“HEY, MAGANDANG Binibini, bakit ang tamlay mo yata?” himig-pagbibirong tanong ni Cedrick. “Hindi naman masama ang panahon pero bakit makulimlim ang mukha mo?”
Sinimangutan ni Katrina ang binata. “Tse!”
Nasa veranda lamang siya at nakaupo sa ibabaw ng balustre. Kung si Cedrick ay mukhang masigla, siya naman ay mabigat ang katawan. Hindi naman masama ang pakiramdam niya, tinatamad lang talaga siyang gumalaw. Pero hindi malalaman ni Cedrick na palihim niyang sinusundan ito ng tingin.
Tatlong araw na silang magkasama sa isla. At wala siyang mairereklamo sa binata. Napakagaan nitong kasama. Maalalahanin, mabait, at mapagbiro. Lahat ng magagandang adjectives sa dictionary ay puwede niyang ibigay sa binata. At hindi iyon exaggeration lamang. Kung may perpektong tao, marahil ay si Cedrick Valencia iyon. Sa una nilang pagtatagpo ay inakala ni Katrina na ito na ang pinakaaroganteng lalaking nakilala niya. Mali siya. Maling-mali. Cedrick was lovable in every way that mattered.
Tinabihan siya ng upo ng binata. “Puwede ba, Cedrick, huwag mo akong tabihan dahil basa ka. Mababasa mo rin ako,” sita niya. Kagagaling lang kasi nito sa dagat.
“And so? Bakit may lahi ka bang kambing at takot ka na ngayong mabasa?” anito bago tila nananadya pang dumikit sa kanya.
“Cedrick!” She pushed him away. Ang pananamlay niya ay dagling nawala nang mapatutok ang mga mata sa hubad na katawan ng binata. It was definitely a distraction. At sa malas ay tila iyon magnet na hinihigop ang kanyang mga mata.
“Bakit ka ba kasi nagmumukmok? Niyaya kitang mangisda pero ayaw mo. Niyaya kitang puntahan iyong tila bird sanctuary na nakita ko noong isang araw, ayaw mo rin. Ayaw mo ng kahit na anong activities. Ah, alam ko na! Inaatake ka ng mood swings, ano? I should know. Ganyang-ganyan si Jazmine kapag tinotopak. Ah, women! Sa lahat ng ginawa ng Diyos, kayo ang pinaka-complicated,” sabi nito, saka pumalatak.
Jazmine. Cedrick spoke that name fondly, at nakakadama siya ng munting selos dahil doon. Selos? Bakit naman iyon ang naisip niya? And why would she be jealous? Bahagya siyang umiling-iling para alisin sa utak niya ang ganoong isipin.
“Ngayon naman, kinakausap mo pa ang sarili mo. Care to share? Nandito naman ako kung kailangan mo ng kausap.”
Pinandilatan niya ang binata. “Just get lost, okay?”
Sa gulat ni Katrina ay natawa lang si Cedrick. “Alam mo siguro na gumaganda ka kapag nagsusungit ka, ano? Come to think of it, na-cute-an siguro talaga ako sa `yo noon sa pagsusungit mo sa grocery kaya sinalubong ko ang kasungitan mo,” he teased and that made her heart jump. “Pero dapat mong malaman na mas maganda ka kapag nakangiti ka. Smile naman diyan…”
Isang eksaheradong pekeng ngiti ang ipinakita ni Katrina. Cedrick sighed. Muli siya nitong tinabihan. “Bakit ba kasi malungkot ka? Mula pa kaninang umaga ay matamlay ka na. Problems?” Nawala na ang pagbibiro sa boses nito, sa halip ay hindi na maitago ang concern doon.
Umiling siya. “Mood swings lang `to.” At nagawang pawiin ng concern nito ang mood swings niya. Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya naiwasang ngumiti nang totoo. “See? Lumipas na ang sumpong ko,” natatawa pa niyang wika habang itinuturo ang kanyang mukha.
Tumayo si Cedrick. “Good.”
Hanggang sa mapatili na lang siya nang walang ano-ano ay binuhat siya ng binata. “Cedrick!” Napahawak siya sa batok nito nang hindi oras. He smiled playfully. Ang mga mata nito ay kumikislap din sa kapilyuhan.
“Itatapon kita sa dagat,” anito bago malalaki ang hakbang na tinungo ang dalampasigan. Tila hindi man lang alintana ng binata ang bigat niya.
“What? No! Cedrick, nakapaligo na ako!” tili ni Katrina bago nagkakawag sa mga bisig nito.
Humalakhak lamang ito.
“Okay!”
Bumaba ang tingin nito sa kanya. He was still all smile at nakakaakit pagmasdan ang masiglang mukha nito, lalo na ang mga labi. “Okay what?”
“Okay, I surrender. Huwag mo na akong itapon, baka makalunok pa ako ng maraming tubig-dagat. Ibaba mo na lang ako and then I’ll join you.”
“Promise?” tila hindi kumbinsidong tanong nito.
Tumango si Katrina. Ibinaba naman siya ng binata. Nang maibaba siya ay mabilis siyang tumakbo palayo rito. At dahil nasa dalampasigan na pala sila, ang kahabaan na lang niyon ang tinakbo niya. Lumingon siya at nakita si Cedrick na nakapamaywang sa pang-iisa niya bagaman maluwang naman ang ngiti nito.
Binelatan niya ang binata. Lalo namang dumagundong ang halakhak nito dahil sa inasal niya. Lihim siyang napapalatak. First impressions never last. Si Cedrick ang buhay na patotoo niya roon.
“Bakit, akala mo ba makakatakas ka na?” malakas ang boses na tanong nito. The adrenaline pumped in her veins when Cedrick ran toward her. Napatili siya habang panay ang pagtakbo. But no, hindi dulot ng takot ang mga tili na iyon, sa halip ay tili na iyon ng kasiyahan at excitement.
“Run, Katrin! Run!” masiglang wika nito na lalong bumuhay sa dugo niya. At napagtanto na lang niya na malapit na siyang maabutan. “Lagot ka sa akin kapag nahuli kita!” pananakot pa nito. Hanggang sa maramdaman na lang niya ang paghawak nito sa isang braso niya. “I’ve got you!”
Napilitan siyang huminto. Iyong paghinto niya ay siya namang paghapit sa kanya ng binata papalapit sa katawan nito. Hanggang sa mapagtanto na lang niya na nakapulupot na sa baywang niya ang isang braso nito. And she realized that he was staring at her intently. Ang mga mata nito ay partikular na nakatuon sa mga labi niya.
Nabitin na sa lalamunan ni Katrina ang halakhak. Naririnig niya ang marahang hampas ng mga alon pero tila dinadaig na iyon ng lumalakas na t***k ng puso niya.
“Cedrick…” nausal niya. Ang mga matang nakatutok sa kanya ay nagbabadya ng isang masidhing emosyon. Ang init ng katawan nito ay naghahatid na ng kilabot sa kanyang katawan.
“Katrin…” anito bago tumaas-baba ang Adam’s apple. Aware kaya si Cedrick na lalo siyang hinapit papalapit sa katawan nito?
Pakiramdam ni Katrina ay masisira na ang rib cage niya dahil palakas nang palakas ang t***k ng kanyang puso.
“Katrin…” Tila isang mantra na usal nito bago bahagyang umanggulo ang mukha at unti-unting tinatawid ang distansiya papunta sa kanyang mukha.
She was dying of anticipation habang unti-unting lumalapit sa mukha niya ang mukha nito. Hahagkan siya ng binata at wala siyang tutol doon. In fact, she wanted the kiss to happen. Gusto niyang tuklasin kung ano ang pakiramdam ng mahagkan nito. She wanted to feel his lips against hers. She was dying for it.
Ipinikit ni Katrina ang mga mata at hinintay na tuluyang maglapat ang kanilang mga labi. Ramdam na niya ang mabining pagtama ng hininga ni Cedrick sa ilong niya. At ang mabangong hininga nito ay tila lalong nagpasabik sa kanya. Subalit hindi dumating ang halik na hinihintay niya, sa halip ay naramdaman na lang niya nang bahagya itong dumistansiya sa kanya.
“I’m sorry,” anito bago marahang nagmura.
Nag-init ang mukha ni Katrina sa pagkapahiya. Nakapikit siya at ang mga labi ay bahagyang nakaawang sa paghihintay ng halik nito pero binitiwan siya ng binata at agad niyang naramdaman ang sakit na dulot niyon.
She opened her eyes. Nakita niyang nakatalikod si Cedrick sa kanya habang mariin ang pagkakahawak ng mga kamay sa baywang. He was still cursing. Naipon ang mga luha niya pero bago pa man tuluyang pumatak ang mga iyon ay ipinasya na niyang lumayo. Something was about to happen. Hahalikan siya ng binata pero sa kung anong dahilan ay hindi natuloy. And she felt hurt and humiliated.
“Katrin!” tawag ni Cedrick na nagpatigil sa paghakbang niya. “I’m sorry.”
Hindi siya lumingon. She just bit her lip hard para pigilin ang pagsigok. “I-it’s no big deal…” aniya bago dali-daling bumalik sa bahay.
TWO DAYS to go… Hindi malaman ni Katrina kung bakit tila nag-e-echo sa tainga niya ang mga salitang iyon at tila ba paulit-ulit na nagpapaalala si Cedrick na dalawang araw na lang at babalik na ito sa California.
“Katrin…?” anang tinig ng binata na nagpaangat ng ulo niya mula sa pagkakayuko sa kanyang plato. Umaga na at magkaharap sila sa almusal. The mood was so quiet. Pareho silang may kanya-kanyang iniisip at walang sino man ang nagnanais na magbukas ng topic. Except now, when he got her attention.
“Bakit?” Noon lamang niya napansin na malaki ang eye bags ni Cedrick. Tulad niya, tila hindi rin ito nakatulog nang nagdaang gabi. Tila pareho silang apektado sa halik na naudlot.
“Hindi mo ginagalaw ang pagkain mo. Is there anything wrong? Wala ka bang ganang kumain? May masakit ba sa `yo?”
“H-ha?” Napatingin si Katrina sa pinggan niya. Totoo ngang hindi man lang nababawasan ang pagkain na inilagay niya roon. “I’m fine. M-may naisip lang ako,” aniya bago nagpilit na kumain. Wala siyang sakit pero wala rin siyang ganang kumain.
“Gusto mo ng ibang ulam? Ipagluluto kita.”
“Hindi na. Okay na `to,” aniya. Paglabas kasi niya ng silid ay naabutan na niya ang binata na naghahanda ng mesa.
“Then eat. Mahirap magkasakit ngayon.” Nagsalin ito ng tubig sa baso at iniabot sa kanya.
Pinilit naman niyang kumain. Pasulyap-sulyap sa kanya si Cedrick, nasa mga mata nito ang pag-aalala. Kapag nagtatagpo ang mga mata nila ay animo may nais itong sabihin sa kanya pero hindi nito maisatinig.
Cedrick sighed. “Siyanga pala, nalimutan kong itanong sa `yo kung kailan ka babalik sa siyudad?”
“S-siguro pagkatapos na rin lang ng isang linggo,” walang kasiguruhang sagot ni Katrina dahil wala pa naman talaga sa plano niya ang bumalik sa Maynila. “Bakit mo naitanong?”
“Because I think mapapaaga ang pag-alis ko. Baka bukas ay babalik na ako sa Maynila at aasikasuhin na ang flight ko pabalik sa California.”
Natilihan si Katrina. Ang kamay niyang nakahawak sa kubyertos ay nanginig. Binitiwan niya ang mga kubyertos at itinago ang mga kamay sa ilalim ng mesa. “But why? `Akala ko, sinabi mo na one week ka pa rito? That gives you two days more…”
Mahaba ang hiningang pinakawalan ng binata. “I have to. I need to. S-sa palagay ko ay iyon ang makabubuti…”
“M-makabubuti? Kanino? Saan?” naguguluhan niyang tanong. Hayun na naman ang pakiramdam na nais maiyak.
Nahulog si Cedrick sa malalim na pag-iisip. Pagkatapos ay tiningnan siya na animo may nais itong sabihin pero sa huli ay nagkibit-balikat na lamang. “Hindi mo rin maiintindihan.”
Ang alin ang hindi ko maintindihan? Gusto niyang itanong iyon pero hindi na mahagilap ni Katrina ang tinig. So, he’s leaving me…
“Katrin, kung puwede, bumalik ka na rin sa Maynila o kung ayaw mo pa talaga, magsama ka na lang ng kaibigan dito. I… I c-can’t leave you here all alone.”
“Huwag mo akong alalahanin, Cedrick. Kaya ko na ang sarili ko.” She bit her lip. Tila hindi na niya mapipigilan ang mga luha. She tried to blink them away pero ayaw paawat ng pamumuo ng mga luha roon. “D-don’t worry hindi na ako matutulog sa rubber raft…” Pumiyok na ang boses ni Katrina. At bago pa tuluyang pumatak ang mga luha niya ay mabilis nang nag-excuse at dere-deretsong tinungo ang silid niya.
Ang akala ni Katrina ay susundan siya ng binata, pero lumipas ang ilang sandali na nananatiling tahimik ang bahay. And she just felt so frustrated. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Na para bang nahahati ang puso niya sa napipintong pag-alis ng binata.
Brokenhearted, huh? anang tinig ng nang-aasar na isip niya. And she found herself stunned. Bakit naman siya mabo-brokenhearted, eh, hindi naman niya boyfriend ang lalaking iyon. Unless she was in love with him…
Nanlaki ang mga mata ni Katrina. “Am I?”