Isabella
Sobrang lamig. Nakaramdam ako ng matinding lamig sa madilim at tahimik na lugar na ito. Hindi ko alam kung nasaan ako, tanging kadiliman lamang ang aking nakikita. Ako'y takot na takot din sa kakaiba at nakakatakot na lugar na ito. Hindi ko rin alam kung paano ako aalis dito. Mabuti na lamang ay may naramdaman akong mainit na bagay na yumakap sa aking katawan. Laking pasasalamat ko sa kung ano mang bagay na ito sapagkat unti-unti nito pinapatay ang kalamigang bumabalot sa aking katawan at unti-unti na ring nagliliwanag ang buo kong paligid.
Pagmulat ng aking mga mata ay isang malapad na katawan ang aking nasilayan. Nakayakap ito sa akin at nakaramdam ako ng kaligtasan sa kaniyang mga bisig. Sa higpit nang pagkakayakap niya, para bang ayaw niya ako mawalay sa kan'yang piling.
Siguro, marahil, ako ay nananaginip lamang. Malabong mangyari na si Ziglar ang lalaking humahagkan sa akin. Siguro isa itong karugtong sa panaginip ko kanina lamang.
Talagang pinaglalaruan ako ng aking isipan, ngunit akin lamang ito isinantabi. Niyakap ko siya pabalik at nakatulog nang mahimbing. Isang mahimbing at matagal na tulog na ngayon ko lang natamasa simula noong dumating ako sa mansyon.
Sa pagkakataong ito, ako ay tuluyang nagising. Nagising ako sa isang malaking silid na bago lamang sa aking paningin. Pinagmasdan ko ang paligid at natukoy na nasa loob ako ng hospital. Para bang napaginipan ko na ang lugar na ito, ngunit hindi ko matandaan kung ano at kailan. Deja Vu, marahil? Hindi ko na lang inisip pa ang tungkol doon, lalo lamang sasakit ang aking ulo.
Dahan-dahan ako bumangon at nagmuni-muni. Tumingin ako sa kanang bahagi ko kung nasaan ang malaking bintanang tanaw ang magandang tanawin.
Mga ilang sandali pa lang ay narinig ko ang pagbukas ng pinto. Akin ito nilingunan upang matukoy kung sino ang pumasok. Nakita ko ang isang matandang lalaki na nakasuot ng puting lab coat. Sa pagkakatantsa ko ay mga nasa 50's na ang doktor.
"Hello po, Doc," masaya kong bati.
"Hello rin, Mrs. Valencia," pabalik niyang bati. "How are you? Did you feel any pain or something in your body? Did you feel nauseous or dizziness?" Mga tanong habang palapit siya sa akin.
Nabigla ako hindi dahil sa mga tanong niya kun'di sa pagtawag niya sa akin na 'Mrs. Valencia'. Hindi naman ako kasal kay Ziglar kaya imposible na tawagin niya akong Mrs. Valencia. Baka kapag narinig ito ni Ziglar, magalit siya sa akin.
"U-Umm… I…"
"Nabigla ba kita sa mga tanong ko? I'm so sorry, Mrs. Valencia. I just want to know your current condition... Masyado kasi ako kinukulit ng asawa mo. Mabuti na lang at nagising ka na dahil kung hindi, baka kung ano pa ang mangyari sa amin," natatawa niyang bigkas.
Lalo ako naguluhan sa kaniya. "Anong ibig niyang sabihin? Si Ziglar, nag-aalala sa akin? Malabong mangyari iyon dahil… dahil wala naman siyang pakialam sa akin. Baka nag-aalala lang siya sa kaniyang anak." Nang maisip iyon ay naliwanagan ako.
Tama. Sa kaniyang anak lang siya nag-aalala. Ano ba naman itong naiisip ko? Masyado ako nag-assume sa part na iyon.
Ako ay napailing at bahagya natawa. "Hindi naman po… Umm… Medyo nahihilo lang po ako kaya… mabagal ko po i-pick-up ang mga… sinabi po ninyo," malumanay kong tugon. "Kung p'wede po sana, isa pong basong tubig? Nauuhaw po kasi ako."
"Sure… Iyon lang ba ang kailangan mo? Wala na bang iba? How about sa nararamdaman mo ngayon? Tanging hilo lang ba?" malambing niyang tanong na may ngiti sa labi.
"Iyon lang po, Doc, medyo masakit lang po ang ulo ko... Marami pong salamat." Akin naman siya ginantihan ng isang mainit na ngiti.
Nagpaalam na rin siya sa akin bago umalis. Kasalukuyan ko hinihintay ang pagdating n'ya hanggang sa hindi pa nakakalahating minuto ay bumalik na siya.
Pagbukas ng pinto ay sinalubungan ko ng malaking ngiti si Doc, subalit napawi rin iyon nang makita kung sino ang pumasok—si Ziglar na titig na titig sa akin.
Napalunok ako at nablangko ang aking isipan. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa mga oras na ito. Babatiin ko ba siya o mananahimik na lamang? Mas pinili ko ang manahimik dahil kilala ko siya, ayaw niya marinig ang boses ng babaeng kinamumuhian niya.
Napayuko na lang ako at nilalaro ang mga daliri ko.
Sobrang tahimik ng loob. Umabot din ito ng mga ilang minuto. Nabasag lamang ito nang muli dumating ang doktor.
Ako lang ang binati ng doktor dahil nasa sulok lang si Ziglar. Hindi niya ito napansin. Nang siya ay nakalapit sa akin ay inabot na niya ang tubig at maayos niya ako kinakausap. Naging panatag ang aking damdamin sa pagiging warm niya, ngunit hindi naman ako mapakali dahil nararamdaman ko ang mga maririin na titig ni Ziglar sa akin.
"Sobrang stressed at pagod ang sanhi ng pagkawala ng malay mo, misis. At kahit hindi mo sinasabi, halata sa complexion ng body mo na hindi ka rin nakakakain nang maayos. Kumakain ka ba, Mrs. Valencia?" Biglang naging seryoso ang tono ng pananalita niya nang ako'y kaniyang tinanong.
"O-Opo, Doc." Tinaasan niya ako ng isang kilay. Halatang hindi siya naniniwala sa akin. "K-Kumakain po ako, Doc, ang kaso," bahagya ko sinilip si Ziglar na mabilis din ako tumingin sa ibaba, "hindi po tinatanggap ni baby ang kinakain ko. P-Pa...Palagi ko rin po sinusuka."
"Normal lang naman na magsuka, pero ang palagian ay hindi na. At please lang, iwasan mo ang magpaka-stress at magpakapagod. Masama 'yan sa baby ninyo." Bumuntong siya ng hininga. "Kung ano man ang source ng stress mo, I suggest na ilayo iyan sa iyo."
"O-Okay po. Sorry po, Doc…" Kumirot ang aking puso nang maisip ang aking katangahan. Ipapahamak ko pa ang anak ko dahil sa kapabayaan ko. Napakawalang kuwenta ko talagang ina.
Hindi ko napansin ang mga luhang pumatak sa aking mga mata.
Mabilis naman akong pinuntahan ni Ziglar na aking kinagulat. Akala ko sasampalin niya ako o ano kung kaya agad ako napapikit at napasinghap nang hawakan niya ang aking mga pisngi. Napakapit ako nang mahigpit sa puting kumot, pero wala akong naramdamang sakit sa aking mukha. Naramdaman ko ang marahal niyang paghaplos sa aking pisngi na lubos ko kinabigla.
Dahan-dahan ko inimulat ang mga mata ko at nakita ang mga mata niyang tila nag-aalala sa akin.
Nakakapagtaka. Bakit bigla nanglambot ang mga tingin niya sa akin? Para bang nag-aalala siya sa akin.
Bigla sumagi sa aking isipan na nandito nga pala ang doktor. Siguro nagpapanggap lamang s'ya na isang mabuting asawa sa harap niya. Syempre, isa siyang tanyag sa Pilipinas. Kapag nalaman nila ang pangit na relasyon niya sa akin, baka masira ko pa ang maganda niyang pangalan. Ayoko naman na masira pa iyon. Nasira ko na nga ang magandang relasyon nila ni Samantha, pati ba naman ang maganda niyang pangalan ay sisirain ko pa? Hindi kakayanin ng aking konsensya kung mangyari nga iyon.
"Iyon lang ba, Doc? Wala ng iba?" malamig na tanong ni Ziglar sa kaniya.
Napansin ko ang kakaibang tingin ng doktor sa aming dalawa bago niya ito sagutin ng "Yes, Mr. Valencia. I hope your 'wife' is now in a good health. Please take care of her and monitor her 24/7."
"I will, Doc. Thank you." At mabilis niya binalin ang tingin sa akin. Hinahaplos ang aking pisngi habang pinupunasan ang mga luha ko.
Nakaramdam ako ng kaginhawaan sa kaniyang ginagawa. Kahit pakita lamang, ako ay nasiyahan. At nang mapansin na aalis na ang doktor sa silid, bahagya ako kinabahan dahil sa oras na umalis siya, ang pagpapanggap na ito ay mawawala rin.
Biglang bumilis ang t*bok ng aking puso at ang aking paghinga. Nanikip din ang aking dibdib at akin itong minasahe.
"Are you okay?" tanong niya sa akin. Bahagya siya yumuko.
Nakita ko naman na nakaalis na ang doktor. Dapat itigil na niya ang pagkukunwari dahil ayokong umasa.
"May masakit ba, Isabella?"
"Pakiusap… wala na si Doc. P'wede mo na 'yan itigil," usap ko. Hindi ko namalayan na nasabi ko pala ang dapat nasa isip ko lang. Bahagya ako napaatras at mabilis na tumingin sa baba. Natatakot akong tingnan siya sa mata. "I'm s-sorry po. H-Hindi ko naman po g-g-gustong sabih–" Hindi natapos ang pagsasalita ko nang siya ay nagtanong.
"What foods does my child crave? Just let me know, and I'll buy it right away."
Hindi ko na tinuloy pa ang nais kong sabihin. Hinaplos ko ang aking tiyan at inalam kung ano ang gusto ng aking apat na buwang anak. At nang maisip ang matagal ko nang gustong kainin, akin siya sinagot ng "Umm… P-P'wede po ba na… pakwan? Maraming p-pakwan po sana?" na nahihiya.
"Pakwan? Almusal mo pakwan?" Mukhang nagalit na naman siya. Medyo tumaas ang tono ng pananalita niya.
"K-Kung hindi po puwede, iba n-na lang po…"
"Sh*t!" Kahit mahina niya iyon sinambit, narinig ko pa rin ang mura niya. "That's all?"
"Umm… G-Gatas na rin po sana a-at sopas," pahabol ko.
Walang ano-ano ay agad siya lumabas ng silid. Mabilis din siya nakabalik dala ang mga pagkaing hiniling ko. Pinigilan ko ang aking kasiyahan dahil baka mairita pa siya sa akin.
Sunod-sunod din ang aking kain lalo na sa pakwan na mahigit isang buwan ko rin hinanap. Ngayon na lang din ako nabusog at medyo hindi ako nakahinga nang maayos dahil sa aking kabusugan. Hindi rin ako nagsuka o nahilo. Nangangahulugan siguro na nagustuhan ni baby ang kaniyang nakain.
"Thank you, Ziglar!" masaya kong pasasalamat sa kaniya.
Napansin ko na bahagya siya napaatras at umubo. Nagmamadali naman siya na ligpitin ang mga pinagkainan ko.
"A-Ako na po riyan," mabilis kong sambit. Balak ko sanang tumayo upang tulungan siya sa pagliligpit, subalit ako ay kaniyang pinigilan.
"No. Magpahinga ka muna riyan. Alagaan mo ang anak natin," mabilis niyang pagtanggi.
"P-Pero po…"
"Gusto mo pa rin ba ng pakwan?" mabilis niyang tanong.
"Umm… Y-Yes po 'tsaka melon na rin po k-k-k-kung p'wede po sana?" Kahit nahihiya ay akin pa rin ito hiniling sa kan'ya.
Nananatili naman siyang tahimik. Lalo tuloy ako kinabahan. Baka isipin na inaabuso ko ang kaniyang kabaitan.
Maya-maya pa ay may naramdaman akong dumampi sa aking ulunan. Naramdaman ko ang mabagal na paghaplos niya rito.
"Minsan gusto ko na biyakin ang ulo mo para malaman ko kung ano ang mga iniisip mo…" Kahit nakakatakot ang mga sinabi niya ay nakaramdam ako ng pag-aalala dito. "Narinig mo naman ang sinabi ng doktor, tigilan mo ang magpaka-stress—tigilan mo ang masyadong pag-iisip ng mga walang kuwentang bagay. You only need to think about what is best for the child you are carrying," malumanay niyang usap.
Tanging tango lamang ang kaya kong isagot sa kaniya. Inalis na rin niya ang kaniyang kamay na humahaplos sa aking ulunan at sunod siyang lumabas dala ang mga pinagkainan ko.
Sa katunayan niyan ay hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman sa mga oras na ito. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil kahit papa'no ay tinitingnan na rin niya ang kaniyang anak. O baka kakabahan dahil sa kakaiba niyang kinikilos. Baka kasi– ayoko naman na mag-isip nang masama, pero hindi ko mapigilan mangamba lalo na kung si Ziglar ang tinutukoy ko.
Mas mainam na mag-isip ako ng mga magaganda alang alang sa aking pinakamamahal na anak. Titigilan ko na ang pag-iisip tungkol sa mga negatibong bagay at baka maapektuhan pa sa aking pagbubuntis.
Makalipas ang ilang araw kong pamamalagi sa hospital ay pinauwi na rin ako.
Nang makapasok sa mansyon, sinalubungan naman kami ng kasambahay ni Ziglar na tuwing linggo lamang pumupunta, si Manang Ester. Ako'y nagtaka dahil hindi naman linggo ngayon. Baka may kailangan lang si Ziglar sa kaniya kaya siya pinapunta ngayon.
Kinuha ni Manang Ester ang ilang mga gamit na akin naman kinabahala.
"A-Ako na po riyan, Manang Ester," agad kong sambit. Akin naman kinuha ang mga bag na kinuha niya.
Nakikita ko kasi sa kaniya si Lola kaya ayokong nahihirapan siya. Kung kaya sinisiguro ko na wala na siyang masyadong trabaho sa oras na pupunta siya tuwing linggo. Ilang beses na rin niya ako napapagalitan, ngunit ayos lang sa akin. Siguro na-miss ko lang si Lola, ang mga araw na pinapagalitan niya ako, kaya okay lang sa akin na pagsabihan niya ako. Minsan pa nga ay natatawa na lang ako sa kan'ya.
"Isabella," tawag sa akin ni Ziglar na agad ko naman siya nilingunan, "come with me."
"Y-Yes po." Hindi ko na natulungan pa si Manang. Mabilis ko kasi sinundan si Ziglar hanggang sa makapasok na kami sa kaniyang kuwarto.
Nananatili akong tahimik at nakatayo sa tabi, hinihintay ang kaniyang utos. Nang siya ay lumingon sa akin ay mabilis akong tumingin sa ibaba upang hindi niya makita ang nakaiirita kong mukha.
"You will be sleeping here from now on," banggit niya.
"P-Po?" Tunay ako nabigla. Papaanong dito ako matutulog? Hindi ba, ayaw niya sa akin?
"May diperensiya ba ang tainga mo, ha?" Nagalit ulit siya sa akin.
"P-Pasensya na po… N-Na...Nagulat lang po ako."
"And please…? Tigilan mo ang paghingi ng sorry. Paulit-ulit na lang. Ang sakit sa tainga pati na rin ang pag-'po' mo," iritado niyang pagpapatuloy.
"P-Pasensy–" Ako ay huminto nang maalala na ayaw nga pala niya na ako ay humihingi ng dispensa. Siguro ang nais talaga n'yang sabihin sa akin ay huwag ako magsalita. Sumasakit siguro ang tainga niya kapag naririnig niya ang pangit kong boses. P'wede naman niya iyon sabihin kasi sanay na rin naman ako sa mga masasakit niyang salita.
"Bakit hindi ka makatingin nang maayos? Hindi ka ba tinuruan ng magulang mo na kapag kinakausap ka ay tumingin ka sa taong kumakausap sa iyo?" Kahit kalmado ang pagsasalita niya, naramdaman ko sa kaniya ang panggigigil.
Sa katunayan niyan, hindi ko magawang matingnan siya dahil sa nararamdaman kong takot. Baka nga sa oras na makita niya ang nakakayamot kong mukha ay magalit na naman siya. Subalit akin pa rin siya sinunod at baka ako'y kaniyang pagalitan.
Sinubukan kong tingnan siya at nang makita ang ang mga titig niya, tila ba kakainin niya ako ng buhay. Pinipigilan ko lang ang sariling huwag maluha at mahigpit kong hinawakan ang mga kamay ko.
Maya-maya pa ay nilihis na niya ang kaniyang tingin at tumalikod. Nang siya ay tumalikod, nakahinga ako nang maluwag.
"Puntahan mo na si Manang Ester. Tell her to prepare a meal for you," utos niya na nananatili pa ring nakatalikod.
Hindi ako sumagot at baka mainis siya sa aking boses. Dali-dali akong lumabas ng kaniyang silid at bumaba.
"Manang?" tawag ko sa kaniya habang hinahanap ko siya. Sa katunayan niyan ay gutom na nga ako. Napagod din ako sa biyahe namin.
Nang makita ay nagpaluto na ako ng pagkain at nagpahiwa na rin ng pakwan. Nang ako ay makakain, humupa rin ang nararamdaman kong takot kanina.
Grabe, sarap na sarap talaga ako sa pakwan. Parang dati naman, normal lang ang lasa ko rito, pero ngayon na buntis na ako, parang ito na ang pinakamasarap na prutas na nakain ko sa talambuhay ko.
"Parang mas masarap siguro na gawing milkshake ito. Ano sa tingin mo, baby?" isip ko. Tumingin ako sa aking tiyan at pinakiramdaman siya. Para bang may narinig akong munting tinig na sumang-ayon sa aking kagustuhan. Ako'y kinilig at humiling kay Manang Ester na gawan niya ako ng milkshake na watermelon.
"Naku, hija, pasensya ka na… Hindi ako maalam sa milkshake-milkshake na iyan," tugon niya.
"Hala! Okay lang po, manang. Kainin ko na lang po ito. Huwag niyo na lang po problemahin iyong hiling ko," masaya kong bigkas.
Nanghinayang naman ako. Pati rin kasi ako ay hindi marunong sa paggawa ng milkshake. Ewan ko rin at bakit ko iyon naisip. Na-disappoint tuloy ang baby ko.
"Pasensya na, ah. Next time na lang siguro," bulong ko kay baby.
Hindi ko namalayan na umalis pala si Manang Ester. Patuloy pa rin ako nakaupo dito sa kusina habang kumakain at iniisip ang simpleng milkshake.
Mga ilang sandali pa lang ay naglakad sa harapan ko si Ziglar. Medyo nabigla ako sa biglaang pagsulpot niya. Ibinaba ko ang kinakain kong pakwan at uminom ng tubig.
"Sabi ni Manang na gusto ng baby ko ang watermelon milkshake?" malumanay niyang sambit habang may kinukuha siya rito.
"O-Opo… Gusto nga niya..." tipid kong sagot. Akin naman siya sinisilip-silip.
Sa ngayon, abala siya sa kung ano man ang ginagawa niya sa kusina. Hindi ko matukoy kung ano ang binabalak niyang gawin. Ngunit nang makitang inilabas niya ang blender, condensed milk, at iba pang ingredients ay parang namukaan ko na kung ano ang gagawin niya. Hiniwa rin niya sa maliliit na piraso ang pakwan at inilagay sa blender.
Teka, gagawa siya ng milkshake? Dapat hindi na siya nag-abala pa. Nakakahiya…
Nang matapos ay inabot n'ya sa akin ang isang basong milkshake. Nailang naman akong kunin ito, pero masyado namang nakakahiya kung hindi ko ito kinuha. Pinaghirapan din niya ito at isa pa, para rin ito sa anak niya.
Tama. Ginawa lang niya ito sa batang dinadala ko.
"Thank you…" mahina kong pasasalamat at inumpisahan ko na inumin ito. Nasamid naman ako dahil sa sobra nitong sarap at lamig.
Hindi ko aakalain na pupuntahan ako ni Ziglar at mag-aalala sa akin. Hinagod niya ang aking likuran at nagwika ng "Are you alright, Isabella? Pangit ba ang lasa? Wait, gagawa na lang ako ng bago."
"A-Ah… No need na po. Actually, nasarapan nga ako… Nabigla ako sa sarap nito kaya nasamid po ako," natatawa kong usap.
"Pft! Akala ko kung ano na."
Nabigla ako sa aking nasaksihan. Napatitig naman ako sa masaya niyang mukha. Ngayon ko lang kasi ito nasilayan. Ngayon ko lang din narinig ang tawa niya, kahit katiting na tawa lamang ito. Kaya rin pala niya tumawa? Mas pumopogi pa nga siya kapag tumatawa siya. Sana makuha ni baby ang maganda niyang ngiti, pati na rin ang kaniyang mukha.
Hindi ko namalayan ang matagal na pagtitig ko sa kaniyang mukha na kanina lamang ay takot na takot akong tingnan ito. Natauhan na lamang ako nang dumikit ang kaniyang daliri sa aking pisngi nang balak niya akong haplusin.
Mabilis ako napapikit-pikit at binalin ang atensyon ko sa milkshake. Umalis na rin siya sa aking tabi at naglakad papunta sa aking harapan.
Habang iniinom ito ang siya ring pag-inom ng milkshake niya. Naging tahimik at payapa ang araw namin ngayon.
Sana magtuloy-tuloy ito.