“WALA pa rin, eh,” naiinip na wika ni Katrina. Nangangawit na siya sa paghawak sa fishing rod ay wala pa rin siyang nahuhuli samantalang si Cedrick ay nakakatatlo na. Nasa yate sila noon.
Cedrick chuckled. “Relax ka lang kasi.”
“Nangangawit na kaya ako,” reklamo niya.
“Ah, wait. Ikukuha kita ng upuan sa `baba. Kukuha na rin ako ng drinks.” Sinamsam ng binata ang pamingwit nito bago bumaba sa deck para magtungo sa loob ng yate.
Ibinalik niya ang tingin sa tubig. “Cedrick!” tili ni Katrina nang maramdamang tila bumigat na ang kawil niya. “Cedrick!” muling hiyaw niya.
“Hey, what’s wrong?” anang humahangos na binata na agad nakalapit sa kanya.
“May huli na ako,” excited na bulalas niya.
Nanlaki ang mga mata nito. “Walang emergency? Tumitili ka dahil may huli na ang kawil mo?” tanong nito na tila hindi malaman kung matatawa o hindi. “My goodness, Katrin! Bibigyan mo ako ng heart attack! Kung makatili ka, para bang buhay at kamatayan ang nakataya, ah.”
Natawa si Katrina. “Sorry. Eh, sa excited, eh.” Ibinalik niya ang tingin sa fishing rod at unti-unting iniangat iyon. But it was heavy. Humigpit ang pagkakahawak niya roon nang maramdamang tila siya ang hinihila ng puwersa. “Help! Tulungan mo ako! Bakit nakatanga ka lang diyan at pinanonood ako?” asik niya nang makitang prenteng-prente ang pagkakasandal nito sa isang railing habang amused na nakatingin sa kanya. “Mabigat, Cedrick! Pating yata ang huli ko— Cedrick!” tili niya nang sa kung anong dahilan ay mahila siya ng puwersa ng kawil. Kung wala ang barandilya ay siguradong tuloy-tuloy siyang malalaglag sa tubig.
“Whoa!” gulat na bulalas naman nito nang makita ang nangyari sa kanya. Sa isang iglap lamang ay nasa likuran na niya ang binata. Mula sa kanyang likuran ay tinulungan siya ni Cedrick na hawakan ang fishing rod. “My, my! Mabigat nga!” hindi makapaniwalang bulalas nito.
Hindi na narinig ni Katrina ang mga sumunod na sinabi ng binata, dahil ang buong atensiyon niya ay natuon na sa kanilang posisyon. Para na rin siyang yakap nito. He could feel his body heat. At napakasarap sa pakiramdam ang makulong sa mga bisig nito na kung hindi niya mapipigilan ang sarili ay isasandal pa niyang lalo ang likod sa dibdib ng binata. Cedrick’s head was on her right shoulder and she was distracted by his scent. He smelled so good that she wanted to close her eyes and smell all of him to her contentment.
“Karpa! Karpa ang nahuli mo! Kaya naman pala mabigat at malakas. Look, mga lima o anim na kilo yata `yan, eh.”
“Ha?” Bahagyang ibinaling ni Katrina ang ulo sa direksiyon ng binata. Iyong pagbaling niya ay siya ring pagtingin sa kanya ni Cedrick. Pareho silang natigilan nang magdikit ang mga ulo nila. They were almost exchanging breaths and she was getting intoxicated from pleasure.
Hindi nakaligtas sa kanya ang ilang ulit na paglunok ng binata. Nagtagpo ang kanilang mga mata, at doon ay nakita ni Katrina ang pagtatalo ng mga emosyon. Naroon ang kislap ng kagustuhang mahagkan siya pero naroon din ang pagkalito kung susundin ang kagustuhang iyon o hindi.
Siya ang hindi nakatiis. Nag-iwas siya ng tingin. Sa lakas ng kabog ng dibdib niya ay hindi na siya magtataka kung naririnig na iyon ng binata.
“Help me with this,” aniyang pilit pinasisigla ang tinig. “My gosh, ang laki! Talo kita! Ano’ng sabi ng mga huli mo sa isang huli ko?”
Cedrick laughed. “Okay, talo nga ako,” pagsang-ayon naman nito. Sinubukan nilang iahon ang isda subalit nagkakakawag iyon hanggang sa hindi na kayanin ng pisi ang bigat ng nagkakakawag na isda, napigtal na iyon. Dahil bigay-todo ang pagpipigil niya sa fishing rod ay nawalan siya ng balanse nang mapigtal ang pisi at tuluyan na siyang napasandal sa dibdib ng binata. Si Cedrick na hindi rin inaasahan ang nangyari ay nawalan din ng balanse. Napaatras ito pero nagawa naman agad makabawi at naging steady na ang pagkakatayo. And that was when she realized that his hands were wrapped around her waist.
Nabitin ang hininga ni Katrina. Marahil ay ganoon din si Cedrick dahil namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
“Paano ba `yan, Katrin, nakawala ang huli mo kaya wala kang kakainin,” pang-aasar ni Cedrick bago disimuladong lumayo sa kanya.
Ang pagkawala niya sa sarili ay itinago sa pamamagitan ng pagsimangot. “Kasalanan mo!”
Natatawang itinuro nito ang sarili. “Kasalanan ko? At bakit?”
“Well, Mister Valencia, hindi mo sinigurong hindi gapok ang pisi mo. Nakita mo naman, hindi ba, bumigay at nalagot kaya kasalanan mo!”
Cedrick smiled sheepishly. “Hindi `yon gapok. Bago pa `yon. Kabibili ko lang kaya n’on. Pero oo, kasalanan ko nga, hindi ko na-anticipate na may malalaking karpa rito. Three to four kilos lang kasi ang maximum weight capacity ng binili ko. Lalo pang bumigat ang isda dahil sa pagkakawag niya. Okay, hahatian na lang kita ng huli ko. Okay ba `yon?”
“Sure. Pero ikaw ang magluluto, ha?”
Nagpapa-cute na ngumiti ito bago tumango. “You wanna go for a swim? Mamayang gabi na lang natin lutuin ang mga isda. I’m planning to make a bonfire tonight. Tamang-tama dahil full moon. `Tapos, mag-ihaw tayo.”
She found his idea exciting. “Sige!”
“SO TELL me, Katrin. Ano ang nagtulak sa `yo para gustuhing manatili sa isang isla na mag-isa lamang?” panimula ni Cedrick pagkatapos sindihan ang mga piraso ng kahoy na inipon nito at siyang ginawang bonfire. Nasa dalampasigan sila noon. Nakaupo ito sa isang malaking piraso ng kahoy, sa tabi nito ay naroon ang nilinis na isda na siya nilang iihawin. Siya naman ay nasa kabilang dako, nakaupo rin sa isang malaking kahoy. She was barefoot, katulad ng binata.
“Hindi naman ako magtatagal dito. I just need to do some soul-searching,” paiwas niyang sagot.
“At bakit mo kailangan iyon?”
Kumuha si Katrina ng isang mahabang kahoy sa umpok ng mga iyon at siyang ginamit para magsulat sa buhangin, bagaman wala naman doon ang konsentrasyon niya. “Haven’t you read it in the papers?” tanong niya. Imposible iyon dahil nasa isla rin ang binata. Itinanong lamang niya ang bagay na iyon bilang panimula sa pagsasabi ng kanyang sitwasyon. Bagaman hindi niya alam kung bakit pakiramdam niya ay ayaw niyang malaman nito na ikakasal na siya. Gayunman, hindi rin niya maawat ang kagustuhang ibahagi rito ang bagay na iyon.
“Ang alin?”
“The upcoming Santos-Go nuptial.”
Nakatingin si Katrina sa binata kaya naman nakita niya nang matigilan ito. Maging ang kamay ng binata na magdadagdag sana ng gatong sa apoy ay natigilan.
“Ikakasal ka na?”
“Yes.”
Sa loob ng ilang sandali ay nakatingin lamang sa kanya si Cedrick. At nang marahil ay ma-realize ng binata na nakabitin pa rin sa ere ang kamay nito na may panggatong ay ibinaba iyon. “Why the loneliness, Katrin? Hindi ko tuloy alam kung dapat ba kitang i-congratulate o hindi. I’m sorry, hindi ako nakakabasa ng ano mang balita tungkol sa `yo dahil bumibisita lamang ako rito sa Pilipinas. I am based in California.”
Isinalang na ni Cedrick ang mga isda.
“`Sabi nila, ang kasal daw ang isa sa pinakamaligayang araw para sa isang babae. Para sa mga taong nagmamahal ay baka iyon nga ang kaso. Pero dahil wala naman kaming pag-ibig ni Kenneth sa isa’t isa, feeling ko, ang araw na iyon ang kamatayan ko. Why, I am a self-confessed hopeless romantic,” sabi ni Katrina, saka pumalatak.
Tumayo si Cedrick mula sa kinauupuan at lumipat ng upo sa tabi niya. “Kung hindi mo siya mahal, bakit mo pakakasalan?” tanong nito habang bahagyang iniikot-ikot ang mga isda para hindi iyon masunog.
She sighed. “Kung sana nga ay ganoon lang kadali iyon. I don’t know but I think the wedding means business merging. At lumaki ako na ginagawa ang lahat mapaluguran lang ang ama ko. Actually this time, hindi ko iyon gagawin para paluguran ang father ko. I am trapped. Tulad mo ay sa California rin ako nakabase. Then pinauwi ako ng ama ko. Ako namang excited, umuwi nga. Iyon pala ay isang arranged marriage ang bubulaga sa akin. Kaya heto, nagtatago muna ako para mag-isip.”
Nagkatinginan sila.
“Iyon pala ang paliwanag kung bakit ka nag-iisa rito sa isla.”
Bahaw siyang tumawa. “Hindi ko alam kung bakit kailangan kong sabihin sa `yo ang sitwasyon ko.”
“Itutuloy mo ba ang kasal?”
“I don’t know. Hindi ko kayang magpakasal sa isang lalaking ni hindi ko kilala. Ah, tama na ang usapan tungkol sa akin. It’s your turn now. Ikaw? Bakit ka narito at mag-isa rin lang? Huwag mong sabihin na nagso-soul searching ka rin?” biro niya.
“Tama ka. Funny, pero pareho tayo ng sitwasyon.” Hindi niya alam kung epekto lang ng liwanag ng buwan ang lungkot sa mga mata ng binata. But it was there, lurking in his eyes. “Ikakasal na rin ako…”
She gasped aloud. “I-ikakasal ka na rin?” Bakit tila pinisil ang puso niya dahil doon? Ikakasal na rin pala ito. May laman na ang puso nito. Bakit gusto niyang maiyak dahil doon?
“Yeah, to my best friend. Isang linggo na lang ang itatagal ko rito sa Pilipinas. Pagkatapos niyon ay babalik na rin ako sa California at magpapakasal sa kaibigan ko. Her name is Jazmine.”
“M-mahal mo ba siya?” she almost choked. Hindi rin niya alam kung bakit kailangang itanong niya ang bagay na iyon.
“I care a lot about her,” sagot ng binata.
He cared about her but did not love her. “‘Care’ is way different from ‘love.’ K-kung ganoon, katulad ko ay hindi mo rin siya mahal? I’m sorry, pero ibabalik ko sa `yo ang itinanong mo sa akin kanina, kung hindi mo siya mahal, bakit mo siya pakakasalan?”
“I promised her that I’ll marry her. And I intend to keep that promise. Jazmine is nice and sweet. We’re best friends kaya magkasundo kami sa maraming bagay. Magiging maayos naman siguro ang pagsasama namin, lalo pa at may respeto kami sa isa’t isa. Mahal ko si Jazmine sa sarili kong paraan.”
Hindi iyon ang sagot na gustong marinig ni Katrina. Ang gusto niyang malaman ay ang dahilan kung bakit nito pakakasalan ang isang kaibigan na hindi naman pala nito mahal. “Ipinagkasundo rin lang ba kayo?”
Umiling si Cedrick. “Ako ang may gusto.”
Lalo siyang nalito. “Bakit?”
“Because it’s the right thing to do.” He smiled. “Magkapareho pala tayo ng sitwasyon kaya tayo pinagtagpo ng tadhana. Imagine that…”
Paano kung may iba palang plano sa atin ang tadhana? Na nagtagpo tayo dahil magiging parte tayo ng buhay ng isa’t isa?
“Pareho lang tayong ikakasal pero hindi pareho ang sitwasyon natin. Ikaw ay bukal sa loob mo ang mangyayari samantalang ako ay hindi.” She said matter-of-factly.
“You’re right,” mahinang pagsang-ayon ni Cedrick. Then silence hung between them. Ang bawat isa ay parehong ginugulo ng isipin. Siya man ay hindi maunawaan kung bakit napakabigat ng pakiramdam niya. Na para bang nakatanggap siya ng isang masamang balita na nagpalungkot sa kanya nang husto at animo iiyak siya ano mang sandali. Cedrick was just a newfound friend, isn’t he? Then why did she have a heavy heart?
Pareho silang ikakasal ni Cedrick. Was it just another coincidence?
“Malapit na `tong maluto,” ani Cedrick, walang-buhay ang tinig. Hindi niya alam kung dinadaya lang siya ng kanyang paningin pero bagsak ang mga balikat nito at animo gulong-gulo ang isipan.
“S-sige. Sasaglit lang ako sa loob ng bahay para kumuha ng maiinom natin.”
Hindi na hinintay ni Katrina na makasagot ang binata. Tumayo na siya at mabilis na tinalunton ang daan pabalik sa bahay. Sunod-sunod siyang bumuga ng hangin. Bakit ganoon? Bakit nagsisikip ang dibdib niya? Bakit gusto niyang magkulong sa kanyang silid at umiyak nang umiyak? But why would she do that?