Chapter 4

2092 Words
CARMELA "Daevon, maawa ka naman sa akin, o!" umiiyak kong sigaw habang siya ay nag-aayos sa kaniyang sarili. Walang emosyon niya akong binalingan ng tingin kaya mas lalo akong naiyak. I'm really hopeless. Ilang oras na lang ay darating na ang judge para ikasal kaming dalawa. Hindi naman ako makatakas dahil mahigpit ang seguridad sa mansyon na ito. "Hindi ka matatali sa akin habang-buhay kung iyon ang iniisip mo. Pagkatapos ng limang buwan ay maghihiwalay din tayong dalawa." "Nagsasabi ka ba ng totoo?" Kahit na maganda ang intensyon niya tungkol sa pagpapakasal namin ay hindi pa rin mawawala ang pagdududa ko sa kaniya. "Kailan ba ako nagsinungaling sa 'yo? Basahin mo ng maigi ang kontrata na iyan at ng hindi ka na magduda sa akin." Binigay niya ang isang folder kaya agad ko itong kinuha. Nang mabasa ko lahat ang nakasaad sa kontrata ay hindi na ako nagdalawang-isip na pirmahan ito. Sa ngayon, pipiliin kong magtiwala sa kaniya at nasisiguro kong hindi niya ako bibiguin. Kayang-kaya kong magtiis ng limang buwan bilang asawa niya kung ang kapalit naman nito ay ang kalayaan ko. Mabilis lumipas ang araw kaya sasakyan ko na lang siya sa gusto niyang mangyari. "Mauna na ako sa baba. Nandiyan na lahat ng gagamitin mo mamaya." Bago siya umalis ay tinuro niya ang puting box at dalawang paper bag na nasa ibabaw ng kama ko. "Thank you, Daevon." Nang makarating ako sa baba ay nandoon na ang judge. Si Elias at Nanay Flora ang witness namin. Gusto ko ng matapos ang seremonyang ito kaya pinirmahan ko agad ang marriage certificate pagkatapos ideklara ng judge na kasal na kami ni Daevon. "Akyat lang ako sa taas, Daevon. Medyo nahihilo kasi ako ngayon," pagsisinungaling ko para lang makatakas sa salo-salo na hinanda nina Nanay Flora. "Ihatid na kita sa taas," presinta niya. Mabilis akong umiling. "Huwag na, kaya ko pa namang maglakad papunta sa kwarto mo." Gusto kong magwala ngayon dahil napaka-unfair naman ng mundo sa akin. Wala naman akong kasalanan pero bakit ako ang pinaparusahan nila? Sinira ni Daevon ang dream wedding ko. Nakakapanghina dahil kinasal ako sa lalaking demonyo at ang masaklap pa diyan ay hindi niya ako mahal. "Hija, hindi ka ba nagugutom?" tanong ni Nanay Flora. "Hindi po," magalang kong sagot. Pero ang totoo niyan ay kanina pa kumakalam ang sikmura ko. Nagkulong ako dito sa silid ni Daevon dahil ayoko munang makisalamuha sa kanila. Kanina pa ako umiiyak dahil sobrang pait ng kapalaran ko. Isa na akong Segovia at hindi ko iyon kayang tanggapin. Pakiramdam ko ay ginagamit ko lang siya kahit hindi naman. Siya naman ang may ideya nito kaya dapat hindi ako ma-guilty. "Bumalik ka na sa baba, 'nay. Ako na ang bahala sa kaniya," narinig kong utos ni Daevon sa matandang ginang. Mariin akong napakagat sa aking labi dahil mukhang wala na talaga akong pag-asang makaalis dito. Ano ba talaga ang balak niya? Ang ikulong niya ako sa silid na ito? Hindi niya ba naiintindihan na may sarili akong buhay at desisyon. Ano naman ngayon kong malalagay sa peligro ang buhay ko kapag umalis ako sa poder niya. Bakit ba kasi concerned siya sa akin? Ano ba 'yan, ba't ba ako galit sa kaniya e ako itong tangang pumayag sa gusto niyang mangyari. Ako na nga itong tinutulungan pero ako pa itong ang daming sinasabi. Hay nako, Carmela! "Gusto mo bang mamatay sa gutom?" masungit niyang tanong at nilapag niya ang isang tray ng pagkain sa harapan ko. Matalim ko siyang tinignan. "I am now your wife. Ibig sabihin ba niyan ay magkatabi na tayong matulog mamayang gabi?" Tumawa siya ng malakas kaya nahihiyang napayuko ako. Nakakahiya ka, Carmela! Baka isipin niyang nagpapakipot lang ako kanina kahit ang totoo niyan ay gustong-gusto ko siyang maging asawa. "Depende. Bakit gusto mo bang magtabi tayong dalawa?" Isang mapaglarong ngisi ang ginawad niya sa akin kaya natameme ako bigla. "Hindi 'no! Sa guestroom na ako matutulog mamaya," mabilis kong sambit. "Alright. Kumain ka na at may pag-uusapan pa tayo." Kada subo ko ay napapatingin siya sa akin. Siguro kung maayos lang kaming nagkakilala ni Daevon ay baka naging crush ko siya. Teka, wala ba siyang girlfriend? Baka mamaya, meron pala! "Tapos na ako. Ano nga pala ang pag-uusapan natin?" Napaiwas ako ng tingin nang hawakan niya ang kamay ko. Kakaibang kiliti ang naramdaman ko kaya mahina ko siyang naitulak. "Alam na nila mama, Kuya Havier at Kuya Uno na kasal na tayong dalawa. Kahit anong mangyari, pwede bang magtiwala ka sa akin at kumapit ng mahigpit?" "Galit ba sila sa 'yo? I'm sorry," guilty kong sabi. "Ikaw naman kasi, masyado kang padalos-dalos sa desisyon mo. Baka mamaya sugurin ako ng girlfriend mo kapag nalaman niyang kasal na tayong dalawa." Tama ba talaga ang naging desisyon ko? Hindi ko maiwasang kwestyunin ang sarili ko dahil alam kong sa oras na ito ay baka itinakwil na nila si Daevon. Para bang ako ang dahilan kung bakit nag-aaway sila ngayon ng kapatid niya. "Wala akong girlfriend, Carmela. What do you think of me, a cheater?" Nanliit ang dalawang mata niya at napasimangot siya. "Kapag nagmahal ako, siya lang. Kahit pa lapitan ako ng mga sexy at magandang babae ay hindi ako mangangaliwa at lilingon pa sa iba. Ganiyan ako magmahal, Carmela." "O-okay," nauutal kong tugon. "Siya nga pala, ano ang itatawag ko sa 'yo? Maximo ba? Nasabi kasi ni Nanay Flora na bawal kitang tawagin na Daevon." "You can call me Daevon, Carmela. Aalis na ako para makapagpahinga ka ng maayos. Kung may kailangan ka, 'wag kang mahiyang utusan ang mga kasambahay ko." Hindi ako sanay sa buhay senyorita kaya ng makaalis siya ay agad akong naglinis sa kaniyang silid. Magulo ang closet niya kaya inayos ko ang mga nagkalat niyang damit. Aalis ulit silang dalawa ni Elias kaya lalabas ako mamaya para makipagkilala sa mga kasambahay niya. Ayoko namang isipin nilang maldita ako at pangit ang ugali ko. Nang matapos kong linisin ang bawat sulok ng silid ni Daevon ay dumiretso ako sa opisina niya. Hindi naman siguro siya magagalit kapag pinakialaman ko ang mga gamit niya. Habang pinupunasan ko ang bookshelf nito ay biglang bumukas ang pintuan. Nagkukumahog na nilapitan ako ng isang kasambahay at mabilis niyang inagaw sa akin ang hawak kong pamunas ng alikabok. "Ma'am, ako na po diyan. Baka masesanti pa ako kapag nalaman ni sir na naglilinis kayo ngayon dito sa opisina niya. Ang bilin pa naman niya ay huwag ka naming hayaan na mapagod sa gawaing bahay," takot na sabi niya. "Ano ka ba, 'wag kang matakot kay Daevon. Akong bahala sa 'yo. Saka hindi naman niya malalaman kung hindi mo ako isusumbong. Ano nga pala ang pangalan mo?" palakaibigan kong tanong. "Cynthia po ang pangalan ko, ma'am. Tulungan na lang po kita para hindi ka mapagod," alok niya sa akin. Bata pa si Cynthia at hula ko ay nasa bente pa lang ang edad niya. "Sige, kung 'yan ang gusto mo." Masarap siyang kausap at mukhang magkakasundo talaga kaming dalawa. Mabuti na rin na may kausap ako para hindi ako mabagot dito sa opisina ni Daevon. Napatalon ako sa gulat ng marinig kong may sumisigaw sa baba. Diyos ko, ayan na nga ba ang sinasabi ko. Siguro isa ito sa mga babae ni Daevon na gusto akong balatan ng buhay. "Tumabi ka diyan sa daraanan ko, Flora. Huwag mo akong harangan kung ayaw mong itulak kita!" sigaw ng babae sa baba. Biglang uminit ang ulo ko dahil hindi man lang niya ginalang si Nanay Flora. Siya na nga itong nanggugulo sa teritoryo namin tapos siya pa itong galit at matapang. "Ma'am, saan po ba kayo pupunta?" takot na tanong ng matanda. "Sa taas dahil gusto kong kausapin ang malanding babaeng pinakasalan ng anak ko. Ang kapal ng mukha niyang gamitin si Daevon. Anak siya ng kriminal kaya ang dapat sa kaniya ay palayasin dito." Kinain ng matinding takot ang buong sistema ko dahil sa puntong ito, kung may gagawin man siya sa akin ay hindi ko kayang lumaban. Kahit ngayon lang ay sasaluhin ko ang galit nila para naman kahit papaano ay maibsan ko ang galit at sakit sa kanilang puso. Pero tama bang ako ang pagbuntungan nila? Hindi porket anak ako ni papa ay ituturing na rin nila akong parang isang kriminal. "You b***h! Gagawin kong impyerno ang buhay mo dito sa pamamahay ng anak ko. Hangga't buhay ako ay hindi ka magiging masaya sa piling ni Daevon. I despise you and your father. Hindi bagay sa 'yo na dalhin ang apelyido namin. Hindi ka man lang ba na-guilty?" "Alisha," banta ni Nanay Flora. Napayuko ako at walang salita na lumabas mula sa bibig ko dahil parang may bumara sa lalamunan ko. "Magsalita ka!" Marahas niyang hinila ang kamay ko kaya napadaing ako. Nang mapansin niyang wala akong balak patulan siya ay malakas niyang sinampal ang pisngi ko. "I'm sorry," ang tanging nasabi ko sa kaniya. "If you're sorry, then tell us where your father is. Imposibleng hindi mo alam kung saan siya nagtatago. Give us the justice that we deserve!" Humagulgol siya sa iyak kaya mas lalong kumirot ang puso ko. Huwag kayong mag-alala dahil kapag nalaman ko kung saan nagtatago si papa, ako na mismo ang magtatawag ng pulis. What he did is immoral and I don't justify his act. Sa totoo lang, nahihiya akong harapin sila. Siguro makapal talaga ang mukha ko gaya ng paratang ni Ma'am Alisha sa akin. "Hindi ko po talaga alam kung nasaan si papa ngayon," pahayag ko sa kaniya. "Liar! Kung si Daevon ay napikot mo, p'wes ako hindi. You really don't deserve my son. Kahit saang anggulo walang-wala ka sa kalingkingan ni Nathalia. Alam ko ang tulad mong babae, isa kang gold digger na umaasa sa mga mayayaman na lalaki para makaahon sa kahirapan." Dahil sa mga pinagsasabi niya ay napigtas na ang pasensya ko. "Mawalang galang lang po, Mrs. Segovia. Oo, mahirap ako pero hindi ako tulad ng babaeng inaakala mo. Hahayaan kitang sampalin at sabunutan ako pero ang pagsabihan ng malandi, gold digger at manggagamit ay ibang usapan na 'yan." "At sumasagot ka pa talaga. Wala ka talagang class," pang-iinsulto niya ulit sa akin. "Kung ayaw mo sa akin, hindi ko na problema iyon. Hindi ko naman pinagpipilitan ang sarili kong tanggapin mo ako. Saka for your information po, hindi ko pinilit si Daevon at siya ang nagpumilit na pakasalan ko siya." Sisigawan na sana niya ako subalit biglang dumating si Daevon. Plastic niya akong nginitian at nagkunwari siyang parang walang nangyaring bangayan sa pagitan naming dalawa. "Mama, ano ang ginagawa mo dito?" Madilim ang awra ni Daevon at mukhang sa anumang oras ay sasabog na siya sa galit. "Gusto ko lang makita ang asawa mo, anak. Hindi ba ako welcome sa mansyon mo?" Naging malambot ang boses ng ginang subalit matalim ang tingin niya sa akin. Napaatras ako dahil biglang hinawakan ni Daevon ang kamay kong hinila kanina ng mama niya. "Of course, you are welcome here. Pero kung lalaitin at babastusin mo ang asawa ko ay mas mabuti pang 'wag ka na lang pumunta dito." Namutla ang ginang at nanginig ito sa takot. Kinurot ko ang kamay ni Daevon kaya napatingin siya sa akin. Nagtitigan kami ng matagal at hindi ko na kailangang magsalita pa dahil nakuha naman niya ang nais kong iparating. "Anak naman, hindi ko naman binabastos ang asawa mo kahit tanungin mo pa siya." "Wala namang sinasabing masama ang mama mo sa akin, Daevon. Ba't pala bumalik ka kaagad?" Ayokong pati ang mama niya ay kalabanin niya kaya pinagtakpan ko na lang si Mrs. Segovia. Gusto kong patunayan sa kaniya na mali siya ng inaakala sa akin. "Don't lie to me, mama. Rinig na rinig ko sa labas ang boses ninyong dalawa. Please, bumalik ka na sa mansyon at susunod rin ako sa 'yo." "Hindi ako aalis dito hangga't hindi ka sumasama sa akin. Kailangan kita, Daevon. Maiintindihan naman siguro ni Carmela kung mananatili ka muna sa aking tabi habang nagluluksa ako sa pagkawala ng ama mo," pakiusap ni Ma'am Alicia. Ang inis na nararamdaman ko para sa kaniya ay nawala na parang bula nang marinig kong basag na boses niya. She was really hurt, and I couldn't fathom how miserable she was right now. "Sumama ka na, Daevon. Okay lang naman ako dito at hindi naman ako aalis. Unahin mo muna ang pamilya mo," makahulugan kong sabi. Bago umalis si Mrs. Segovia ay lihim niyang tinapakan ang paa ko. Napangiwi ako dahil ang tulis nang takong ng sandal niya. Paika-ika akong naglakad at ng lingunin ako ni Daevon ay tumayo ako ng tuwid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD