Chapter 3

2118 Words
CHAPTER 3 "Ano bang ginagawa mo?!" singhal ko sa lalaking nagpigil sa akin na maka-akyat sa hagdan. Tumayo ako at pinagpagan ko ang sarili ko. "Iniligtas ko lang ang buhay mo," aniya. Bumaling muli ang tingin ko sa kanya. "Iniligtas?! Saan? Nakita mong may hinahabol ako, 'diba? Bakit ka nangialam? Kasamahan mo ba 'yon?!" hindi ko maiwasang hindi magtaas ng boses sa kanya. Hindi pa rin lumalamig ang ulo ko at lalong uminit iyon dahil sa ginawa ng lalaking kaharap ko. "Kapag umakyat ka riyan, mamamatay ka," kalmado pa rin ang boses niya. Panibagong katanungan na naman ang nabuo sa isip ko. "Ano?" tanong ko. Tumingin siya sandali sa hagdan at muling tumingin sa akin bago nagsalita, "Ang hagdan na 'yan ay papunta sa Level 1, kapag umakyat diyan ang gaya mo na no level...ikamamatay mo." Lalo yatang lumalim ang kunot sa noo ko. "Ano bang sinasabi mo?!" Nakita ko ang pagbaba at taas ng kanyang balikat. "Bagong pasok ka lang ba dito?" Sinagot ko siya ng isang tipid na pagtango kahit pa hindi ko alam ang ibig niyang sabihin. "Sige, hayaan mong ipaliwanag ko sa 'yo ang lahat...para hindi na rin maulit ang ginawa mong pagtangka na tumawid sa mas mataas na level rito sa Domus." "Domus?" agad kong tanong. "Oo, iyon ang tawag sa mundong ito." "Sandali...hindi kita maintindihan—anong mundo? Domus? A-anong..." Natigil na lang ako sa pagsasalita nang iangat niya ang kaliwang kamay niya. "Kaya nga ipaliliwanag ko na sa 'yo lahat...nang hindi ka na naguguluhan diyan." Lumingon siya ng bahagya na para bang may itinuturo sa gawing kanan niya. "Halika, maupo muna tayo roon dahil nakakangawit magsalita ng nakatayo." Hindi na 'ko umangal at sumunod na lang ako nang maglakad siya. Hindi ko rin kilala ang lalaking ito, pero wala naman akong nararamdamang kakaiba sa kanya gaya ng naramdaman kong galit sa unang lalaki kanina. Puwedeng hindi ko siya kilala...o maaring magpakilala siya sa aking ngayon. Wala talaga 'kong ideya... Naupo kami sa isang upuan na kakulay lang ng paligid. Wala namang ibang kulay dito kundi puti. "Kagaya ng sinabi ko kanina, ang lugar na ito ay tinatawag na Domus. Dito dinadala ang mga gaya natin na nabigyan ng pagkakataon na matupad ang huling kahilingan pagkatapos mamatay." "Anong sabi mo?" hindi makapaiwalang tanong ko. Ngumisi siya sa akin. "Ganyan din ang naging reaksyon ko nu'ng unang dating ko rito...hindi ko rin matanggap na...patay na 'ko." "Kung patay na 'ko o tayo, paanong nagagawa pa nating magkwentuhan dito? Ano ito...isa na tayong anghel?" Tinawanan niya ang sinabi ko, tumingin siya sa akin na para bang iniiwasan niyang magkaroon ako ng masamang impresyon sa kanya. "Hindi tayo anghel! Ewan ko rin paano ko sasabihin sa 'yo pero...narito tayo dahil binuhay tayo muli ng Creator. Siya ang may-ari ng mundong ito at siya rin ang magbibigay sa atin ng kahit anong hiling natin kapag nagawa na natin ang misyon natin dito." "Sinong Creator? Paanong namatay na tayo at binuhay niya ulit tayo? Anong hiling? Anong misyon? Wala akong maintindihan sa sinasabi mo..." Tumingin siya sa kawalan. "Gaya ng sabi ko, si Creator ang may-ari ng mundo na ito na tinatawag na Domus. Ginawa niya ang mundong ito at binuhay niya muli ang mga gaya natin para bigyan ng isa pang pagkakataon na ayusin ang mga pagkakamali natin noong nabubuhay pa tayo sa mundong pinanggalingan natin. Walang malinaw na paliwanag kung paaano siya mamili ng bubuhayin niya, pero maraming nagsasabi na ang mga narito raw ay nagawang magsisi bago tuluyang malagutan ng hininga." Patuloy lang akong nakinig. "Kapalit ng gagawin nating pagtatama sa mga kasalanan natin, bibigyan niya rin tayo ng karapatan na humiling ng isang bagay sa kanya...kahit ano!" "Kung totoo ang sinasabi mo, paano mo 'yan nalaman? Anong basehan mo sa mga sinasabi mo?" "Basehan? Kailangan pa ba 'yun? Hindi lahat ay kaya kong ipaliwanag, basta paniwalaan mo na lang ang sinasabi ko sa 'yo." "Paano kita paniniwalaan kung hindi naman kapani-paniwala ang sinasabi mo?" "Sige, kung ayaw mong maniwala...isipin mo na lang...paano ka napunta rito? sino ka? ano ang nakaraan mo?" "Ah...ano..." Napayuko na lang ako. "Ano? Hindi mo rin alam, 'diba? Kasi nga, namatay ka na at binuhay ka na lang niya ulit—sa ibang katawan nga lang." Bumalik ang tingin ko sa kanya. "Ibig mong sabihin, hindi ito ang dati kong katawan? Kaya ba wala akong maalala na kahit ano? At hindi ko rin alam na namatay ako?" "Mismo!" "Kung gan'on, kaninong katawan ito?" "Ang katawan na gamit natin ay parang isang manika na kasamang ginawa pagkatapos nitong Domus." Napatango na lang ako. Nagkakaroon na ng linaw ang mga tanong ko. Muli akong lumingon sa kanya para magbitaw ulit ng tanong, "Bakit niya ito ginagawa?" "Hindi ako sigurado kung bakit niya ito ginagawa, pero ayon pa rin sa mga usapan dito ng mga kapwa nating binuhay muli, ginagamit niya lang talaga ang mga kaluluwa ng mga namatay na para mabigyan ng buhay ang mga manikang ginawa niya. Tapos, siguro, may limitasyon din ang kapangyarihan niya kaya ang itatagal lang natin sa katawang ito ay hanggang sa magawa natin ang misyon na sinabi niya." "Paano mo ba nalaman ang tungkol sa bagay na 'yan?" Napabuntong hininga siya. "Hindi ka rin makulit, ano? Sabi ko nga...sinabi lang din ng iba iyon sa akin." Sandali siyang napayuko at tila nag-isip kung may sasabihin pa siya. Nang lumingon siya muli sa akin ay nakinig talaga ako. "Matagal na 'ko rito...marami na 'kong alam...marami na 'kong nasaksihan." "Gaano katagal?" "Hindi ko alam...basta, alam ko lang." "Ang sabi mo kanina, may limitasyon din ang kapangyarihan ng Creator. Paano ka nakakatagal?" "Ewan ko. Siguro kasi...hindi ko pa tapos ang misyon." "Ano bang misyon iyon?" "Ang burahin ang lahat ng kasalanan na nakasulat sa Crime Dictionary." Isang bagay na naman ang pumukaw sa atensyon ko. "Crime...dictionary?" "Iyon ang tawag sa librong hawak ni Creator. Doon nakasulat ang lahat ng pangalan ng mga taong nandito sa loob ng Domus. Tinawag itong crime dictionary dahil sa tapat ng pangalan mo ay ipinapaliwanag nito ang mga kasalanang nagawa mo noong nabubuhay ka pa. Iyon din ang parehong bagay na sinabi ko kanina, kailangan mo iyong burahin kapalit ng paglabas mo rito at ng isang hiling." "Paano ko naman malalaman kung ano ang mga kasalanan ko?" Tumingin siya sa akin saka muling nagsalita, "Manood ka." Tumingin siya sa harapan niya, paglipas ng ilang segundo ay may salita siyang binanggit, "Aperio." Nagulat na lang ako nang may lumitaw na lumulutang na liwanag sa harapan namin. Nandoon lang ang atensyon ko at hindi ko na siya nilingon nang ipaliwanag niya kung ano iyon. "Sa paningin mo, isang simpleng liwanag lang ang lumabas. Pero sa akin na tumawag dito, isa itong pahina ng libro na nagpapakita ng mga kasalanang nagawa ko sa buong buhay ko." Hindi na 'ko nakaimik pa ulit nang may kakaibang salita na naman siyang sinabi, "Pressim." Nang sinabi niya iyon ay nawala na ang liwanag sa harapan naming dalawa. Muli siyang nagsalita, "Naiintindihan mo na ba ang lahat?" "Hindi pa...madami pa akong hindi naiintindihan. Gaya na lang ng binanggit mo kaninang 'level 1' noong balak kong sundan ang lalaking kalaban ko kanina. Bakit mo ba 'ko pinigil?" "Dito sa Domus, maari mong gawin ang ano mang bagay na gusto mo, pero may kapalit na kaparusahan ang mga pagkakamali. Hindi dahil nasa ibang mundo ka na ay perpekto ka na. Kasama sa parusang iyon ay ang pag-akyat sa mataas na level kung mas mababa ang level mo." "Ang ibig mong sabihin...mas mataas ang level ng lalaking iyon sa akin?" "Posibleng oo at posible ring hindi. Maaring gaya mo ay hindi niya rin alam ang tungkol sa parusa kapag umakyat ka sa level na mas mataas sa 'yo." "Ano bang parusa kapag umakyat ka sa mas mataas na level sa 'yo?" "Kamatayan...isang permanenteng kamatayan. Babalik ka sa dati mong katawan at wala ka ng pagkakataon na makabalik pa rito sa Domus para linisin ang mga pagkakamali mo noon." "Paano mo nalamang mas mababa ang level ko at hindi ako puwedeng umakyat?" "Sa kulay ng kwintas na suot mo." Sinilip ko naman ang kwintas na sinabi niya. Kulay puti ito at hugis bilohaba. "N-nash?" wala sa sariling sabi ko nang mabasa ko ang nakasulat doon. "Iyan na ang bago mong pangalan, Nash. At ikinagagalak kitang makilala..ako naman si Bash." Inilahad niya ang kamay niya sa harap ko tanda ng gusto niyang makipagkamay kaya malugod ko iyong tinanggap. Pagkatapos naming magkamayan ay nagtanong pa ako, "Paano tataas ang level ko?" "Kailangan mong bawasan ang mga kasalanan mong nakasulat sa Crime Dictionary ng Creator. Iyon lang ang tanging paraan para magawa mong maka-akyat. At kapag masipag kang maglinis ng kasalanan, mas mabilis kang makaka-akyat sa level 5. Tapos, kung talagang swerte ka at nabura mo na ang lahat ng kasalanan mo...puwede ka nang umakyat sa lugar ng Creator at puwede mo nang kunin ang isang hiling mo." Hinawakan ko ang kwintas ko. "Anong level mo na ba?" tanong ko. "Level 3." Bumaling ang tingin ko sa kanya. "Anong ginagawa mo rito sa no level?" "Namamasyal...nag-iikot...naghihintay...at may gustong patunayan." Kumunot na naman ang noo ko sa kanya pero hindi na 'ko nagtanong pa tungkol doon. Masyado na yatang personal kung uusisain ko pa iyon. "Puwede na 'kong magsimula na magbawas ng kasalanan ngayon, 'diba?" tanong kong muli para maiba ang usapan. "Oo, gusto mo ba ng tulong?" Bahagyang lumiwanag ang tingin ko sa kanya. "Talaga?" "Oo naman, wala rin naman akong ginagawa. Saka...alam kong madami ka pang hindi alam. Baka nga hindi mo pa alam ang virtus mo." "Ano?" Pagak siyang tumawa. "Iyon ay ability na ibinigay sa 'yo nu'ng mabuhay ka ulit at dalhin dito. Maari mo 'yung magamit para makatulong na mabura ng mabilis ang mga kasalanan mo." "Paano ko 'yon malalaman?" Siya naman ang nagkaroon ng kunot sa noo. "Naglaban kayo ng lalaki kanina, 'diba? Hindi mo ba 'yon ginamit?" Bahagyang umawang ang bibig ko. "Nagawa niyang sirain ang parte ng haligi at nagawa niya rin itong ihagis papunta sa akin. Pero bago 'yon tumama sa akin ay huminto iyon sa gitna naming dalawa. Hindi ko alam ang nangyari kaya—" "Maaring may kinalaman doon ang virtus mo. Hindi mo ito alam gamitin pero dahil sa tawag ng pangangailangan ay kusa mo 'yong nagamit. Ang galing mo!" "Kaso...hindi ko alam kung—" "Ayos lang 'yon...mahaba pa naman ang oras at malalaman mo rin 'yan." Tumayo siya saka muling nagtanong. "Oo nga pala, sino ba 'yung lalaking iyon at bakit mo siya hinahabol? Bago ka lang pero may nakalaban ka agad." Ipinagdikit ko ang dalawang palad ko. "Hindi ko rin alam...basta kanina nu'ng naglilibot ako sa paligid, naramdaman ko na lang na may galit ako sa kanya tapos nauwi na lang sa laban ang paghaharap namin...hindi ko rin talaga maintindihan." Nagulat na lang ako nang tinapik niya ang kaliwang balikat ko. "Maswerte ka! Maaring parte siya ng past life mo! Puwede siyang makatulong para mabura ang mga kasalanan mo." "Bash...wala bang paraan para malaman mo ang nakaraan mo? Ibig kong sabihin, maalala ko ang mga nangyari sa akin sa dati kong buhay at kung bakit ako namatay." "Pasensya na, Nash. Kahit matagal na 'ko rito...hindi ko rin alam ang sagot sa tanong mo. Aaminin ko sa 'yo, gusto ko rin malaman ang tungkol sa dati kong buhay. Pero sa palagay ko, may dahilan ang Creator kung bakit binura niya 'yon sa memorya natin. Puwede rin na dahil nasa ibang katawan na tayo kaya kusa itong nawala. Masanay ka na lang na madaming bagay talaga rito na walang katapat na paliwanag." Napabuntong hininga na lang ako at tahimik na sumang-ayon sa sinabi niya. Tumayo ako at muling nagsalita, "Tama ka. Mas dapat ko munang bigyan ng pansin ang makapagbura ng kasalanan at mahabol ang level mo. Para naman hindi nakakahiya sa 'yo na nandito ka pa para samahan ako." Tumawa siya ng pagak at muling tinapik ang balikat ko. "Walang problema sa akin 'yon, masaya 'kong makatulong sa 'yo." Pagbaba ng kamay niya ay nagsalita siyang muli, "Hindi mo ba sisilipin muna ang pahina mo sa Crime Dictionary?" Napayuko ako. Hindi ko alam kung handa ba 'kong mabasa at malaman ang mga kasalanang nagawa ko. Ngayong alam ko na ang kwento kung bakit ako nandito...tiyak kong may rebelasyon na naman akong malalaman kapag nakita ko ang pahinang tinutukoy ni Bash. "Mamaya na lang siguro. Ipaliwanag mo na lang muna sa akin kung paano magbura ng kasalanan sa Crime Dictionary." "Madali lang! Kailangan mo lang gumawa ng mga mabuting bagay o 'di kaya ay gawin ang kabaliktaran ng mga kasalanan mong ipinapaliwanag sa pahina mo." Napabuntong hininga na lang ako. Marami pa talaga akong hindi maintindihan pero tingin ko...unti-unti ko rin iyong maiitindihan kapag nagtagal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD