“DAMN!” ani Cedrick habang gigil na gigil sa pagsasagwan patungo sa yate. Pagkasampa sa yate ay agad niyang tinungo ang maliit na ref kung saan nakaimbak ang mga alak. Pinili niya ang pinakamatapang na alak at binitbit iyon sa loob ng cabin. Hindi na siya nag-abalang kumuha ng kopita o baso man lang dahil pagkabukas ng bote ng alak ay deretso na iyon sa bibig niya.
Okay, Analization 101. Una na niyang inamin sa sarili that he cared for Katrina. Pagkatapos ay ang kumpirmasyon ng nadarama niyang atraksiyon para sa dalaga. At kagabi, pagkatapos ng buong magdamag na pag-iisip ay na-realize niya kung bakit ganoon ang nararamdaman para sa dalaga. Hindi lamang iyon simpleng pag-aalala at simpleng atraksiyon. It was deep. Kasinlalim ng pusod ng dagat at kasinlawak ng kalangitan. Dahil ang totoo ay mahal pala niya si Katrina. Iyon ang rason kung bakit nag-aalala siya sa dalaga. Kung bakit gustong-gusto niyang tingnan ito. Kung bakit natatagpuan na lang niya ang sariling nangingiti kahit walang dahilan. Kung bakit nasa dibdib niya ang pag-asam na mahawakan ito, kung bakit hindi ito mawala sa isip niya. Kung bakit— Ah, napakaraming “kung bakit” at kapag inisa-isa niya ang mga iyon ay siguradong hahaba ang listahan niya.
Kaya pala unang pagtatagpo pa lang nila ay may kung anong koneksiyon na agad siyang nadama sa dalaga, na tila isang mahiwagang tali na nagbigkis sa kanila. Naranasan na niyang magmahal—kay Jazmine. Dapat ay alam na niya na iyon ang nararamdaman para kay Katrina sa simula pa lamang. But the feelings were so strong it overwhelmed him. Minahal niya si Jazmine subalit tila wala sa kalingkingan niyon ang nararamdaman niya para kay Katrina. It was so intense that he wanted to kiss Katrina every minute. Na kung bibigyan lamang siya ng pagkakataon ay ikukulong niya nang mahigpit sa kanyang mga bisig si Katrina at hindi na pakakawalan pa.
All right, Katrina, was attracted to him, too. Hindi naman siya manhid para hindi madama ang bagay na iyon. Nararamdaman niya iyon sa mga titig ng dalaga sa kanya tuwing akala nito ay hindi niya napapansin. At kapag hindi siya nakatiis ay lilingunin niya ang dalaga, dahilan para pamulahan ito ng mukha. At hindi niya inaalis ang posibilidad na tulad niya ay may nararamdaman din sa kanya ang dalaga. Something deep. Something inexplicable called love.
Ah, there were countless of times when he would dream of her, of them. Pero ano mang pagnanais na hagkan ito o yakapin ay hindi niya ginawa. Dahil katulad niya ay ikakasal na rin ang dalaga. He couldn’t let down his best friend. Ganoon din si Katrina sa ama nito kaya walang bukas para sa kanila. Kung alam lang ng dalaga kung gaanong self-control ang pinananaig niya para malabanan ang kagustuhang mahagkan man lang ito kahapon. He knew he had to control himself. Dahil alam niyang kapag hinalikan niya si Katrina ay hindi iyon matatapos lamang doon. His feelings were so intense that it would always lead him to something beyond kissing.
Kaya nga ipinasya niyang umiwas na lang at sikilin ang damdamin habang kaya pa niya. Because God knows, kapag hindi siya nakapagtimpi at patuloy na umusbong ang damdaming iyon ay wala siyang magagawa kundi baguhin ang takbo ng kapalaran niya. Nila.