CHAPTER 4
Nash's POV
Para lang kaming namamasyal ni Bash sa no level stage, isang pamamasyal na hindi ko rin magawang ikatuwa dahil wala naman akong makitang kahit ano kundi puting paligid lang. Hindi ko alam kung nagawa ko bang mamasyal sa dati kong buhay, pero kahit papaano naman ay alam ko na ang pamamasyal ay dapat may makikita kang ikabubusog ng mata mo. Maging ang tanawin kasi sa labas ng Domus ay puti lang din. Kung tutuusin, para kaming nakakulong sa lugar na ito.
Sa tagal na magkasama kami ng masasabi kong kaibigan ko rito na si Bash, madaming bagay pa siyang sinabi sa akin. Kagaya na lang ng sukat ng Domus, wala itong katapusan... walang dulo. Iyon pala ang rason bakit kanina nu'ng tumatakbo ako ay parang pare-pareho lang ang paligid na nakikita ko.
"Oo nga pala, p're... kung may virtus tayo at magagamit natin ito para mabura ang mga kasalanan natin, bakit iyong virtus ng nakalaban ko kanina ay parang makakapatay na?" tanong ko kay Bash.
"Nash, Nash, Nash... talaga bang likas na sa 'yo ang maging makulit? Ganyan ba ang ugali mo sa past life mo? Sabi ko nga kanina, 'diba? May bagay na walang kapaliwanagan. Kaya hindi ko alam ang sagot sa tanong mo," aniya.
Napangiwi na lang ako sa naging sagot niya sa akin. Dati naman siyang naging gaya ko na no level, bakit hindi niya naisip na natural na sa gaya ko ang magkaroon ng mga ganoong tanong? Alam ko naman na tunog pangtanga ang tanong ko, pero malay ko ba rito, kaya nga ako nagtatanong.
"Bakit ba tayo lakad nang lakad?" tanong kong muli.
Bumaling muli ang tingin niya sa akin. "Ayan ang tanong!"
Kumunot lang ang noo ko sa kanya, medyo nag-iiba na kasi ang pakikitungo niya sa akin.
Itinuloy niya ang pagsasalita, "Sabi ko naman sa 'yo kanina, 'diba? Ang dapat mo lang gawin sa lugar na ito ay magbawas ng kasalanan. Wala kang ibang dapat isipin kundi ang paano buburahin ang mga nakalistang kasalanan mo." Ngumiti siya ng malapad sa akin.
Tumango na lang ako at pinilit ang sarili kong mag-isip paano ako magbabawas ng kasalanan ko. Muntik ko nang makalimutan na hindi ko pa rin pala nasisilip ang listahan ng mga kasalanang kailangan kong burahin.
Huminto ako sa paglalakad dahilan para huminto rin si Bash. Huminga ako nang malalim nang mapansin kong nakatingin siya sa akin, maaring hinihintay niya kung ano ang gagawin ko.
Napalunok ako saka binanggit ang parehong sinabi ni Bash kanina, "Aperio."
Sa isang iglap, nangyari sa akin ang parehong nangyari kanina kay Bash.
Namangha ako sa dami ng mga salitang bumungad sa akin, wala akong maalala sa nakaraan ko pero sa pamamagitan ng mga salitang nababasa ko, para bang nagkakaideya na ako kung anong klaseng tao ako rati.
"Ano? Tambak ba?" ani Bash. Tumabi siya sa akin na para bang binabasa niya rin ang nakasulat. Mabuti na lang at maaga niya akong napaaalalahanan na hindi ito makikita ng ibang tao rito maliban sa may-ari ng pahina.
"Isang pahina lang ba ang parte natin dito sa Crime Dictionary?" tanong ko sa kanya.
"Dipende." Nagkibit-balikat siya. Pero agad din niyang inilapit ang mukha niya sa pahina ng libro sa harap namin saka muling nagsalita, "Huwag mong sabihing naililipat mo ang pahina?!" aniya.
Kumunot ang noo ko sa kanya. "Huh? Hindi, wala akong ginawa. Nilinaw ko lang naman," sagot ko.
Nakaramdam siya ng ginhawa sa isinagot ko. Nakangiti siya nang sumagot siya sa akin. "Sa tingin ko naman ay hindi na aabot sa pangalawang pahina ang mga kasalanan mo. Sa laki ng librong 'yan, imposibleng kulangin pa ang isang buong pahina sa 'yo," aniya.
Ngumiti na lang ako sa kanya at binasa ko ng tahimik ang mga nakasulat.
"Hanap ka ng madali lang muna para hind tayo magtagal dito sa no level," singit niya habang nagbabasa pa rin ako.
Tumango lang ako sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko habang nababasa at nakikita ko ang mga nagawa kong mali nu'ng nabubuhay pa ako. Pero sa totoo lang, gusto kong magduda dahil hindi ko naman alam sa sarili ko kung nagawa ko ba talaga ang mga nakalista rito dahil hindi ko na ito matandaan lahat. At wala naman talaga akong maalala—
Nanlaki ang mata ko nang mabasa ko ang nasa pinakahuling kasalanang nakalista. Napaupo ako sa gulat at halos kinain ng mga salitang iyon ang buong sistema ko.
"Pare! Anong nangyari?! Anong nabasa mo?" usisa ni Bash. Napayuko siya para kumustahin ako.
Tumingin ako sa kanya, nanlalaki pa rin ang paningin ko at para akong masusuka dahil hindi ko inakala na maaalala ko ang buong nangyari...tama, tandang-tanda ko kung paano ko ninakawan ang kumpanya namin.
"B-bakit naalala ko ang nangyari sa huling kasalanang nakalista? Anong ibig sabihin n'on?" agad kong tanong.
"Tumayo ka muna," aniya saka inilahad ang kamay niya sa harap ko. Agad kong inabot iyon at tinulungan niya akong tumayo. Itinuloy niya ang kanyang sinasabi, "Maaring iyon ang pinakamabigat na kasalanang nagawa mo kaya hindi mo iyon nakalimutan," paliwanag niya.
"Anong ibig sabihin n'on?"
"Ibig sabihin, iyon ang maaring maging rason para hindi ka makaayat kay Creator. Kailangang iyon ang bigyan mo ng malaking pansin. Pag-isipan mong mabuti kung paano mo 'yun mabubura sa Crime Dictionary."
Hindi ako agad makasagot sa kanya. Ang bilis ng kabog ng dibdib ko, halos hindi makaya ng sistema ko nang maalala kong ginawa ko pala ang ganoong bagay. Hindi ko akalain na nagawa kong magnakaw...
Hinawakan ko siya sa kaliwang balikat. "Pare, naniniwala na ako sa mga sinasabi mo...totoo lahat ng kwento mo kanina! Ewan ko pero nang mabasa ko 'yung huling salitang 'yon, pakiramdam ko katapusan ko na," sabi ko.
Ilang segundo ang lumipas bago niya naproseso ang sinasabi ko, pagkatapos ay agad niya akong tinawanan. "Sa dami ng sinabi ko sa 'yo, wala ka palang napaniwalaan? Kung hindi ka pa napasilip sa pahina hindi ka matatauhan?" aniya at muling tumawa.
Tawa siya nang tawa dahil sa naging reaksyon ko, habang ako ay halos hindi na makasilip pang muli sa Crime Dictionary. Hindi ko na kayang mabasa ang bagay na nagawa ko noon.
"Pressim," banggit ko sa isang salita na magpapawala sa pahina ng Crime Dictionary sa harapan namin. Napalunok ako nang tuluyan itong mawala.
"Ano, p're? May gagawin na ba tayo? May nakita ka bang madaling gawin?"
Bumaling ang tingin ko sa kanya. "Kailangan ko bang isa-isahin sa 'yo?"
Muli na naman siyang tumawa ng pagak. "Hindi naman! May kalayaan ka namang ikwento o isekreto ang mga impormasyong nakasulat sa pahina mo. Gaya ko, wala akong binanggit na kahit anong kasalanan ko."
"Sinungaling."
"Huh? Nagsasabi ako ng totoo! Talagang—"
"Ah, hindi. Ibig kong sabihin, isa sa mga natatandaan kong kasalanang nakalista r'on ay 'sinungaling,' kaya ko iyon nasabi."
"Ah, kaya pala..." aniya saka tumango sa akin. "Normal na ang ganyang kasalanan, pati ako ay may ganyang kasalanan din," dugtong pa niya.
Ako naman ang tumango sa kanya. "Kung gan'on, anong ginawa mo para mabura iyon?"
Ngumiti siyang muli sa akin. "Simple lang, magsabi ka ng totoo," aniya.
Agad na kumunot ang noo ko sa kanya. "Huh?"
Hindi nawawala ang ngiti sa labi niya. "Ibig kong sabihin, gaya ng ipinaliwanag ko sa 'yo kanina, kailangan mong gawin ang kabaliktaran ng kasalanang nakalista sa 'yo. Kung pagsisingaling ang unang gusto mong burahin, ang dapat mong gawin ay magsabi ka ng totoo. Ganoon lang kasimple," paliwanag niya.
Hindi rin nawawala ang kunot sa noo ko. "Anong totoo ang dapat kong sabihin? Paano ko gagawin 'yon? Ikaw, paano mo ba binura ang kasalanan mo?"
Napabuntong hininga siya. "Pare, pareho tayong nakapagsinungaling na. Pero hindi ibig sabihin n'on ay pareho rin tayo ng aspeto kung saan tayo nakapagsinungaling," aniya.
Lalong tumindi ang kunot sa noo ko, hindi ko maintindihan ang logic ng nangyayari...paano ko hindi magsisinungaling—
"Puwede akong kumausap ng ibang tao, 'diba?"
Agad siyang tumango. Napangiti naman ako dahil doon.
Nagsimula akong maglakad at naghanap ng taong maaring makausap tungkol sa pagbura ng kasalanan ko.
"Pare, mag-iingat ka lang."
Napilingon ako kay Bash, sinundan niya pala ako sa paglalakad. "Ano na naman ba 'yan?" tanong ko.
"Alam mo namang may mga virtus tayong lahat, 'diba? Baka mamaya gamitin nila 'yon sa 'yo at mapahamak ka," aniya.
Natawa ako. "Pahamak?! Bakit naman nila ako ipapahamak? 'Diba ang dapat nga gawin ay mabura ang mga kasalanan mo? Kaya kung ipapahamak nila ako, mas hindi mabubura ang kasalanan nila, 'diba?"
"Mali ka."
Agad akong napahinto sa paglalakad. Kung ano-anong tanong na naman ang tumatakbo sa isip ko.
Muli siyang nagsalita, "Ang mga taong nandito ay maaring magtulungan, maaring maggamitan, at maaring magpahamak ng kasama. Ano man ang gawin nila sa mga iyon ay puwede basta maiwasan nilang magawa ang parehong kasalanang nakalista sa pahina nila."
Naikuyom ko ang kamao ko, kahit gaano kaputi at kalinis ang lugar na ito...hindi nga anghel ang mga narito. Walang anghel na magpapahamak ng kapwa!
Patuloy lang akong nakinig sa sinasabi niya, "Sinabi ko naman sa 'yo kanina, may kalayaan ang lahat na gawin ang gusto nila rito. Kaya kung ayaw ng isang tao na mabawasan ang kasalanan mo, puwede nilang panatilihin iyon sa pahina mo kung malalaman nila kung paano at kung ano ang kasalanan mong iyon. Iyon ang isang rason bakit tayo may virtus."
Muli akong napalunok. "Sa sinabi mong 'yan, para mo na ring inalis ang tiwala ko sa 'yo."
Ngumiti naman siya sa akin. "Ayos lang, hindi kita pipiliting maniwala sa mga sinasabi ko...pero gaya nga ng sabi ko kanina, isa sa mga naging kasalanan ko ay magsinungaling. Kahit nabura ko na iyon, kung magsisinungaling ako ulit ngayon, babalik 'yon sa pahina ko. Kaya hindi ako magsisinungaling sa 'yo."
Kahit paano naman ay napanatag ang loob ko sa kanya, hindi dahil sa sinabi niyang dati na siyang nagkaroon ng ganoong kasalanan, napanatanag ako dahil napatunayan ko naman na nagsasabi siya ng totoo mula sa mga sinabi niya kanina. At hindi ko itatanggi na utang na loob ko sa kanya bakit nagkaroon ako ng ideya sa mga nangyayari sa akin ngayon.
"Pasensya na, pare, napagdudahan kita. Nag-iingat lang ako dahil sa naging paalala mo," sabi ko.
Ngumiti siya sa akin. "Walang kaso 'yon, natural lang na mag-isip ka ng ganoon. Pero huwag kang mag-alala, kakampi mo talaga ako. Ugali ko lang ang tumulong," muling paalala niya.
Nauna siyang maglakad sa akin. Napalunok muna ako at sandaling kinalma ang sarili bago ko napagpasyahang sumunod sa kanya sa paglalakad. Mas mainam nang pakisamahan ko siya habang wala pa akong masyadong alam sa nangyayari rito. Alam kong nagiging tunog na ginagamit ko siya, pero gaya ng sabi niya, ayos lang iyon hangga't wala iyon sa nakalistang kasalanan ko.
At isa pa, wala naman akong planong gamitin siya para itapon kapag tapos ko na pakinabangan. Hindi ko alam ang pakiramdam ng magkaroon ng kaibigan at hindi ko rin naman alam kung nagkaroon ba ako ng kaibigan dati, pero nararamdaman kong panatag naman ang loob ko kapag kasama ko siya. Para sa akin, sapat na ang dahilan na iyon para maging magkaibigan kami.
"Kung hindi ako puwedeng basta magtiwala sa ibang tao, parang ang hirap na yatang magbura ng kasalanan kapag ganoon?" tanong ko bilang pagbati sa kanya nang makasunod na ako sa kanya sa paglalakad.
"Kaya mas mainam na humanap ka ng taong makikilatis mo ang pagkatao, 'yong kapag nakausap mo ay tiyak mong hindi gagawin ang masama gaya ng sinabi ko," paliwanag niya sa akin.
Napahinto ako sa paglalakad. Napangiti ako nang makita ko ang kunot sa noo niya nang mapahinto rin siya sa paglalakad. "Bakit? May naisip ka na bang paraan para mabura ang kasalanan mo?"
Sobra yata akong kinain ng mga ideyang sinabi niya sa akin at hindi ko naisip agad ang bagay na ito...
"Bash, gusto kitang maging kaibigan. Sana, kahit magawa mong ituro sa akin lahat ng mga alam mo, at magawa mo akong tulungan sa lahat ng makakaya mo, hindi maghiwalay doon ang landas natin. Payag ka ba?" Inilahad ko ang kanang kamay ko bilang pagpapakita na gusto kong makipagkamay sa kanya.
Sandali siyang natulala, siguro dahil hindi niya naisip na sasabihin ko iyon.
Pero ang tulala niyang mukha ay napalitan din ng isang ngisi pagkaraan ng ilang segundo. Nabigla ako nang iabot niya ang kamay ko pagkatapos ay hinila niya ako para ipagdikit ang balikat namin.
"Siyempre naman! Sino bang tatanggi riyan?! Sa lahat ng tinulungan ko, ikaw lang ang nagsabing gusto akong maging kaibigan!" halata ko ang tuwa sa kanyang boses.
At pagkatapos ng tawanang iyon, nabura ang isang kasalanan sa pahina ko.