Isabella
Simula nang nadala ako sa hospital, nag-iba na ang ihip ng hangin sa mansyon. Naging mabait at maalalahanin na si Ziglar sa kaniyang anak. Palagi na rin niya ito kinakumusta at kinakausap habang hinihimas ang aking tiyan.
Noong una ay nailang pa ako, medyo awkward din noong una niya akong lapitan. Akala ko pa nga ay sasaktan niya ako, iyon pala ay nais lang niya na mapalapit sa kaniyang anak. Ako ay nahiya sapagkat napag-isipan ko pa siya nang masama. Hindi pa rin kasi naaalis sa aking isipan ang pagmamaltrato niya sa akin kaya kung ano-anong negatibong bagay ang pumapasok sa aking isipan. Hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang takot ko sa kaniya. At ngayon na nagbabago na siya, sinusubukan kong masanay sa kaniya—sa pag-approach niya sa akin.
Minsan pa nga, sa oras na kinakausap niya ang kaniyang anak sa aking tiyan, hindi ko mapigilang hindi matuwa. Tila ba ako'y nananaginip na gising. Para bang isa kaming masayang pamilya na matagal ko ring hiniling simula nang namatayan ako ng magulang. Iyong bang, ang pagmamahal ng isang buong pamilya ay aking hinahanap hanggang sa kasalukuyan. Subalit sadyang mapagbiro talaga ang tadhana. Iyong matagal ko na hinihiling ay kahit kailanman ay hindi ko na makakamit dahil sa nangyari.
Hindi naman kami isang pamilya sa kadahilanang wala namang pagmamahal ang bumubuo sa aming dalawa. Ang batang nasa sinapupunan ko ang tanging koneksyon namin sa isa't isa. Mabuti na lamang ay nagkaroon na siya ng pagmamahal sa kaniyang anak. Magiging panatag na ang aking kalooban sa oras na iniwan ko silang dalawa. Mas makabubuti kasi iyon upang manumbalik ang kasiyahang nawala kay Ziglar. Ako lang naman ang malaking hadlang sa kaniyang kasiyahan. Ako na lang ang lalayo.
"Son, always remember what I told you today. Magagamit mo iyan kapag lumaki ka na. Kung magiging architect ka, dapat alam mo na ang mga basic knowledge nito... Next time, ikukuwento ko sa iyo ang mga magagandang structure sa Greece," seryoso niyang sambit habang titig na titig sa aking tiyan.
Kasalukuyan akong nakaupo sa pahabang sofa sa sala at siya naman ay nakaupo sa maliit na upuan na kinuha pa niya sa gilid para makap'westo siya sa unahan ko.
Ako ay natawa sa kaniya. Hindi pa nga namin tukoy kung lalaki o babae ang anak namin, pero tinawag na niya itong 'son'. Siguro gusto niya na maging lalaki ito. Ayos lang naman sa akin kung lalaki ang baby namin o babae, ang akin lang ay makitang masaya si Ziglar sa oras na masaksihan na niya ang kaniyang anak.
"Hindi po ba… parang masyado yatang advanced ang kinukuwento mo sa kan'ya?" masaya kong usap. "Greece? Mukhang… magandang lugar nga iyon."
Nakita ko ang seryoso niyang titig sa akin. Ako naman ay nailang at mabilis na nilihis ang tingin sa kaniya.
"Hindi ka pa ba nakakapunta sa Greece?"
Ako ay umiling. "H-Hindi pa… Sa katunayan niyan a-ay… hindi pa ako nakakalabas ng bansa o miski sa labas ng Rizal. Ngayon lang po ako… nakalabas n-ng Rizal," nahihiya kong tugon.
Nasilip ko naman siya at napansin ang lalim ng kaniyang pag-iisip. "Gutom na ba si baby? May hinahanap ulit ba siyang pagkain?" pag-iiba niya ng usapan.
"Umm… Sa ngayon… siguro kahit na ano na may sabaw. Iyong mainit-init sana na sabaw," suhestyon ko.
"How about bulalo?"
Masaya at mabilis ako tumango sa kaniya. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakatikim ng bulalo. Siguro mga 10 or 12 years old pa lang ako noong huli kong kain nito. Mahal kasi ang karne ng baka, hindi namin kayang bilhin iyon. Sa pagkakatanda ko, nakakain lang ako nito noong nagkaroon ng fiesta sa amin. Bigay pa nga iyon ng mabait naming kapitbahay at tunay akong nasarapan. Iyon na yata ang una at huli kong kain ng bulalo, pero masuwerte ako ngayon dahil makakakain ulit ako nito.
Siya ay ngumisi at tinaasan ako ng isang kilay. Sunod siyang pumunta sa kusina na akin naman din siyang sinundan. Nais ko kasi siyang mapanood na magluto. Gustong gusto ko talaga na nagluluto siya. Bukod sa kasarapan niyang magluto ay masarap din siyang panoorin.
Ako ay nabigla sa pagiging green minded ko. "Ano ka ba, Isabella? Tigilan mo iyan. Erase-erase-erase!" isip ko. Mabilis ko iniling ang aking ulo at pinokus ko na ang aking tingin sa pagkain.
At nang matapos na siyang magluto, agad ko ito kinain.
Grabe! Napakasarap talaga nito! Gusto ko pang kumain nang marami!
"Sabihin mo nga sa akin, bakit palagi kang puyat? 'Di ba, ang bilin sa iyo ng doktor ay ingatan mo ang katawan mo? Bakit hindi mo inaalagaan ang sarili mo? Ang tigas talaga ng ulo mo kahit kailan," inis niyang tanong sa akin, nakapamewang siya at nanlilisig ang kaniyang mga mata.
Ako ngayon ay nakaupo sa sofa at pinaglalaruan ang mga daliri. Hindi agad ako nakasagot gawa ng takot. Nagdadalawang isip din ako kung sasabihin ko ba ang tunay kong dahilan o magdadahilan muli. Ngunit napag-isip-isip ko rin na kahit anong sabihin ko pa sa kan'ya, alam ko sa aking sarili na pagagalitan at pagsasalitaan niya ulit ako nang masasama.
Kasalanan ko rin naman kaya niya ako pinapagalitan. Nang mga gabi kasi na magkasama kaming matulog, hindi ako masyado nakatulog sa sobra kong pag-iisip at takot. Takot na baka galawin niya ako muli. Akala ko kasi ang dahilan kung bakit niya ako pinatulog sa kaniyang silid ay upang galawin ako, subalit ako ay nagkamali.
Tanging "S-Sorry…" lamang ang lumabas sa aking labi, kasabay niyon ang pagtulo ng aking mga luha.
Hindi ko siya kayang matingnan. Hindi ko rin nakita kung ano ang naging reaksyon niya. Ako ay nakayuko at takot na takot na tingnan siya.
Narinig ko na lamang ang lalim niyang paghinga bago niya ako pagalitan. "D*mn it, Isabella! Kung hindi ka magsasalita, paano kita tutulungan!? Tigilan mo ang pag-iyak-iyak dahil walang patutunguhan ang pag-iyak mo!" Nang dahil sa kaniyang sinabi ay mabilis kong pinunasan ang mga luha ko at pinigilan ang aking nadarama. "Kaya nga kita tinabihan sa pagtulog ay para mabantayan ka! And if something bad happens to you, I'll be there to help you right away! F*ck! Huwag naman sana!" Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko iyon. Akin siya tiningnan. "Sh*t!" Napakamot siya ng ulo at hindi mapakali. Bakas sa kaniyang kilos at mukha na siya ay iritado.
Hindi ko inasahan na nag-aalala lang siya sa kalusugan ng kan'yang anak. Biglang nag-iba ang aking pananaw sa lalaking nasa harapan ko nang mga araw na ito. Kumirot ang aking puso nang mapagtanto na muli ko siya pinag-isipan nang masama.
"I-I'm sorry, Z-Ziglar… H-Hindi lang ako sanay na matulog sa k-kuwarto mo– ano, umm… B-Bago pa kasi ang lugar k-kaya hindi ako masyado nakakatulog. P-P-Pero susubukan kong sanayin ang sarili p-para hindi ka na mag-alala. Pasensya na talaga, Ziglar. Pasensya na." Ako ay nataranta.
Nilingunan niya ako, pagkatapos ay bumuntong siya ng hininga. "Dapat in the first place, sinabi mo na iyan… Kung hindi ka sanay, huwag mong pilitin. Sa kuwarto mo na lang tayo matulog," tugon niya.
Hindi na ako nakaangal pa sa kaniya. Masyado na siyang galit sa akin at ayoko naman na madagdagan pa iyon. Agad ako sumang-ayon sa kaniya at simula nang gabing iyon, sa aking silid na kami natutulog.
Nasanay na rin ako sa paglapit niya kahit papaano. Pero minsan ay nabibigla rin ako at kinakabahan. Gayunpaman, nakikita ko sa kaniya ang kagustuhan niyang makabawi sa kaniyang anak. Tinatagan ko na lang ang puso ko sa oras na lumalapit siya sa akin o magdidikit ang aming katawan.
Five months na rin si baby. Sa loob ng isang buwan ay nakaramdam ako ng peace sa mansyon. Nagagawa ko na rin makausap nang maayos si Ziglar at hindi na rin ako nauutal gawa ng takot. Tila ba unti-unting napapawi ang matindi kong takot sa kaniya.
Hindi na rin siya nag-iinom na lubos kong kinatuwa. Tumigil na yata siya at madalas na rin siyang umuwi nang maaga. Bukod pa roon, araw-araw ko na rin nakakasama si Manang Ester. Nang dahil sa presensya niya, hindi na naging malungkot ang mansyon 'di tulad noon.
Subalit sa kabila ng lahat, may isa akong problema—ang pangungulit ni Queenie. Hanggang ngayon ay hinihingi pa rin niya ang aming address sa America. Hindi ko na lang siya sini-seen o minsan naman ay nililihis ko ang usapan. Wala na kasi akong maisip na palusot sa kan'ya.
Napabuntong ako ng hininga.
"May problema ba, Isabella?"
Napatingin ako sa aking unahan, kung nasaan nakaupo si Ziglar—kumakain ng hapunan. Kami ngayon ay nasa kusina, sabay na kumakain.
"Kanina mo pa tinititigan ang phone mo… Ayaw mo rin naman kunin," malamig niyang sambit na sunod siyang sumubo ng pagkain.
"W-Wa-Wala naman…" Akin siya ningitian. "How about you? Kumusta na ang araw mo? Mukhang… palagi kang pagod kapag umuuwi ka," malambing kong usap. Aking nilihis ang aming pag-uusap.
"Iyan ka na naman," buntong hininga niyang bigkas. "This is nothing, may big project lang kami na dapat tapusin…"
"Wow! Nakatanggap ka ulit ng big project? Congratulations!" Sobra kong galak nang marinig ang good news sa kaniya.
"Huwag mong ibahin ang usapan. Sagutin mo ang tanong ko, Isabella." Mariin niya ako tinitigan.
Bago ko siya sagutin ay uminom muna ako ng tubig at binasa ang aking labi. "Umm… S-Sa totoo niyan ay nagsinungaling ako…" Tinaasan niya ako ng isang kilay. "N-Nagsinungaling ako kay Lola Julia at kay Queenie n-na...na nasa America tayo naninirahan," mahina kong usap.
"And?"
"And... kinukulit ako ni Queenie s-sa address natin para puntahan t-tayo ng kuya niya, para ma-check ang kalusugan ko," pagpapatuloy ko.
Nananatili siyang tahimik, medyo nakakakaba ang kaniyang katahimikan.
"Ipaalam mo na babalik tayo sa Pilipinas. Next week, bisitahin natin ang Lola Julia mo."
"Talaga!?" Sa sobra kong galak ay napasigaw ako.
"Yeah," malamig niyang tugon.
Hindi ko mapigilan ang kasiyahan sa aking puso at agad ko siya nilapitan at niyakap. "Thank you… Thank you talaga, Ziglar!" Hindi ko namalayan na sobrang higpit pala ng yakap ko sa kaniya. Nasubsob tuloy ang mukha niya sa aking dibdib at baka hindi siya nakahinga nang maayos. "Hala! Sorry…" Ako ay nataranta at mabilis ko ring inalis ang pagkakayapos sa kaniya. "A-Ayos ka lang ba?" tanong ko na sabay kong hinaplos ang kaniyang mukha.
Napuna ko naman ang panlalaki ng kaniyang mga mata na sunod din siyang umiling. "K-Ku-Kumain ka na lang diyan…" Siya ay umubo at tumayo.
"S-Saan ka pupunta?"
"Sa…" umubo ulit siya, "sa CR, magbabawas lang ako," sagot niya, hindi naman siya mapakali kung saan s'ya titingin. Pagkatapos ay mabilis siyang pumunta sa banyo. Namali pa siya ng pinuntahan kung kaya bumalik ulit siya at nagtungo na kung saan ang rest room.
Isinawalang bahala ko na lang ang pagiging weird niya ngayon. Bumalik na ako sa aking upuan at tinuloy na lamang ang pagkain na masayang masaya.
Ilang araw na lang ay makakasama ko na muli si Lola. Mahigit tatlong buwan din kami hindi nagkita. Miss na miss ko na ang mga halik, yakap, at masasarap niyang luto. Kay lola lang naman ako natutong magluto, idol na idol ko kasi siya. Ngunit tila ba huminto ang mundo ko nang may matanggap akong tawag mula kay Queenie.
Nasa labas ako, nakaupo at pinagmamasdan ang malaking hardin ni Ziglar, nang dumating si Manang Ester dala ang meryenda namin. Masaya kaming kumakain at nagkukuwentuhan nang tumunog ang aking phone. Mabilis ko rin ito kinuha at nang makita ang pangalan ni Queenie ay sabik ko ito sinagot.
"Hi, Queenie! Ba't napatawag ka? Excited ka na ba makita kami? Kasi ako oo," natatawa kong bati sa kaniya. "Don't worry, sa makalawa, uuwi na kami sa Pinas. Sigurado akong sasalubungan ako ni lola ng matinding scolding pag-uwi ko– ay! Namin pala ni baby," natatawa kong pahabol.
"Bella, bes…" Narinig ko ang kalungkutan sa kaniyang boses.
"Queenie? Ba't ganiyan ang boses mo? M-May… problema ba?"
Narinig ko mula sa kabilang linya na siya ay bumuntong ng hininga. "Ayoko talaga sana sabihin ito sa iyo, pero… erm… kailangan mo talaga ito malaman, Bella. Bes… Please… bago ko ito sabihin, dapat nakaupo ka at may kasama ka ngayon." Hindi ko maunawaan ang kaniyang sinambit, ngunit akin naman siya sinunod. Pinalapit ko si Manang Ester sa aking tabi at sinabi kay Queenie na nagawa ko na ang inuutos niya. "Okay… Whoo~! Bes, ano… about kay lola. S-Si Lola Julia… U-Umm… Si Lola kasi ano– w-wala na."
Nang marinig, bumilis ang kabog ng aking puso. "A-Anong ibig mong sabihing wala na? Paanong wala na? U-Umalis ba siya? Ba-Baka may pinuntahan lang siya. Ah, oo! Tama! Baka iyon nga. 'Wag kang m-mag-alala, babalik din si Lola. B-Baka may binili lang siya ka-k-kasi…kasi dadating na ako. Magkikita ulit kami. Baka nagre-ready lang siya ng food o-o ng ano sa p-pag-uwi namin. G-Gano'n kasi si Lola, mahilig magluto…" Pilit akong tumawa at pinipilit na iyon nga ang ibig sabihin ni Queenie sa kaniyang sinabi. Napakapit ako nang mahigpit sa kamay ni Manang Ester.
"B-Bella," narinig ko sa kabilang linya ang pag-iyak niya, "I'm sorry, pero… patay na si Lola Julia. Heart attack ang sanhi ng pagkamatay niya… Natagpuan na l-lang namin siya walang pulso sa room niya… I'm sorry, Bes… I-I'm sorry k-kung hindi ko siya nabantayan. Sorry talaga." Lalo lumakas ang kan'yang pag-iyak.
Nabitawan ko ang phone ko sa sobrang pagkabigla. Ako naman ay sumigaw sa sakit na aking nadarama. Naramdaman ko ang mahigpit na yakap ni Manang habang sinusubukan akong pakalmahin, ngunit hindi ito sapat upang mawala ang nadarama kong galit at lungkot.
Ilang sandali pa lang ay nagdilim na ang aking paningin. Nakaramdam din ako ng matinding hilo na nagpawala sa akin ng malay.
"Diyos ko po! Sir Ziglar! Sir Ziglar! Si Madam!" Ang huli kong narinig bago ako tuluyang mawalan ng malay.