ang biyahe ko. Kung naging mahimbing ba ang tulog ko. `Tapos ngayon sasabihin mong kailangan kung magpakasal sa isang lalaki na pinili mong maging asawa ko? What is this? A business deal? Bakit ako magpapakasal sa isang lalaking ni hindi ko kilala?” naghihinanakit niyang litanya.         “Iyon ang makabubuti para sa `yo, Katrina. And that’s final,” pormal nitong wika sa tinig na hindi mababali.         “Para sa ikabubuti ko? Really? How sure are you? Paano mo nasasabi iyan gayong wala akong natatandaan na nag-alala ka para sa akin? Don’t I really have a say as to whom I want to share my future with? Future ko, Dad, future ko! I’m twenty-five years old at alam ko na kung ano ang makabubuti sa akin at hindi. Certainly, marrying someone I barely know won’t do me any good!”         Hindi siya nahiyang salubungin ang mga mata ng ama. Maaaring intimidating ang kanyang ama pero hindi naman siya takot dito. “You know what, Dad? Halos lumaki akong ginagawa ko ang lahat ng alam ko na ikasisiya n’yo. Nag-aral akong mabuti at ni minsan ay hindi kita binigyan ng sakit ng ulo. I am an achiever. Pero mukhang kahit ano’ng gawin ko ay hindi n’yo maa-appreciate. Pero bakit? Hindi ka naman malupit. Wala akong natatandaan na sinaktan mo ako physically. But you’re so cold. At mas masakit ang kalamigang iyon. Minsan, pinagdududahan ko na kung anak n’yo nga ba ako o hindi,” she said bitterly. Ang lahat ng hinanakit na naipon sa dibdib niya ay tuluyang kumawala.         Hindi inalis ni Katrina ang tingin sa kanyang ama kaya naman hindi nakaligtas sa kanya ang naging reaksiyon nito. He gasped as if she just hit a nerve. At hindi niya napigilan ang pangingilid ng kanyang mga luha dahil sa reaksiyon nito.         “So, hindi mo nga ako anak? Tell me the truth because I deserve the truth. Anak mo nga ba ako o hindi?” Tuluyan nang nalaglag ang mga luha ni Katrina. Tumayo na siya mula sa kinauupuan. “Ano ang totoo, Dad?”         “You are my daughter!” maigting nitong sagot.         “Really? Puwes, hindi ko iyon maramdaman,” sarkastiko niyang sagot bago walang-paalam na tinalikuran ito at lumabas ng library.   ISINANDAL ni Katrina ang likod sa nakasarang pinto, pagkatapos ay tila nauupos na kandila na unti-unting napaupo na lang sa sahig. Pakiramdam niya ay naubos ang lahat ng kanyang lakas sa naging sagutan nilang mag-ama. Niyakap niya ang mga binti at isinubsob ang ulo sa magkadikit niyang mga tuhod. Patuloy pa ring dumadaloy ang mga luha niya. Sa loob ng dalawampu’t limang taon ay noon lamang niya nailabas ang lahat ng sama ng loob. At kahit paano ay gumaan ang kanyang loob.         Naulinigan ni Katrina ang pag-andar ng sasakyan ng kanyang ama. Tumayo siya at tinungo ang bintana, marahang hinawi ang kurtina, at sumilip doon. Naabutan pa niya ang pagsakay ng kanyang ama hanggang sa tuluyang makaalis ang sasakyan sa bakuran ng kanilang bahay.         Muli na naman siyang nabigo. Somehow she wished he would come after her and comfort her. Ah, kailan ba niya mararamdaman na ama nga niya ito? At sa determinasyong nasa mukha ng kanyang ama ay tila hindi ito papayag na hindi masunod ang kagustuhan na ipakasal siya sa kung sino mang Poncio Pilato na iyon. But, no. Hindi siya mapapasunod nito.         Dali-daling kinuha ni Katrina ang kanyang bag. Isang malaking pagkakamali ang pag-uwi niya sa Pilipinas kaya babalik na siya sa California. Magtsa-chance passenger na lang siya sa airport and hopefully ay makasakay agad siya ng eroplano. Madalian niyang sinamsam ang kanyang mga gamit. Iyong mahahalaga na lamang ang bibitbitin niya pauwi. Hindi na siya nag-abalang mag-ayos ng damit para hindi maging kahina-hinala ang paglabas niya ng bahay. Kailangan lang niya ang pera at ang passport.         Passport! Hindi niya alam kung bakit bigla yata siyang kinabahan doon. Kinalkal niya ang kanyang bag pero hindi niya iyon matagpuan. Kahit nang itaktak na niya ang laman ng bag sa ibabaw ng kama ay hindi pa rin niya makita ang kanyang passport. She was not careless. Masinop siya kaya alam niyang nasa bag lamang niya ang kanyang passport. Hinang-hinang napaupo siya sa gilid ng kama. Kahit baligtarin niya ang buong silid ay hindi iyon makikita. Something was telling her na nasa kamay na iyon ng kanyang ama. Kung ganoon ay buo na talaga ang desisyon nitong ipakasal siya kay Kenneth.         “No, no, no!” she cried.                            
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD